Alas kuwatro pa ng umaga pero gising na gising na 'yong diwa ko. Ayaw ko pa sanang bumangon dahil masiyado pang maaga pero parang ayaw na ng katawan ko matulog. Pati mga mata ko ay parang nakikisabay din sa aking katawan. Gusto ko pa sanang magpahinga dahil pwede naman na mamayang alas singko na ako babangon pero wala talaga. Tumayo na lang ako sa aking kama at naligo na, matapos ang ilang sandali ay na isipan ko na lang lumabas sa aking kwarto at magtungo sa kusina upang magluto. Bago 'yon ay lumabas muna ako sa bahay at lumanghap ng sariwang hangin.
Alas kuwatro pa ng umaga kung kaya ay wala pang masiyadong tao sa labas. May ilang mga babae na rin akong nakikita na parang nag-eehersisyo at tumatakbo, samantalang ang iba naman ay naka-upo lang sa harap ng kanilang bahay at umiinom ng kape. Naglakad-lakad lang ako sa buong lugar habang tinitignan ang paligid.
"Magandang umaga!" Bati ng isang babaeng dumaan sa aking gilid.
"Magandang umaga rin sa iyo,"bati ko rito pabalik, ngumiti lang ang babae at patuloy na sa pagtakbo. Marami pa akong nakakasalamuha na mga tao at kagaya sa mga naunang bumabati sa akin ay binabati rin nila ako.
Habang naglalakad ako ay hindi ko maiwasan ang hindi mamangha sa laki ng punong kahoy na ito. Ang mga ilaw ay naka-sabit lang sa itaas na nagbibigay liwanag sa paligid. May mga lumulutang din na umiilaw na alikabok. Ngayon ko nga lang ito nakita at parang gusto ko itong hawakan. Patuloy lamang ako sa pag-akyat hanggang sa makarating ako sa isang malaking sanga na may pinto. Ano kaya ang mayroon dito? Baka naman ay bawal pumasok kaya huwag na lang.
Umikot na ako at nagpatuloy sa pag-akyat. Ilang sandali pa ay nakarating din ako sa tuktok ng punong kahoy na ito na kung saan kitang-kita ko ang buong kapaligiran. Sigurado ba talaga sila na isang kwarto lang ang pinapanatilihan namin ngayon? Bakit parang napaka-impossible naman talaga.
Ipinikit ko na lang ang aking mga mata at pinakiramdaman ang hangin. Ang sarap at ang lamig, kahit medyo giniginaw ako ay hindi ko maipagkakaila ang sarap sa pakiramdam.
"Ang aga mo naman yatang na gising,"biglang sabi ng isang babae sa dulong bahagi ng tuktok na ito. Hindi ko masiyadong makita ang mukha ng kasama ko at hindi ko naramdaman ang presensiya ng dumating ako rito. Masiyado pang madilim upang makita ko ng maayos ang hitsura niya.
"Magandang umaga," bati ko rito habang pinipilit na tignan ang kaniyang mukha. Hindi naman nagtagal at lumabas ang isang babaeng may kulay pulang mahabang buhok at maputing balat. May mapupula rin itong pisngi at mahahabang pilik mata. Ang ganda naman ng babaeng 'to, "Naistorbo po ba kita? Pasensiya na kayo."
Ngumiti lang ang babae sa akin habang patuloy na naglalakad patungo sa aking harapan, "Hindi naman," tugon niya, "Sa katunayan niyan ay magkasunod lang tayo dumating dito. Nagtataka ako na ang aga mo yata magising."
"May kailangan pa kasi akong gawin kaya kailangan maging maaga. Isa pa, na sanay na rin ang aking katawan,"paliwanag ko sa kaniya. Ang totoo niyan ay hindi lang talaga ako makatulog ulit kaya lumabas na lang ako.
"Ganoon ba?" Sambit nito, naglakad lang siya palapit sa dulo ng kinatatayuan namin at hindi ko maiwasang hindi mag-alala. Nakatapak na lang siya sa isang malaking dahon at kapag ito ay nagkamali ng galaw, maari siyang mahulog mula rito, "Ako nga pala si Brizza, Brizza of Floridel."
"Floridel?" Gulat na tanong ko, "Kaano-ano mo ang hari ng Floridel?"
Nanatili lamang tahimik si Brizza ng ilang saglit bago ito naglakad papalapit sa akin hanggang sa tuluyan na itong makalagpas, "Huwag mo na lang alamin. Masaya akong makilala ka, Kori."
