Matalinghaga
“Helpppppp!!! May nalaglag sa building!!! Hellllpppppppppp!!!” ang malakas at nanginginig na boses na gumulantang sa amin habang nasa loob kami ng aming classroom. Nasa third floor ng main building ng unibersidad ang aming silid-aralan at dinig na dinig namin ang sigaw na iyon na nasa hallway lamang. Sa aming pagkabigla, halos sabay kaming nagsilingunan sa pinanggalingan ng sigaw. Nakita namin ang isang babaeng professor na nakasampa sa railing ng hallway, bahagyang nakayulo na tila ang sinisigawan ay ang mga taong nasa baba. Agad kaming nagsilabasan at tiningnan ang kanyang tinutukoy. Napuno ang kahabaan ng hallway ng mga estudyanteng nagsilabasan din at tiningnan ang ibaba ng gusali.
Dahil isa ako sa mga naunang dumungaw, kitang-kita ko mula sa aking kinatatayuan ang nakahandusay na estudyante sa semento, pinaligiran siya ng mga naki-usyuso ring mga estudyante sa baba. May mga nagsisigawan ng “Tulong!”, “Dalhin ninyo sa ospital!” at may nagsisigaw din na huwag siyang galawin at mas lalong makasama sa kalagayan niya. Nagkagulo sila sa baba, hindi malaman kung ano ang gagawin.
Alam kong buhay pa ang nasabing estudyante. Nakita ko pa kasing gumagalaw siya at napansin din namin ang yupi ng bubong ng pathwalk sa ibaba. Doon daw unang bumagsak ang nasabing estudyante bago tuluyang bumagsak sa sementong ground floor. Ngunit kinikilabutan pa rin ako, kinakabahan, lalo na’t may nakita pa akong dugo na tumagas mula sa kanyang katawan.
Maya-maya lang ay dumating na ang mga paramedics. Inilagay siya sa stretcher atsaka ipinasok sa ambulansya. Napag-alaman ko sa mga usap-usapan na transferee daw ang nasabing estudyante. “Katanga naman ng estudyanteng iyon!” ang narinig kong kumento ng isang estudyante na sinagot naman ng isa ng, “Baka naka-bato pre! High na high! Kala niya nakakalipad na siya!” May sumingit ding kumento na aksidente lang talaga, at dahil nga raw transferee kung kaya ay hindi kabisado ang railing ng school. “Nakakaloka naman iyan! E, di sana lahat ng transferees na narito ay nagkalaglagan na riyan!” ang supalpal naman ng isang estudyante.
Pangatlong araw pagkatapos mangyari ang insidenteng iyon ay nagulat ako nang may bagong pumasok na estudyante sa aming klase. May semento ang kaliwa niyang kamay at may mga gasgas pa ang kanyang mukha. Nang nag self-introduce siya, nalaman namin na siya pala iyong transferee na nalaglag.
“My name is Dennis; Dennis Sarmiento... a transferee” halos iyon lang ang kanyang sinabi. Kung hindi siya tinanong ng klase ay hindi siya magsasalita tungkol sa iba pang mga detalye tungkol sa kanya.
“So, how come you fell from this building...? ang tanong ng isang babaeng kaklase namin.
“I...” ang tila pag-aalangang sagot niya. “I... my... ball pen accidentally fell over the railing and when I was about to catch it, I lost my balance...”
“You’re very lucky you survived!”
Binitiwan lang niya ang isang pilit na ngiti.
Kasing edad ko si Dennis. Matangkad, nasa 5’9” ang tindig, maputi, medium-built ang pangangatawan, makinis ang mukha, at may hitsura. Sa tingin ko ay may dugo siyang European. Sa totoo lang, kinikilig sa kanya ang kababaihang classmates namin habang nakatayo siyang nag-introduce sa sarili niya sa harap ng klase. Maong na fit ang pantalon niya, naka-asul na T-hirt na semi-fit din, itim na Adidas ang kanyang sapatos, at ordinaryong barber’s cut ang kanyang maitim na buhok. Halos hindi na nga lang siya paupuin ng mga babae sa kabibigay ng tanong. Tunay nga namang may maipagmamalaki. Kahit ako, o baka rin ang iba pang mga lalaking kaklase namin ay napopogian din sa kanya.
Ngunit kung gaano kaguwapo siya sa panlabas, tila may malaking talinghaga naman siyang itinatago. Tahimik, malalalim ang tingin na mistulang tatagos sa iyong pagkatao ang kanyang mga tingin. Nakaupo lang siya sa isang tabi na parang takot na mapansin. Kahit sa paglipas pa ng ilan pang mga araw, nararamdaman kong tila wala siyang interest sa pag-aaral.
Dahil sa kakaibang napapansin ko sa kanya, nagkakaroon ako ng interest na makilala siya. Siguro rin, na-challenge ako pagiging mailap niya. Inisip ko na lang na baka nahihiya lang siya dahil may mga nangangantyaw din sa kanya na tanga dahil sa pagkalaglag nga niya sa building. Ang tawag na nga sa kanya ng iba ay “Spider Man.” Kaya naisipan kong kaibiganin siya.
