CHAPTER 2
Sinabunutan din ako ng isa pa. Wala na akong magawa kundi hintayin ang p********l at pananabunot nila sa akin. Nang itinaas na ni Cynthia ang kaniyang palad para sampalin ako sa mukha ay napapikit ako. Paniguradong bugbog-sarado na naman akong uuwi mamaya. Nagdasal na lang ako na sana darating si Nanay o kaya mapadaan si Kuya. Ngunit mukhang malabo, mukhang mapupuruhan na naman ako. Ngunit hindi iyon dumapo. May kalabog akong narinig. Pagbukas ko ng aking mga mata ay si Brad na hawak ang isang kamay ni Cynthia patalikod at hinila niya ang buhok nito sa likod pababa kaya nakatingala siya.
"Bitiwan ninyo ang kaibigan ko kung ayaw ninyong baliin ko ang kamay nito!" ani Brad.
"Aray ko! Aray! Bitiwan ninyo siya!" nahihirapang bilin ni Cynthia sa mga kasama niya dahil lalong pinilipit ni Brad ang kamay nito at hinila ang buhok nito pababa kaya lalo siyang napatingala.
Nang binitiwan ako ng tatlo ay binitiwan na din ni Brad si Cynthia ngunit pagkabitaw sa kaniya ni Brad ay mabilis niya itong sinipa. Dumapo ang sipa ni Cynthia sa tagiliran ni Brad ngunit bago makaulit si Cynthia ay binigyan na ni Brad ng sunud-sunod na suntok sa mata, nguso at nang bumagsak ay nagsitakbuhan na ang kaniyang mga kasama. Tumayo si Cynthia ngunit umatras ito. Nakita ko sa mukha niya ang takot. Lumapit si Brad sa kaniya at padausdos naman si Cynthia palayo.
"Tandaan mo 'to! Kapag sinaktan mo pang muli ang kaibigan ko, baka hindi lang iyan ang matitikman mo sa akin. Ano ha! Lalaban ka pa!" singhal ni Brad.
Mabilis na tumayo si Cynthia at tumakbong hindi na lumingon pa.
Lumapit sa akin si Brad. Umakbay siya sa akin.
"Ano ha! Kita mo yung ginawa mo?” Tinanggal ko ang kamay niyang nakapatong sa balikat ko “Apat kontra dalawa napasuko natin sila! Ikaw lang e. Wala ka lang kasing bilib sa akin e." Muli niya akong inakbayan.
. “Huwag mo nga akong inaakbayan.” Siniko ko siya sa tagiliran.
“Aray. Sinipa na nga ako siniko mo pa.”
“Sorry, masakit ba?" tanong ko. Hinawakan ko ang tagiliran niya.
Hinawakan din niya ang kamay kong nakahawak sa tagiliran niya. Ngumiti. Nilayo ko ang kamay ko sa nakahawak niyang kamay sa akin.
"Salamat sa tulong ha." Matipid kong wika.
"Wala 'yun. Ano, best friend na tayo ha?”
“Babae nga ako. Di naman pwede maging best friend tayo.”
“Ano namang masama sa lalaki at babaeng mag-best friend? Ayaw mo no’n, laban ng isa, laban nating dalawa. Pagkain ng isa, isusubo nating dalawa. Ano, okey ba tol?" kumindat siya.
“Tol?”
“Oo tol. Yun na ang tawagan natin. Tol.”
“Tatawagin mo ako ng tol? Babae ako.”
“Bakit okey nga ‘yon e. Astig.”
“Ewan ko sa’yo.”
“Sige na, wala naman masama e.” pangungilit niya.
“Sige na nga, tol” Napilitan kong sagot.
"Ayos! Sabi mo ‘yan ah, tol.”
“Oo nga.”
Naglakad siya na parang may kinuha sa likod ng halaman. "Dyaran!" may inilabas siya mula sa kaniyang likod. "Kita mo to ha! Kita mo? Sarap nito. Nadekwat ko pa doon sa kabilang kanto.”
