Nagkalabolabo ang laman ng aking isip habang naglalakbay ang eroplanong aking sinakyan. Naroon ang mga katanungan kung bakit niya ginawa sa akin ang nangyari sa amin sa nakaraang gabi. Nakatatak din sa aking isip ang pagkakaroon niya ng girlfriend. At syempre, ang sinabi niyang sulat na ipinadala niya na hindi ko natanggap. Saan napunta ang mga iyon? Sino ang nagbasa kung may nakatanggap man?
Nang nakarating na ako, nagpaalam ako sa aking mga magulang na babalik na nag seminaryo. Isang araw lang ako sa probinsiya namin gawa nang alanganin na ang aking oras. Nang tinanong ko ang aking inay kung nanghingi ba ng aking address sa seminaryo si Dennis, napag-alaman kong ang ibinigay nilang address ay ang sa Tita kong madre na mother superior.
Nang nakabalik na ako ng Iloilo, tinanong ko kaagad ang aking Tita kung may natanggap siyang mga sulat na ipinadaan sa pangalan niya para sa akin. Ngunit itinanggi niyang may natanggap siya. Lalo lamang itong nagpatindi sa aking pagkalito. Halos araw-araw kong inisip kong nasaan ang mga sulat niya, kung ano ang laman ng mga iyon. Naalala ko ang paglisan ko sa aming bayan kung saan ay may iniwan akong sulat para kay Dennis at ibinunyag ko sa kanya ang aking tunay na naramdaman para sa kanya. “Ano kaya ang kanyang sagot? Baka naroon sa mga sulat?”
Ngunit dahil wala namang puwedeng tumulong sa akin, at hindi rin ako puwedeng lumabas ng seminaryo upang puntahn ang post office, pinilit kong burahin ang mga ito sa aking isip bagamat hindi ko maiwasang natuturete pa rin ako sa mga nangyari.
Lumipas muli ang isang taon at binigyan na naman kami ng isang buwang bakasyon. Excited na excited na naman akong makauwi. Nang araw na paalis na ako para sa bakasyon, pinatawag ako ng Tita kong madre sa kanyang opisina. “I have one good news.” Ang sambit niya.
“A-ano po iyon Auntie?” ang tanong ko.
“Ang pinsan mong babae, she decided to enter the convent. She wants to become a nun. Dalawa kayo sa henerasyon ninyo ang papasok sa buhay relihiyoso...”
“E, di maganda po...” ang sagot ko. Natuwa rin naman talaga ako. Kahit papaano ay may kasama ako. Mas maging masaya pa ang aming mga kamag-anak na may dalawang sumagip sa aming tradisyon.
“Good!” Ang sagot niya sabay hugot sa kanyang drawer at may kinuha. “I have something to give you. Itinago ko ito mula sa iyo dahil gusto kong mag-focus ka sa iyong bokasyon. Nagayon na napatunayan kong tapat kang mag-alagad sa Diyos at desidido nang mag-pari, ibigay ko na ito sa iyo. Alam kong hindi ka na matitinag pa ng mga ito.” Sabay abot sa akin ng may limang sulat.
Gulat na gulat akong tinanggap ang mga ito. Mistulang sasabog ang aking dibdib nang mapasakamay ko na ang mga iyon. Pinilit kong burahin ang mga katanugan tungkol sa sulat na iyon, tiniis ko ang sariling sabik na sabik na masagot ang mga katanungan sa aking isip tungkol sa laman ng sulat ngunit naroon lang pala sa kanya.
Inisa-isa kong tingnan ang pinanggalingan ng sulat at ang lahat ay galing kay Dennis. Tiningnan ko rin ang petsa na nakatatak sa postal, ang lahat ay noong bago pa lamang akong pumasok ng seminaryo, noong unang taon ko pa lamang. Napatingin ako sa kanya, “You kept all these from me?” ang mataaas kong boses. Hindi ko kasi napigilan ang naramdaman kong galit sa puntong iyon.
“Yes... I didn’t want that these letters will distact and bother, especially with the contents of those letters.”
Na lalo pang ikinataas ng aking boses. “And you read my letters too???”
“These letters are prohibited in the seminary, and especially from that friend!”
“All these time I’ve been thinking where those letters went... only to know that you kept these from me? You lied to me, Auntie! You betrayed my trust! Hindi pa ba sapat sa iyo na narito na ako, na kahit nag-iisang anak lang ako ng pamilya namin, I sacrificed everything para lamang may susunod sa iyo sa pagpasok sa pagkarelihiyoso? Wy did yo lie to me?! Why?!!!” ang pagsisigaw ko habang umiiyak na. Ewan ko rin. Sobrang naging emotional ako lalo na dahil sabik na sabik akong mabasa ang mga isinulat ni Dennis para sa akin ngunit pakiwari ko ay sinaksak ako sa likod ng sarili kong Tita. Ang sakit.
“Para sa kapakanan mo ang ginawa ko, JC!” Ang medyo tumaas na rin niyang boses.
“No, Tita. You’re hurting me! You treated me like a I’m not capable of being trusted!” ang sigaw ko rin sabay takbo palabas sa kanyang opisina.
“JC, come back!”
“No! I’m not coming back! I’m not coming back! I’m not coming back to this seminary – ever!!!” at nagtatakbo na akong palabas, patungo sa van na naghintay sa akin upang ihatid ako sa pier. Hindi ko talaga na-control ang aking sarili. Para bang ang turing nila sa akin ay isang maliit na bata na hindi puwedeng magdesisyon. Pakiramdam ko ay ipinagwalang-bahala lang nila ang aking naramdaman. Parang hindi ako tao. Napakahalaga para sa akin ng sulat na iyon ni Dennis. Iyon ang nagbigay sa akin ng inspirasyon, pagkatapos, itinago lang nila sa akin, at binasa pa. parang pinagtatawanan lang nila ako.
Nang nasa loob na ako ng barko, doon ko na binasa ang mga sulat.