Isang araw, nakita kong nasa student center siya at naglalakad patungo sa patwalk sa gilid nito. Sinadya kong salubungin siya. “Hi!” ang sambit ko nang magkasalubong na kami.
Ngunit hindi niya ako pinansin. Dire-diretso lang siyang naglakad. Feeling ko ay napahiya ako sa kanyang inasta. Napatingin na lang ako sa kanya habang nakalampas na siya sa akin. Para bang sa isip ko lang ay may nagmamaktol ng, “Ang suplado naman nito!” Ngunit nang tiningnan ko ang kanyang sapatos, nakita kong ang isang sintas niya ay natanggal. Syempre, may semento ang kaliwa niyang braso kung kaya ay mahirap para sa kanya ang pagtali noon.
Agad ko siyang hinabol. “Dennis!” ang sigaw ko.
Nahinto siya sa kanyang paglalakad at lumingon sa akin.
Nang nasa harap na niya ako, “Ang sintas mo...” ang sambit ko sabay turo sa kanyang sintas.
Yumuko siya at tiningnan ang kanyang sapatos. Nang nakita ang sintas nito, akmang yuyuko na sana.
“Ako na. Ako na ang magtali...” ang pag-giit ko. Umupo ako na halos nakaluhod sa harap niya habang itinali nang maayos ang natanggal niyang sintas. Pagkatapos ay inayos ko na rin sa pagkatali ang isa pang sintas, paniguro na hindi ito matatanggal. Nanatili lang siyang nakatayo sa gitna ng student center at nakatingin sa akin habang ganoon ang ginawa ko. Sa postura naming iyon ay tila isa akong tatay o di kaya ay baby-sitter na nag-ayos ng sapatos ng kanyang anak o alaga. Parang ganyan na kami ka-close.
Tumayo ako nang matapos ko nang ayusin ang mga sintas niya. Nagpasalamat siya.
“Walang ano man” ang sagot ko, sabay din sa pag-abot ko sa kanya sa aking kamay, “Ako nga pala si Juan Carlos Castro. JC na lang para mas maigsi. Magkakaklase tayo sa Political Science under professor Guerrero.” Ang dugtong ko.
Tinanggap niya ang aking pakikipagkamay. “Oo nga... natatandaan kita. Ikaw iyong palaging pinapasagot niya sa mga mahihirap na tanong, lalo na iyong mga situational.” Ang sagot niya.
May kaunting tuwa akong naramdaman sa sagot niyang iyon. Ibig sabihin, kahit ramdam kong wala siyang interest na makinig sa klase ay napapansin din pala niya ako. “Ikaw naman. Hindi naman mahihirap iyong tanong niya. Lahat naman tayo ay may kanya-kanyang approach sa situwasyon. Kahit sino ay makasasagot sa mga tanong niyang iyon...”
Hindi na siya sumagot. Tahimik. Iyon bang awkward na feeling na tapos na ang ginawa mo sa kanya, ngunit gusto mo pang makausap siya, makilala ngunit nahihiya ka dahil hindi mo alam kung ano pa ang idadahilan mo upang manatili.
“S-saan pala ang tungo mo?” ang biglang lumabas na tanong mula sa aking bibig.
“Sa likod ng main buiding, sa may botanical.” Ang sagot niya.
“P-puwede bang samahan kita?” ang pag-aalangan kong tanong.
Tumango naman siya. Kaya tuwang-tuwa ako na pumayag siya. Tinungo namin ang botanical garden. Ang napili naming upuan ay ang isang sementong bangko sa lilim ng malaking puno ng mahogany.
“Malapit lang ang aming lugar dito sa unibersidad, walking distance lang. Ikaw, saan ka nakatira?” ang sambit ko nang nakaupo na kami.
“S-sa Tita ko. Sa may parteng south. Sasakay pa ng tricycle.” Ang sagot niya.
“M-may kaibigan ka na ba rito?”
Umiling siya.
“Kung ganoon, ako pala ang pinaka-una mong kaibigan?”
Tumango siya.
“Yeheeeyyy!” ang sigaw ko naman na ipinakita sa kanyang natuwa ako.
Binitiwan niya ang isang matipid na ngiti. Iyon ang pinakaunang ngiti na nakita ko sa kanya. Iniabot ko ang aking kanang kamay na tinanggap rin naman niya. Nag-handshake kami. Iyon ang simula ng aming pag-uusap nang mahaba-haba.
Sa pag-uusap naming iyon ay marami-rami akong nalaman tungkol sa buhay niya. Ulila na siya sa ama, nag-asawang muli ang kanyang ina, at dahil may bagong pamilya kung kaya ay umalis siya sa poder nito at lumipat sa Tita niya, sa lugar namin.
“B-bakit ka umalis sa kanila? Di ba mas masaya dapat doon dahil naroon ang inay mo at ang iyong mga kapatid?” ang tanong ko.
