Joyce's POV
"Hindi ko naman kailangang makapagtapos sa pribadong paaralan ate. Alam kong nangako ka sa puntod nila Papa at Mama pero okay lang ako kahit sa public school ako makapagtatapos ng kolehiyo," wika ng kapatid ko.
Pumanaw na ang mga magulang namin kaya ako na lamang ang nagtataguyod sa pag-aaral ni Celestina. Ipinangako ko sa puntod ng aking mga magulang na mapagtatapos ko si Celestina sa isang pribadong school, ngunit ngayon ay nag-aalala ako na baka hindi ko na matupad pa ang pangakong 'yon dahil nagbawas ng tauhan sa kumpanyang pinapasukan ko, and unfortunately, isa ako sa hindi pinalad na manatili sa kumpanyang 'yon.
"Gagawa ako ng paraan. Maghahanap ako ng bagong mapapasukan ko para matustusan ko ang pag-aaral mo. Ikaw na lang ang natitirang kayamanan ko Celestina. Mahal na mahal kita kaya ibibigay ko sa iyo ang lahat ng makakaya ko. Hayaan mo na lang ako sa ginagawa ko, dito ako masaya, ang maibigay ko ang lahat ng pangangailangan mo," wika ko sa kanya. Niyakap niya ako ng mahigpit na ginantihan ko naman.
"Salamat ate, huwag kang mag-alala dahil mag-aaral ako ng mabuti para sa iyo. Gusto kong maipagmalaki mo ako katulad kung paano kita ipinagmamalaki sa lahat ng nakakasalamuha ko lalong-lalo na sa mga kaibigan ko," ani niya.
"Sige na pumasok ka na nga! Mamaya niyan eh magkaiyakan pa tayo dito," natatawa kong wika sa kapatid ko.
Pagkaalis ng kapatid ko ay newspaper naman ang hinarap ko. Kailangan kong makahanap agad ng trabahong mapapasukan ko dahil paubos na ang natitira kong pera.
Halos lahat na yata ng nasa ads ay natawagan ko na pero sa kasamaang palad ay may mga nauna na sa akin.
Napatitig ako sa huling tatawagan ko. Huminga ako ng malalim at tinipa ko na ang numero na nakapaskil sa ads.
Ilang ring lamang at may sumagot din agad sa akin.
"Ineng pumunta ka na lang dito, ibibigay ko sayo ang kumpletong address para makita mo ang mga batang aalagaan mo," ani ng kausap ko sa telepono.
Pagkatapos naming mag-usap ay naligo na ako at naghanda sa pag-alis. Sa totoo lang ay wala na lang talaga akong choice kaya pagiging yaya na lamang ang pinasok ko. Wala pa akong alam tungkol sa sasahurin ko pero dahil triplets ang aalagaan ko ay nakasisiguro ako na maganda ang matatanggap kong sahod. Pansamantala lang naman ito dahil sa oras na makahanap ako ng mas maayos na trabaho ay magpapaalam na din ako sa kanila.
Pagkabihis ko ay umalis na din agad ako, sumakay ako ng jeep para makatipid ako ng pamasahe at lalakarin ko na lang papunta sa loob ng village kaysa naman magbayad ako ng mahal sa taxi.
"Kuyang Guard, dito ba nakatira ang mga Dux?" tanong ko sa guard na nakatalaga sa gate. Napakalaki ng village na ito at ngayon ko lang napagtanto na hindi pala basta-basta ang mga batang aalagaan ko.
Tinanong ako ng guard kung ano ang pangalan ko, pagkatapos kong magpakilala ay hinanap niya ang pangalan ko sa isang malaking notebook at ng mabasa niya ito ay agad din naman akong pinapasok sa loob.
"Dito ka lang muna, may susundo sa iyo. Itatawag ko lang sa kanila na nandito ka na," ani niya kaya naman napatango lang ako.
Hindi naman nagtagal ay may paparating na isang magarang sasakyan, napatabi ako dahil akala ko ay lalabas ito ngunit nagulat pa ako ng bigla itong huminto sa harapan ko.
"Joyce Imperial?" tanong ng driver kaya tumango agad ako. Pinagbuksan ako ng driver ng magarang sasakyan na ito kaya naman mabilis akong sumakay. Ngayon lamang ako nakasakay sa ganito kagandang sasakyan. Kung kasama ko lang ang kapatid ko ay baka panay selfie na ang ginagawa niya ngayon para ma-post niya sa social media.
"Ikaw pala ang nag-aapply na yaya ng triplets na anak ni Sir. Hugo. Naku matutuwa ka sa mga batang 'yon dahil napakagwapo, manang-mana sila sa ama nila. Kamukhang-kamukha ni Sir Hugo ang mga anak niya," masayang ani ni manong driver.
"Ah ganuon ho ba? Ngayon lang po ako mag-aalaga ng mga bata lalo pa at triplets. Pero huwag po kayong mag-alala dahil sanay naman po ako dahil ako ang nag-aalaga sa kapatid ko mula ng mamatay ang mga magulang namin," wika ko.
Mabait naman si manong driver, makwento at palatawa kaya nakagaanan ko agad siya ng loob.
Nakarating kami sa isang napakataas na gate at ng bumukas ito ay laking gulat ko ng sinalubong kami ng napakaraming kalalakihan na may mga hawak na armas.
