Warning
DISCLAIMER:
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental. (Novels, short stories)
Copyright © 2016. All rights reserved. It is prohibited to copy, duplicate, or reproduce the story in any format without author's permission.
PROLOGUE:
Kanina pa si Luke sumusulyap sa unahan at kasabay niyon ay ang pagtingin sa kanyang suot na relo. Magta-tatlumpong minuto na siya sa kanilang madalas na tagpuan ngunit hindi pa dumarating ang kanyang kausap. Sinulyapan niya ang kanyang dalang bag na nilagay nya sa ibabaw ng upuan na gawa sa kahoy. Nagpalakad lakad siya at hindi mapakali. Bawat paghakbang ng kanyang mga paa ay kasabay ng kanyang pagsulyap sa medyo nakabukas na pintuan. Alam niyang tiyak na hindi matutuwa ang kanyang mga magulang kapag nalaman ang kanilang gagawin na pagtakas. Pero handa siyang panindigan ang kanilang relasyon kahit na sila ay kapwa mga dalawampung taong gulang pa lamang. Napangiti siya sa kanyang sarili ng maalala niya kung paano sila nagkakilala. High School sila ng magkakilala at naging magka team sila sa basketball. Kapwa sila noon varsity at naging masyadong close sila sa isa't isa at hanggang sa umabot sila sa higit pa sa magkaibigan.
"Xavier nasaan ka na? Kanina pa ako naghihintay dito." Nasabi ni Luke sa kanyang sarili. Kinuha niya ang kanyang celphone sa bulsa at sinubukang tawagan si Xavier ngunit naka patay ang celphone nito..
Sa kabilang dako.
Sa bahay ng isang makapangyarihang Gobernador.
"Dad, please! Utusan mo ang mga tauhan mo na pakawalan ako!" Sigaw ni Xavier habang hawak siya ng dalawang tauhan ng kanyang ama sa magkabilang kamay.
"Xavier anak, pinakiusapan na kita! Huwag mong ubusin ang pasensya ko!" Sigaw ng ama ni Xavier na si Governor Henry Villamor.
Palabas na sana si Xavier kanina sa likuran ng kanilang mansion ngunit nahuli siya ng isa sa mga tauhan ng kanyang ama. Kahit anong pagpupumiglas niya ay hindi siya pinakawalan ng tauhan na nakahuli sa kanya.
"Ipasok nyo siya sa opisina ko at may pag uusapan kami." Utos ng ama ni Xavier sa dalawang tauhan at dinala ng mga ito si Xavier sa sinabing lugar ng kanyang ama.
Pagdating sa loob ng opisina ng Governor.
"Iwan nyo muna kaming dalawa ng anak ko." Sabay tingin ng Governor sa dalawang tauhan.
Pagkalabas ng dalawang tauhan ay tinignan ng matalim ng Governor si Xavier. Halata sa mukha ni Xavier ang kaba dahil sa kanyang nakikita sa mukha ng ama. Kilala niya ang ugali ng kanyang ama. Malupit ito at hindi lihim sa kanya ang mga illegal nitong mga transksyon sa buong lalawigan ng Tarlac. Kung kaya gusto niya ng magpakalayo layo at iwan ang maduming gawain ng ama sa politika.
"Dad, please. Pabayaan mo na ako." Nagsisimulang pakiusap ni Xavier sa ama at kasabay ang pagtulo ng kanyang mga luha.
Ngunit tila walang narinig ang kanyang ama. Ngumiti lang ito at saka umiling.
"At para ano? Magtanan kayo ng animal mong kasintahan?!! Hindi kita pinalaki para maging ganyan! At eto pa, sa lalaki ka pa talaga pumatol! Hindi mo na inisip ang pangalan ng pamilya natin! Mabuti na lang at wala pang nakakaalam ng nakakadiring kabulastugan mo!" Sabay bigwas ng ama sa sikmura ng anak.
"Ahh!!" Impit na daing ni Xavier sa ginawa sa kanya ng ama. Kasabay niyon ay ang paghinga niya ng malalim habang napaluhod siya sa sakit.
"Dad, please. Tama na. Pabayaan mo na ako. Hayaan mo akong maging masaya sa pinili kong desisyon." Pakiusap ni Xavier. Kasabay niyon ay ang pagtingin niya sa mukha ng ama. Ngunit tila bato ang kanyang ama. Wala siyang nakikitang pagkaawa sa kanya ng ama. Tinitignan lang siya nito at nakakuyom ang dalawang palad. Saka ito lumapit sa kanya at inalalayan siyang tumayo.
