"ANAK, tara na baka maiwan tayo ng bus!" sigaw ni Nanay mula sa aking likuran. Nililibot ko pa kasi ang mga mata ko sa lugar kung saan ako pinanganak, nagkaroon ng isip at lumaki. Mami-miss ko ang lugar na ito. Pero pinapangako ko na babalik kami rito. At syempre sa oras na bumalik kami dito, bagong ako na ang makikita nila.
Patungo kami ngayon sa Maynila. Napagdesisyunan kasi namin ni Nanay na makipagsapalaran sa Maynila magmula no'ng mamatay si Tatay isang buwan na ang nakalipas. Mabuti na lang ay natanggap si Nanay sa trabaho sa Maynila bilang isang katulong. Kaya doon kami pupunta ngayon. Wala naman kaming kamag-anak sa Maynila na mapupuntahan dahil lahat sila ay dito sa probinsya nakatira.
Mahaba ang naging byahe namin ni Nanay bago nakarating dito sa Maynila. Halos bente kwatro oras ang byahe sa bus kaya sobrang nanakit ang balakang at likod ko. Wala rin akong halos tulog dahil nalibang ako sa magagandang tanawin na nadaraanan namin kanina. At ngayon nga ay nakatingala ako at namamangha naman sa mga naglalakihang building na nasa harapan ko.
"Wow!" bulalas ko nang hindi ko na mapigilan.
Nasa terminal na kami ng bus naghihintay ng magsusundo sa amin.
Napakaraming tao ang dumaraan at napakarami ring sasakyan. Ibang-iba talaga ang Maynila sa kinalakihan kong probinsya. Doon wala akong ibang nakikita kun 'di mga kalabaw, baka at kung minsan nga ay mga tae pa nila na nagkalakat sa damuhan.
"Anak, kapag nandoon na tayo saka ko na lang sila pakikiusapan kung pupwede na doon ka rin tumira. Ang sabi kasi ni Melba, mahal raw ang upahan dito," sambit ni Nanay sa tabi ko. Naka-upo kaming dalawa habang kumakain ng siopao na nabili pa namin sa isang convenient store kanina.
"Mabait kaya sila? Sana pumayag sila 'Nay para hindi tayo magkahiwalay," saad ko naman.
"Sana nga anak mababait sila. Pero ang sabi naman ni Melba, mabait naman raw ang mga ito. Strikto lang daw pagdating sa trabaho."
Tumango-tango ako habang tahimik na nagdarasal na sana nga ay mabait ang magiging amo ni Nanay at pumayag na doon ako tumira. Kahit magtrabaho rin ako sa kanila ng walang bayad ay ayos lang.
Dumating ang sundo namin ni Nanay. Ang bongga dahil kotse pa talaga. Ito yata ang first time na makakasakay ako sa ganitong uri ng sasakyan. Sa amin kasi, habal-habal lang at jeep ang nasasakayan ko.
"Kayo na po ba 'yong nirekomendang kasambahay ni Manang Melba?" tanong ng lalaki sa amin.
Nakasuot siya ng puting polo.
"Ahm... opo.. kami nga po iyon," madaliang sagot naman ni Nanay.
"Sumakay na po kayo rito. Ako po ang sundo niyo," saad niya at itinuro ang puting sasakyan na nakaparada sa tapat namin.
Napag-alaman namin na siya pala ang driver ng pamilyang pupuntahan namin.
Sa una ay nag-alangan ako dahil baka manloloko siya. Malay ba namin na baka sindikato siya at bigla na lang kaming kidnapin ni Nanay. Nasabi pati sa akin ng kaibigan kong si Jen, marami raw ang manloloko dito sa Maynila kaya kailangan naming mag-ingat.
"Ohh, anak bakit hindi ka pa sumasakay?"
"E, kasi po 'Nay, baka mamaya miyembro ng sindikato 'yang si Kuya," bulong ko sa kanya.
"Ito po ang ID ko. At ito naman po ang larawan namin ni Aling Melba," singit n'ong driver, narinig yata 'yong binulong ko kay nanay. Inabot niya pa sa amin 'yon ID niya at pinakita ang picture nila ni Aling Melba sa kanyang cell phone.
Very sweet ah. Magkaakbay pa!
"Yan naman pala, anak. Tara na at baka hinihintay na nila tayo. Nakakahiya naman na paghintayin pa natin sila," aya sa akin ni Nanay at hinila niya na ako pasakay ng kotse. Nakaramdam ako ng lamig nang makapasok na kami. Dito kami sa likuran at si Kuya naman ang nasa harap.
"Siya nga po pala. Daniel po pala ang pangalan ko," pagpapakilala niya sa amin.
