Chapter 1

1572 Words
ISANG malalim na buntonghininga ang binitiwan ko matapos sulyapan ang building na nasa aking harapan—ang Rueco Group of Companies—na pagmamay-ari ng isa sa mga prominenteng pamilya sa bansa. May dalawampung palapag ang gusaling iyon na kinalalagyan ng opisina ng iba't ibang negosyo ng pamilya Rueco. Isa na roon ang Gems Media and Publishing Corporation—kung saan ay limang taon na rin akong nagtatrabaho bilang isang full-time romance novel writer. Pinamamahalaan iyon ng unica hija ng mga Rueco na si Catrice at siya ring naging modelo ko at inspirasyon sa loob ng limang taon ko sa kumpanyang iyon. Sa kabila kasi ng karangyaan sa buhay na tinatamasa nito ay naging saksi ako sa pagkakaroon nito ng mabuting kalooban. Magaling din itong makisama maging sa mga katulad kong simpleng empleyado lamang. Si Catrice ang bunso sa tatlong magkakapatid. Ang dalawa pa niyang nakatatandang kapatid na lalaki ay kapwa nagma-manage din ng iba pang negosyo ng pamilya. At kagaya ni Catrice ay mababait din naman ang mga ito. Iilang beses ko na ring nakadaupang palad ang mga Rueco lalo na at nasa iisang building lang naman kami. Inayos ko ang aking large-frame sunnies eyeglasses na kumikinang sa sikat ng araw dahil sa kulay pilak nitong frame at saka ko itinali ang mahaba na kulay kapeng kulot na buhok sa isang ponytail. Kinuha ko ang colored lipbalm na nasa bulsa ng aking pastel CLN leather backpack saka iyon madaliang inilapat sa aking mga labi. I looked at my reflection on my phone at nang makuntento ako ay itinapat ko ang nakakuyom na kamao sa dibdib at saka iyon kinabog nang tatlong beses. "Kaya mo iyan, Stacey! Aja!" pagbibigay motibasyon ko pa sa aking sarili at gumuhit ng isang matamis na ngiti sa mga labi. Sa aking pagtapat sa entrance ng gusali ay sandali kong pinasadahan ng tingin ang aking sarili gamit ang glass walls. Sakto lamang ang aking taas na nasa 5'4" at balingkinitan ang katawan. Maputi ang kulay ng aking balat at natural na mamula-mula ang mga pisngi. Simple lamang ang aking suot na maong jumper dress na tinernuhan ng puting t-shirt at converse chuck taylor sneakers. "Maganda ka na, neng!" natatawang sabi sa akin ng guard sa shift na iyon, si Manong Ben. Isa siya sa pinakamatagal nang guard sa kompanya ng mga Rueco. Ayon sa matanda ay katatayo pa lamang ng RGC ay empleyado na ito roon. Madalas ko siyang makakuwentuhan sa tuwing papasok ako sa opisina. "Good Morning po, Manong Ben!" nakangiting bati ko rito nang lingunin siya at saka ito kinawayan. "Hindi ka pa ba papasok? Baka mahuli ka. Kanina ka pa diyan kaya napansin kita," muling sabi nito habang nakangiti pa rin sa akin. Likas na sa kaniya ang pagiging mausisa. Bukod pa roon ay talagang madaldal si Manong Ben at masiyahin kaya naman magaan ang loob ko sa kaniya. "Ah, eh, papasok na nga po ako. Alam n'yo naman po, dapat always pretty tayo lalo na kapag pupunta sa opisina. Sige po, Manong, mauuna na po ako." Muli ko siyang kinawayan at dumeretso na sa pagpasok sa gusali. Tipikal na isang corporate scenario ang sumalubong sa akin pagkapasok sa loob. As usual, halos mga naka-business attire ang mga nandoon pero hindi naman ako nakaramdam ng pagka-out-of-place dahil sadya namang walang specific na dress code sa mga writer ng Gems. Nasanay na lang din ako. Isa pa ay hindi lang naman kasi Gems ang opisinang naroon dahil nandoon din ang iba pang mga negosyo ng pamilya. Nang bumukas ang elevator ay nakisabay ako sa dagsa ng mga taong pumasok doon. Ang totoo ay nagdadalawang-isip pa ako kung tutuloy ba sa pagpasok dahil inaasahan ko na ang sermon ng aking editor. Pero mas masesermonan ako kapag hindi na naman ako sumipot sa pagkakataong ito. Malapit na rin kasi ang deadline ng mga nobelang kailangan kong ipasa para sa renewal ng aking kontrata sa Gems. At hindi ko hahayaang isang walang kwentang bagay lamang ang makahadlang sa mga pangarap ko. Napapikit ako nang mariin at umiling nang ilang beses para maiwaksi ang mga negatibong bagay na pumapasok na naman sa aking isipan. I can't ruin my day with the thought of that jerk. Pagod na pagod na ako at ayaw ko nang patuloy pang mapinsala dahil lang sa kawalang-hiyaan ng ex-boyfriend kong mas makati pa yata sa gabi. 