“G-gusto ko lang sa Tita ko.” ang sagot niya.
Iyon lang. Hindi ko na kinalkal pa kung ano ang mayroon ba’t ayaw niya sa kanyang ina at mga kapatid sa pangalawang ama.
Isang araw, napansin kong hindi pumasok ng school si Dennis. Dahil alam ko na ang number ng cell phone niya, tinext ko siya. “Hi Dennis, musta? Ba’t hindi ka pumasok? Hinahanap ka ng professor natin.”
Naghintay ako ng sagot. Wala. Nagtext uli ako. Ngunit wala pa ring sagot. Dahil nakailang text na ako at walang sagot, tinawagan ko na siya. Ngunit naka-off ang kanyang cp. Wala akong nagawa kundi ang hayaan na lang na hindi ko siya nacontact. Naisip ko rin na baka nagpuntang ospital at tinanggal na ang semento sa kanyang braso. Ngunit nang umabot na sa tatlong araw ang absences niya, nagtaka na ang aming mga ka-klase at professors. Sa pagkakataong iyon, pinuntahan ko na talaga ang lugar niya. Nagtatanong ako sa mga tao hanggang sa natunton ko ang bahay niya.
“Ay JC, nasa klase si Dennis! Bakit hindi ba kayo nagkita roon?” ang sagot ng Tita niya nang tinanong ko kung nasaan si Dennis pagkatapos kong magpakilala na kaklase niya ako.
Gulat na gulat ako sa pagkarinig sa sagot niya. “Ah, er... h-hindi kasi ako dumaan ng school.” Ang pag-aalibi ko na lang. “A-anong oras po ba siya pumasok?” ang dugtong kong tanong.
“Alas 12:30. Ala-una kasi ang first subject niya sa hapon.”
“G-ganoon po ba?” ang sagot ko. Hindi na lang ako nagtanong pang muli. Baka kasi lalo lamang siyang mapapagalitan kapag nalaman na tatlong araw na pala siyang hindi pumapasok. Ang ginawa ko ay nagpaalam na lang na babalik sa school at baka nagkasalisi lang kami.
Ngunit hindi ako bumalik ng school. Inikot ko ang mga lugar na maaaring tambayan niya. Pinuntahan ko ang plaza, ang bus terminals, ang billiard house malapit sa school, ang palengke, ang public gym, ang public library, pati ang simbahan ay pinuntahan ko rin. Ngunit wala akong nakitang Dennis. Pabalik na sana ako ng school para sa klase ko sa gabi nang mapansin ko ang lumang public grandstand. Naisipan kong sumaglit, nagbakasakaling naroon si Dennis. Inakyat ko ang mga baitang na upuan ng grandstand.
Hindi nga ako nagkamali. Naroon siya, nakahiga sa pinakadulong bahagi ng pinakamataas na baitang.
Dali-dali akong umakyat at umupo sa gilid ng hinigaan niya. Gising siya. Nakatihaya, ang isang braso ay idinantay sa kanyang noo habang ang mga mata ay blangkong nakatingin sa sira-sirang bubong ng grandstand. Wala na rin ang semento sa kanyang braso. Saglit niya akong nilingon. Pagkatapos ay binalik ang mga tingin sa bubong.
“N-nandito ka pala?” ang tanong ko.
Hindi siya umimik.
Nang tiningnan ko ang ibabang parte ng aking inuupuang baitang, nakita ko ang apat na bote ng beer. “N-nag-iinum ka?”
Hindi pa rin siya umimik.
“N-nagpunta ako sa bahay ng Tita mo. Ang sabi niya ay nasa school ka raw.” Ang malabnaw kong sabi
Doon na siya nagsalita. “Anong sinabi mo kay Tita?” ang tanong niyang tila nairita, lumingon sa akin.
“Wala... sinabi niya na nasa school ka raw. Kaya sinagot ko na lang na hanapin na lang kita roon.”
Hindi siya umimik.
“Tol... hinahanap ka ng professors natin sa school.”
“Hayaan mo sila...”
“Ganoon na lang?”
“Ganoon na lang talaga. Bakit, buhay ko naman ito, di ba? Ayaw kong may makikialam sa buhay ko.” ang sagot niyang halatang nairita sa aking pagtatanong.
Natameme ako. Tila binatukan. Tama nga naman siya, buhay niya iyon at wala akong karapatang panghimasukan siya.
“Ayaw ko nang pumasok...” ang pagbasag din niya sa katahimikan. Marahil ay napansin niyang napahiya ako.
“I-ikaw ang bahala. Buhay mo naman iyan, di ba?” ang sagot ko, bagamat sa loob-loob ko ay gusto ko siyang kumbinsihin na pumasok dahil para rin ito sa kanyang kapakanan.