Nagulat naman ako ng bigla na lang itong nilamon ng isang apoy at nawala na lang bigla sa kaniyang kinatatayuan. Bakit may kapangyarihan siya ng apoy? Hindi kaya ay kapatid iyon ni Flora? Kung kapatid nga niya iyon ay bakit hindi man lang niya na-ikwento sa akin ang tungkol sa bagay na 'yon? May nangyari ba sa kanilang pamilya noong hindi pa ako dumating doon?
Isa pa sa mga tanong ko ay paano niya ako nakilala? Hindi ko pa nga binabanggit ang aking pangalan sa kaniya pero alam na niya. Kung talagang kapatid si ni Flora ay maiintindihan ko na kung paano ako nito nakilala. Maaring na kwento ako ni Flora sa kaniya, sana lang ay magkita kami ulit upang matanong ko sa kaniya ang tungkol sa bagay na iyon.
Bigla naman akong makaramdam ng sobrang lamig sa aking balat. Kanina ay hindi naman ganoon kalamig ang paligid ah? Baka siguro ay dahil nandito si Brizza, may kapangyarihan siya ng apoy kung kaya ay nagbibigay ito ng init sa kaniyang paligid.
Bumaba na ako mula roon at bumalik na sa bahay. Medyo maliwanag na rin ang paligid at kailangan ko ng magluto. Kahit tapos na akong maligo ay nararapat lang na handa na ang lahat bago pa magising si Elfrida.
Ilang sandali pa ay nakarating na rin ako sa loob ng bahay. Isinarado ko na ang pinto at dumeritso sa kusina. Kinuha ko na lang ang mga kagamitan na kailangan ko sa pagluluto at ilang mga sangkap bago magsimula.
Hindi naman ganoon katagal ay na tapos na rin ako. Naghintay lamang ako ng ilang minuto bago narinig ko ang pagbukas at pagsarado ng pinto ni Elfrida.
"Amoy na amoy ko 'yong luto mo sa aking kwarto," sabi nito pagkapasok agad sa kusina, "Panigurado ay amoy na amoy din ng mga kapitbahay natin ang bango ng ulam ngayon."
"Tigilan mo na ako sa pagbibiro mo, Elfrida. Hali ka na at kumain, baka mahuli tayo sa paunang seremonya kapag mas nagtagal pa tayo." Aya ko rito at umupo na. Masaya naman itong sumunod sa akin at ngiting tinignan ako sa mukha.
"Biyaya ka talaga, Kori!"
Nauna na itong magsandok ng pagkain at kumain. Umiiling na lang akong sumunod dito hanggang sa tuluyan na kaming matapos.
"Hayaan mo na lang 'yan diyan. Sa oras na may pasok na tayo ay may mga naglilinis na ng bahay. Panigurado ay sa pag-uwi natin, wala na 'yang mga huhugasang pinggan."
Hinawakan na nito ang aking kamay at hinila patungo sa pinto ng bahay. Ilang sandali pa ay nakalabas na rin kami at sinarado na nito ang pinto.
"Tara na kay Pinunong Yizun!" Sigaw niya habang nakataas ang kaniyang kamay, umiiling na sumunod na lang ulit ako sa kaniya habang ngumi-ngiti sa mga taong nakatingin sa amin. Alam kong nagtataka ito kung bakit ang aga-aga ay ang ingat ng aking kasama. Ako pa yata ang mapapahiya sa ginagawa ng babaeng 'to ah?
"Oo nga pala, Kori,"biglang sabi nito at tumigil sa paglalakad upang sumabay sa akin, "Saan ka pala galing kanina? Noong lumabas ako ay naka-bukas ang pinto ng iyong kwarto at nakita kong wala ka roon."
Nakalimutan ko bang isara ang kwarto ko bago ako umalis? Naku naman! Akala ko ay tlagang na sarado ko ang pinto. "Lumabas lang ako saglit, gusto ko tignan kung anong klaseng lugar 'tong puno natin."
"Tapos? Ano naman ang nakita mo at ano naman ang masasabi mo?"
"Maganda naman, marami pala talagang mga taong nagigising ng maaga dito, ano?" Tanong ko sa kaniya. Nagkibit balikat lamang si Elfrida at ngumiti sa akin.
Oo nga pala. Simula noong nangyari sa kaniya at sa pagitan ng kaibigan niya hindi na ito masiyadong lumalabas ng kaniyang bahay. Mas gusto na lang nito ang manatili sa bahay o kung lalabas man ay pumupunta lang ito sa bayan para kay Hanes at Lapra.
Ngayon na nandito ako ay nagiging makulit na si Elfrida ay yinayaya na akong lumabas. "Malapit na tayo kay Pinunong Yizun. Kinakabahan talaga ako lagi kapag kaharap ko siya." Bulong nito sa aking tabi.
