Chapter 1
"Ito na po ang inumin mo, Senorita," nakangiting sambit ni Manang Marel kay Rose ng kaniyang iabot ang juice na pinatimpla nito.
Agad naman na ngumiti si Rose at nagpasalamat sa kasambahay na siyang nagpalaki sa kaniya. "Salamat, Yaya. Tara po, maupo ka na dito. Samahan mo ako mag-pananghalian." Magiliw pa na sabi nito sa matanda at inayos pa ang upuan na nasa harap niya.
Nag-alangan naman ang Ginang at pinagmasdan ang kaniyang itsura. "Ayos na ako, Iha." Napatingin ito sa may pintuan. "Baka mamaya maabutan tayo ng Daddy mo, ikaw na naman mapagbuntungan."
Umiling si Rose at hinila ang matanda paupo. "Hindi uuwi iyon si Daddy, lalo pa at tanghaling-tapat. Sige na, samahan mo na ako, Yaya. Ang lungkot na kakain ako mag-isa. Ikaw na nga lang kasama ko rito madalas eh, pagbigyan mo na ako."
Mapait na napangiti ang Ginang sa dalaga. Kung hindi rin lang naman dahil kay Rose ay siguro matagal na siyang umalis sa trabaho. Pero dahil nag-aalala siya sa alaga kaya naman nanatili siya para gabayan ito.
"Sige na nga." Naupo ito sa tapat ni Rose kaya naman ay sumilay ang saya sa mukha ng dalaga. "Pero hanggang sa matapos ka lang ha? Alam mo naman, mas mabuti na nag-iingat."
Tipid lang na napangiti si Rose at kinain ang pagkain na nakahain. "Sabayan mo na rin ako, Yaya."
"Naku! Nauna na ako kanina at maraming natira sa pagkain. Ikaw na lang, sige na. Hindi ka kumain kagabi saka kanina kaya naman kumain ka ng marami ngayon ha?" Bilin nito habang nanatili na pinapakatitigan ang alaga. Lalo pa nang kitang-kita ang pagbagsak ng timbang nito. "Kumain ka pa ng marami. Ano pang gusto mo?"
"Ayos na po ito, Yaya." Tipid na sabi ni Rose at itinuloy lang ang pagkain. "Ang sarap mo talaga magluto, Yaya."
Lumapad ang ngiti ng Ginang at nilagyan ulit ng fried rice ang plato ni Rose. "Kumain ka pa ng marami. Kung may gusto ka pang kainin. Sabihin mo sa akin, ipagluluto kita."
Tumango lang si Rose at nagpatuloy sa kaniyang pagkain hanggang sa mapatigil sila nang marinig ang pagbukas ng pinto ng bahay nila. Napabalikwas rin ng tayo si Manang Marel, lalo pa at sa sala pa lang ay rinig na nila ang malakas na boses ng mga magulang ni Rose na nagtatalo.
"Bakit ang aga nila? May nabanggit ba sa'yo si Mommy, Ya?" Tanong ni Rose sa kaniyang Yaya na nakatayo at sumisilip sa labas.
"Hindi ko rin, Alam." Anito. "Diyan ka lang, tapusin mo iyang pagkain mo. Titignan ko kung anong nangyayari sa labas."
Tumango si Rose at sinundan lang ng tingin ang kaniyang Yaya habang papalabas ito. Bumalik siya sa pagkain. Ngunit hindi kalaunan ay nangibabaw ang naisin niyang malaman kung ano ang nangyayari sa labas at kung bakit maagang umuwi ang kaniyang mga magulang, lalo pa at alam niyang dapat mamayang gabi pa ang uwi ng mga ito. Tumayo siya at iniwan ang pagkain para pumunta sa bungad ng pinto, upang mapakinggan ang pagtatalo ng kaniyang mga magulang.
"Rafael, hindi mo p'wedeng gawin iyon sa anak natin. Maawa ka naman, parang-awa mo na, iba na lang... Huwag mo nang idamay pa si Rose." Pagmamakaawa ng kaniyang ina sa kanyang Daddy ngunit naging matigas ito.
"Tumigil ka nga, Kristin! Alam mo na noon pa ganoon na ang plano ko para sa kaniya. Tapos ngayon ka magkakaganyan?!" Rinig niyang sigaw ng kaniyang ama.
Lumapit si Rose bahagya sa pinto at sumilip. Nakita niya na nakaupo sa sofa ang kaniyang ina. "Pumayag ako noon dahil akala ko masasalba pa natin, na hindi mauuwi sa ganon. Hindi ko akalain na totohanin talaga? Unfair ito kay Rose, Honey. Kaya please.. don't do this to our daughter."
