GANOON na lamang ang kabang naramdaman ni Raven nang makarinig ng tunog ng doorbell. Napatingin pa siya sa pinto ng banyo kung saan naroon si Lhorde. Paano kung iyon ang humahabol sa nobyo niya? Napalunok siya. Huminga pa siya nang malalim bago lakas loob na naglakad palapit sa may pinto. Kabado pa siyang sumilip sa may peephole. Saka lang siya nakahinga nang maluwag nang makita na isa iyong service crew na may dalang pagkain sa isang di-tulak na food trolley. Binuksan na ni Raven ang pinto at nakangiting pinapasok ang lalaking nakasuot ng uniporme ng hotel. Hindi rin naman iyon nagtagal pa at lumabas na rin agad. Nang makalabas ang lalaki ay ni-lock din ulit ni Raven ang pinto. Pagkuwan ay binalikan ang pagkain na nasa may salas area ng suite. May red wine pa at dalawang wine glass.