"Bakit naman?" Nagtatakang tanong ko, "Hindi naman masungit si Pinunong Yizun ah? Isa pa ang bait nga nito eh."
Gulat na tinignan lamang ako ni Elfrida, "Seryoso ka ba sa sinasabi mo? Alam mo ba na tigre ang tawag kay Pinuno? Isa ito sa mga masungit na guro o tagapamahala sa buong mundo ng mahika."
Masungit? Hindi naman. Mabait nga ang taong 'yon eh. Siguro ay medyo masungit ang ekspresyon nito sa mukha pero hindi naman ganoon ang kaniyang personalidad.
Huminga lang ako ng malalim at sinundan na lang ito.
Marami na ring estudyante na pakalat-kalat dito sa pasilyo. Karamihan sa kanila ay abala sa pagkwe-kwento sa isa't-isa tungkol sa mga karanasan nila at noong may kaganapan dito sa paaralan.
Ilang sandali pa na paglalakad ay nakarating na rin kami sa harap ng isang malaking pinto, kumatok muna si Elfrida bago ito tuluyang pumasok.
"Magandang umaga po, Pinunong Yizun,"sabay na bati namin ni Elfrida ng tuluyan na kaming makapasok at nakita itong naka-upo lamang sa kaniyang mesa.
"Magandang umaga sa inyon dalawa," bati nito pabalik, "Mabuti naman ay naisipan niyong maging maaga, kung mas natagalan kayo ay maaring mahuli kayo sa pangunahing seremonya."
"Saan nga po pala gaganapin ang pangunahing seremonya, Pinunong Yizun?" Tanong ni Elfrida at tumayo na ng matuwid.
"Maupo muna kayo,"aya nito bago bumalik sa kaniyang upuan. Sumunod naman kami sa kaniya at umupo na sa dalawang bakanteng upuan na nasa harap niya.
"Hindi katulad dati na magkakaroon ng seremonya sa malawak na lupain doon sa likod ng ating paaralan, ngayon ay gaganapin lamang ang seremonya sa bawat silid-aralan ninyo." Paliwanag nito.
"May nangyari po ba?" Nagtatakang tanong ni Elfrida habang naka-kunot ang noo.
"Gumagalaw na naman ang mga taong sumira sa Bayan ng Fengari,"paliwanag nito, "Nitong mga nagdaang araw ay ilang mga bangkay na naman ng mga taong may kapangyarihan ang nakuha namin sa mundo ng mga normal."
Kitang-kita ko ang pag-kuyom ng mga kamao ni Elfrida sa aking tabi. Taong sumira sa bayan ng Fengari? Sino 'yon?
"Sa ngayon ay hindi pa ligtas ang lumabas sa gusali ng paaralan. Kung maari ay dito na lang muna gaganapin ang lahat ng mga aktibidad sa bawat kurso." Paliwanag ni Yizun at tumingin sa akin, "Kailangan na natin mag-ingat."
Pagkatapos sabihin iyon ni Yizun ay bigla na lang tumunog ang kampana na hudyat na magsisimula na ang pangunahing seremonya. Hindi ko na nga maintindihan kung ano ang pinag-uusapan nila, wala pa akong alam kung ano ang gagawin sa pangunahing seremonya.
"Heto ang inyong pera ngayong buwan. Isipin niyo ng maayos kung saan niyo 'yan gagastusin, huwag kayong basta-basta na lang bibili ng kung ano-ano. Huwag kayong mag-alala, ligtas naman ang bayan."
Tumayo na kami ni Elfrida at nagpaalam na rito. Tahimik lamang ang aking kasama sa aking tabi simula noong marinig niya ang tungkol sa balita ng mga taong sumira sa bayan ng Fengari.
Hindi na lang ako umimik at hiniyaan na muna siya. Lumipas ang ilang sandali ay nakarating na kami sa isang mahabang pinto na may kakaibang desinyo. Walang pag-aalinlangan na binuksan ni Elfrida ang pinto at pumasok. Nakalimutan ba niyang may kasama na naman siya?
Umiiling na sumunod na lang ako rito at tumabi sa kaniya. Napaka-ganda ng kanilang silid aralan, hanggang limang baitang lamang ang kanilang hagdan. Sa bawat hagdan ay mayroong nakahilirang mga upuan at lamesa na kung saan kasya ang dalawang tao.
