Kabanata I

1414 Words
"Grabe, mabuti at hindi nalaglag ang panty mo? At anong sabi nung b***h?" usisa ni Marisa habang kumakain kami ng kwek-kwek sa tabi ng riles. Naikwento ko kase sa kanya ang nangyari sa palengke, at narinig niya rin sa mga katabing pwesto ang tungkol don. Iba kase ang pinasukan niya, sa manukan. "Mga salita mo naman," saway ko. Sanay man makarinig ng mga bulgar na salita, sinasanay ko ang sarili na hindi makuha ang ugaling 'yon, sabi kase ni Mama kapag nagtrabaho na ako ay kailangan pormal at propesyunal mula sa kilos hanggang sa pananalita. Mahihirapan daw ako makisama kung bastos ang bibig ko. Ayoko rin namang matuto si Junmar ng mga salitang kalye, kung pwede nga ay hindi ko na siya papalabasin, kaso malulungkot naman 'to at hindi matututo. "Ate, ano 'yung beach?" si Junmar. Sinasabi ko na nga ba, ayoko talagang nakakarinig siya ng kung ano dahil nagtatanong siya at wala naman akong maisagot. "Kwento ko sa'yo sa susunod, ha? 'wag mo na itatanong lalo kay Mama," sabi ko sa kapatid. Sinamaan ko ng tingin si Marisa, nag peace sign naman siya. "Tara na nga," aya ko. Naglalakad na kami papunta sa bahay, wala pa si Mama dahil ala-sais pa ang uwi niya. Minsan ay lumalagpas pa ron, nalulungkot nga si Junmar tuwing hindi namin siya nakakasabay sa hapunan, pero ang sabi niya kailangan daw niya mag extra pa para sa gastusin at ipon. "Patambay muna ah, malakas ang signal dito eh," sabi ni Marisa sabay upo sa plastic naming upuan. "Sige lang, iinitin ko na ang sinaing ko kanina. Maglinis ka na ng katawan, Junmar." Ganito kami araw-araw, pero kahit paulit-ulit ay masaya ako. Bago mag-saing ay itinabi ko sa alkansya ang 150 na kinita sa pag-extra kay Nay Jeda. Ang isang daan kase ay pinangbili ko na ng itlog na maalat at kamatis para pang-ulam ngayong gabi, at ang sukli ay tinabi ko para bukas. Sa ganitong paraan ako nakakatulong kay Mama, ang kinikita niya kase ay pinapang-bayad sa tubig at kuryente, walang bayad ang upa pero nakiki-kabit kami para sa ilaw. Sabi ni Mama, okay na raw ang nakikikabit na nagbabayad kesa jumper o nakaw. "Yieeeee!" Tumili si Marisa. Panigurado ay kausap na naman niya si Jerome. May itsura naman 'yon, pero parang si Marisa pa nga ang nanliligaw sa kanilang dalawa, halos ihain niya na ang sarili niya sa lalaki. Napailing ako. "Alam mo ikaw, kapag 'yang si Jerome umuwi sa probinsya, iiyak ka lang." Matapos kong buksan ang kalan at ipatong ang sinaing kanina ay tinabihan ko siya. Nalukot ang mukha niya. "Grabe ka sa'kin Sese, nasa talking stage pa nga lang kami masyado kang KJ!" bulalas niya sabay inirapan ako. Ang dami talagang natututunang salita ni Marisa. "Bakit, 'di ba ganon ang nangyari kay Althea?" tukoy ko sa kakilala namin dito sa skwater na iniwan ng kasintahan matapos umuwi sa probinsya, noong una ay maayos naman daw ang long distance relationship nila pero kalaunan ay pinagpalit din siya sa malapit. Tinarayan niya akong muli. "H-Hindi ganon si Jerome!" depensa niya at tinakpan pa ang cellphone para hindi ko mabasa ang usapan nila. Natawa ako, hindi naman ako interesado sa kung ano man ang banatan nilang dalawa. "Basta sinabihan na kita," sabi ko. Hindi ko balak maging KJ gaya ng sabi niya, pero sa ngayon ay walang permanente. Ilang beses na rin napalitan ang mga trabahador sa palengke mula nang nag-extra ako kay Nay Jeda. Ilan na rin ang naging magka-relasyon, pero nagkakatuluyan naman ang iba kaya hindi talaga masasabi. "Eh paano naman ikaw at si Mr. Right?" usisa niya na kinikilig pa, parang kiti-kiti. Kumunot ang noo ko, kung ano-ano talagang natututunan ni Marisa. "Anong Mr. Right?" "'Yung gwapong mayaman sa palengke!" kinikilig niyang sabi. "Hindi ko nga 'yon kilala, ikaw talaga." Napaisip ako, kapag ba mayaman at gwapo matatawag na agad na Mr. Right? Minsan mali rin ang itinuturo ng mga kapitbahay naming tsismosa, sinasabi nila sa mga anak nila na kailangan nila mag-asawa ng mayaman na maiaahon sila sa hirap. Kahit na parati ko 'yon naririnig, hinding-hindi ko 'yon tutularan. Alam kong lahat kami rito ay kapos, pero aanhin ko ang pera kung wala ang pagmamahal? "Choosy ka pa, aminin! bet mo rin," asar niya at binigyan pa ako ng