Unang sulat:
“Dear ‘Tol... natanggap ko ang sulat mo. Salamat sa diretsahanmong pagbunyag sa inyong mga hinaing at nararamdaman. Hindi ako galit sa iyo bagkus, bumilib ako sa iyo dahil sa tapang mo. Malungkot na malungkot ako sa pag-alis mo. Kung alam mo lang kung gaano ako kasabik sa iyo. Pero wala akong magagawa. Desisyon mo kasi iyan... Gusto ko palang magpaliwanag kung bakit ako nagalit sa iyo sa ginawa mo sa akin. Alam mo naman sigurong ikaw ang kauna-unahang taong pinagkakatiwalaan ko simula nang nasira ang buhay ko. Hindi ko akalain na magawa mo iyon sa akin. Sa paggawa mo noon, nanumbalik sa akin ang lahat ng kahirapan at pagtatraydor na ginawa ng mga tao sa akin. Lumabas kasi na parang niloko mo lang din ako, trinaydor, pinaglalaruan. Iyon ang nasa isip ko. Ngunit napag-isip-isip ko rin na hindi mo alam ang aking pinagdaanan kung kaya ay nagawa mo iyon. Hindi ko akalain na mahal mo pala ako kung kaya ay nagawa mo iyon. Ang buong akala ko kasi ay dahil lamang ito sa ating kalasingan kung kaya ay nagawa mo iyon sa akin. Kaya nang napatawad na kita, niligawan ko si Chona upang sana ay maipakita ko sa iyo na kaya kong maging normal ang buhay, ang magkaroon ng pamilya sa kalaunan. Alam mo, nang sinabi mong magpari ka, nalungkot ako. Halos hindi ako makatulog sa gabing iyon sa kaiisip kung ano ang mangyayari sa buhay ko kapag wala ka na. Nasaktan ako bagamat hindi ko ito ipinaalam sa iyo. Noong araw na umalis ka, nagpunta ako sa bahay ninyo upang ibigay sa iyo ang ipinagawa kong kuwintas. Gusto sana kitang kausapin. Ngunit tulog ka pa at nahiya na akong gisingin ka. Kaya umalis na lang ako. Akala ko kasi ay matutloy ang pag-alis ni Chona sa araw din na iyon. Nang nasa pier kami at tinitingnan kita habang papalayo ang barko, umiyak ako noon... Hindi ko alam kung bakit ako nasaktan, kung bakit ako umiyak. Noon ko lamang naramdaman ang ganoon sa buhay ko, ang umiyak nang dahil sa paglayo ng isang kaibigan. Sanay ay ok ka lang sa loob ng seminaryo. Sana ay magiging masaya ka sa buhay mo d’yan.”
Pangalawang sulat:
“Dear ‘Tol... halos isang buwan na at naghintay pa rin ako sa iyong sagot... Ngunit tila hindi mo na ako natatandaan pa. Sana ay nasa maayos kang kalagayan. Sana ay ok ka lang d’yan. Siguro ay masaya ka na sa kinalalagyan mo ngayon. Siguro rin ay may bago ka nang best friend dahil nalimutan mo ako. Pero ok lang. Masaya ako kapag masaya ka. Palagi kitang hinahanap-hanap. Kung alam mo lang... Naiiyak pa rin ako kapag naaalala ko ang mga masasayang araw natin dito. Hindi kita maiwaglit sa aking isip. Ngayon ko narealize, at ngayon ko na rin aaminin ‘Tol, mahal din pala kita...”
Pangatlong sulat:
“Dear ‘Tol, nag-away kami ni Chona kanina. Naglasing kasi ako. Na-miss kita eh. Dahil sa pangungulit niya kung bakit ako naglalasing, sinabi kong na-miss kita. Kinulit din niya ako kung ano ang mayroon sa atin. Ang sagot ko ay best friend kita, na nakakaintindi ka sa akin, at ikaw ang nagpabago sa pananaw ko sa buhay. Sinabi ko rin sa kanya na ikaw ang pinagkakatiwalaan ko sa akin lihim. Mas lalo pa siyang nagalit. Minura niya ako. Doon na niya ibinunyag niyang nabasa daw niya ang sulat mo at alam niyang bakla ka raw at mahal ako. Nagalit din ako. Minura ko rin siya. Nagkasagutan kami. Nitong mga nakaraang araw, pansin kong ako na ang pinag-uusapan ng mga estudyante, pinagtatawanan, tila kinuktya. Sinabi ko rin kasi kay Chona ang pinagdaanan ko sa kamay ng aking stepfather sa iba pang mga tao. Alam ko, ipinagkalat niya iyon. Sobrang sakit. At mas masakit pa ito dahil wala ka na, wala na akong kakampi.”
Pang-apat na sulat:
“Dear ‘Tol, hiwalay na kami ni Chona. Ok lang, may kulang naman talaga sa pagmamahal ko sa kanya. May mga bagay na hindi ko maramdaman sa kanya na sa iyo ko lang hinahanap-hanap. Iba ang naramdaman ko para sa iyo, ‘Tol. Tila mababaliw ako sa kaiisip sa iyo...”
Panglimang sulat:
“Dear ‘Tol, napagdesisyunan kong lisanin na ang lugar na ito. Pakiramdam ko ay wala nang saysay pa ang pag-aaral. Nahihirapan lang ako. Wala ka na rito, wala na akong kakampi. Tila nag-iisa na lang ako sa pakikibaka ko sa aking buhay. At ang mga tsismis tungkol sa akin ay lalo pang lumala. Kasali ka rin sa tsismis nila. May relasyon daw tayo. Kaya heto, aalis na lang ako sa lugar na ito. Masakit ang lumisan dahil narito ang mga masasayang alaala natin. Sa lugar na ito ay nagbago ang aking pagkatao, ang aking pananaw, at nakilala ko ang pinakamabait na tao sa buong mundo. Habang ginagawa ko ang sulat na ito ay umiiyak ako, hindi ko alam kung bakit ngunit marahil ay dahil napamahal na sa akin ang lugar na ito at malaki ang aking pagnhihinayang. Isa pa, hindi ko na rin alam kung sa pag-alis kong ito ay magkikita pa tayo. Sa Maynila ang tungo ko. doon ako magsisimula. Sana roon ay malimot na rin kita. Miss na miss na kita ‘Tol. Ngunit dahil ayaw mo akong sagutin, alam kong hindi mo na ako namiss pa. Hindi ko alam kung ano ang magiging kapalaran ko sa Maynila ngunit pipilitin kong lumaban. Sabi mo nga, ang gamugamo ay matatapang. Dapat ay ganoon din ako. Paalam ‘Tol. Pangako ko sa iyo, sa Maynila, pipilitin ko pa ring buuin ang buhay ko, muling magsimula at mangarap. Kahit wala ka na sa piling ko ay makakaya ko ang lahat...”