Tahimik lamang akong naka-upo sa tabi ni Elfrida at hinihintay itong magsalita. Inilibot ko ang aking paningin at doon ko lang na pansin ang isang malaking pisara sa harapan. May isang lamesa rin ito sa tabi at upuan, siguro ay para iyon sa aming guro.
Medyo marami rin pala kami dito, nasa halos labing siyam kami ka tao sa loob. Mas lamang nga lang ang mga lalaki sa amin.
Ilang sandali pa ay dumating na rin sa wakas ang aming guro. Nagmamadaling bumalik sa mga upuan ang mga kaklase ko at tahimik na nakatuon lamang ang atensiyon sa harapan. Si Elfrida naman ay nakayuko pa rin sa aking tabi at sa tingin ko ay hindi nito na pansin ang pagdating ng guro.
"Magandang umaga sa inyong lahat,"bati nito at ngumiti sa amin. Isa itong matandang lalaki na may puting buhok at kakaibang kulay ng mata. Naka-suot lamang ito ng isang barong at pantalon na tinupi hanggang tuhod. Kahit matanda na ito ay sakto pa rin ang tindig ng kaniyang katawan at ramdam ko ang malakas na enerhiya na parang iniipit ako.
Ang lakas niya.
"Panibagong taon na naman para sa inyo upang maging isang makapangyarihang nilalang. Sa oras na ito ay hindi na kayo mga bata, hindi na kayo baguhan sa inyong kapangyarihan. Inaasahan ko na sa oras na ito ay marami na kayong alam patungkol dito." Sabi niya at inilibot ang kaniyang paningin sa aming lahat, "Ngayon ang unang araw ng ating klase, ngunit, alam niyo naman siguro na sa unang araw ay magkakaroon tayo ng pangunahing seremonya. Hindi ba?"
"Opo!" Sigaw ng lahat. Gulat na gulat akong inilibot ang paningin ko ng sobrang tigas ng pagkaka-sagot nila.
"Kung gayon ay simulan na natin ang pangunahing seremonya,"sambit nito. Ano ba ang ginagawa? Hindi ko alam, wala ba siyang sasabihin kung ano ang dapat naming gawin? Hindi ba nito nakikita na isa lamang akong baguhan sa lugar na ito? Sana naman ay makiramdam ka sa akin.
"Sa oras na ito, dahil nga sa alam niyo na ang kung ano man ang inyong kapangyarihan. Nais ko lang na magpakilala kayo sa lahat at sabihin kung ano ang taglay niyong kapangyarihan. Pagkatapos ay gusto kong hawakan niyo ang kristal na ito upang malaman ang inyong antas at kung ano man ang inyong espesyalidad."
Ito lang ba ang seremonya?
Bumuntong hininga lang ako at ngumiti. Akala ko naman kung ano na, akala ko naman na mahirap talaga.
"Ang hindi makakaabot sa ika-walong stage sa Vasikos na antas ay tatanggalin ko sa klase na ito,"sigaw ng matanda. "Ako nga pala si Cerilo, ang inyong magiging guro sa buong taon."
"Cerilo?" Rinig kong tanong ng kaklase ko sa likod.
"Teka, hindi ba at siya 'yong guro na binagsak ang buong klase noong isang taon?"
"Patay."
Binagsak ang buong klase? Teka ika-walong stage? Nasa ika-pitong stage palang ako. Paano na ito? Mukang kailangan ko na maghanda upang umalis sa paaralan na ito ah.
"Simulan na natin! Ikaw babae, hali ka rito." Sabay turo sa isang babaeng naka-upo sa isang tabi. Nag-aalinlangan naman na tumayo ang babaeng may kulay itim na buhok. Naka-suot lang ito ng isang damit na kitang-kita 'yong dibdib at may hiwa sa damit nito na hanggang hita.
"Magandang umaga!" Bati nito sa lahat at kumindat pa, "Ako nga pala si Erika, ang nag-iisang diyosa ng paaralan ng Xero."
"Ano ang kapangyarihan mo?" Tanong ng guro.
Kitang-kita ko naman ang mga mata ng mga lalaki sa aming silid-aralan na halos hindi na mawala sa dibdib ni Erika.
Unti-unting itinaas ni Erika ang kaniyang kamay at lumabas doon ang maliit na buhawi sa kaniyang kamay.
"Magaling, magaling,"sambit ng guro, "Ngayon ay ilagay mo na ang iyong palad sa kristal na iyan at ilipat ang iyong enerhiya upang malaman natin kung anong antas ka na."
Kume-kembot na lumapit naman itong si Erika doon at maarteng hinawakan ang kristal bago pumikit.
Lumipas ang ilang sandali, "Ika-siyam na stage ng Vasikos!"ㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤㅤ