"Miss D, bakit late ka?" Mahinang tanong ni Agatha habang pasimple itong lumilingon sa paligid. "Bilisan mo na. Magpalit ka na ng uniform mo. Kanina pa mainit ang ulo ni Manager Kim."
"Hay naku, hayaan mo ang baklang 'yan. Lagi namang mainit ang ulo n'yan, eh," mahina kong tugon at ipinapakitang hindi ako apektado sa galit ni Manager Kim tulad ng sabi nito, kahit ang totoo'y para ng tinatambol sa kaba ang aking dibdib.
"Hay naku— ano ka ba, Miss D? 'Yang bibig mo naman, baka may makarinig pa sa 'yo, eh. Sige na dumiretso ka na sa locker mo." Sabay tulak nito sa akin sa likurang bahagi ng bar kung saan may sikretong daan na kami lang mga empleyado ang nakakaalam.
Pagpasok ko sa locker room ay dali-dali akong nagpalit ng uniform. Itanggi ko man sa paningin ng iba na hindi ako apektado o hindi ako padadaig sa kung sino man, ngunit hindi maikakaila ng aking kilos ang kaba tulad na lang ng kasalukuyan kong nararamdam dahil na rin sa pamali-mali ako ng dampot sa mga gamit na kailangan ko at ang bahagyang panginginig ng aking mga kamay.
"Bakit kasi gano'n kasama ang ugali ng mahaderang bak–––"
"At sino'ng sinasabi mong mahadera!"
"Ay putik! Tang–––" sigaw ko kasabay ng malakas na pag indak ng aking katawan dahil sa gulat nang biglang bumukas ang pinto ng silid at agad na nagsalita si Manager Kim mula roon.
Ngunit agad ko ring natakpan ang aking bibig ng mapagtanto kong ang baklang manager namin ang taong iyon na mababakas pa sa boses nito ang inis. Itanggi ko man dito ang aking tinutukoy, ngunit alam kong hindi ito maniniwala na hindi ito ang taong aking tinutukoy na mahadera, lalo na't halos kalahati na ng salitang bakla ang aking nabigkas.
"Late ka na, ikaw pa ang may ganang magsalita ng hindi maganda laban sa akin! At sino ka sa tinigin mo, Dhea?" sigaw nito habang nakapaywang at lumalakad papalapit sa akin.
Mabilis akong napaiwas ng tingin at agad dinampot sa sahig ang aking name tag na tangka ko na sanang ikakabit kanina sa aking uniform nang bigla ko iyong nabitawan dahil sa gulat.
Pag-angat ko'y agad akong bahagyang yumukod dito. "Sorry po, Manager Kim, sa pagiging late ko ngayon. Pero nagkakamali po kayo sa sinasabi ninyo. H-Hindi po kayo ang tinutukoy kong mahaderang ba–––"
"Shut up! Magsisinungaling ka pa, eh, rinig na rinig ng dalawa kong tainga!" muli nitong sigaw na agad kong ikinahinto sa pagsasalita at bahagyang napailag ng itinaas nito ang dalawang kamay at tila nais ako nitong sabunutan, ngunit agad rin itong naphinto nang biglang dumating si Agatha at mabilis itong lumapit.
"Manager Kim, dumating na po sina Sir Kent at ang mga kaibigan n'ya. Hinahanap po kayo!" nagagahol na turan ni Agatha, habang nakahawak sa tigkabilang kamay ni Manager Kim na tila pinipigilan nito ang planong gawin sa akin ni Manager Kim.
Agad namang napasinghap si Manager Kim ng tila matauhan sa pagdating ng aming boss, kasabay ng panlalaki ng mga mata, pagkatapos ay mabilis na winaksi ang mga kamay ni Agatha. "Bitiwan mo ako!" Sigaw nito saka ito mabilis na lumingon sa akin. "Ikaw na newbie ka, namumuro ka na talaga sa akin! Naku! Kuhang-kuha mo ang gigil ko! Pasalamat ka at dumating na sina Sir Kent, dahil kung hindi baka nakalbo na kitang babae ka! Bilisan n'yo d'yan! Kilos!" Sabay irap nito sa aming dalawa ni Agatha, pagkatapos ay mabilis nitong tinahak palabas ang silid habang kumikembot na parang itik.
Malalim na lamang akong napabuntong hininga habang iiling-iling nang tuluyan na itong nakalabas ng silid. "Hays! Bakit ba kasi ang baklang 'yan pa ang naging manager ng bar, eh. Napakataray!"