Hindi ko lubos maintindihan ang aking naramdaman sa pagkabasa sa sulat ni Dennis. Sa dalawang taon na nagkahiwalay kami, ang buong iniisip ko ay wala siyang nararamdaman para sa akin. Mas lalo pa akong na-excite sa pag-uwi kong iyon. Nakikinita kong magiging masaya ang aking bakasyon ngayong nagkaalaman na kami sa aming mga nararamdaman. Muling nanumbalik sa aking isip ang huling nangyari sa amin kung saan ay pinagsamantalahan niya ako habang nasa gitna ng aking kalasingan. Tinanong ko siya sa airport kung bakit niya ginawa iyon sa akin at ang sagot niya ay, bakit ko rin ginawa iyon sa kanya. Iyon pala ang sagot... dahil mahal din niya ako.
Pagkatapos kong umuwi sa aking mga magulang, pinuntahan ko kaagad ang Tita ni Dennis. Ngunit isang masakit na dagok ang sumalubong sa akin.
“Mabuti at nakarating ka na!” ang sambit ng Tita ni Dennis. “Tanong nang tanong si Dennis sa iyo kung nakauwi ka na ba. Bukas na kasi ang kasal niya sa huwes. Gusto niyang naroon ka! Ikaw lang ang bisita niya sa side niya at ang mga magulang at kapamilya lang ng babae ang dadalo. May anak na kasi... Hinintay ka talaga niya. Kaya kahit bukas ng umaga, kung may flight, sumakay ka na agad.”
Mistulang tinadtad sa sakit ang aking puso sa narinig. Pakiwari ko ay biglang gumuho ang aking mundo. “G-ganoon po ba?” ang sagot kong hindi ipinahalata ang bigla kong naramdamang sakit. Para bang pinaglaruan talaga ng tadhana ang aming kalagayan. “S-sige po... maghanap kaagad ako ng ticket upang makahabol” ang naisagot ko na lang at nagmamadaling tumalikod upang hindi mapansin ang pangingilid ng aking mga luha.
Dumiretso ako sa bahay-kubo. Nakaupo sa bangkong kawayan, di ko naman maiwasang tingnan ang inukit niya sa puno ng Narra. Klarong-klaro pa rin ang inukit niyang iyon. Nanariwa na naman sa aking isip ang ginawa niyang sulat para sa akin. Napabuntong-hininga na lang ako. “Dadalo ako sa kasal niya. Ipakita kong ako pa rin ang best friend niya kung saan ay sa oras ng katuparan ng kanyang pangarap ay naroon ako, full-support sa kanyang mga hakbang at desisyon sa buhay. Bagamat masakit ito para sa akin, matapang kong haharapin ang lahat. Nilapitan ko na lang ang puno ng narra. Hinaplos ko ang mga inukit niya at tila isang baliw na kinausap iyon, “Ikaw lang ang nakakaalam ng lahat. Ikaw lang ang nag-iisang testigo sa aming pagmamahalan. Siguro nang narito siya habang nandoon ako sa seminaryo, umiiyak siya. Ngayon naman ako ang nakikita mong umiyak. Ang hirap. Mag-aasawa na kasi siya. Ang sakit... ”
MAAGA ANG AKING FLIGHT sa araw na iyon. Sa lungkot na aking nadarama, tila nalimutan ko na ang mga detalye sa biyahe kong iyon. Nang narating ko na ang tinutuluyan niyang apartment sa Pasay City, wala nang tao roon. Ang sabi ng mga kapitbahay, nagpunta nga raw sila sa korte. Hindi sinabi kung bakit ngunit alam kong iyon na nga iyon, ang kanlang kasal. Nagtanong na lang ako kung ano ang address at kung paano iyon mapupuntahan.
Sa wakas ay narating ko rin ang nasabing lugar. Nasa bungad na ako ng bulwagan ng korte at nakita ko na si Dennis at ang babaeng pakakasalan niya. Nasa harap sila, kandong-kandong pa ng babae ang isang bata na marahil ay ang nasabing anak nila. Hinihintay na lang nila na darating ang judge.
May halos dalawang minuto ko rin silang pinagmasdan. Nakaupong nakatalikod sila sa iilang mga tao na naroon. Sobrang sakit ng aking naramdaman. Parang doon pa lang ay gusto ko nang maglupasay sa sakit na nadarama ng aking puso. Habang nasa ganoon akong ayos na nanuod sa kanila, tila may malakas na udyok sa aking utak na nagsabing sisigaw ako at ipahinto ang kasal, ipaglaban ang aking nararamdaman, kagaya nang mga eksena sa teleserye at pelikula. Ngunit wala akong lakas na gawin iyon. May isang bahagi rin ng aking utak na nag-udyok na magpakatatag. Dahil tila nag tug-of-war ang aking utak at pakiwari ko ay mababaliw sa eksenang nakita, tumalikod ako atsaka dinukot ang aking cell phone at nagtext. Nakuha ko na kasi ang bago niyang numero mula sa kanyang Tita. “Nandito na ako. Ngunit hindi ko kayang pagmasdan ka haabang ikakasal. Kaya umalis na lang ako... Congratulations na lang sa iyong kasal at bagong panimula. Oo nga pala, nabasa ko na rin ang mga sulat mo, itinago pala ng Tita kong madre. Naintindihan ko ang lahat. JC.”
Nang maisend ko na ang message ko, sumakay ako ng taxi at nag check-in sa isang hotel. Doon ay nagkulong ako at nabuo ang plano na uuwi na kinabukasan.
Maya-maya ay nag-message alert ang aking cell phone. Binuksan ko ito at binasa. “Saan ka ngayon?” ang maiksing message galing kay Dennis.
