Mabilis ang bawat lakad ko nang makababa na ako sa sinasakyan kong traysikel. Habang papalapit ako sa karinderya ni Aling Edna ay nakikita ko na ang mukha niya na galit na naman.
"Magandang tanghali---"
"Walang maganda sa tanghali ko, Ronalyn kung late ka." Singhal niya agad.
"Pasensiya na po, Aling Edna. Galing pa po kasi ako sa palengke. Nag lako pa po ako ng kakanin." Paliwanag ko.
"Wala akong pakialam. Sige na, pumasok ka na sa loob at tulungan doon si Ralph." Turan niya.
Agad akong pumasok sa loob ng karinderya at nadatnan ko roon si Ralph na abala sa trabaho niya.
"Hi, Ralph. Sorry late ako." Sabi ko at agad na sinuot ang apron ko.
"Okay lang. Kumain ka na ba?" Tanong niya.
"Hindi pa nga e. Pagkatapos ko kasing maglako ng kakanin ay dumiretso kaagad ako rito." Sagot ko at kinuha na ang isang tray na may lamang pagkain. Akmang maglalakad na ako para ihatid sa customer ang order nila nang hawakan ni Ralph ang braso ko.
"Ako na. Kumain ka muna." Mahina niyang sabi.
"Hindi na, Ralph. Kaya ko pa naman. Huwag mo akong alalahanin. Batak yata 'to." Sagot ko at tumawa. Agad niyang tinanggal ang kamay niya sa braso ko kaya naglakad na ako.
Matagal nang may gusto sa 'kin si Ralph. Hindi ko alam kung bakit ako pa 'yong nagustuhan niya. Wala na sa isip ko ang magkaroon ng boyfriend. Tanging pinagtutuunan ko ngayon ay kung paano ako kikita ng pera para makaraos kami ng mga kapatid ko sa araw-araw.
Simula nang mamatay sa aksidente ang mga magulang ko ay ako na ang naging magulang ng dalawa kong kapatid na sina Geraldine at Charles.
Lahat na alam kong trabaho ay pinasok ko na, mabuhay lang kaming magkakapatid. Hindi madali ang kumita ng pera. Kahit pagod ka na ay kailangan mo pa rin magtrabaho. Kailangan mong paghirapan. Kasi kung tatamad tamad ka ay, sa kalye ka madaratnan na nagmamakaawa at humihingi sa mga taong dumaraan. At ayokong mangyari sa amin 'yon.
---
"Tulala ka na naman." Biglang sabi ni Michelle at umupo sa harap ko.
"Alam mo, bigla-bigla ka na lang sumusulpot. Para kang kabuti." Sabi ko na ikinatawa niya.
"Bakit ka kasi tulala dyan? Ano na naman problema mo?" Tanong niya. Siya lang ang naging kaibigan ki rito sa barangay namin. Masuwerte siya dahil maganda ang trabaho niya. Isa siyang personal assistant. Kaya medyo malaki ang sahod niya.
"Iniisip ko kasi kung saan pa ako hahanap ng iba pang trabaho." Sagot ko. Bumuntong hininga siya sa sinabi ko.
"Naku, Ronalyn. Hindi ka ba napapagod sa mga trabaho mo ngayon? Nagtatrabaho ka sa karinderya, naglalako ng kakanin, nagba-bartender ka rin sa bar. Halos lahat na yata ng trabaho gusto mong pasukan. Magpahinga ka naman kahit saglit lang." Sermon niya. Hindi ako pwedeng magpahinga. Kailangan ako ng dalawa kong kapatid. Kapag nagpahinga ako ay wala kaming kakainin.
"Hindi pwede, Mich. Kailangan ako ng mga kapatid ko. Kaya kailangan kong magtrabaho." Sagot ko.
"Ang swerte naman ng mga kapatid mo at ikaw ang naging ate nila. Pero sana huwag mo rin pabayaan ang sarili mo." Sabi niya.
"Salamat, Mich. Salamat kasi may nasasabihan ako ng mga problema ko." Sagot ko. Ngumiti siya at niyakap ako.
"Syempre naman. Sino pa ba ang magtutulungan, kundi tayo lang din. O siya, kailangan ko ng umalis. May pupuntahan pa kami ng amo ko. Dumaan lang talaga ako rito para kumustahin kayo." Paalam niya at agad nang tumayo.
"Sige. Ingat ka." Sagot ko at hinatid siya sa pinto. Kumaway lang siya.
At akmang isasarado ko na ang pinto nang marinig ko ang sigaw ng may ari ng apartment na tinitirhan namin.
"Naku, Ronalyn. Magbayad bayad rin ng upa. Dalawang buwan na kayong hindi nagbabayad. Baka gusto niyong sa kalsada na kayo matulog." Masungit niyang sabi.