"Daniel Padilla, po?" singit ko na kinatawa naman ni Kuyang driver.
"Palabiro ka pala, neng. Ang layo naman ng mukha ni Daniel Padilla sa mukha ko," saad naman niya.
Tiningnan ko siya sa salamin para titigan ang mukha niya doon. Napangiwi ako dahil totoo naman ang sinasabi niya. Ewan ko ba kung bakit ko nabanggit 'yon. Baka umasa si Kuya na kasing pogi niya si Daniel Padilla.
"Tama po kayo. Malayo nga po," sabi ko at muli siyang tumawa. Maging si nanay ay natawa na rin sa tabi ko.
"Kapag nandoon na po kayo, bumati lang po kayo sa kanila. Mababait naman po ang pamilya Sterling. Matagal na rin po nila akong driver at matagal ko na ring kakilala si Aling Melba," kwento niya kahit wala naman nagtatanong.
Tumango-tango lang naman ako dahil alam kong si Nanay naman talaga ang sinasabihan niya.
"Ano po pala ang pangalan niyo?" tanong niya.
Madaldal si Kuya!
"Ako nga pala si Rosa, at ito naman ang anak kong si Autumn Margarette," pakilala naman ni Nanay sa aming dalawa.
"Napakaganda naman ng pangalan ng anak mo, at maganda rin," puri niya sa akin. Nagpalakpakan ang tenga ko sa papuri na 'yon. May maganda ring nasabi si Kuya.
Kahit na marami namang nagsasabi sa akin na maganda ako sa aming probinsya, iba pa rin kapag nasabihan ng maganda ng isang taga-Maynila. Parang mamahalin.
Pumasok sa isang subdivision ang kotse na sinasakyan namin. Ang gaganda at ang lalaki ng mga bahay dito. Wala akong nakita na yari sa kahoy. Lahat puro gawa sa semento. Magaganda pa ang disenyo na sa t.v ko lang noon nakikita.
Isang malaking gate ang pinasukan namin. May nagbukas pa na security guard doon. Pagkapasok ay tanaw na tanaw ang napakalaking bahay. O mas maganda sabihin na mansyon.
Pinagbuksan kami ni Kuya Daniel ng pinto at siya na rin ang nagbuhat ng mga gamit namin na nakalagay pa sa sako bag. Nakaramdam tuloy ako bigla ng hiya dahil sa postura ko at ni Nanay.
Simpleng shirt lang at maong pants ang suot ko. Naka-tsinelas pa ako dahil wala naman akong sapatos.
Mabagal lang akong naglakad habang nakasunod kay Nanay at Kuya Daniel. Nililibot ko ang mga mata sa paligid. Wala akong ibang masabi kun 'di 'wow'!
Sa likod kami dumaan hindi sa main door, dito raw kasi dumadaan ang mga katulong.
Ang sosyal dahil ang dami naman nilang pinto. Samantalang sa bahay namin sa probinsya, iisa na nga lang ang pinto wala pang lock!
"Salamat naman at nakarating na kayo. Kanina pa naghihintay sila Madam sa opisina nila!" bungad na sambit ni aling Melba.
"Na-traffic kami, Manang, alam mo naman na rush hour kapag ganitong oras," paliwanag sa kanya ni Kuya Daniel na tinungo ang ref para kumuha ng malamig na tubig.
Lumapit naman sa amin si Aling Melba.
Siya nga pala, si Aling Melba ay kapitbahay namin sa probinsya. Matandang dalaga siya at hindi na nakapag-asawa. Takot magmahal dahil minsan na siyang niloko ng lalaking minahal niya ng lubos. Nakakaiyak nga 'yong dinanas niya dahil matinding trauma raw ang inabot niya.
Niyaya na kami ni Aling Melba patungo sa opisina ng sinasabi niyang Madam. Kinakabahan ako habang naglalakad sa napakahabang hagdanan. Nakakahingal rin dahil parang umakyat kami ng bundok.
"Nandito na tayo," anunsiyo ni Aling Melba sa amin ni Nanay nang huminto kami sa nakasaradong pinto. "Ihahatid ko lang kayo sa loob at kayo na bahala mag-usap ni Madam. 'Wag kang kabahan dahil mabait 'yon," dagdag niya pa.
Tumango lang din si Nanay na alam kong kinakabahan rin gaya ko. Pakiramdam ko tuloy para kaming kriminal at ngayon na hahatulan.