“Narito sa isang hotel sa Malate.” Ang sagot ko, binanggit ko rin ang pangalan ng hotel.
Iyon lang ang text niya. Hindi na siya nagreply. Makalipas ang isang oras, tumawag ang front desk at nagtanong kung may ini-expect ba raw akong bisita. Sinagot ko na wala. Nang binanggit niya ang pangalan, doon na kumalampag nang malakas ang aking dibdib. “S-sige, papasukin mo.”
Maya-maya lang ay narinig ko na ang door bell. Hindi ako magkamayaw sa pagtatatakbo upang buksan ang pinto. “H-hi!” ang may pag-aalangan kong pag-greet nang nabuksan ko na ang pinto ng kuwarto ko. Hindi ko kasi alam kung bakit siya nagtungo sa hotel samantalang kakakasal lang niya. Atsaka, alam kong may kaibahan na sa tagpong iyon; may nagmamay-ari na sa kanyang puso. Naka-slacks siya, suot ang itim na coat and tie at ternong itim na sapatos, naka-gell ang buhok. Guwapong-guwapo. Tila lalo pa siyang gumuwapo.
“Hi!” ang sagot din niya habang nanatiling nakatayo sa may pintuan, tila napakong nakatayo roon at nakangiting nakatitig sa akin.
“A-anong nangyari?” ang tanong ko kaagad.
“Puwede bang pa-hug muna bago ang tanong?” ang sambit niyang abot-tainga na ang ngiti. Ramdam kong masayang-masaya siya.
Napangiti ako. Doon na nanumbalik ang pagiging kumportable ko sa kanya. Niyakap ko rin siya bagamat may pag-aagam-agam dahil hindi ko alam kung ano ang drama niya. Pagkatapos naming mag handshake, “Anong nangyari nga???” ang paggiit ko muli sa tanong habang hawak-kamay na kaming pumasok sa kuwarto.
Ibingasak niya ang kanyang katawan sa kama. “Hindi natuloy ang aming kasal.” Ang kawal niyang sagot.
“Ha??? B-bakit?” ang tanong ko uli habang umupo sa kama, sa tabi niya.
“Sumipot ang tunay na ama ng bata. Matagal na pala akong niloko ni Loida. May ibang lalaki siya. Mabuti na lang at hindi pa natapos ang kasal ay hinarang na ito ng lalaki. Hayun, iniwan ko sila.”
“G-ganoon ba?” ang tanong ko. Halos hindi pa talaga ako makakapaniwalang ganoon kabilis ang mga pangyayari. “A-anong balak mo ngayon?” ang dugtong kong tanong. Tila naglupasay sa tuwa ang aking puso.
“Heto, maghahanap ng iba. Iyong tunay na nagmahal sa akin, iyong hindi ako pababayaan.” Ang sambit niya, sabay lingon at kindat sa akin. “Ikaw? Ano ang balak mo?” ang tanong niyang ramdam na ramdam ko ang sigla.
“Magpapari ako, di ba? Bawal sa amin ang maghanap ng makamundong pagmamahal.” Ang biro kong sagot.
Bigla naman siyang bumalikwas sa pagkahiga at tinumbok ang pintuan sabay sabing, “E di maghanap na lang ako ng iba.”
“Hoy! Hoy! Joke lang!” ang sigaw ko rin habang hinahabol siya at hinablot ang isang kamay, hinila pabalik sa kama.
Humiga uli siya sa kama. At ako ay nakaupo pa rin sa tabi niya. Napansin kong bigla siyang tumahimik. Nang nilingon ko ay nahalata ko sa mukha niya ang paglungkot nito.
“N-nabasa mo na ang sulat ko di ba?” ang tanong niya.
Tumango lang ako.
“Mahal kita.” Ang kaswal niyang pagkasabi.
“Mahal mo lang ako noong panahon na sinulat mo iyon.” Ang sagot ko rin.
“Ikaw ba ay mahal mo lang ako noon nang sinulat mo rin iyon? Nagbago na ba ito ngayon?”
Hindi kaagad ako nakasagot. Tinitigan ko siya. “Wala namang nagbabago sa pag—“
Hindi ko na naituloy pa ang aking sasabihin gawa ng paglapat ng mga labi niya sa mga labi ko. Buong kasabikan ko namang tinanggap ang mga halik niya. Sa pagkakataong iyon ay malaya naming pinakawalan ang bugso ng aming pagnanasa para sa isa’t-isa. Tila walang mapagsidlan ang aking saya sa malaya naming pagtatalik. Iyon ang pinakaunang pakikipagtalik ko sa kanya na pareho kaming nagpaubaya, pareho naming ginusto, pareho naming sinuklian ang nag-aalab naming pagnanasa sa isa’t-isa.
“G-gusto ko, ‘Tol, tayo ang magsama. Huwag ka nang bumalik sa seminaryo. Huwag ka nang magpari. Pangako ko sa iyo, habambuhay kitang aalagaan.” Ang sambit ni Dennis nang humupa na ang bugso ng init ng aming katawan.
Halos hindi pa rin ako makapagsalita. Napakabilis ng mga pangyayari na tila isang panaginip lamang ang lahat. “Eh...” ang nasambit ko na lang.
“Please ‘Tol... mahaba-habang panahon ding naghirap at nagdusa ang ating mga kalooban. Bigyang-laya na natin ito. Ito na ang tamang panahon. Huwag ka nang bumalik pa sa seminaryo.”
“P-puwede bang hindi ko muna sasagutin iyang tanong mo? Nandito pa naman ako. I-enjoy na lang muna natin ang bawa’t isa.” ang sagot ko.
“Okay...”
Hindi na natuloy ang balak kong umuwi ng Leyte kinabukasan. Sinamahan ako ni Dennis sa hotel at doon na rin siya natulog. Kinabukasan, kinulit na naman niya ako sa kanyang tanong. “Huwag ka nang bumalik sa seminaryo, please...”