"Panginoon ko! Ba-Bakit ho napakaraming tao at may mga dalang armas?" takot kong ani. Ipinaliwanag naman ni manong driver na mga tauhan ang mga ito ng magiging amo ko. Na hindi pangkaraniwang tao lamang ang ama ng mga aalagaan ko.
"Ibig n'yo pong sabihin ay Presidente ang magiging amo ko?" inosente kong tanong na ikinatawa niya ng malakas.
Ipinaliwanag naman niya sa akin na multi billionaire ang mga Dux at isa ang mga ito sa pinakamayamang tao sa mundo kaya marami silang tauhang armado upang protektahan ang mga ito sa masasamang loob.
Pagbaba ko ng sasakyan ay namangha ako sa sobrang laki ng palasyo, este mansion pala na pagtatrabahuhan ko kaya napalingon ako sa kay manong driver at natawa naman siya sa reaksyon ng mukha ko.
Sinalubong naman kami ng isang ginang na sa tingin ko ay nasa edad sixty na at nakangiti niya akong iginiya papasok sa loob ng malaking mansion.
"Tamang-tama at gising ang mga batang aalagaan mo. Mababait naman ang mga bata kaya hindi ka mahihirapan sa kanila at nandito naman ako para kahit papaano ay matutulungan kita. Maraming kasambahay ang mansiong ito kaya mamaya ay ipapakilala kita sa kanila. Ako ang mayordoma dito at tawagin mo na lang akong Nanay Ester," ani niya.
Nagulat ako ng malaman ko na ang sasahurin ko ay thirty thousand pesos a month kaya sa sobrang katuwaan ko ay mabilis kong tinanggap ang trabaho.
Nakita ko na rin ang triplets na aalagaan ko at tama nga si manong driver na napakagwapo ng mga batang 'yon at hindi rin sila iyakin. Dalawang taon na ang mga bata at katulad ng sinabi ni Nanay Ester ay tinutulungan nga niya ako sa pag-aalaga sa mga ito.
"Kapag dumating na ang dalawa pa na makakatuwang mo sa pag-aalaga sa kanila ay hindi ka na masyadong mahihirapan," ani niya.
Nagulat ako sa sinabi ni Nanay Ester. Akala ko kasi ay ako lang ang mag-isang mag-aalaga ng mga bata. Aaminin ko na mahihirapan ako dahil tatlo sila kaya laking tuwa ko na malaman na tatlo pala kami na mag-aalaga sa mga bata.
"Ang dalawang kasama mo na mag-aalaga ng mga bata ay may mga anak na kaya uwian sila, ikaw lang ang mananatiling stay in dito," dagdag nya pang ani. Tumango lamang ako sa kanya at nginitian ko lang siya. Okay na din sa akin 'yon, kapag tulog na ang mga bata sa gabi ay hindi naman ako mahihirapan, at least sa maghapon ay may katuwang ako sa pag-aalaga.
"Eh Nanay Ester, nasaan ho ba ang mga magulang ng mga batang aalagaan namin?" tanong ko na nahihiya kasi baka isipin niya kabago-bago ko pero nakiki-Marites agad ako.
"Pumanaw na ang nanay ng mga bata, nagkaroon ng malalang karamdaman na namana pa niya sa pamilya niya. Si Sir Hugo na lang ang natitirang magulang ng triplets, busy din kasi lagi si Sir Hugo kaya kinakailangan talaga niyang kumuha ng mga mag-aalaga ng mga anak niya. Ang mga magulang naman niya ay nasa ibang bansa kadalasan dahil sa dami ng mga negosyo nila," sagot niya.
Kawawa naman pala ang amo kong lalaki, maagang nabyudo. Siguro gwapo ang amo namin dahil napaka gwapo ng mga anak niya at ang sabi pa na kamukha daw niya ang mga anak niya. Maniniwala lang ako kapag nakita ko na siya ng personal.
Napatingin ako sa isang malaking larawan na nasa wall, malaking larawan ng isang lalaki na ubod ng gwapo at naka sunglasses.
"Ayan si Sir Hugo, ang ama ng mga batang aalagaan mo," ani ni Nanay Ester. Nalaglag yata ang panty ko habang pinagmamasdan ko ang larawan ng gwapong lalaking ama daw ng mga aalagaan ko.
"Bagay kami, pwede akong maging nanay ng triplets niya," bulong ko sabay hagikgik ko ng tawa.
"Anong sabi mo ineng?" tanong ni Nanay Ester na ikinagulat ko at napatakip pa ako ng kamay ko sa aking bibig.
"Wa-Wala po," ani ko sabay talikod ko sa kanya. Nakakahiya, baka narinig niya ang mga sinabi ko.
Nagmamadali na akong nagtungo sa maids' quarter, ayoko na munang tumingin kay Nanay Ester dahil nahihiya ako.
Matapos kong makita ang magiging silid ko ay nagpaalam na din ako, babalik na lamang ako mamaya kapag nakuha ko na ang mga gamit ko at kailangan ko din namang magpaalam na sa kapatid ko.
Huminga ako ng malalim at bago ako tuluyang lumabas ng malaking bahay ay muli kong nilingon ang malaking larawan ng amo ko na nasa dingding. Shemay ang gwapo naman talaga niya, makalaglag panty. Dapat pala kapag nakaharap ko na siya ay lagyan ko ng sinturon ang panty ko at baka kusa ko itong ibaba kapag hindi ako nakapag-pigil.