Umiling ang kaniyang ama at galit na hinarap ang kaniyang ina at dinuro pa ito. "Anong gusto mong gawin ko? Bawiin ko yung sinabi ko? Pumunta ako doon ngayon sa mga Buenavista at bawiin yung ipinakiusap ko? Para sa pamilyang ito?! Ganon ba?"
"Baka may ibang paraan pa, Rafael."
Napakunot ang noo ni Rose lalo pa at hindi niya maintindihan ang pinaguusapan ng kaniyang mga magulang. Ayaw niya rin naman na sumabat dahil baka kung ano pa ang sabihin sa kaniya. Kaya tanging pakikinig na lamang ang kaniyang ginawa.
"Wala ng ibang paraan, Kristin! Alam mo iyan! Napakalaki ng utang natin sa mga Buenavista! At kung hindi natin sila mababayaran, ay aba! Anong mangyayari na lang sa pangalan at danggal ng pamilyang ito? Hindi ako pwedeng mapahiya. Lalo pa at malapit na ang eleksyon!"
Napayuko ang Ginang at umiling. Hindi nito napigilan ang mga sariling luha kaya naman ay mas lalo siyang nag-taka.
"Tigilan mo ang kaka-drama mo, Kristin! Tanggapin mo na ang kapalaran natin, ang kapalaran ng anak mo! Hindi ko p'wedeng bawiin ang kasunduan ko sa mga Buenavista kahit ano pa ang mangyari."
"Rafael... Hindi ko kaya!" Napasapo ang Ginang sa kaniyang dibdib at pinakatitigan ang lalaki. "Huwag please.. huwag mong ipang-bayad sa mga utang natin si Rose. Tao ang anak natin, Rafael. Hindi siya pera na basta-basta natin ibibigay sa kanila. Isa pa, nag-iisang anak natin siya, Rafael. Kaya parang awa mo na, huwag kang pumayag sa gusto nila."
"Ipapakasal ko ang anak mo sa anak nila, ayaw mo pa iyon? Anong gagawin mo sa anak natin, ibuburo mo? Akala mo ba ay mapapanatili mo sa kabataan ng anak mong iyan. Tatanda siya ng tuluyan at makakahanap ng lalaking pakakasalan, ayaw mo pa sa isang mayaman? Katangahan iyang idinidiin mo sa akin!"
Umiling ang ginang at bumuhos ang kaniyang luha. "Huwag... Huwag si Rose parang-awa mo na. Huwag mong gawin ito sa anak natin. Mahalaga ang kaligayahan ng anak natin. Ayoko naman na magpakasal siya sa isang taong hindi niya kilala at hindi niya mahal."
Natawa si Rafael. "Problema ba iyon? Edi kilalanin nila ang isa't-isa! Natuturuan ang pagmamahal at iyon ang idiin mo sa kokote ng anak mo. Saka paanong importante ang kaligayahan niya? Sa tingin mo ba sasaya siya kapag nauwi sa kahihiyan ang pangalan natin? Ang pangalan niya? Dadating ang panahon na kapag nangyari iyon ay wala nang tatanggap sa anak mo kundi tambay lang at walang kwentang tao? Gusto mo ba iyon?!"
Lumapit ang kaniyang ina at lumuhod sa harap ni Rafael at nagmakaawa. "Parang-awa mo na, lilipas din ang problema sa pamilya natin, Rafael. Huwag ganito! Huwag mong ipambayad-utang ang anak natin-" Hindi natapos ni Kristin ang kaniyang sasabihin dahil isang malakas na sampal ang ginawad sa kaniya ng asawa. Hindi lang iyon, hinatak nito ang buhok niya at ipinaupo sa sofa.
"Ano?! Kokontra ka pa ha?!" Sigaw nito at sinampal ulit ang ginang.
Ngunit imbis na matinag ito at muling lumuhod ang ina ni Rose at nagmakaawa. "Kahit bugbugin mo ako araw-araw, ayos lang.. huwag mo lang gawin ito sa anak mo, Rafael. Parang awa mo na... Huwag si Rose... Huwag ang nag-iisang anak natin."
"Aba! Talagang kokontra ka pa?!"
"Payag ako!" Sigaw ni Rose at lumabas, dahilan para mapahinto ang ama at mapatingin sa kaniya ang mga magulang. "Huwag mong saktan si Mommy, Dad. Payag akong maikasal. Kaya hindi na kailangan na saktan mo siya." Aniya pa at lumapit sa dalawa.
Lumapad ang ngiti ng kaniyang ama at binitawan ang kaniyabg ina. Mabilis na umiling ang si Kristin na tutol sa kaniyang sinabi.
"Anak, hindi.. huwag-"
"Papakasal ako, Mommy. Gusto kong magpakasal, Mommy. Wala akong pakialam kung hindi ko pa kilala o hindi mahal ang lalaking ipapakasal sa akin ni Dad. Kahit ano pa siya, papakasalan ko siya. Kaya huwag na po kayo mag-away."