SIMULA
"Ang defendant na si Dhea Magpale ay plinanong patayin ang biktima na si Oliver Diaz, isa sa mga VIP Costumer ng bar kung saan ito nagtatrabaho. Inilagay nito sa sariling mga kamay ang batas na humantong sa isang karumaldumal na krimen. September 25, 2024, ganap na ika-sampu ng gabi ng pinagtangkaan umano ng biktima ang defendant na gahasain. Dahil doon naghiganti ang defendant, ngunit bago maganap ang krimen ay pinagbantaan nito ang biktima na papatay*n. At nang sumunod na araw ay natagpuan ang katawan ng biktima na si Oliver Diaz sa loob ng sarili nitong sasakyan na wala ng buhay at nababalot ng sariling dugo ang buong katawan. Makikita rin sa itsura ng biktima na dumanas ito ng brutal na pagpatay gamit ang isang ice pick na may habang 60 cm. Ayon sa imbestigasyon isa lamang ang ice pick na 'yon sa pag aari ng bar kung saan natatrabaho ang defendant. At dahil sa ginawa nitong krimen, hinihiling ko sa hukumang ito na patawan ng pinakamabigat na parusa ang nasasakdal na si Dhea Magpale. Ang parusang KAMATAYAN." — Prosecutor Leo Aguilar
☆☆☆☆☆
Si Dhea na ang tanging hangad lang ay mahalin din siya ng lalakeng minamahal. Ang lalakeng hindi niya inakalang mamahalin niya ng higit pa sa kanyang buhay.
Ngunit paano pa nga ba siya patuloy na kakapit, lalaban at magmamahal sa lalakeng iniibig kung ang mismong minamahal na mismo ang nagtutulak sa kanya patungo sa kadiliman.
Kadilimang ni minsan ay hindi niya inakalang kanyang kasasadlakan. Ang selda. Dahil lang sa isang insidenteng hindi niya ginawa.
Si Leo na may prinsipyong hindi basta-basta mababali ng sino man. Ngunit dahil sa isang maling hakbang ay nasira ang prinsipyong matagal na panahon niyang iningatan dahil lang sa isang babaeng may kaugnayan sa kanyang nakaraan. Nakaraan na hindi niya lubusang maalala.
Paano nga ba niya muling aayusin at bubuoin ang prinsipyong nadungisan dahil lang sa babaeng tila isinisigaw ng kanyang puso, ngunit hindi maalala ng kanyang isipan. Ang babaeng pilit niyang idinidiin, ngunit pilit namang isinasalba ng kanyang pagmamahal.
Tunghayan natin ang kuwento nina Leo at Dhea sa "The PROSECUTOR".
Hanggang saan nga ba nila ipaglalaban ang kanilang pagmamahalan kung ang isa'y pilit kang isinasadlak sa kadiliman, habang ang isa naman ay patuloy na nagmamahal at umaasang muli kang maaalala at tutuparin ang pinangakong walang hanggang pagmamahalan.
☆☆☆☆☆
CHAPTER 1
LEO
"Prosecuter Leo, okay na po ang lahat. 2 PM po ang flight natin bukas pauwi sa Pilipinas. Natawagan ko na rin po si Attorney Aguillana para sa mga bagong kaso na dumating sa opisina." Agaw ni Jessie sa aking pansin. Si Attorney Jessie Damaso ay isa sa mga attorney na hawak ko sa aking field. Mahusay ito kaya't ito ang aking isinama rito upang hawakan ang kaso ng aking kaibigan.
Hindi ko man lang namalayan ang paglapit nito dahil sa dokumentong nasa harapan ko. Katatapos lamang nang kasong hinawakan ko rito sa Los Angeles. Kaso ng isa sa aking mga kaibigan.
Naging kaklase ko rito sa Los Angeles habang nag-aaral ako sa pagka abogasya. At noong nakaraang buwan ay natanggap ko ang tawag nito dahil sa kasong kinasangkutan.
Naging maayos naman ang lahat. Naipanalo ko ang kaso at ngayon ay malaya na uli itong namumuhay nang walang dungis ni ano mang anomalya ang pangalan nito.
PAGLABAS ko sa airport ay sandali akong natigilan at mariing napatitig sa paligid. Hindi ko maintindihan ang aking sarili ng bigla akong makaramdam ng tila kakaibang damdamin, na para bang napakatagal na panahon na rin ang lumipas at ngayon lamang uli ako nakabalik sa bansa, kahit ang totoo ay isang buwan lamang akong nanatili sa Los Angeles.
Bahagya akong napailing at binalewala na lamang ang kakaibang damdaming iyon, dahil sa totoo lang hindi rin naman ito ang unang pagkakataon na bigla na lamang akong makakaramdam ng ganito. Maraming beses na rin sa tuwing lalabas ako ng bansa at muling babalik.
"Prosecuter, may problema po ba?" tanong ni Jessie mula sa aking likuran.
Umiling ako. "Wala. Medyo nanibago lang siguro ako sa klema. Ang init, eh."
Ngumisi naman ito kasabay ng marahang pagtango, saka ako inaya papasok sa kotse.
"Saan po tayo didiretso?"