Narinig ko naman ang mahinang pagtawa ni Agatha kasabay ng marahan nitong paghampas sa aking balikat. "At talagang mataray lang sinasabi mo tungkol sa kanya pagkatapos ng ginawa n'ya sa 'yo? Iba ka rin, eh."
"Eh. 'yon naman kasi ang totoo, eh. Napakataray n'yang bakla. D'yos ko!" tugon ko habang ikinakabit ang aking name tag.
"Hindi ba dapat masama ang ugali, hindi napakataray lang?" tanong nito na tila naguguluhan at itinatama ang aking mga sinabi.
Lumingon ako rito at bahagyang ngumiti. "Mataray lang, Miss A. Hindi masama ang ugali. Tandaan mo, hindi mo pwedeng sabihing masama ang ugali ng isang tao ng dahil lang sa nakikita mong mga kilos n'ya at kung paano s'ya manalita. At para sa akin mataray lang ang ugali ni Manager Kim dahil na rin marahil sa pagiging bakla n'ya, at dahil sa paiging ganoon n'ya, doon n'ya lang naiipakita ang pagiging s'ya. Isa pa, ni minsan hindi naman tayo ipinahamak ni Manager Kim sa trabaho, eh. Minsan nga, s'ya pa ang tumutulong sa atin pag naghihingalo na ang mga budget natin, 'di ba? S'ya na minsan ang nanlilibre sa mga food natin."
"Hays! Kung sa bagay tama ka rin naman. Mabunganga lang talaga s'ya minsan at walang preno ang bibig kahit nakakasakit na s'ya sa mga salita n'ya," tugon nito na para bang iniisip pa rin nito ang aking mga sinabi, "Sana lang naririnig ni Manager Kim ang mga sinabi mo para hindi ka na n'ya palaging pag-initan."
Ngumiti ako at bahagya ko itong tinapik. "Ano ka ba? Hindi ko naman sineseryoso ang galit at mga sinasabi ni Manager Kim, eh. Kasi sa tuwing kinakausap n'ya ako sa ganoong paraan, palagi ko pa ring iniisip na mabait s'ya, at natural na lang sa kanya ang magtaray. Kaya 'wag mo ng isipin 'yon. Basta palagi mong isipin na mabait si Manager Kim at maasahan ng mga ka kasama n'ya sa trabaho." Sabay kindat ko rito at agad ko na ring hinila palabas ng silid.
"Ay teka, Miss D." Sabay pigil nito sa akin ng tangka na sana akong pupunta sa kusina ng bar.
Napalingon ako rito at nagtataka ko itong tinitigan. "Oh, bakit? Sa kusina tayo ngayon, 'di ba?"
Umiling ito. "Hindi na. Inilipat na muna tayo ngayon ni Manager Kim sa mga order at 'yong ilang mga baguhan ang inilagay sa kusina. Nandito raw kasi ang mga kaibigan ni Sir Kent dahil birthday ng bestfriend n'ya. Ayaw raw ni Manager Kim na magkaproblema ngayong gabi kaya tayo na muna ang magse-serve ng drinks nila."
"Gano'n ba?" tanging salitang lumabas sa aking bibig ng bigla kong naalala ang isang kaibigan ni Sir Kent na pumunta noon dito, nang aksidenteng nabasag ni Agatha ang isang tray na puno ng mga wine glass. Dalawang linggo na rin ang lumipas.
"Oo, kaya halika na. Sa pagkakaalam ko marami raw ngayon ang bisita ni Sir Kent. Sila 'yong nasa VIP Room 001."
"Ah, Miss A, nan— ahh, wala sige— tayo na."
Mabilis itong lumingon sa akin habang nakakunot ang mga kilay na tila nagtataka. "Ano'ng gusto mong sabihin, Miss D? Ayaw mo bang mag-serve tay–––"
"Ay naku, hindi!" Agad kong turan kasabay ng sunod-sunod kong pag-iling. "Hindi sa gano'n. Naalala ko lang ang nangyari noon. K-Kaya kako mag-ingat tayo, lalo na't maraming bisita si Sir Kent."
Tumango naman ito at itinaas ang kanang kamay na tila nanunumpa. "Sige. Promise! Mag-iingat ako sa mga kilos ko, Miss D."