Muli na naman akong natuliro. Tinitigan ko siya, may pag pag-alinlangan ang aking puso. “P-paano ang mga magulang ko? Paano ang tradisyon namin? Paano ako magpaliwanag sa kanila? P-apaano tayo mabubuhay? Wala akong trabaho at walang pera? Paano ang mga tao sa paligid natin? Wala pa ako sa tamang edad? 18 lang ako...” ang mga halos hindi mabilang kong tanong sa kanya.
“Nasa tamang edad ka na ‘Tol. 18 ang legal age of consent sa Pinas. Sa tradisyon mo naman, di ba ang sabi mo, may pinsan kang magma-madre? E di siya na ang sasalo sa responsibilidan ng inyong tradisyon.” Ang sambit niya. Nabanggit ko kasi sa kanya sa aming kuwentuhan sa gabing nagdaan ang pagmamadre ng aking pinsan. “At kung paano tayo mabubuhay? Huwag kang mag-alala, may trabaho ako. Ako ang bubuhay sa iyo. Puwede pa kitang papag-aralin kung gusto mo. At tungkol naman sa pagpapaliwanag sa mga kapamilya mo, sa sinabi ko na, nasa tamang edad ka na. Maaari ka nang magdesisyon tungkol sa ano mang bagay sa buhay mo. Tungkol naman sa mga tao sa paligid, wala akong pakialam kung ano man ang sasabihin nila. Para sa iyo, magpakatatag ako... Kung noon ay halos masira ang buhay ko dahil sa takot nang kung ano ang sasabihin ng mga tao, hindi na ako matitinag ngayon, at ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging matatag.”
Dahil hindi pa talaga ako handang magbigay ng desisyon, ang nasabi ko na lang ay, “Manatili na lang muna ako dito sa Maynila ng isang linggo. Pagkatapos ay saka na ako magdesisyon.”
Pumayag naman siya sa aking kundisyon. Lumipat kami sa kanyang flat at doon ako nanatili. Parang tunay na mag-asawa na ang aming turingan. Siya ang nagtatrabaho sa araw, at ako naman ang nasa bahay, ginagawa ang mga gawaing bahay kagaya nang paglilinis, pag-aayos ng mga gamit sa loob nito, paglalaba, pamamalengke, pagluluto. Masarap ang pakiramdam ko sa aming setup. Pakiwari ko ay wala na akong mahihiling pa. Maalahanin si Dennis, mapagmahal, at masayang kasama.
Isang araw bago ang pang-isang linggo na ibinigay kong palugit para makapagdeisyon, hindi ako makatulog. Naguluhan ako, nagtalo ang aking isip kung tutuloy pa ba sa seminaryo at ang magiging consequence nito sa pamilya ko at mga kamag-anak, at sa kabilang banda, ang pagbibigay-laya ko sa sarili, sa pagmamahal ko kay Dennis, na maaaring hahantong lang din sa wala, gawa nang wala pa naman akong nakitang kapwa lalaking humantong talaga ang pagmamahalan hanggang sa pagtanda, hanggang sa kamatayan.
Ngunit ang mga puntong aking kinokonsidera ay ang pagmamadre ng aking pinsan, at ang galit ko pa rin sa aking Tita na madre noong itinago niya at binasa pa ang mga sulat ni Dennis para sa akin. Pakiwari ko ay binababoy ako. At nakapagbitiw na rin ako ng salita na hindi na babalik pa roon. Kaya sa bandang huli ay pinili ko ang pananatili kay Dennis.
Masayang-masaya si Dennis sa naging desisyon ko. Nagtatalon siya sa matinding kagalakan at kinakarga-karga pa ako. Tinawagan ko kaagad ang Tita kong madre at sinabi sa kanya na hindi na ako babalik pa sa pagpapari. Syempre, nagulat siya, at nagalit. Nag-away pa kami sa telepono. Ngunit palaban na ako dahil sa ginawa niya. Tila nabawasan ang respeto ko sa kanya. Para sa akin, ang ginawa niya ay hindi gawain ng isang madre.
Pagkatapos na pagkatapos naming mag-usap, tinawagan naman ako ng aking inay. Nagalit siya, umiyak, nagtanong kung bakit ko nagawa ang desisyong iyon. Sinagot ko na lang siya na may sasalo naman pinsan na magmamadre, at sinabi ko rin ang sama ng loob ko sa Tita dahil sa ginawa niyang pagtago at pagbasa ng personal kong mga sulat. “Galit na galit ang itay mo at hiyang-hiya siya sa mga tao. Alam mo ba kung gaano kalaki ang kahihiyang idinulot mo sa ginawa mong desisyon? Dahil lamang sa sama ng loob mo sa Tita mo, hihinto ka sa pagpapari?” ang galit na sambit ng inay.
Ngunit wala ring nagawa ang inay. Buo na ang aking isip at hindi na mababali pa ito. Nagpaalam na rin ako sa kanya na hindi na muna ako uuwi ng Leyte at na maghahanap ako ng trabaho sa Maynila at mag-aral muli. Iyon naman kasi ang ipinangako sa akin ni Dennis.
Kaya natuloy ang aming pagli-live in ni Dennis. Halos wala nang mapagsidlan ang kaligayahan kong nadarama sa aming pagsasama. Tinupad naman niya ang kanyang sinabi na paninindigan niya ang aming pagmamahalan. Iyon nga lang, ang aming pakilala sa mga tao sa paligid ay magpinsan. Pero okey lang. Hindi naman namin kailangang i-announce sa buong mundo na nagmamahalan kami. Basta nagsama kami at alam namin sa isa’t-isa na kami ay nagmahalan, sapat na iyon.
Umabot kami ng anim na buwan sa aming pagsasama. Sa anim na buwan na iyon ay masasabi kong hindi ako nagsisi sa pag-alis sa seminaryo. Nanatili siyang mabait, mapagmahal, maunawain. Walang nagbago sa kanyang pagmamahal. Wala akong masabi sa kanyang kabaitan. Palaging may pasalubong kapag umuuwi galing sa trabaho, namamasyal kami palagi kapag wala siyang pasok. Halos buhay-prinsesa, este prinsepe ako. At ang plano pa namin ay i-enrol niya ako sa padating na pasukan.