Nakakabingi ang katahimikang namagitan sa amin. Maya-maya ay binasag ko ang katahimikang iyon. “A-alam mo, may kuwento sa akin ang inay tungkol sa isang batang nagpursige sa kanyang pag-aaral. Kahit binubugbog siya ng tatay niya kapag pumapasok sa eskuwela, hindi niya ito alintana. Naghahanap pa rin siya ng paraan upang makapasok. Sayang lang daw kasi ang oras. Imbes na makatulong siya sa kanilang kahirapan, maghanap ng trabaho, ang inaatupag niya ay ang pag-aaral. Pero kahit binubugbog siya ng kanyang itay ay pumapasok pa rin siya. Panganay kasi siya at walang hanap-buhay ang kanyang ama. Gusto ng itay niya na makatulong sa kanilang kahirapan. Ngunit talagang nagpursige siyang mag-aral kahit halos walang perang pantustos sa kanyang mga gamit sa school. Hanggang sa pinalayas na siya ng kanyang itay dahil hindi pa rin niya nilubayan ang pag-aaral. Umalis siya, ngunit nangakong babalik kapag nagtagumpay. Di naglaon ay nakagraduate siya sa kanyang pag-aaral, nakapagtrabaho sa isang malaking kumpanya. Lumipas pa ang ilang taon, naging manager siya, nagkaroon ng magarang bahay at sasakyan. Bumalik siya sa kanila. Doon nakita niya ang kalagayan ng kanyang pamilya. Mahirap pa rin sila. Ang mga kapatid niya ay hindi nakapag-aral, may mga pamilya na ngunit kasing hirap rin ng kanyang mga magulang. Doon din niya nakitang may sakit ang kanyang ama, nasa bingit ng kamatayan at kailangan ng malaking halaga upang magamot at maoperahan. Dinala niya ang ama niya sa ospital. Nasagip ang buhay ng kanyang ama. Doon narealize ng kanyang ama na mali siya... at ngayon, maayos na ang pamumuhay nila. Pati ang mga kapatid niyang hindi nakapag-aral ay pinilit niyang mag-aral kahit may mga edad na...”
“Iba ang pinagdaanan ko kaysa pinagdaanan niya...” ang maiksing reaksyon niya sa kuwento ko.
“Bakit, ano ba ang pinagdaanan mo?”
Hindi siya sumagot. Hindi na rin siya nagsalita. Nagmistula na lang tuloy akong isang estatwa na nakaupo sa gilid ng hinigaan niya. Hindi na ako umimik. Tila nasanay na siya sa ganoong ayos na hindi nagsasalita, blankong nakatingin sa kawalan.
Maya-maya ay biglang may pumasok sa aking isip. “Sandali lang at aalis ako.” Ang nasabi ko sabay tayo. Iniwanan ko ang aking knapsack sa gilid niya upang malaman niyang babalik pa ako. Ilang minuto ang nakalipas, nagulat siya sa aking dala-dala. Kalahating case ng beer at dalawang supot ng sitserya.
“A-anong mayroon?” ang tanong niya.
Doon na ako medyo natuwa dahil parang natuwa siya na nakita ang beer. “Di ba ayaw mong pumasok? Di ayaw ko na ring pumasok. Mag-inuman na lang tayo!” ang sambit ko.
Bumalikwas siya sa pagkahiga. Tila nabuhayan ng diwa. “Hindi ko naman sinabing tayong dalawa ang huwag nang pumasok...” ang sambit niya. “Nakakakonsyensiya ka!”
“Iyan naman talaga ang gusto mo di ba? E, di kung iyan nga ang gusto mo, suportahan ta ka.” Ang biro ko. “Ako ang una mong kaibigan sa school kaya dapat lang na damayan kita kung ano man iyang mga pinagdadaanan mo” dugtong ko sabay dampot ng dalawang bote na parang wala lang na habang hinawakan ng isa kong kamay ang isa, idinikit ang tansan nito sa isa pang nakatayong bote, puwersahang hinila nang mabilisan ang bote na nasa kamay ko, dahilan upang gumawa ito ng maiksing tunog na “pop!” gawa ng pagkatanggal ng takip. Iniabot ko kaagad sa kanya ang bote ng beer na nabuksan. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang pagkamangha.
“Ang galing! Saan mo natutunan iyan?” ang tanong niya habang tinanggap naman ang beer.
“Sa isang kaibigan din. Gusto mong matuto?”
“Sige nga!” ang sagot niya.
“Ok. Ikaw naman ang magbukas ng beer para sa akin.” Nahinto ako sandali. “Magaling na ba ang braso mo?”
“Ok na ito. Nagalusan lang.” Ang sagot niya sabay haplos sa kanyang braso at inunat-unat iyon.
“Weee! Nagalusan lang tapos sinemento?”
“Ewan ko ba sa doktor na iyon.” Ang sagot niya. “Akin na...” Kinuha niya ang isa pang beer at ginaya ang aking ginawa. Tinulungan ko naman siyang ituon ang mga tansan nito upang magkabit at matanggal ang takip ng bubuksang beer. Nakailang ulit din siya, marahil ay dahil hindi pa lubusang magaling ang kanyang braso. Ngunit nagpumilit siya at hindi niya ito nilubayan. Hanggang sa nakuha niya rin ang tamang paraan ng pagbukas.