'Stacey, kalma. Inhale, exhale. Maganda ka, talented, at mayroong bright future na mas bright pa sa brightest star. Huwag mong hayaang masira ang araw mo ng talipandas na lalakeng iyon!' Napangiti ako pagkatapos sabihin sa sarili iyon. Bakit nga ba kailangan ko pang magpaka-stress, e, wala naman akong mapapala. Saka hindi ko naman kawalan ang isang manloloko na kagaya ng ex ko. Tahimik ko lamang na ipinagpatuloy ang pag-iisip habang patuloy na kinokondisyon ang sarili. Nang makarating ako sa aming opisina na nasa ikalabing-apat na palapag ay agad akong pinagkaguluhan ng mga kasamahan. Unang-una na nga roon ang bestfriend ko na si Maggie. "Hoy, bakla! Kanina ka pa hinahanap ni Madam Eve!" bulong nito sa akin habang hinihila ang aking braso saka ako pinaupo sa aking pink na swivel chair. "Aray ko! Ano ba? Excited kang makita ako? Miss mo ako?" natatawang biro ko rito. Nang simangutan ako ng aking kaibigan ay natigil ako sa pagtawa at tumahimik. Mukhang mauuna pa akong masermunan ng bestfriend ko kesa ng editor. Iritadong umupo si Maggie sa katabing upuan saka ako muling hinarap. Pasimple namang nakikiusyoso ang iba naming mga katrabaho. "Girl, nag-aalala lang kami sa iyo," ani Angel na isa rin sa mga pinaka-close ko. "Oo nga. Okay ka na ba?" tanong naman ni Lorie. "Gusto mo ba ng resbak at babasagin na namin ang bungo ng siraulo mong ex? Go signal mo lang naman ang kailangan namin, eh," tanong naman ni Kiko. Itinaas pa nito ang manggas ng suot na long-sleeves na animo'y gangster sa kanto na handang makipag-basag-ulo. Hindi ko napigilang matawa sa mga kaibigan. Pero sa kaloob-looban ko ay nata-touch talaga ako sa inaakto ng mga ito. I tried to give them my best smile as I faced them. "I'm okay. Ano ba naman kayo? See? I'm alive and kicking!" Tumayo pa ako at saka umikot sa kinatatayuan. "I'm okay." "Eh, paanong hindi kami mag-aalala? Buong weekend ka kayang hindi reachable!" nag-aalalang sabi ni Maggie. "Friend, it's okay not to be okay, ha. Pero huwag mo rin sanang kakalimutan na andito lang kami for you." Bumalik ako sa pagkakaupo at saka bumuntonghininga. Mayamaya lang ay nakatulala na naman ako sa kawalan at bigla na lang umiyak. Wala na, naalala ko na naman si Brent. Ilang buwan na rin ang nakalilipas mula nang maghiwalay kami pero para sa akin ay sariwa pa sa alaala ko ang kahayupang ginawa niya. Akala ko nga ay okay na ako. Pero last week ay inatake na naman ako ng anxiety kaya nagdesisyon akong maging mapag-isa. Pinutol ko muna ang komunikasyon sa lahat kaya ang ending ay nag-alala tuloy ang mga ito sa akin. Hindi ako dapat nagkakaganoon at naiinis ako sa aking sarili. He ruined everything. Siya ang dahilan kung bakit palpak lahat ng mga nobelang ipinasa ko at ngayon nga ay ipinatawag na naman ako ng editor. "Bakla, tahan na. Tama na iyan. . . haharap ka pa kay Madam Eve, remember?" ani Maggie habang hinahagod ang aking likuran. "Pabayaan mo na iyong lalaki na iyon. Makakarma rin siya." "Bwisit siya. Minahal ko lang naman siya. Binigay ko na halos lahat! Pero anong ginawa niya? Siya ang dahilan kaya nagkakandaleche-leche ang buhay ko ngayon!" pagmamaktol ko pa habang sumisinghot saka kinuha ang inabot na tissue ni Hailey. "Ano ka ba? Andito lang kami. Kung gusto mo, igaganti ka nga namin doon sa Brent na iyon." "Oo nga! Ikaw lang naman kasi, pinipigilan mo kami, e!" "True! Matagal na sanang nakipagpalit ng mukha sa aso iyong lalaking iyon!" Biglang akong tumayo saka inawat ang mga kaibigan ko. Marami kaming writers sa Gems pero sa Team ng Romance Writers ay nasa sampu lang kaming full-time na pumasok sa araw na iyon. Pinasadahan ko ng tingin ang mga nasa silid at saka nginitian ang mga ito. "Salamat sa inyo. Kumalma na tayo. Pasensya na kayo at nagdala pa ako ng bad vibes sa office." "Wala iyon. Tayo-tayo lang naman ang magdadamayan, e," sabi ni Krissa na inabutan pa ako ng Fudgee Bar. "Oh, hayan, kainin mo iyan para gumaan ang pakiramdam mo." "Oo nga. Mag-ready ka na rin kasi kailangan mo nang puntahan si Madam Eve." Napabuntonghininga akong muli. Naisip kong may mas kailangan pa akong atupagin kaysa ang nararamdaman ko. Hindi ako matutulungan ng pagpapatalo sa pagkabigo sa pag-ibig. 'Makikita ng Brent na iyon kung sino ang sinayang niya.' Inayos ko ang aking sarili at saka nilantakan ang pagkaing iniabot sa akin. Alam na alam ng mga ito ang magpapagaan sa pakiramdam ko. 'Chocolates is the key to success.' Natawa ako sa aking naisip. Nakangiti naman ang mga kaibigan ko nang sulyapan ko sila. Si Maggie ay tila nabunutan ng tinik. Itinaas nito ang kamao na tila pinapalakas pang lalo ang aking loob. Nang matapos kong kainin ang chocolate bar ay uminom muna ako ng tubig at saka nag-ayos muli ng sarili. Nang makuntento ako sa hitsura ko ay tinahak ko na ang daan papunta sa opisina ng aming editor. Bago ako tuluyang pumasok sa pintuan ay nilingon ko muna ang mga kaibigan saka nginitian ang mga ito. 'Tama, Stacey! Kaya mo iyan! Fighting!'

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD