WALANG AMPAT ang mga luha ni Raven nang makarating siya sa kaniyang hotel suites. Naninikip ang dibdib niya dahil sa sobrang emosyon.
She wanted to stay more. Pero alam niya na sarili na lamang niya ang kaniyang sinasaktan sa tuwinang mapapatingin sa kinaroroonan ni Lhorde. Hindi na ito ang dating Lhorde niya at iyon ang dapat niyang itatak sa isip niya.
Nangingibabaw sa kaniya ngayon ang mga ala-ala ng nakalipas. Na mabilis niyang iwinawaksi sa kaniyang isipan dahil nagiging sariwa ang sakit na nararamdaman niya.
She wanted to scream out loud. Pero hindi niya magawa dahil tiyak na may kakatok sa kaniyang pintuan para pagsabihan siya. And worst, may magreklamong guest sa hotel at mapaalis pa siya roon ng wala sa oras.
Hinubad niya ang suot niyang gown. Pagkuwan ay isinuot sa kaniyang katawan, na tanging underwear lang ang natirang saplot, ang manipis na roba na yari sa silk.
Pumunta siya sa banyo para maghilamos at alisin ang makeup sa kaniyang mukha. Kalalabas lang niya sa banyo nang makarinig ng door bell. Sunod-sunod.
Pinalis niya sa kaniyang mga mata ang luhang kumuwala pa rin. Wala sa loob na hinayon niya ang pinto at hindi na nag-abala pa na silipin sa may peephole ang tao mula sa labas.
Kaya naman pagbukas ni Raven sa pinto ay natigilan siya nang makita ang lalaking nakatayo mula roon.
Lhorde, bigkas ng isipan niya sa pangalan nito.
Hayon na naman ang pamumuo ng mga luha sa kaniyang mga mata. Ayaw niyang kumurap at baka mawala ang nakikitang mukha sa kaniyang harapan. Paano kung napagkamalan lang niya na si Lhorde iyon at sa oras na kumurap siya ay maiba ang mukhang nakikita?
“Raven.”
Ngunit nang marinig niya ang pangalang binigkas ng lalaking kaharap. Napatunayan niya na si Lhorde nga talaga iyon. Dahil nang mapakurap siya ay hindi nagbago ang mukha na nakikita niya. Iyon pa rin iyon. Si Lhorde pa rin.
“Gusto mo pa rin ba na itanggi na ikaw ‘yan? Ten years, pero ‘yong boses mo, tingin mo ba magbabago ‘yon? No. Even your face, Raven. May resemblance pa rin sa Raven na kilala ko. Hindi ko alam kung paanong naging si Friah ka, pero alam kong ikaw si Raven. Kahit itanggi mo pa ng paulit-ulit.”
Wala siyang mahagilap na salita. Nang pumasok si Lhorde sa loob ng kaniyang suite ay napaatras pa siya. Ni hindi na niya napagtuunan pa ng pansin nang i-lock pa ni Lhorde ang pinto ng suite niya habang hindi inaalis ang tingin sa kaniya.
Umawang ang labi niya pero wala pa rin siyang mahagilap na salita.
“Say something, Raven,” pakiusap ni Lhorde.
“H-hindi ako si Raven,” aniya nang makabawi. Wala na si Raven, Lhorde, matagal na… patuloy niya sa kaniyang isipan.
“As if I believe you?” ani Lhorde na inisang hakbang ang pagitan nila at walang babala na siniil siya ng halik sa kaniyang labi.
Daig pa ni Raven ang natuklaw ng ahas dahil ni hindi niya magawang kumilos dahil sa pagkabigla. Hindi niya napaghandaan na maaaring gawin iyon ni Lhorde.
Nang hindi siya tumugon sa halik nito ay bahagya nitong inilayo ang mukha sa kaniya at pinakatitigan siya sa mga mata.
“Alam mo ba na wala akong balak pumunta rito? O kahit ang um-attend sa party na pinuntahan natin kanina. You know how I hate parties. Pero mukhang may dahilan talaga kaya napilitan akong pumunta. At ikaw ‘yon, Raven. Ikaw ang dahilan na ‘yon.”
Nagsisinungaling man ang bibig niya sa panay tanggi na hindi siya si Raven ngunit ang mga mata niya ay tila hindi magawang magsinungaling.
Tuluyan ng kumuwala ang mga luhang kanina pa pinipigilan. Nagbaba siya ng tingin. Bigla ay para bang nanghina ang buong katawan niya. Gusto na lang niyang bumagsak sa sahig. Pero hawak siya ni Lhorde sa kaniyang baywang kaya hindi siya babagsak basta-basta.
Kung gaano kabilis niyang nakilala kanina si Lhorde, tiyak na ganoon din ito sa kaniya. Siguro, nakadagdag pa ang kaalaman na taga Pilipinas din siya. Paano pa niyang itatanggi ang pagkatao niya rito?
“Raven—”
“Matagal ng wala si Raven,” nasasaktang wika niya.
“But you’re still here in front of me.”
“Lhorde—”
“Dahil ba ikaw si Friah sa lugar na ito?”
Tiningala niya ito. Gustong-gusto niyang magsumbong dito pero kapag ginawa niya iyon tiyak na magkakagulo. At ayaw niyang mangyari iyon. Tinanggap na niya na hindi na siya para kay Lhorde. At tinanggap na rin niya sa sarili niya na kung tatanda man siyang mag-isa sa mundo, hindi masama ang loob niya. Dahil simula nang mamatay ang kaniyang ama, mag-isa na lang talaga siya sa buhay. Masakit man, pero tanggap na niya.
Pinalis ng mga kamay ni Lhorde ang luha sa magkabila niyang pisngi.
“You owe me an explanation, Raven. Pero makakapaghintay ‘yon. Pero ‘yong pagka-miss ko sa iyo? Hindi,” ani Lhorde na hindi na muli pang hinintay na makapagsalita si Raven na muli nitong siniil ng halik sa labi.
Nang unti-unting ipikit ni Raven ang mga mata ay siyang patak din ng luha sa kaniyang mga mata.
Totoo ba talaga na kasama niya ngayon si Lhorde? Hindi ba iyon parte lang ng sobrang pangungulila niya rito? Natatakot siyang magmulat ng mga mata dahil sa pangamba at takot na baka biglang mawala si Lhorde sa kaniyang tabi.
Ngunit ang mainit nitong halik ay tila ba nagpapatunay na totoo ang lahat ng namamagitan sa kanila ng mga sandaling iyon. Na totoong nasa tabi niya ito. Na okay lang kung magmulat siya ng mga mata dahil hindi ito maglalaho na parang isang bula.
Sa huli, hindi niya napigilan ang sarili na tumugon sa mainit nitong halik. Lalo lang niyong pinatunayan na totoo ang lahat ng mga sandaling iyon.
Umangat pa ang kaniyang mga kamay sa may batok nito at iniyakap doon. Lalo namang humigpit ang pagkakahapit ni Lhorde sa kaniyang baywang. Parang ayaw niyang basta-basta matatapos iyon ng ganoon na lamang.
Ganoon ba ang epekto ng matagal na hindi nakakaranas mahagkan? Siguro nga.