"Wake up, sweetlips." Naramdaman ko ang bahagyang pagyugyog ni Sanders sa balikat ko pero talagang antok na antok pa ako. Napakabigat ng mga takulap ng mga mata ko at wala akong lakas para buksan sila. "Hmmh... mamaya na." Kalahating-gising at kalahating-tulog ang diwa ko. Kasalanan din naman niya kung bakit hirap akong gumising kasi pinuyat niya ako kagabi. "Mag-aalas otso na. Mali-late ka na sa first class mo." Malambing niyang sabi habang banayad na yinuyugyog pa rin ako. "Five. Minutes. Pa... please." Mas hinigpitan ko ang pagkakayakap ko sa unan. Ayoko pa talagang bumangon. "Bangon na. Lalamig na ‘yung hinanda kong breakfast mo. Sige ka, hindi na masarap ‘yun pag hindi na mainit." Patuloy siya sa pangungumbinsi sa akin pero patuloy pa rin ako sa paghabol sa naabala kong pagtulog.