Pagkatapos noon, natahimik na naman kami. Bagamat paminsan-minsan akong dumudukot sa isang supot na nabuksang sitserya, nanatili lang siyang nakatunganga. Hindi ko rin kasi alam kung ano ang bubuksang topic. Hinintay ko na lang na maubos ang pangalawang bote ng beer ko upang mag-init and sistema ko at makapagbukas ng topic.
“Alam mo... maraming mababait na ka-klase natin.” Ang pagbasag ko sa sa katahimikan. Medyo umepekto na kasi ang beer sa aking katawan.
“Alam ko. At isa ka na roon.” Ang sagot niya.
“Paano mo nalamang mabait ako?” ang biro ko.
Napatitig siya sa akin. Nag-isip. “Tinatanong pa ba iyan? Tange!”
Natawa naman ako sa expression niya. Natawa rin siya. Syempre natuwa ako. “Ikaw mabait ka rin naman ah.” Ang sambit ko.
“Paano mo nalaman na mabait ako?” ang tanong niya rin.
Doon ko na ibinalik ang isinagot niya. “Tinatanong pa ba iyan, tange!”
Tawanan.
Tahimik.
“M-maraming chicks na nagkaka-crush sa iyo sa klase at sa campus natin!” ang pagsingit ko uli.
Binitiwan niya ang isang matipid na ngiti sabay tungga sa beer. “Malas lang nila...”
Medyo naintriga naman ako sa sagot niyang iyon. Tiningnan ko siya, ang mga mata ko ay nagtatanong. “Biro ba iyan o may laman?” ang tanong ko.
“Pareho.”
“Pareho... puwede kayang malaman kung bakit iyan ang sagot mo?”
Napatingin din siya sa akin atsaka yumuko, iginuri-guri ang hintuturong daliri sa bibig ng bote. “Biro dahil...” natigilan siya at nang lumingon sa akin, “...biro. Biro lang talaga.” Sabay tingin sa akin.
Napangiti ako ng hilaw. May kaunting disappointment akong nadama sa sagot niya. “Pansin ko ngang biro. Muntik na akong matawa eh.” Ang may pagkasarkastiko kong tugon. “Iyong may laman, biro din ba iyon?”
Yumuko siya. Hindi pinansin ang aking tanong. “M-mayroong mga bagay sa aking pagkatao na baka hindi nila kayang tanggapin.”
Doon ako naintriga sa sagot niyang iyon. Ngunit idinaan ko na lang sa biro uli, sabay hugot ng isa pang beer at binuksan ito, iniabot sa kanya. “Ang labo! Hindi ako natawa sa biro mong iyan. Promise.”
“Hindi naman biro iyan eh.”
“Ganoon ba? Puwes hindi ko kayang hukayin ang laman. Sobrang lalim!” Nahinto ako, naging seryoso. “Pero maaari mo bang i-share? Malay mo, baka makakatulong din ako.”
Binitiwan niya ang isang malalim na buntong-hininga. “Saka na lang siguro...”
Sa sinabi niyang iyon ay hindi ko na siya pinilit. Napansin ko kasing lumungkot na naman ang kanyang mukha. Nang maubos na ang aming beer. Tinanong ko siya kung lasing na siya.
“Hindi... ok lang ako. Ikaw?”
“Hindi pa. Gusto mo bang dagdagan pa natin?”
“Ikaw?” ang sagot niya.
“Ok lang sa akin. Pero... kung puwede, doon tayo sa bahay namin, lalo na sa bahay kubo namin na nasa dulo ng aming taniman ng mais, sa gilid ng pampang ng ilog. Puwede tayong maligo o kahit mag-inuman lang. Puwede rin tayong mamingwit ng isda habang nagkukuwentuhan o mag-iihaw ng mais. Maaari na rin kasing ihawin ang mga mais. Atsaka, kahit magkalasingan man tayo, puwede tayong matulog sa bahay-kubo, o kahit sa kuwarto ko sa bahay namin na walking distance lang ang layo mula sa bahay-kubo. Gusto mo?”
“Puwede... ngunit baka pagagalitan naman ako ng Tita ko...”
“Tatawagan ko siya kung gusto mo. May number ka ba sa kanya?”
Kinuha niya ang kanyang cell phone. Binuksan ito. Doon ko na-confirm na pinatay niya ito. Nang nabuksan na, nag message alert kaagad. Binasa niya at tiningnan ako. “Nagtext ka pala talaga sa akin.” Ang sambit niya.
“Oo naman. Ganyan ka kalakas at ka-importante sa akin.”
Binitiwan na naman niya ang isang ngiti. Iyon ang ngiting napansin kong kakaiba sa una niyang mga ngiti. Tila nanunukso, sabayan pa sa mapupungay niyang mga mata na mistulang nanunuyo, nakikipag-usap. Ramdam kong may kung anong saya na galing sa kanyang puso ang ngiting iyon. Iyon din ang pinakaunang ngiti niyang pakiwari ko ay sumundot sa aking puso. Nakakabighani, nakakakilig. “kaya pala pinagkaguluhan siya ng mga babae at bakla sa aming campus. Ngiti pa lang ay pamatay na.” sa isip ko lang. sobrang na-mesmerize talaga ako sa kanya sa ngiti niyang iyon.