“Nagnakaw ka na naman. Buti di ka nahuli?”
“Pa’no ako mahuli e matinik itong tol mo. Abala yung ale na nagluluto kanina kaya di niya alam na nadekwat ko na ang nasa mesa niya. Nakatikim ka na ba neto?"
"Ano 'yan, tol?" tanong ko. Sa totoo lang pati nga ang tokneneng kahapon na kinain namin ay minsan ko lang iyon natitikman. Pangalawa palang kahapon.
“Hindi mo alam?”
“Hindi nga, ano ba ‘yan?”
"Empanada 'to, tol.”
“Yan pala yung empanada? Di ko pa natitikman ‘yan.”
“Kita mo? Kung wala ako, di ka pa makatitikim ne’to.” Hinawan niya ang kamay ko. “Halika, doon tayo at pagsaluhan natin ito. Alam ko kasing gutom ka na rin e."
At sa kaganapang iyon, naging magkaibigan kami ni Brad. Yung araw na ‘yon, nagsimula ang halos isang buwan naming pagkakaibigan ni Brad. Madalas nakikipag-unahan pa ako sa pagtakbo palabas sa gate pagkatapos ng aming flag retreat para mas maaga ko siyang makita. Pagkatapos naming pagsaluhan ang kaniyang ninakaw at wala pa si Nanay ay naglalaro kami ng habulan o kahit anong maisipan naming gawin. Minsan nga naiinip na ako sa school dahil gusto kong hilain ang oras para muli kaming maglaro. Di lang kasi yung masarap na pagkain ang habol ko kundi yung may nakakalaro ako. Yung maranasan kong maging masaya kasama ng isang kaibigan na parang kuya ko na. Sa school kasi halos walang gustong makipaglaro sa akin kaya sa recess madalas nanonood lang ako sa kanila. Ayaw nila akong pasalihin. Walang gustong makipaglaro sa akin dahil anak daw ako ng adik. Kapag kasi walang pasok, nasa simabahan lang ako katulong ni Nanay magbenta ng sampaguita at kandila kaya wala talaga akong oras pang makipaglaro sa mga kapit-bahay namin. Kaya iba ang sayang naibigay sa akin ni Brad noon sa akin.
"Bukas magkaroon na tayo ng bola, tol. Iyon na ang gagamitin natin sa paglalaro.”
"Bola? Di naman ako marunong ng kahit anong laro na may bola.”
“Madali lang matutunan ‘yon. Hindi na kasi ako masaya sa laro nating habulan saka tumbang preso. Dapat talaga may bola tayo." Nakangiti niyang wika sa atin.
“Okey pero sa’n ka naman kukuhang pambili mo?”
“Problema ba ‘yon? Ako nang bahala. Diskarte ko na ‘yon, tol.”
“Sus, alam ko naman e. Magnanakaw ka na naman?" mahinang tugon ko.
"Bakit, may pera ba tayong pambili?”
“Wala kaya nga hindi tayo dapat naghahangad ng gano’n kung wala tayong pambili e. Subukan mo na lang kayang manghingi, tol.”
Bumuntong-hininga siya. “Manghingi? Maniwala ka naman na may magbibigay, kaya nakawin ko na lang."
"Masama kaya 'yan, tol. Huwag na lang pilitin. Baka mahuli ka pa. Okey naman yung tumbang preso gamit lang tsinelas natin."
"Ako ngang bahala tol. Wala ka kasing bilib sa akin e."
Isang hapon hindi ko siya naabutan sa pinaghihintayan niya sa akin. Umupo muna ako. Tinatanaw kung nasaan na ba siya. Napabuntong-hininga ako. Nakakalungkot din pala kapag wala siya. Hanggang nabungaran ko siyang tumatakbo kasunod ng mga tanod. Hindi na tindera lang ang humahabol sa kaniya noon, mga tanod na na may hawak na batuta. May hawak siyang bola sa kaliwang kamay niya at barbecue sa kanan. Ilang dipa na lang ang layo niya sa mga humahabol sa kaniya. Mabilis siyang tumakbo ngunit mas mabilis ang mga humahabol sa kaniya.