"Puwede kang umalis at puntahan siya." Panimula ng kanyang ama.
Natigilan si Xavier sa narinig na sinabi ng kanyang ama. Pinahid niya ang kanyang luha at napatingin siya sa mukha ng kaharap.
"Pero eto ang gagawin mo." At sinabi iyon ng marahan ng kanyang ama sa kanang tenga niya.
Napalunok si Xavier sa sinabi ng kanyang ama. Hindi niya iyon maaaring suwayin. Kilala niya ang kanyang ama. Kapag sinabi nito ay gagawin iyon.
"Kaya mamili ka Xavier. Nasa sa iyo ang desisyon. Ikaw na ang bahalang magpaliwanag sa kanya, mag imbento ka na lang." Sabay tapik ng kanyang ama sa kanyang balikat. At napahagulgol siya.
"Dad, bakit kailangan pa umabot sa ganito? Bakit?" Umiiyak niyang tanong.
"Xavier, wala ng maraming tanong. Gawin mo ang sinabi ko, or else alam mo na ang mangyayari. Makakaalis ka na." Utos ng kanyang ama.
******
May natatanaw si Luke na paparating. Kinabahan siya ng una ngunit ng kanyang makilala kung sino ito ay hindi niya napigilan ang sarili na lumabas ng kubo at salubungin si Xavier. Niyakap niya ito ng mahigpit.
"Salamat at dumating ka. Akala ko hindi ka na darating. Mag iisang oras na ako dito naghihintay eh." Maluha luhang sambit ni Luke sa kasintahan.
"Babe, sorry kung na-late ako." Matamlay na sagot ni Xavier kay Luke.
"Ayos lang iyon babe, teka bakit wala kang dala?" Takang tanong ni Luke.
Hindi siya sinagot ni Xavier. Kundi naglakad ito patungo sa loob ng kubo. Nagtataka man si Luke ay hindi niya na iyon pinansin pa at hawak kamay sila papasok sa loob ng kubo.
"Babe ayos lang iyon kung hindi ka nakapagdala ng iilang gamit mo. Makakabili naman tayo eh." Sabay kuha ni Luke ng kanyang bag na dala sa loob ng kubo. "Tara na. Alis na tayo para makapag byahe na tayo paalis papuntang Manila."
Ngunit pinigilan siya ni Xavier habang magkahawak kamay sila, kasabay niyon ay ang pagkalas ng kanilang mga kamay.
"Babe, bakit?" Nagtatakang tanong ni Luke kay Xavier.
"Luke, I'm sorry. Hindi ko kaya. At hindi ako sigurado sa pagmamahal ko sa'yo. Hindi ko kayang gawin ang pinag usapan natin. Patawad. Ilang gabi ko rin pinag isipan ang gagawin natin, naisip ko na hindi ito tama kahit saang anggulo tignan."
Napatulala si Luke sa narinig kay Xavier. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Dahil ito mismo ang nag plano ng lahat. Ngunit bakit sa isang iglap ay nagbago ang isipan nito?
"No Xavier. Hindi totoo iyan! Sabihin mong hindi totoo!" Umiiyak na pakiusap ni Luke kay Xavier.
"Luke, I am sorry. Hindi ko pala kayang gawin." Matigas na turan ni Xavier. "Mga bata pa tayo at marami pa tayong dapat pagtuunan ng pansin. May mga pangarap rin ako para sa aking sarili."
"Xavier please, nagmamakaawa ako sa'yo bawiin mo ang mga sinabi mo. Puwede mo naman gawin ang mga pangarap mo habang magkasama tayo diba?" Umiiyak na pagsusumamo ni Luke sa guwapong mukha ni Xavier. Sabay hawak sa kamay nito ngunit puwersahang inalis iyon ni Xavier.
"Umuwi ka na sa inyo, dahil babalik na ako sa bahay. May mga dapat pa akong gawin." Kasabay ng paghakbang ng mga paa ni Xavier paalis.
"Babe, please! Huwag mong gawin sa akin ito!" Humahagulgol na pakiusap ni Luke kay Xavier.