Ngunit isang araw ay nabigla na lang ako nang nakatanggap ako ng text. “JC, puwede ba tayong mag-usap?”
Gulat na gulat ako dahil parang kilala niya ako samantalang hindi naman nakaregister ang number niya sa phone book ko. “Sino to?” ang sagot ko.
“Si Loida. Siguro naman ay kilala mo ako. Palagi kang ikinikuwento sa akin ni Dennis noong may relasyon pa kami.”
Para akong nakarinig ng malakas na pagsabog sa aking nalaman kung sino siya. Kinabahan ako na hindi mawari. “Hi Loida. Paano mo nakuha ang aking number?” ang sagot ko rin.
“Nagtatanong ako sa mga kaibigan ninyo ni Dennis.”
“Ah ganoon ba? Bakit? Anong mayroon?”
“May sasabihn lang ako sa iyo. May mahalagang bagay kang dapat malaman. Huwag mong sabihin kay Dennis ito ha? Atin-atin na lang.”
“Tungkol saan ba ito?” ang sagot kong ramdam na ang pabilis na pabilis na pagkalampag ng aking dibdib.
“Basta mag-usap tayo. Sandali lang ito. Huwag mong isipin na aagawin ko si Dennis sa iyo. Tanggap ko na ang lahat. May gusto lang akong sasabihin sa iyo para at least aware ka sa mga pangyayari.”
“Sige...” ang sagot ko, bagamat may pag-aalangan ako.
Nagpaalam ako kay Dennis na mamalengke lang. Dahil nasa duty naman siya kung kaya ay walang problema.
Nagkita kami ni Loida sa isang restaurant. Noon ko lang siya nakita. Matangkad din si Loida, maganda, makinis, maputi, may mahabang buhok at sa suot niyang faded na maong at body-fit na puting t-shirt ay hindi mo akalain na may anak na siya. Dala-dala niya ang anak niyang mahigit isang taong gulang na. Cute ang bata, maputi, kamukhang-kamukha ni Loida.
“JC, hindi ako magpaligoy-ligoy pa... Una, alam ko na ang relasyon ninyo ni Dennis at personally, wala akong problema roon. Pangalawa, aaminin kong nagkamali ako habang nasa relasyon pa kami ni Dennis. Nagtukso ako sa isang lalaki at may nangyari sa amin ng lalaking iyon. Walang kaalam-alam si Dennis nito, hanggang sa sumulpot siyang bigla sa aming kasal. Kaya sa galit ni Dennis ay hindi na niya itinuloy pa ang kasal namin, at hiniwalayan niya ako.” Nahinto siya nang bahagya. “Ngunit ang totoo, si Dennis ang tunay na ama ni Leah.” Turo niya sa bata. “Ang lalaking iyon ay nagpunta lang doon upang guluhin ang buhay ko, nagalit na hindi ko na siya pinansin.”
“G-ganoon ba?” ang sagot ko.
“Inamin ba ni Dennis sa iyo na siya ang tunay na ama ng bata?” ang tanong niya.
“H-hindi... Hindi niya raw anak.” Ang sagot ko.
“Puwes, may ipapakita ako sa iyo,” may dinukot siyang isang folder mula sa kanyang bag at binuklat ito sa harap ng mesa. “Ito ang resulta ng DNA test. Talagang gumastos ako para rito upang malinawan ang aking isip kung sino ba talaga ang ama ni Lea. Siguro naman kung ikaw ang nasa kalagayan ko, gusto mo ring malaman ang katotohanan, di ba?”
Nangingiming tumango ako.
“Heto tingnan mo.”
Tiningnan ko ang report. May nabasa akong pangalan ni Dennis at pangalan din ng isang lalaki. At sa gitna ng pangalan nina Dennis at Leah ay may nakasulat na “matched”. Napatingin ako sa kanya. Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama. Parang may biglang kumalampag sa aking dibdib na magkahalong takot, lungkot, at sama ng loob, hindi ko maintindihan.
Nagpatuloy siya. “Ngayon, ang punto ko lang... dahil sa na-confirm kong si Dennis ang tunay na ama ng bata, hihilingin ko sana sa iyo na mabigyan ang anak ko ng isang normal na pamilya...” nahinto siya at nakita ko na lang ang kanyang pag-iyak.
“P-paano?” ang tanong kong naguluhan at kinabahan sa kung ano ang gusto niyang tumbukin.
“Alam kong isa kang seminarista JC at naengganyo ka lamang na huwag nang bumalik ng seminaryo dahil sa mga ipinangako sa iyo ni Dennis. Ngunit maniwala ka, JC, alam kong mahal pa rin ako ni Dennis. Kung hindi lang dahil sa iyo ay wala na sana kaming problema ni Leah. Kung hindi dahil sa iyo, buo na sana kaming tatlo ni Leah bilang isang pamilya. Ngunit nariyan ka, nakaharang sa mithiing magkaroon ang aking anak ng normal na buhay. Di ba, sabi sa bible, isang malaking kasalanan ang pagsisiping ng dalawang lalaki? Alam mo ito dahil isa kang seminarista. Pero walang problema ito sa akin, JC. Ang sa akin lang, may anak ako, kami ni Dennis na nangangailangan ng pang-unawa mo. Tingnan mo siya...” ibinaling niya ang kanyang tingin sa bata, “...napakagandang bata, isang napaka-inosenteng anghel na ang kinabukasan ay maaaring masisira, nang dahil sa iyo. Isang araw, baka magiging isang sikat na artista pa siya, isang modelo, isang business woman, o ano pa man. Ngunit maaaring mabigo ang lahat nang ito dahil mag-iba ang tingin niya sa kanyang sarili, magkakaroon ng inferiority complex, baka magiging isang salot sa lipunan. K-kung babalik ka sa pagpapari, maraming matutuwa sa iyong desisyon; ang iyong pamilya, ang iyong mga kamag-anak, pati ako at si Leah... magiging sobrang proud sa iyo dahil isinakripisyo mo ang iyong pagmamahal para sa isang tao upang mabuo ang pangarap ng isang bata. Para sa akin at sa kanya, isa kang bayani... d’yan pa lang ay masasabi kong isa kang tunay na alagad ng Diyos, at matutuwa siya sa iyo.”