Hindi ko alam kung paano ko siya tutulungan noon. Nakita ko ang takot sa kaniyang mukha. Gusto ko siyang saklolohan ngunit hindi ko alam kung paano lalo pa't mas bata pa ako sa kaniya.
Nangilid ang aking luha. Hindi ko napigilan ang aking mga mata. Kinuha ko ang isinabit kong litrato ni Brad sa dinding. Kung sana alam lang niya ang naging bunga ng ginawa niyang iyon. Kung sana nakinig siya sa akin na itigil na niya ang pagnanakaw. Ang tahimik na pagluha ay nauwi sa isang matinding paghagulgol dahil muling bumalik ang lahat na nangyari nang araw na iyon. Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na iyon. Pumatak ang luha ko sa prinint kong picture ni Brad. Hindi ko kailanman makalimutan ang araw na iyon. Ang araw na iyon ang siyang naging simula ng malaking pagbabago sa buhay ko.
Gusto ko siya noong tulungan. Ayaw kong mahuli siya at saktan ng mga tanod na humahabol sa kaniya. Nakita ko sa kaniyang mukha noon ang takot. Bago iyon sa aking paningin. Hindi ko siya dati kinakikitaan ng takot sa tuwing may humahabol sa kaniya. Mabilis man ang kaniyang pagtakbo ngunit alam kong maabutan siya ng mga tanod. Mas mabilis akong tumakbo kaysa sa kaniya. Ilang beses ko na siyang tinalo kapag naglalaro kami ng takbuhan. Nang halos matapat siya sa akin ay bigla siyang tumawid sa daan. Nakita ko ang padating na sasakyan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Ang namayani sa aking isipan ay kailangan ko siyang pigilan o kailangan itulak para makaligtas siya sa panganib. Biglang nanaig sa akin ang aming pagkakaibigan. Humakbang ako, ang isang hakbang ay isang napakabilis na pagtakbo. Pikit mata ko siyang itinulak nang alam kong ilang dipa na lang ang layo sa amin ng sasakyan. Sobrang saya ko noong nasiguro kong hindi kami nahagip ng sasakyan.
"Anong ginawa mo, tol? Muntik ka nang napahamak ah!" sigaw niya nang nakatawid na kami.
Wala kaming panahong magtalo. Natatakot ako para sa kaniya noon. Hindi ako lumilingon sa kabilang kalsada o mismong kalsada kahit may naririnig na akong sigawan. Alam kong sigaw ng mga tao iyon nang makita nilang muntik na kaming masagasaan.
"Bilis! Ano pang hinihintay mo! Takbo na!" sigaw ko.
"Paano ka! Hindi kita puwedeng iwan, tol!" sagot niya.
"Paanong ako! Hindi ako ang hinahabol nila. Ikaw ang hinahabol nila. Bilis na tol!"
Ngunit nakailang hakbang palang siya ay nakita ko na siyang hinarang ng isang tanod. Mabilis siyang umatras at tumalikod ngunit nasakote na siya ng isa pa. Maingay ang paligid. Dumami ng dumami ang taong nakiusyoso sa bahaging pinanggalingan naming daan. Ngunit hindi sa kung ano ang nangyari sa daan ang aking konsentrasyon noon. Inagaw ng pansin ko ang pagkahuli nila kay Brad.
"Shantel! Tulungan mo ako! Shantel!!!" sigaw niya.
Nagwawala.
Pilit niyang tinatanggal ang kamay ng isang tanod sa kaniyang batok at kamay.
Tumakbo ako palapit sa kaniya.
"Bitiwan ninyo ang kaibigan ko. Wala siyang kasalanan!" sigaw ko.