Binuksan ni Aling Melba ang pinto at nauna na ngang pumasok si Nanay at sumunod ako. Sinalubong kami ng malamig na klima dito sa loob. Para kaming nasa loob ng ref dahil sa sobrang lamig. Napayakap na lang ako sa aking sarili at nilibot ko rin ang mga mata ko sa kabuuan ng silid. Lahat yata ng makikita ko ay kakaiba sa akin. Napakaraming libro, nangingintab na mesa at sahig. May mga paintings rin na nakasabit. At nang matapat ang mga mata ko sa unahan ay nandoon ang isang maganda babae at isang gwapong lalaki. Bakas na sa mukha nila ang katandaan pero hindi pa rin maitatago noon ang napakaganda nilang mukha. Matamis silang nakangiti sa amin. Ang ganda ng pagkakangiti nila na para bang nakakita sila ng ginto.
"Madam, Sir, ito na nga po pala 'yong kinukwento ko sa inyo na papasok bilang katulong sa atin. Si Rosa po at ang anak niyang si Autumn," pakilala ni Aling Melba sa amin.
Tumayo si Madam kaya napatuwid rin ako ng tayo.
"Ikinagagalak ko kayong makilala na mag-ina," nakangiti niyang sabi. Hindi lang maganda ang kanyang mukha. Maganda rin ang boses niya na parang anghel.
"Maupo muna kayo," aniya at sabay lahad sa upuan na katapat.
"Magandang umaga po, Madam, Sir!" bati ni Nanay na sinegundahan ko na rin.
"Maganda umaga po!" bati ko sabay yuko.
Umupo na si Nanay at sumunod na rin ako. Nagpaalam na rin si Aling Melba na babalik na siyang kusina para makapaghanda na raw ng pananghalian.
"Rosa, right?" si Madam.
"Opo, Madam. At ito naman po ang nag-iisa kong anak na si Autumn Margarette."
"Napaka-gandang bata naman," puri niya sa akin. Kung kanina'y nagpalakpakan ang tenga ko sa papuri ni Kuya Daniel. Ngayon naman lumulundag sa tuwa ang puso ko. Nakakakilig palang masabihan ng maganda nang isang maganda rin. Para akong nanalo sa lotto. Parang gusto ko tuloy yakapin si Madam at bigyan ng kiss sa pisngi. Kaso baka hindi pa kami nagsisimula ni Nanay sa trabaho dito, napalayas na kami kaagad.
"Salamat po!" wika ko na lang.
"Ilang taon ka na, ija?" tanong naman ni Sir. Tiningala ko siya at sinagot.
"Eighteen na po."
"Nag-aaral ka ba?" tanong naman ni Madam.
Nagkatinginan kami ni Nanay at nahihiyang sumagot.
"Huminto na po siya sa pag-aaral kasi hindi na namin kaya ang gastusin. Malaki rin po kasi nagastos namin sa pagpapagamot sa tatay niya kaya naubos lahat ng inipon namin para sa pag-aaral niya. Kaya nagbabakasakali po kami dito sa Maynila baka dito po matuloy niya ang pag-aaral niya," paliwanag ni Nanay. Naluha-luha pa siya nang sambitin niya iyon lalo na sa parteng nagkasakit si tatay. Maging ako'y naiiyak na rin nang maalala ko ang lahat ng pagsubok na dinanas namin nitong nakalipas na buwan. Hindi naman importante sa akin na hindi ako makapag-aral, ang importante kasi sa akin noon ay ang maipagamot si tatay.
"I'm sorry to hear that," simpatya ni Madam. Pinunasan ko ang luhang dumungaw sa gilid ng aking mga mata. Kapag si tatay talaga ang pinag-uusapan ay hindi ko maiwasan ang maging emosyonal.
"Hon, baka pupwede mo siya ipasok sa Sterlington University," saad ni Madam sa kanyang asawa.
"Yes, of course. We will help her to reach her dream," masayang tugon ni Sir na ikinagulat ko.
"Talaga po?!" hindi makapaniwala kong tanong. Maging si nanay ay natuwa rin sa narinig at hindi rin makapaniwala.
"Of course, iha. 'Yong ibang tao nga natutulungan namin. Ikaw pa kaya na magiging parte na rin dito sa bahay namin," saad ni Madam.
Talagang makikita sa mga mata niya ang concern at sincerity sa kanyang sinasabi.
Napatayo si Nanay at nilapitan si Madam.
"Maraming salamat po. Malaking bagay na po ang pagtanggap niyo sa amin dito at sobrang laking tulong po nito para aming dalawa ng anak ko," naluluha na saad ni Nanay.
"Basta mag-aral lang siya ng mabuti ay ayos na sa aming mag-asawa."
"Maraming salamat po talaga!" sambit ko rin. Hindi ako makapaniwala na ganito kabait ang amo ni Nanay. Unang araw pa lang ay biyaya agad ang hatid sa amin.