LUMIPAS ang oras na hindi ko na namamalayan. Dama ko ang pagod at antok sa aking buong sistema. Mula alas otso ng gabi hanggang alas dose ng hating-gabi ay hindi pa rin ako nakakaupo, kahit ang pumuslit man lang sandali sa kusina ay hindi ko nagawa dahil sa dami ng mga costumer at mga pagkaing ipinapahatid ni Sir Kent sa kanila maging ng mga alak.
Marahan kong hinihilot ang aking mga binti at ang aking batok ng bigla akong nagulat at agad na napaayos ng tayo nang biglang lumapit sa akin si Manager Kim.
"Ano? Tumatambay lang?" pagtataray ni Manager Kim habang dala ang isang tray na walang laman at agad iyong mariing ibinigay sa akin, na bahagya kong ikinadaing ng sakit ng tumama sa aking dibdib.
P*ta! Ang sakit no'n, ah! Bwisit ka talagang bakla ka!
"Oh, ano? Galit ka? Hahampasin mo ako?" dagdag pa Manager Kim ng marahil ay napansin nito ang pagkunot ng aking mga kilay.
Marahan akong umiling. "Hindi po, Manager Kim. Nabigla lang po ako. 'Tsaka, hindi po ako tumatambay. Nag-unat lang po ako ng katawan kasi medyo nanganga–––"
"At nagdadahilan ka pa talaga? Pwes, kung ayaw mong mapagod, mag-resign ka na lang!" putol nito sa aking pagsasalita na lihim ko na lamang ikina tiim ng aking mga bagang. "Dalhan mo ng mga alak at pagkain sina Sir Kent. Magpatulong ka kay Agatha dahil dumating na ang birthday celebrant. Kailangan ng madala ang cake sa VIP Room."
Tumango ako. "Opo."
"Naku! Naku! Umayos kang babae ka! Kaunting-kaunti na lang talaga, makakalbo na kita." Gigil na gigil nitong turan habang nakakuyom ang mga kamay sa aking harapan kasabay ng pandidilat ng mga mata nito. "Ano pang tinatayo-tayo mo d'yan. Kilos na!"
Hay naku! Mukhang tama nga si Agatha, masama nga siguro talaga ang ugali nito. Tumango ako. "Opo, Manager Kim."
Habang naglalagay ng mga tray na may lamang mga pagkain at alak sa bar cart at hindi pa rin mawala sa isip ko kung bakit nga ba ganoon na lang ang pakitungo sa akin ni Manager Kim, na para bang walang araw itong hindi naglilihi at ang nakakadismaya pa ay ako lamang ang tanging taong napapaglilihan nito sa loob ng bar.
"Miss D? Okay ka lang ba? May problema ba?" tanong ni Agatha na agad namang gumising sa aking diwa.
"Ha?" tugon ko at agad akong napaangat ng tingin kay Agatha. "Oo, bakit naman hindi at ano namang magiging problema ko?" pagsisinungaling ko, kahit ang totoo'y pinoproblema ko ang bakla naming manager.
"Ah, wala naman. Baka lang kako may gumugulo sa isip mo. Kanina kapa kasi tulala d'yan sa hawak mong alak, eh. Tapos kumikibot-kibot mo 'yang bibig mo." Sabay nguso nito na tila isang batang paslit.
"Ikaw talaga! Ba't ba ang dami mong napapansin? Tara na nga?!" Saka ako tumalikod at iniwan na itong kakamot kamot sa ulo.
Pagdating namin sa pangalawang palapag ng bar kung saan nandoon ang mga VIP Room ay bigla akong natigilan, na para bang nakaramdam ako ng panghihina kasabay ng bahagyang pagkahilo bago pa man kami tuluyang makarating sa silid nina Sir Kent, kaya't sandali akong napahinto at marihing napapikit, saka ko marahanag hinilot ang tigkabilang gilid ng aking sintido.
Naramdaman ko ang paghawak sa akin ni Agatha na tila inaalalayan ako ng marahil ay napansin nito biglang pagbabago ng aking kilos. "Miss D, okay ka lang ba? Medyo namumutla ka, eh."
Nagmulat ako ng mga mata at tumingin dito, saka ako marahang tumango. "O-Oo, medyo nahilo lang ako. Dahil siguro sa pagod. Sige, kumatok ka na para maihatid na natin ang mga 'yan."
Tumango naman ito at agad na ring kumatok sa pinto. Ilang sandali lamang ay bumukas na rin ang pinto at bumungad mula roon si Sir Kent. Agad naman itong lumapit at kinuha ang cake na nakapatong sa bar cart, saka nito sinindihan ang candila.