Basag nito sa katahimikan habang nasa gitna kami ng biyahe. Sandali ko itong nilingon pagkatapos ay muli ko ring itinuon ang aking atensyon sa aking laptop.
"Sa opisina na muna. May kukunin pa akong ilang mga dokumento."
"Puwede naman pong ako na muna ang kumuha at ihatid ko po sa inyo para makapagpahinga na rin po muna kayo."
Muli akong nag angat ng mukha at tumingin dito, saka ako bahagyang napabuntong hininga. "Okay. Pagod na rin ako. Pero siguraduhin mong bukas na bukas din ay nasa bahay ko na ang mga dokumentong 'yon."
Tumango ito kasabay ng bahagyang ngiti na umalpas sa labi nito. "Noted po, Prosecutor Leo."
PAGDATING ko sa aking penthouse ay agad akong pumasok sa aking silid at pabagsak na nahiga sa aking kama. Ramdam ko ang pagod sa mahabang biyahe at sa dami ng trabahong ginawa sa loob ng isang buwan kong pananatili sa Los Angeles, kaya't ngayon ay tila wala akong lakas na gawin ang nais kong gawin noong nasa ibang bansa ako. Ang pumunta sa bar at uminom.
Ipinikit ko ang aking mga mata, hindi upang matulog kundi upang magpahinga lamang muna sandali at pagkatapos ay saka ako magbabasa ng ilang mga dokumentong naiwan ko rito bago ako pumuntang Los Angeles. Subalit dahil na nga rin sa pagod ay hindi ko na namalayang tuluyan na rin akong hinatak ng antok.
Hanggang sa bigla akong napabalikwas ng bangon at mariing napatitig sa kawalan dahil sa isang panaginip o kung masasabi man iyong panaginip sa sandaling minuto ng aking pagpikit.
"Fvck! Sino ka ba talaga? Bakit palagi ka na lang nagpapakita sa panaginip ko, lalo na sa tuwing nasa ganito akong sitwasyon?" mahina kong turan, pagkatapos ay mariin akong napahilamos sa aking mukha.
Malalim akong bumuntong hininga at tumayo. Kumuha ako ng wine at humarap sa malaking salaming dingding saka ko tinanaw ang mga nagtataasang mga gusali na ngayon ay makikita ang ganda dahil sa mga ilaw na nakapalibot dito.
Muli akong napabuntong hininga ng mapagtanto kong gabi na at hindi masasabing nakaidlip lamang ako kanina, dahil halos mahigit tatlong oras na rin pala akong nakatulog, ngunit pakiramdam ko'y ilang minuto lamang iyon dahil na naman sa isang panaginip na palaging nagpapakita sa akin.
Isang babaeng hindi ko alam kung sino at ano ang kaugnayan sa aking buhay. Sa loob ng tatlong taon ay palagi akong ginugulo ng babaeng iyon sa aking panaginip. Hindi ko makita ang mukha nito dahil palagi itong nakatalikod sa akin at sa tuwing lalapitan ko upang hawakan ay bigla na lamang itong naglalaho at mapapalitan ng makakapal na usok.
"Paano ko ba hahanapan ng sagot ang sitwasyon kong ito, kung ako man sa sarili ko'y pakiramdam ko'y palagi ring may kulang," mahina kong usal at malalim na napabuntong hininga.
Muli na rin akong tumalikod ng maubos ko na ang wine at dumiretso sa bathroom upang maligo at mahimasmasan ang aking isipan. Nang matapos ay nagdesisyon akong pumunta sa bar na wala na rin sana sa plano ko ngunit dahil sa muli ko na namang napanaginipan ang babaeng iyon ay nagdesisyon akong umalis.
HABANG nasa biyahe papunta sa bar ng aking kaibigan ay naisipan ko itong tawagan upang ayaing mag inom at maghanap ng makakausap.
"Napatawag ka— teka, nakabalik ka na ba from L A?" bigla nitong tanong ng mapansin marahil nito na ang mismong number ko ang gamit ko sa pagtawag dito ngayon.
Bahagya akong napatango at sandaling nilingon ang aking cellphone. "Yeah at kailangan ko ngayon ng kausap. I'm on my way to your bar. Magkita tayo."
"Teka, mukhang seryoso ka ngayon, ah. May problema ba?" tanong nito na tila nagtataka.
Malalim akong bumuntong hininga. "Nasaan ka ba?" sa halip ay tanong ko at hindi pinansin ang tanong nito.
Narinig ko naman ang mahina nitong pagtawa sa kabilang linya na bahagya ko na lamang ikinailing. "Fine, hihintayin kita. Nandito ako ngayon sa bar. Pasalamat ka, hindi pa ako nakakalis."
Hindi ko na ito sinagot pa at pinutol ko na lamang ang linya.
Kailangan ko ng kausap ngayon, at si Kent ang taong gusto kong makausap sa mga oras na ito. Wala pa itong alam tungkol sa bagay na iyon at ngayon ko pa lamang masasabi, dahil para bang sasabog na ang ulo ko sa kakaisip kung hindi ko pa masasabi o maikukwento kay Kent ang tungkol sa babaeng ilang taon na ring gumugulo sa panaginip ko.