Napabangon si Aya nang tila sirang plaka na paulit-ulit na nagpe-play sa utak niya ang mga salitang binitiwan ng estranghero. Kunot-noong inilibot ni Aya ang mga mata sa kabuuan ng silid na kinalalagyan.
“Hala!” Natilihan siya nang mapagtantong hindi pamilyar sa kanya ang lugar. Mabilis pa sa alas kuwatrong bumangon siya upang sumilip sa bintana.
Napasinghap siya nang halos tuktok na lamang ng mga gusali ang makita. Muntik pa siyang matumba dahil sa pagkalula nang mapatingin siya sa bandang ibaba.
Pumunta siya sa ibabaw ng kama at muling umupo habang pilit hinalukay sa kanyang utak kung paano siya napadpad sa lugar na iyon.
Halos mapatalon pa siya nang biglang bumukas ang pintuan at isang babaeng sa tingin niya’y nasa mga edad singkwenta na ang nakangiting pumasok.
“Magandang umaga,” bati ng babae sa kanya. Hindi niya malaman kung paano ito babatiin kaya nahihiyang nginitian na lamang niya ito.
“Ako si Fe. Manang Fe na lang ang itawag mo sa’kin. Pasensiya na at basta na lamang ako pumasok. Ang akala ko’y tulog ka pa.”
“Ayos lang ho iyon, Manang Fe,” sagot niya kahit na gulong-gulo pa rin siya kung bakit naroon siya sa silid na iyon.
Muli niyang inilibot ang tingin sa silid. Hindi niya agad napansin ang pagka-elegante ng silid.
“Nasaan ho ako, Manang Fe?”
“Nasa condo ka ni Kurt, hija. Mula sa ospital ay dinala ka rito ni Kurt. Hindi ka ba nakakaalala?” Kumunot ang noo ni Manang Fe. Lumapit ito sa kanya at tinabihan siya sa kama.
Nang banggitin ni Manang Fe ang ospital ay saka pa lamang niya naalala ang lahat ng mga nangyari sa kanya.
Naramdaman niya ang pinong kirot sa puso niya nang maalala ang mga magulang at ang sinapit niya sa kamay ng mga ito. Kung paanong halos kalbuhin na siya ng ina sa sabunot at kung paanong walang ginawa ang kanyang ama para mapigilan ang kanyang ina.
“Pasensiya na po, Manang. Medyo hilo pa po ako. Si Kurt ho ba ang nagligtas sa’kin? Siya ho ba ‘yung lalaking nagdala sa’kin sa ospital?” magkakasunod na tanong niya.
“Oo. Siya nga, hija. Maaga siyang umalis dahil may daraanan daw siya sa munisipyo pagkatapos ay dideretso na sa opisina kaya’t inihabilin ka niya pansamantala sa akin.”
Naguguluhang napatayo siya at nagpalakad-lakad. Kung si Kurt ang nagligtas sa kanya, ito rin ang nagsabi sa kanyang mga magulang na mag-asawa sila. Ngunit bakit nito ginawa iyon? Sa sinabing iyon ni Kurt ay mas lalong nagalit ang mga magulang niya. Sa pagkakaalala pa niya ay nanghingi ng sampung milyon ang Tatay Mario niya kay Kurt bilang kapalit ng kalayaan niya mula sa mga ito.
At paanong napunta siya sa poder nito samantalang sa pagkakatanda niya ay hindi na niya ulit ito nakita pagkatapos nitong makipagsagutan sa mga magulang niya.
“M-Manang Fe, kailan ho babalik si Kurt?” tanong niya. Nais niyang makausap si Kurt. Madami siyang gustong itanong sa lalaki.
“Baka hapon na. Sa pagkakaalam ko ay may ibang inaayos pa iyon. Noong nasa ospital ka kasi ay personal ka niyang binantayan kaya’t natambakan na yata ng trabaho,” nangingiting sagot ni Manang Fe habang inaayos ang ibabaw ng kama.
“Ho?” Tatlong araw pa ang inilagi niya sa ospital ngunit sa tatlong araw na iyon ay hindi na sila ulit nagkita ni Kurt.
Matamis ang mga ngiti ni Manang Fe nang sulyapan siya nito. “Masyadong nag-alala sa’yo ang batang ‘yon.”
Mas lalo siyang naguluhan sa sinabi ni Manang Fe. Bakit naman mag-aalala sa kanya si Kurt, hindi nga sila magkakilala nito?