“Salamat...” ang sagot niya. At baling sa kanyang cell phone, “Heto pala ang number ng Tita ko.” sabay abot noon sa akin.
Kinopya ko ang numero ng kanyang Tita sa aking CP atsaka tinawagan. Ginamitan ko pa ng speaker phone upang marinig niya ang pag-uusap namin ng Tita niya.
“Sino ito?” ang tanong ng Tita ni Dennis.
“Si JC po ito Tita, iyong nagpunta diyan sa inyo kanina. Ka-klase po ako ni Dennis at...” tiningnan ko si Dennis, sabay kindat, “best friend po niya.”
Napangiti naman si Dennis sa narinig, halata sa mga mata ang excitement na para bang kinilig na hindi mawari. At naramdaman ko na lang ang kamao niya na pabirong isinagi sa aking mukha. Iyon bang parang nanggigigil.
“Ah. Ba’t ka pala napatawag, JC?”
“Gusto ko po siyang imbitahan sa bahay namin po, malapit lang naman kami sa school at may kaunting selebrasyon lang po kasi.”
“At pumayag naman siya? Anti-social yata ang batang iyan, parang takot sa mga tao.”
“Huwag po kayong mag-alala Tita, ako po ang bahala. Pumayag naman siya.”
“Ah, mabuti. Uuwi ba siya ng bahay mamaya?”
Napatingin ako kay Dennis. “P-puwede pong sa bahay na lang muna namin siya matutulog? B-baka po kasi may i-inuman. W-wala po namang pasok bukas, Tita eh.” Ang may pag-aalangan kong sabi, kagat-kagat ang labi na naghintay sa sagot, nakatingin kay Dennis.
“O... s-sige, sige. Payag ako. Palagi na lang iyang nakatunganga rito sa kuwarto niya. Walang kaibigan. Minsan pa ay tulala. Mabuti naman at may best friend na iyan ngayon.”
Kitang-kita ko naman ang pigil na pagngiti ni Dennis nang marinig ang sagot ng Tita niya.
“Salamat po, Tita.” Ang sagot ko.
“Mag-iingat lang kayo. At JC, huwag mo siyang pabayaan ha? Ikaw na ang bahala sa kanya.”
“Opo, Tita! Makakaasa po kayo.” ang sagot ko sabay putol sa linya. At baling kay Dennis, “O hayan, ako na raw ang bahala sa iyo.”
“Best friend talaga?” ang sambit niyang kitang-kita ang abot-tainga na ngiti.
“Oo naman. Bakit ayaw mo ba?”
“Ayos nga eh! Ngayon lang yata ako magkakaroon ng best friend!”
“Iyan ang isi-celebrate natin mamaya! ‘Best Friends’”
Tawanan.
Iyon ang pinakaunang insidenteng nakita ko siyang ngumiti, tumawa, at nakitang masaya. Pakiramdam ko ay nanalo ako sa lotto sa sandaling iyon. Hindi ko akalain na ang mailap na kaklase ko ay mapaamo ko sa ganoon-ganoon lang. Kaya kahit nag-absent talaga ako sa aking mga klase sa pang-hapon at gabi, hindi naman matatawaran ang saya na naramdaman ko.
Mag-aalas 6 nang nag-inuman kami sa aming bahay-kubo. Iyon ang pinili namin. Malamig-lamig kasi ang simoy ng hangin doon at dahil palubog na ang araw, mas lalo pang kaaya-aya ang ambiance nito. Dahil ilang araw na lang iyon bago mag-full moon, lantad na lantad na ang malaking buwan sa ganoong oras na sinangayunan naman ng maaliwalas na langit. Tila nakisali ang panahon sa aming munting selebrasyon. Nakaupo kami sa bangkong kawayan sa pampang na nakaharap sa ilog, hawak-hawak naming pareho ang pamingwit habang sa isang kamay namin ay hawak-hawak ang inihaw na mais na paminsan-minsang pinapapak. Sa isang gilid naman ng aming inuupuan ay nakalatag sa ibabaw ng dahon ng saging ang mga inihaw na mais, katabi ng isang galon na tuba, ang popular na inumin sa aming lugar na gawa sa niyog.
“Ang ganda pala rito sa inyo!” ang sambit niya.
“Ito ang paborito kong lugar. Ginawa itong itay dahil kapag tag-araw at nagtatrabaho siya rito, dito siya sumisilong. Malamig kasi ang bahay-kubo, at dagdagan pa na nasa tabi lang ito ng ilog, kaya malamig talaga ang hangin. At habang nagpapalamig, puwede pang mamingwit ng isda...” ang sambit ko. Nang may naalala, “Oo nga pala, may mga inilalagay palang patibong ang itay para sa mga alimango at ulang, tara, tingnan natin baka may nahuli na!” dugtong ko, sabay tayo, at itinusok na nakatayo sa lupa ang hawakang kawayan ng pamingwit.