Tila isang napakalakas na lindol ang yumanig sa matiwasay ko na sanang pag-iisip. Parang isa akong eroplanong nasa alapaap ngunit sa isang iglap ay tinamaan ng napakalakas na bomba at nagkawatak-watak itong bumulusok sa lupa. Pakiramdam ko ay sinampal ako nang maraming beses at biglang nagising sa isang masakit na katotohanan. Doon na ako tuluyang bumigay at humagulgol. Naghalo ang aking naramdaman. Sama ng loob para kay Dennis, pagkamulat sa katotohanang may naapakan akong mga tao, kasama na ang aking pamilya at mga kamag-anak na tumitingala sana sa akin. Pakiwari ko ay isa akong napakaliit na tao sa oras na iyon. “I’m sorry... I’m sorry...” ang paulit-ulit kong sinabi.
Niyakap ako ni Loida, hinaplos-haplos niya ang aking likod. “Ok lang iyan... ang impportante ay nasabi ko na sa iyo ang saloobin ko at ikaw na ang bahalang magdesisyon. Ano man ang desisyon mo, rerespetuhin ko ito, JC. Maraming salamat sa pakikinig mo sa akin at sa pagbibigay mo ng oras sa aming mag-ina.” Ang sambit niya.
“Hindi, Loida... bukas na bukas din ay iiwanan ko na si Dennis. Maraming salamat sa pagmulat mo sa aking isip.”
“Walang anuman, JC. Maraming salamat kung ganoon.” Ang sagot ni Loida. Niyakap ko pa siya bago kami tuluyang maghiwalay. “I wish you good luck at sa loob ng seminaryo ay ipagdarasal ko ang pagiging masaya ninyo ni Dennis.” ang sabi ko.
“Kapag naging ganap na pari ka na JC, ikaw ang kukunin naming magkasal sa amin ni Dennis sa simbahan.” Ang pahabol pa niya.
Binitiwan ko lang ang isang matipid na ngiti.
Pagkatapos naming mag-usap, dumiretso ako sa simbahan. Doon ako nag-iiyak, humagulgol, ipinalabas ang lahat ng naramdamang sama ng loob at pagsisisi. Nanghingi rin ako ng tawad sa kanya. Halos dalawang oras ako sa loob ng simbahang iyon. Hanggang sa nahimasmasan na ako at umuwi.
Wala pa rin si Dennis sa bahay. Ang text nya ay may overtime daw siya at ma-late ng dalawang oras. Agad kong inayos ko ang aking mga gamit at damit na dadalhin sa aking pag-uwi. Nang nakarating na si Dennis, nagkunwari akong wala lang nangyari. Nag-inuman pa kami sa gabing iyon at sabay na natulog. Ngunit nang mag-alas 2 na ng madaling araw doon na ako gumising upang gumawa ng sulat.
“Dear Dennis, una sa lahat, gusto kong humingi ng tawad na heto, aalis ako nang walang paalam sa iyo. Ginawa ko ito dahil buo na ang aking pasya na babalik sa seminaryo at ayaw kong hahadlangan mo pa ito. Patawarin mo ako. Mahal kita ngunit mas makabuluhan para sa akin, para sa ating lahat ang ipagpatuloy ko ang pagpapari ko. Sana ay mapatawad mo ako. Gusto ko ring magpasalamat sa lahat ng kabutihang ipinakita mo sa akin. Kahit sa maiksing panahon na nagsama tayo sa isang bubong ay ipinadama mo sa akin kung paano ang mahalin. Tila wala na akong mahihiling pa sa piling mo. Sa tanang buhay ko, sa iyo ko lang nadarama at naranasan ito. Hinding-hindi kita malilimutan ang lahat. Kung ako lang sana ang masusunod, hindi kita iiwan. Ayaw ko pa sanang tapusin ang lahat, at lalong ayaw kong tapusin ang lahat sa ganitong paraan. Ngunit sadyang may mga pagkakataon lang talagang ang magagandang bagay sa mundo, kasama ang pagmamahal, ay kailangang isakripisyo para sa kabutihan ng nakararami. At hindi ako exempted dito. Kailangan kong magsakripisyo upang mabuo at lumigaya ang buhay ng mga taong mahal natin at nagmamahal sa atin. Kapag nagpari ako, matutuwa ang aking angkan, ang aking mga magulang. Kapag nananatili tayong mag best friends lamang, mabubuo ang pangarap mo sa iyong sarili, mabubuo ang buhay at pangarap ng iyong anak... paalam sa iyo. Lagi mong tatandaan na ano man ang mangyayari, hindi kita malilimutan. Ikaw lamang ang nag-iisang taong nagmamay-ari ng aking puso. Mahal na mahal kita. Sa loob ng seminaryo ay ipanalangin ko ang iyong kaligayahan. Ang katuparan ng inyong mga pangarap. Ang iyong best friend, JC.”
Inilagay ko ang sulat sa ibabaw ng study table niya. Nilingon ko pa ang aming kama kung saan ay nakahigang nakatihaya si Dennis, himbing-na himbing sa kanyang pagtulog, walang kaalam-alam sa nakaambang malaking pagbabago ng kanyang buhay, ng aming mga buhay. Itinuon ko ang aking paningin sa kanya. Ang puting kumot ay nakatakip hanggang sa kanyang tiyan na marahang gumagalaw kasabay sa kanyang paghinga. Naaaninag ko rin ang kanyang maamong mukha na nakasanayan kong haplusin bago kami matutulog.
Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Nilapitan ko siya sa kanyang kama at patuloy na tinitigan, inukit sa aking isip ang kaliit-liitang mga detalye ng kanyang mukha upang ito ay hindi mabura sa aking isip. Nang nagsawa, maingat kong inilapat ang aking mga labi sa kanyang noo. “Paalam best friend...” ang bulong ko.
Hindi pa rin siya gumalaw. Nakapikit pa rin ang kanyang mga mata habang dinig na dinig ko ang mahinang ingay bunsod ng kanyang paghinga. Tumayo ako at maingat na tinumbok ang pinto ng kuwarto. Nang nakalabas na ay dali-dali akong naglakad palayo sa kanyang flat, ni hindi lumingon, hinayaang ang pagbagsak ng mga luha mula sa aking mga mata habang binaybay ko ang madilim at makipot na eskinita patungo sa kalsada.