NANG MATAPOS ayusin ni Manang Fe ang tinulugan niya ay nagyaya na itong bumaba upang makapag-agahan na siya. Nakaramdam siya ng hiya dahil sa sobrang pag-iisip ay hindi na niya namalayang nakapaglinis na pala ito. Ni hindi man lang niya ito natulungan.
Habang naglalakad pababa ng hagdanan ay hindi maiwasan ni Aya na humanga sa ganda ng condo ni Kurt, mula sa mga naglalakihang chandelier, sa hagdang paikot hanggang sa marmol na sahig ay naghuhumiyaw ang karangyaan sa mga iyon.
Nang tuluyan nang makababa ay may nadaanan siyang salaming estante, lumapit siya doon upang tingnan ang mga maliliit na frame. Kinuha niya ang isa at muntikan nang mabitawan iyon nang makilala ang nasa larawan.
“M-Manang…” kinakabahang tawag niya kay Manang Fe na nakasunod lang sa kanya. “Manang Fe, ito ho bang nasa larawan na ito at si Kurt na nagligtas sa’kin ay iisa?”
“Oo. Napakagwapo niya, hindi ba?” nakangiting sagot nito.
“Si Kurt Anderson ho, Manang? As in the Kurt Anderson ng Anderson’s Group of Companies?”
“Siya nga. O, siya, mauna na ako sa kusina nang maihanda ko na ang agahan mo.” Umalis na si Manang at naiwan siyang nakatulala sa maliit na picture frame.
“Diyos ko! Ano ba itong napasok ko?”
MAGKASABAY na nag-agahan sila ni Manang Fe. Noong una ay ayaw nito ngunit nakumbinse niya rin ang matanda. Nakipagkwentuhan siya rito at nalaman niyang matagal na pala itong kasambahay ng pamilyang Anderson.
Nang matapos kumain ay nagpresinta siyang magligpit at maghugas ng mga kasangkapan. Ayaw man ni Manang Fe ay wala na itong nagawa ng umpisahan na niya ang trabaho. Mabilis lang din siyang natapos dahil kakaunti lang mga iyon.
“Manang Fe, may internet ho ba kayo? Pwede ho bang makigamit? May titingnan lang ho ako online,” aniya.
“Meron. Sa opisina ni Kurt, may computer doon,” sagot nito.
“Ay, huwag na ho pala,” bawi niya dahil ayaw naman niyang basta na lamang pumasok sa opisina ni Kurt. Nasisiguro niyang mahahalaga ang mga bagay na naroon. Baka may masira siya at wala siyang maipambayad.
“Huwag kang mahiya, hija. Ibinilin ni Kurt na maaari mong gamitin ang lahat ng mga nandito sa bahay niya.”
“Hindi na ho, Manang. Hindi naman po importante ang titingnan ko, ” sagot niya. Magreresearch lang naman siya ng tungkol kay Kurt.
Hindi pa rin kasi siya makapaniwala na ito ang nagligtas sa kanya. Sa pagkakaalam niya ay isa si Kurt sa mga most eligible at sought after bachelor sa Pilipinas. Ilang beses na niyang nakita ang mukha nito sa mga business magazine at ang pamilya nito ang topic nila noon sa isang subject nila sa paaralan. Sikat na sikat kasi ang mga ito dahil sa mga naggagandahan at naglalakihang hotels at restaurants ng mga ito sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kaya paanong nagtagpo ang mga landas nila? At sinabi pa talaga nito sa mga magulang niya na asawa siya nito!
“Manang Fe, no joke po, ha? Si Kurt po na nagligtas sa’kin at si Kurt Anderson na nasa larawang iyon,” itinuro niya kay Manang Fe ang picture frame na nasa estante. “ay iisa lang? No joke?” pangungulit niya kay Manang Fe.
“Ano ka ba namang bata ka, oo naman,” sagot nito
Pabagsak na humiga siya sa mahabang sofa. “Ahhh! Bakit hindi ko siya nakilala sa ospital? Nakakahiya! Manang, anong gagawin ko?”
Tumunog ang telepono at agad na nilapitan iyon ni Manang kaya hindi na nito nasagot ang tanong niya. Ilang sandali lang ay bumalik na ito.
“Tumawag si Kurt, dito raw siya manananghalian,” anunsiyo ni Manang Fe.
Agad na napabangon siya sa narinig. “Ano ho?!”
“At mag-uusap daw kayo,” dagdag pa nito.
Pakiramdam niya ay isasalang siya sa isang paglilitis sa lakas ng pagkabog ng dibdib niya dahil sa sinabi ni Manang Fe.
Paano niya haharapin ang isang Kurt Anderson?