Sumunod si Dennis. Sa pitong patibong na inilagay ng itay, dalawa ang may laman. Ang isa ay may dalawang alimango, samantalang ang isa naman at may isang alimango at dalawang malalaking ulang.
“Ang sarap pala talaga rito sa inyo, best friend!” and sambit niya.
Bigla akong natigil sa narinig niyang pagsambit ng “best friend.” Kahit nahihirapan ako sa pagtanggal sa huli ng bitag ng itay, lalo na sa pagpapalabas sa alimango na may malalaking sipit, napangiti akong tiningnan siya. May tuwa akong nadarama. “Gusto mo, best friend na ang tawagan natin?”
“Sure!”
Inabot ko ang aking kamay sa kanya na tinanggap naman niya. “Best Friends” ang sagot niya. Doon ko na siya niyakap. Nagyakap kami, iyong yakap-kapatid.
Inihaw na rin namin ang mga ulang at ang alimango, na balot-balot sa dahon ng saging. Dahil nakabingwit na rin kami ng isda, isinama na rin namin ang mga ito. Noon lang daw siya nakatikim ng ganoong preskong inihaw na mga ganoon. Ramdam ko ang saya niya. Ramdam kong nawala bigla ang kanyang pagkamahiyain.
Wala kaming ibang ginawa sa mga oras na iyon kundi ang uminom, kumain, magkuwentuhan, magbiruan.
“Bakit kapag ang babae ay umiihi, nakaupo?” ang tanong ko.
“Hindi. Bakit?” ang sagot niya.
“Kasi, wala silang hawakan. Baka matumba. Tayong mga lalaki, may hinahawakan, kaya puwedeng tayong tumayo. Hindi tayo matutumba, sigurado iyan.”
Tawa naman siya nang tawa. “Bastusan pala ito, ha? Ito naman ang sa akin, ‘Alin ang mas bata, ang bibig ng dalaga sa itaas o ang bibig niya sa baba?”
Napatingin naman ako sa kanya, ang mukha ay tila bibigay para sa isang tawa. “May ganyan ba? Bago iyan ah!”
“Oo naman!”
“Syempre, parehas lang dahil iisa lang naman ang katawan nila.”
“Hindi ah!” ang pagtutol niya.
“Eh, alin ang mas bata?”
“Syempre ang bibig sa taas.”
“Bakit naman mas bata ang sa taas, aber?”
“Kasi, ang bibig sa taas ay ‘di pa tinubuan ng bigote, samantalang ang bibig niya sa baba ay mayroon na!”
Napatawa naman ako sa biro niya. Ngunit napaisip rin ako at kinontra siya. “Hindi kaya. Mas bata kaya ang bibig niya sa baba.”
“E, bakit?” ang tanong niya.
“Kasi, ang bibig niya sa taas ay marunong nang kumain, marunong na ring ngumuya. Eh, ang bibig niya sa baba ay umiinom pa rin ng gatas at dumedede sa malaking tsupon!”
Na dinugtungan niya ng, “Iyong malaking tsupon na may bigote rin!”
Doon na kami humagalpak sa tawa.
Ganoon ang takbo ng kuwentuhan ang biruan namin ni Dennis. Tila walang mapagsidlan ang saya ko sa oras na iyon.
Hanggang sa medyo nalasing na kami at naging seryoso na ang aming pag-uusap. “Tol... huwag kang magagalit ha, may itatanong ako sa iyo...” nahinto ako sandali. “Bakit parang malungkot ka palagi, mukhang malalim ang iniisip, at parang takot makipagkaibigan?”
Pansin ko naman ang biglang paglungkot ng kanyang mukha. Saglit na natahimik at binitiwan ang isang malalim na buntong-hininga. “Alam mo, noong bata pa ako, sobrang saya ko. Noong buhay pa ang aking itay. Natatandaan ko pa ang masasayang alaala ko sa kanya; iyong kakargahin niya ako, iyong kapag umiiyak ako ay aamuin niya, bibilhan ng pagkain o laruan. Tapos, ipapasyal niya ako sa plaza o sa mall. Kahit alam kong wala siyang pera, pipilitin niyang na ipasyal ako roon. Ngunit nang namatay siya, at nag-asawang muli ang aking inay, doon na bumaligtad ang aking mundo. Parang nag-iisa na lang ako sa mundo. Parang wala nang nagmamahal sa akin. Ang aking inay, parang mas mahal niya ang mga kapatid ko sa bago niyang asawa. At ang asawa naman niya...” hindi na niya itinuloy pa ang pagsasalita. Nakita ko ang pangingilid ng kanyang mga luha.
“Ilang taon ka ba nang namatay ang itay mo?”
“Labing dalawa...”
“At pagkatapos noon ay hindi ka pa rin nakapag move on?”