Nakipagtulungan ako sa pagtanggal sa kamay ng tanod. Gusto kong makatakas si Brad noon. Hinawakan niya ang kamay ko. Nakita ko ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi.
"Ayaw kong magkalayo tayo Shantel! Ikaw lang ang kaibigan ko! Ikaw lang ang nagpapahalaga sa akin!" sigaw niya. Humahagulgol.
Desperado na akong iligtas siya noon. Lalo na nang makita kong hinihila lang siyang parang isang kriminal. Hinawakan ng isang tanod ang kuwelyo ng damit niya at ang isa tanod naman ay hawak ang dalawa niyang kamay. Padausdos nila itong hinihila dahil ayaw sumama ni Brad sa kanila ng matiwasay. Natanggal ang pagkakahawak niya sa aking kamay. Naiwan akong naguguluhan kung ano pa ang maari kong gawin. Patuloy ang pagtawag niya sa aking pangalan. Tumakbo ako. Hinabol ko ang dalawang tanod. Sa isang iglap ay kinagat ko ang kamay ng nakahawak sa kamay ni Brad ngunit dahil bata lang ako ay nagawa nitong itinulak ako ng ubod ng lakas. Napaupo ako at sumadsad sa gilid ng lansangan. Hinawakan ng isang tanod si Brad ng buong higpit sa kaniyang batok. Nagsisigaw siya sa sakit. Ang isang tanod ay humakbang na palapit sa akin.
"Kasabwat ka ba nito ha! Ano! Matapang ka! Gusto mo isama ka namin sa kulungan at sabay kayong mabulok ng kaibigan mo ha! Kababae mong tao, ang tapang mo ah!"
Paupo akong umatras, padausdos na palayo.
"Huliin mo na din 'yan ng magtanda ang dalawang ito!" singhal ng nakahawak kang Brad.
"Huwag ho. Nag-aaral ho 'yan. Di ko nga 'yan kilala. Tumutulong lang sa akin." Sigaw ni Brad.
"Paanong di mo kilala e, alam mo ang pangalan niya." Sagot ng lumalapit sa akin na tanod.
Nagkatinginan kami ni Brad. Gumalaw ang kaniyang ulo at nguso. Hindi man niya sinasabi ngunit naiintindihan ko ang gusto niyang ipagawa sa akin. Ilang hakbang na lang ang layo sa akin ng tanod.
"Tumayo ka na Shantel! Takbo! Bilis! Hayaan mo na ako! Kaya ko ang sarili ko! Huwag mo akong isipin. Takbo na!"
Bago tuluyang nakalapit sa akin ang tanod ay mabilis akong tumayo at sinunod ko ang sinabi ni Brad. Mabilis akong kumaripas ng takbo palayo roon. Ilang hakbang lang ang tanod nang tumigil na ito. Minabuti kong magtago sa likod ng puno at pinagmasdan ko ang unti-unting paghila nila kay Brad palayo sa akin. Naiwan ako doong lumuluha.
Tumingin ako sa nagkakagulong mga tao sa daan. May dumating na mga pulis. Pinunasan ko ang luha ko. Biglang naisip ko si Nanay. Baka hinihintay na ako no'n. Bago ako makatawid sa daan ay madadaanan ko ang mga nagkukumpulang mga tao. Minabuti kong silipin na muna kung ano ang kanilang pinagkakaguluhan. Sumingit ako hanggang sa nasa harapan na ako.
Isang babae ang nakadapa sa kalsada at naliligo ito sa sarili niyang dugo. Kinabahan ako. Hindi ako makakilos sa aking kinaTatayuan. Kilala ko ang suot na damit ng babae. Lumapit ang pulis sa nakahandusay na ale. Unti-unti niya itong pinatiyaha para malaman nila ang pagkakakilanlan nito.
Nang makita ko ang duguang bangkay ay napasigaw ako.
"Nay!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!! Nanay ko!!!!!!!!!!!"