Plastik akong ngumiti sa kanya. "Aling Delia, kulang pa po 'yong pera ko pambayad nang isang buwan. Baka po sa mga sumunod na araw ay makakabayad na rin po ako."
"Siguraduhin mo lang, Ronalyn. Dahil kung hindi ay sa kalsada kayo ng mga kapatid mo matutulog." Masungit niya pa ring sabi at agad na umalis.
Agad ko namang sinarado ang pinto at bumuntong hininga at pumikit. Saan kaya ako makakahanap ng pera na pambayad sa masungit na 'yon?
"Ate, magtrabaho na lang kaya ako?" Napamulat ako ng mata nang magsalita si Geraldine.
"Ano? Bakit mo naisip 'yan?" Gulat kong tanong.
"E kasi, ate, nahihirapan ka na sa pagtatrabaho para sa amin ni Charles. Tulungan na lang kita, ate." Sagot niya.
"Hindi. Huwag mong gawin 'yon. Kaya pa ni ate, okay? Basta ang gawin niyo lang ni Charles ay mag-aral. Okay ba 'yon?" Tanong ko sa kanya. Tumango lang siya.
"Mabuti kung ganon. Nagkakaintindihan tayo. Magsaing ka na ro'n. Meron na akong ulam na binili." Utos ko sa kanya. Agad na sumilay ang ngiti sa mukha niya.
"Anong ulam binili mo, ate?" Nakangiti niyang tanong.
"Sardinas." Sagot ko. Agad namang nawala ang ngiti niya.
"Tsaka na tayo bibili ng masarap na ulam kapag may permanente ng trabaho si ate. Sa ngayon ay tiis muna tayo sa sardinas at tuyo." Sabi ko. Pagkaraan ay agad naman siyang umalis da harapan ko.
Pagkatapos namin kumain nang hapunan ay agad na akong nagbihis. Dahil ngayong gabi ay may trabaho ako sa Pritzker bar. Isa akong bartender doon. Si Michelle rin ang nagpasok sa 'kin doon. Dahil sa pamilyang Pritzker siya nagtatrabaho at isa siyang personal assistant ng babaeng Pritzker.
Pagdating ko sa bar ay agad akong pinapasok ng nagbabantay sa entrance. Sikat ang bar na ito sa San Miguel. Marami namang bar dito pero halos lahat ng mga mayayaman ay dito pumupunta at nagsasayang ng pera nila. Nakakabili sila ng babae at alak. Samantalang ako kahit juice ay hindi makabili.
Nang makabihis na ako ay agad akong lumabas ng locker ko at nagsimula nang maghalo ng iba't ibang alak. Unti-unti nang dumarami ang mga pumapasok sa bar at marami na rin ang umoorder ng alak.
"Excuse me, isang alak nga." Napatingin ako sa babae. Halatang galit siya. Kaya agad na akong naghalo at binigay 'yon sa kanya.
"Ito na po, ma'am." Magalang kong sabi. Agad niya namang kinuha 'yon.
"Thanks." Sabi niya at inisang lagok 'yon.
"May problema po ba kayo, ma'am?" Tanong ko. Tumingin siya sa 'kin.
"Huwag mo na akong intindihin. Galit lang ako sa asawa ko." Sagot niya.
"Ganon po ba? Sige po." Sagot ko at bumalik sa trabaho ko.
Madaling araw na nang makauwi ako sa amin. Yung sahod ko roon sa bar ay sakto lang para sa pambayad ng upa ng bahay. Tapos 'yong kinikita ko sa paglalako ng kakanin tuwing umaga ay sakto lang pambili ng pagkin namin. At 'yong sahod ko naman sa karinderya ay sakto lang din sa pag aaral ng dalawa kong kapatid.
Pagdating ko sa bahay ay agad akong pumasok sa nag iisa naming kwarto. Mahimbing na ang tulog ng dalawa. Kaya agad na akong magbihis at humiga katabi nila at natulog.
Kinabukasan ay maaga akong gumising dahil maglalako pa ako ng kakanin. Maaga rin nagising ang dalawa kong kapatid para pumasok na rin sa paaralan.
Pagkatapos namin mag almusal ay agad ko na silang binigyan ng baon nilang pera. Pagkatapos ay nagpaalam na silang umalis.
Sa loob nang ilang taon ay nakasanayan ko na rin ang ganito. Ilang oras lang din ang tulog ko. Kaya kapag wala ng customer sa karinderya ay natutulog ako.
Pero hindi ako papayag na ganito na lang ako palagi. Kailangan kong makahanap ng permanenteng trabaho.