“Kung sa pagkamatay lang ng itay ay ok lang sana. Tanggap ko na ito. Ngunit nang mag-asawa muli ang inay, parang...” at doon ko na siya nakitang nagpahid ng luha at ang boses ay nag-crack. Nahinto siya nang sandali, kumuha ng lakas upang muling magsalita. “...parang gusto ko na ring sundan ang itay. Pakiramdam ko ay wala akong karamay. Pakiramdam ko ay wala na akong halaga pa sa mundo.” At doon ay humagulgol na siya.
Sobrang awa ang naramdaman ko sa pagkarinig sa kanyang sinabi. Niyakap ko siya, inalo, hinahaplos ang likod. “B-bakit? Minaltrato ka ba ng step-father mo?”
Kumalas siya sa pagkayakap ko. Pinahid niya ang kanyang mga luha. “Huwag na nating pag-usapan iyan, Tol... Ayaw ko nang pag-usapan pa. Nalulungkot lang ako.” ang sagot niya habang nagpapahid pa rin ng kanyang luha. “Ang mahalaga ay nagkaroon ako ng best friend... at ikaw iyon.”
Hindi na rin ako kumibo. Hindi ko na rin siya kinulit pa.
“Tol... Marunong akong magtattoo. Gusto mo lalagyan kita ng tattoo?” ang paglihis ko sa usapan. Marunong din naman kasi akong magtattoo nang kaunti. Natuto ako nang isang beses ay nagkayayaan ang mga barkada ko na mag-inuman sa bahay-kubo namin at ang isa sa kanila ay marunong magtattoo. Iyong gamit lang ang itim na tinta at isang ordinaryong needle lang ang gamit. At naiwan pa niya ang kanyang gamit sa bahay kubo nang malasing.
“Masakit iyan eh!” ang sagot niya.
“Hindi! Magtattoo lang tayo ng isang tuldok na parang nunal.”
“Saan naman natin ilagay?”
“Sa ilalim na bahagi ng ating gitnang daliri sa kanang kamay.”
Itinaas niya ang kanyang kanang kamay at ipinakita ang nakatayong gitnang daliri niya, iyong parang binigyan niya ako ng bastos na “F” sign, “Ito?” sabay tawa nang malakas.
Natawa na rin ako. “Tado! Oo... iyan nga, at sa ilalim niyan.”
“Bakit dito pa?”
“Kasi... gusto kong may sarili tayong handshake, iyong gitnang daliri ko ay ila-lock naman sa gitnang daliri mo kapag nagkikita tayo sabay yakap.”
“Maganda... Pero bakit gitnang daliri?”
“Parang astig lang eh. Parang bastos na may dating. At kapag naghandshake tayo, magkiskisan naman ang ating dalawang tattoo. Kagaya nito...” Iniabot ko ang aking kanang kamay kung saan ang gitnang daliri ay nakaangat. Tinanggap naman niya ito. Ini-lock niya rin ang gitnang daliri ng kanyang kanang kamay atsaka hinila ko siya upang ang isa naman naming kamay ay iyakap sa aming katawan. “Maganda nga! Sige payag ako...”
Iyon. Ginawan ko siya ng tattoo at nang matapos ay pinilit naman niyang siya ang gumawa nang sa akin. Masarap ang pagkiramdam nang nakita na namin ang aming mga tattoo. “Hayan.... may habambuhay na ala-ala na ako sa iyo. At ikaw pa talaga ang gumawa nito. Hindi na kita malilimutan, Tol.” Ang sambit ko.
“Ako rin... may habambuhay na akong alaala galing sa iyo.” Ang sagot niya.
Nang naubos na ang isang galon na tuba, natulog na kami, magkatabi sa papag ng kubo. Nagtabi sa paghiga, nagdantayan ng mga paa, paminsan-minsang nagyayakapan. Ngunit hanggang doon lang.
Kinabukasan nang magising kami, naligo pa kami sa ilog. At nang matapos, nagtungo kami sa bahay namin at doon nagbanlaw. “May brief ka bang maisusuot, Tol?” ang tanong ko nang nasa loob na siya ng banyo.
“Wala eh!” ang sagot niya.
“Kung ok lang sa iyo, brief ko ang isusuot mo? Mayroon ako ritong hindi ko pa masyadong naisusuot.”
“Sige, puwede na iyan! Pahiram!”
Iyon ang isinuot niya. Samantalang ang kanya ay iniwan niya sa aming sampayan. “Souvenir ko sa iyo ang brief ko, Tol...” ang biro pa niya, binitawan ang pilyong ngiti habang isinampay niya ito.
Napangiti na lang ako. “Iyang brief ko, sa iyo na rin iyan. Malibog iyang brief ko. Baka mamaya, bigla ka na lang titigasan niyan habang suot-suot mo!” Ang biro ko rin.
“Iyang brief ko habang nagjajakol ka puwede mo siyang ibalot sa ari mo!” ang sagot rin niyang biro.
“Tarantado!”
Tawanan.
Iyon ang una at pinakamasayang tagpo namin ni Dennis. Iyon din ang simula ng aming pagiging malapit sa isa’t-isa.
(Itutuloy)