Bigla akong natigilan ng mabasa ko ang nakasulat sa cake. Aguilar? Prosecutor Aguilar? Anas ko sa aking isipan at agad akong napailing. Alam kong maraming magkakapangalan o magkaka-apelyido sa buong mundo, at marahil isa lamang ang taong nagmamay-ari ng cake na nasa aking harapan ang ka-apelyido ng taong gusto ko ng kalimutan.
"Miss D, lakad na. Baka makagalitan pa tayo ni Sir Kent. Kanina pa n'ya ipinapalipat ang mga pagkain at alak sa table nila," halos pabulong na turan ni Agatha kasabay ng marahan nitong pagtapik sa aking balikat na agad namang ikinagising ng aking diwa.
"Ah, sige. Pero pwede bang ikaw na lang ang maglapag sa table nila. Iaabot ko na lang sa 'yo? Medyo nahihilo kasi ako, eh."
"Oo, sige. Ako na lang." Pagkatapos ay itinulak na rin nito ang cart.
Subalit muli lamang akong napahinto sa paglakad ng mapatuon ang aking pansin sa isang lalakeng nakaupo habang nakatalikod sa aking bahagi. Tahimik lamang ito habang kinakantahan ng mga kaibigan. At sa puntong iyon, doon ko napagtanto na ang lalakeng iyon ang nagmamay-ari ng cake, at ito ang tinatawag nilang Prosecutor Aguilar.
"Miss D," mahinang tawag ni Agatha sa akin, saka nito isinenyas ang mga pagkain at alak na nasa cart. Tumango ako at maingat na iniabot dito isa-isa ang mga iyon habang panaka-nakang nililingon ang lalakeng nasa aking unahan.
Hindi ko maintindihan sa aking sarili na para bang nag-nanais ang aking isipan na makita ito, na para bang bigla akong nagkaroon ng paghahangad na makita ko ang mukha nito. Ngunit tila hindi naman ako inayunan ng pagkakataon dahil hindi ko na talaga nikita ang mukha nito hanggang sa tuluyan na kaming matapos ni Agatha.
"Sir, aalis na po kami. Kung may kailangan pa po kayo, sabihan n'yo lang po kami." Sabay yukod ni Agatha. Napasunod na lamang ako sa ginawa nito, pagkatapos ay tumalikod na kami at dumiretso na rin palabas ng silid.
Subalit bago pa man ako tuluyang makalabas ng silid ay muli akong napahinto at tila napako ang aking mga paa sa aking kinatatayuan at mariing napahawak ang aking kamay sa doorknob ng pinto ng marinig ko ang boses ng lalakeng kanina ko pa hinahangad na makita ang itsura.
Ang boses na hinding-hindi ko makakalimutan kahit pa ilang taon na rin ang lumipas. Ang boses ng lalakeng nag-iwan ng sugat sa aking puso na hanggan ngayon ay hindi pa rin naghihilom. Ang boses ng lalakeng itanggi man ng aking isipan ay patuloy pa ring isinisigaw ng aking puso. Si Leo.
"Thank you! Hindi ko inaasahan ang gabing ito. Pero nandito ako at pinanonood ang mga kabaliwan ninyo!" seryosong turan ng lalakeng iyon ngunit mababakas ang kasiyahan sa boses.
"Leo," halos pabulong kung turan at pinilit igalaw ang aking katawan. Mabilis akong lumingon sa aking likuran at sa puntong iyon ay nakita kong tumayo ang lalake at waring iikot paharap sa aking direksyon, na agad naman ikinakabog ng aking dibdib at nagkaroon ng pag-asa na makita ko ang mukha nito. Ngunit ang pag-asang iyon ay biglang naglaho na parang bula ng bigla akong hinili ni Agatha palabas ng silid at mabilis nitong isinara ang pinto.
Napatulala na lamang ako sa harapan ng pinto at lubos ang panghihinayang na nararamdaman. "B-Bakit mo 'yon ginawa?" mahina kong turan.
"Ha? May sinasabi ka ba, Miss D?" tanong ni Agatha habang nakahawak ito ang cart at pilit sinisilip ang aking mukha.
Malalim na lamang akong napabuntong hininga at hindi na tumugon pa sa tanong nito. Makikita ko na sana, eh. Nandoon na ako, kaso bwisit 'tong babaeng 'to, eh. Panira sa sitwasyon.