"Sinabi ko na sa'yo na tama na ang kahibangan na ito! Diba sinabi ko na sa'yo na nagbago na ang isip ko? Hindi na ako sigurado sa nararamdaman ko dahil pareho tayong lalaki, naiintindihan mo?!!" Sigaw ni Xavier sa kanya.
"Hindi ako naniniwala sa mga sinabi mo! Ano ang dahilan at ganyan ka na sa akin? Ano?" Patuloy na pag iyak ni Luke.
"Sinabi ko na sa'yo ang dahilan diba? Bakit ang kulit mo?" Galit na sigaw ni Xavier kay Luke.
Tumunog ang celphone sa bulsa ni Xavier.
"Aalis na ako. Hinahanap na ako ng mga tauhan ni daddy." Paalam ni Xavier kay Luke.
Ngunit mabilis na yumakap si Luke kay Xavier.
"Babe please, pag usapan natin ito, nakikiusap ako sa'yo." Pakiusap ni Luke habang patuloy sa pag iyak.
Mabilis na pumalag si Xavier. At galit na tumingin kay Luke. Sabay ng paghawak nito sa magkabilang balikat ni Luke. Mahigpit iyon at nakaramdam siya ng sakit.
"Ano ka ba! Hindi ka ba nag iisip? Yang bibig mo masyado ng maingay! Paano kung may makarinig sa'yo ha! Anak ako ng Gobernador, may pangalan ako at ang pamilya ko na inaalagaan kung kaya tumahimik ka na at pabayaan mo na ako!"
Napatulala na lang si Luke sa kanyang nakita na galit sa mukha ni Xavier na ngayon niya lang nakita. Hanggang sa tumalikod ito sa kanya at unti unting naglalakad palayo sa kanya...
"Xavier, pleaseee..! Mahal na mahal kita." Humagulgol na nasambit ni Luke habang tinitignan ang papalayong taong mahal niya.
"Patawad Luke. Patawarin mo sana ako sa ginawa ko." Lumuluhang nasabi ni Xavier habang naglalakad palayo.
*****
Nagising na lamang siya sa tumatamang sikat ng araw sa kanyang mukha. Hindi niya namalayan na doon pala siya nakatulog sa magdamag. Bigla niyang naalala ang nangyari kahapon. Ngunit hindi siya nawawalan ng pag asa. Alam niyang nalilito lang si Xavier kung kaya nagawa nito sa kanya ang nangyari kahapon. Gagawa siya ng paraan upang magkita sila at magkausap. Kung kaya tumayo na siya at nag ayos pabalik sa bahay kung saan sila lamang ng kanyang ate Leila ang magkasama habang ang kanilang mga magulang ay kapwa nasa America at doon nagtatrabaho ang mga ito.
Nasa bandang kanto na siya ng kanilang Barangay ay medyo nagkakagulo sa daan. Bigla siyang kinabahan na hindi niya mawari. Kung kaya binilisan niya ang paglalakad.
"Kuya Luke! Si ate mo Leila!" Sigaw ng isang batang lalaki na nakasalubong niya.
"Ha? Bakit anong nangyari?" Takang tanong niya kung kaya napatakbo na siya papunta sa bahay nila. Habang tumatakbo ay narinig niya ang sinabi ng bata. "Binaril si ate mo!"
Nabitawan ni Luke ang kanyang dalang bag at mas mabilis siyang tumakbo at umiiyak.
"Ate Leila!" Sigaw ni Luke habang tumatakbo.
Bago pa siya makarating sa kanilang tahanan ay naabutan niyang maraming tao sa kanilang gate. Mabilis niyang hinawi ang mga nagkukumpulan na mga tao at nakita niya ang duguan na katawan ng kanyang ate Leila na nakabulagta trangkahan ng kanilang gate. Kaagad siyang lumapit sa kapatid at niyakap niya ito.
"Tumawag kayo ng Ambulansya! Tulungan nyo ho kami!" Umiiyak na sigaw ni Luke.. pero hindi pinalad na mabuhay ang kanyang kapatid pagdating sa ospital..
"Ate!!" Humahangos na sigaw ni Luke. Kasabay niyon ay napabalikwas siya sa kinahihigaan. Butil butil ang kanyang mga pawis sa noo at leeg. Habol niya ang kanyang paghinga at may mga luha sa kanyang mga mata at mukha. Maraming taon na ang nakakalipas ngunit bakit ayaw siyang patahimikin ng isang mapait at masaklap na nakaraan?