Alas tres nang madaling araw nang nakarating ako sa airport. Dahil may nakatago pa naman akong pera mula sa aking allowance sa pagkapari, iyon ang ibinili ko ng ticket. Tinanggal ko na rin ang sim card ng aking cell phone upang huwag na niyang ma-contact pa.
Halos gabi na nang nakarating ako sa aming bahay sa probinsiya. Sasakay pa kasi ako ng bus galing ng airport at magbibiyahe pa ito ng may tatlong oras.
“Nay! Nay!” ang sigaw ko kaagad nang makarating na ako ng bahay.
“Anak!!!” ang gulat na sagot naman inay, bakas sa kanyang mukha ang pagkagulat. Nabitawan pa niya ang dala-dalang balde na dala-dala niya.
Tumakbo ako palapit sa kanya. Niyakap niya ako. Ramdam ko sa kanyang yakap ang matinding pangungulila. Niyakap ko rin siya nang mahigpit. Nag-iyakan kami. Nanghingi ako ng tawad. “Nay... itutuloy na ako sa pagkapari.” Ang sambit ko.
“Talaga anak!” ang masayang sagot ng inay.
“Opo nay... narealize ko na nagkamali ako ng desisyon...”
Binitiwan ng inay ang isang ngiti. “Masaya ako anak. Masayang-masaya.” At muli niya akong niyakap. “Halika sa loob. Narito ang itay mo.” Dugtong niya.
Nang nasa loob na kami, sumalubong naman sa aking paningin ang aking itay na naka-upo sa isang wheel chair. “Nagkaroon ng mild stroke ang itay mo. Simula nang nagdesisyon kang hihinto sa pagpapari, palagi na lang siyang malungkutin, tulala, at halos hindi na lumalabas ng bahay dahil sa matinding hiya.”
Doon ay tuluyan na akong humagulgol habang niyakap ko ang itay. “Patawad po itay!!! Ang laki ng pagkakasala ko sa inyo!”
Kahit hindi niya masyadong naigagalaw ang isa niyang kamay, pilit niya akong niyakap. Nag-iyakan kaming tatlo ng inay. Nagyakapan. Nang sinabi kong tutuloy na ako sa pagpapari, ramdam ko ang saya niya. Muli niya akong niyakap, kitang-kita sa kanyang mukha ang matinding kaligayahan.
Tinawagan kaagad ng aking inay ang aking Tita sa Iloilo at ibinalita ang aking desisyon na ipagpatuloy muli ang pagpapari. Masayang tinanggap nila ang balita.
Sa madaling salita ay natuloy ang aking muling pagpasok sa seminaryo. Balik-normal uli ang aking buhay bilang isang seminarista.
Ngunit syempre, mahirap iwaglit sa aking isip si Dennis. Kahit sa panahon ng aming misa kung saan ay doon kami nagsisimba sa labasan ng simbahan ng seminaryo at open para sa mga taga-labas, pakiwari ko ay naroon din si Dennis na nakisimba. May isang beses nga, may hinabol talaga akong isang lalaki na akala ko ay siya. Ngunit nang humarap na ay ibang tao pala. Ganyan ka tuliro ang aking isip. Bagamat naroon na ako sa loob ng seminaryo. Nahirapan pa rin akong talikuran ang aming nakaraan.
Lumipas pa ang ilang taon at narating ko rin ang tinatawag nilang regency. Ito ay ang punto bago ma-ordinahan ang isang seminarista sa pagkapari. Dito ay bibigyan siya ng laya upang i-evaluate ang sarili kung nais ba talaga niyang maging ganap na pari at ituloy ang kanyang ordinasyon, o mananatili na lang sa labas at huwag nang ituloy pa ang pagiging ganap na alagad ng Diyos.
Ginugol ko ang aking regency sa Leyte. Sa panahong iyon ay pinilit ko na ang aking sariling huwag makipagkita kay Dennis. Ayaw kong mangyari muli ang nangyari sa amin kung saan ay natukso ako sa kanya at muntik ko nang hindi maipagpatuloy ang aking bokasyon. Nagturo ako ng Theology sa unibersidad kung saan kami nagkakila ni Dennis. Minsan ay hindi ko maiwasang sariwain sa aking isip ang nakaraan. Lalo na kung makakakita ako ng dalawang lalaking estudyante na magkaibigan at sweet na sweet sa isa’t-isa. Kapag napadaan naman ako sa mga lugar kung saan kami ay madalas na magbonding, bigla rin siyang papasok sa aking isip. Ngunit hanggang doon na lang. Kumbaga, tanggap ko na lang lahat. Sariwa pa ang sugat sa aking puso, ngunit ramdam ko na ang pagiging manhid nito. Naka-program na rin sa aking isip na isang taon lang ang aking hihilinging regency at mag-apply na ako para sa ordinasyon upang maging isang lubos na pari.
Iyon ang plano ko. Subalit, marahil ay sadyang mapaglaro ang tadhana. Dalawang araw bago ang balik ko sa seminaryo upang mag-apply na ng ordination, sumulpot ang Tita ni Dennis sa bahay.
Nagulat ako sa hindi inaasahang tagpong iyon. Bagamat kinakabahan, hindi ko rin maipagkaila sa aking sarili na may tuwa akong nadarama.
“JC, gusto kang makita ni Dennis. Nasa bahay siya ngayon, may karamdaman. Nalaman kasi niya na malapit ka nang bumalik sa seminaryo para sa iyong ordinasyon kaya ako na ang pinakisuyuan niya upang ipaalam sa iyo na gusto niyang magkita muna kayo bago ka mumalik ng Iloilo. Hindi pa kasi kaya ng katawan niya ang maglakad.” Ang sambit ng Tita ni Dennis.
“T-talaga po? Umuwi po pala siya?” ang gulat kong tanong.
“Oo. Umuwi siya dahil dito muna magpapagaling...”
(Itutloy)