mapanuyang tingin. Umiling ako ay winagayway ang kamay sa hangin. "Marami namang lalaki riyan." Na mas kaya kong abutin... Isa pa, malaki ang agwat namin nung lalaki! Hindi ba hindi bagay kung papatulan niya ako? Ano ba 'tong naiisip ko! "Mama!" Napalingon ako nang salubungin ni Junmar si Mama. Nakarating na pala siya. "Ano ka ba naman, basa ka pa nagsuot ka na ng damit, tignan mo napunta na sa damit mo 'yung basa," litanya ni Mama kay Junmar. Kahit siya rin naman ay ganon, hindi ko na sinabi at baka humaba lang ang diskusyon namin. "Hello po Aling Benna!" magiliw na bati ni Marisa kay Mama. "Oh, nandito ka pala Marisa, hinahanap ka na ng Lola mo aba," sabi ni Mama habang kinakapa ang suot na damit ni Junmar. Napakamot sa batok si Marisa, kahit pa maligalig siya ay hindi siya nagpapa-abot ng hating-gabi sa labas dahil na rin sa utos ng Lola niya. Tuwing gabi kase ay maraming lasing na nagkalat, kahit pa kakilala ay hindi masasabi na wala itong gagawing mali. Uso rin ang mga away rito ng mga lasing kapag may argumento silang hindi mapagkasunduan. Mahirap nang madamay. "Sige Sese! Una na 'ko, see you tomsy!" Kumaway pa siya sa maarteng paraan bago tuluyang umalis. "Haaay, salamat sa Diyos." Uminat si Mama habang hawak ang bewang na isang buwan na rin niyang iniinda. Wala namang sakit si Mama, marami lang siyang trabaho sa malaking bahay ng isang mayaman kagawad sa barangay namin, dahil sa araw-araw na trabaho ay malimit na siyang makapag-pahinga. "Ako na Ma," Pagpiprisinta ko nang tangkain niyang hawakan ang walis. Minsan ay gusto ko na siyang pagalitan dahil hindi siya mapakali kapag walang ginagawa, nasanay na siyang kumikilos kaya kahit oras na ng pahinga ay gumagawa pa rin siya. "Sige, magpapahinga na ako. Pakidalhan ako ng tubig at 'yung Alaxan, Sese." "Opo." Naaawa ako kay Mama, pero sa edad ko at sa kakayahan ay hanggang sa pag e-extra lang ang kaya kong gawin para tumulong. "Ate, ako na sa Alaxan," prisinta naman ni Junmar. Napangiti ako at inabot sa kanya 'yon, matalino ang kapatid ko at may pakiramdam. Alam niya rin na nahihirapan si Mama sa trabaho, kaya rin nagpapakabait siya. Minsan nga ay nabanggit niya na kapag tumangkad siya ay magtatrabaho siya para sa'min ni Mama. Pinagsabihan ko siya at sinabing kailangan niyang mag-aral. Mahirap ang maging mahirap, at ayokong manatili si Junmar sa lugar na walang asenso. Nakainom si Mama ng gamot at agad na nakatulog sa papag, tabi sila ni Junmar at ako naman ay naglalatag sa sahig, inusog ko pa ang inupuan ni Marisa kanina para mailatag ang lumang foam nang maayos. Gusto ko na rin itong palitan dahil sa kalumaan pero hindi naman 'to importante sa ngayon, nahihigaan pa naman. "Ate, ano ang tipo mo sa lalaki?" bulong ni Junmar. Napabangon ako sa tanong niya, nagulat naman siya sa reaksyon ko at napaupo rin. Nilingon ko si Mama, mabuti na lang ay mahimbing na ang tulog niya. Bumuntong hininga ako at nag-isip. "Ang gusto ko..." Ano nga ba ang gusto ko? "Ang tagal naman Ate," bulong muli ni Junmar nang matagalan ako sa pag-iisip. Humikab na siya pero nananatiling nakaupo sa kahoy na papag at naghihintay ng sagot mula sa'kin. "Gusto ko 'yung may respeto sa'kin, siyempre 'yung mabait at hindi tayo mamaliitin," malumanay kong sabi. Kahit sinabi ko 'yon para tigilan na ako ni Junmar, may parte sa'kin na nagsasabing 'yon ang gusto ko. Ayoko sa matapobre at tatratuhin akong baboy at mababa. "Gusto mo rin ba Ate kapag gwapo?" seryosong tanong muli ni Junmar. Mahina akong natawa, ang batang 'to talaga maraming tanong. Pero masaya ako na ang mga naririnig niya ay sinasangguni niya muna sa'kin, para maintindihan niya ang kahulugan bago 'yon gamitin. Hindi naman sa ayaw ko sa gwapo, pero kadalasan kase ay ginagamit nila 'yon para maging mayabang. Hindi rin naman ako interesado mag boyfriend. "Hindi naman importante 'yon, basta 'yung mahal tayong tatlo at hindi lang ako, siguro---" "Sssst. Ano ba 'yan, matulog na," saway ni Mama. Agad kaming napahiga ni Junmar. Nakapikit na ako at malapit na hilain ng antok nang marinig muli si Junmar na bumulong. "Sisiguraduhin kong mahahanap mo ang gusto mo, Ate."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD