Sa tulong ng hindi kilalang lalaki ay nagawang matakasan ni Cassie ang mga bodyguard niya. Dahil din sa pera na pinahiram nito ay nakauwi siya sa kanilang bahay.
"Huh! Cassie, paanong narito ka na agad? Ang bilis namang natapos ng date ninyo," takang sabi ni Salve nang makita ang kaniyang alaga na pumasok sa loob ng bahay.
Hindi niya pinansin ang sinabing iyon ni Salve. "Si Mommy, nand'yan ba?" tanong niya.
"Wala ang mommy mo, umalis kasama ng mga amiga niya."
"Ang Papa... nasaan ang Papa?"
"Hindi pa dumarating si governor," tugon nito.
Nakahinga nang maluwag si Cassie nang malaman na wala pa ang kaniyang mga magulang.
"Sige aakyat na ako sa kwarto ko," paalam niya kay Salve.
"Te-teka, Cassie!" pigil na tawag nito sa kaniya. Natigil naman siya sa gagawin sanang pag akyat sa hagdan.
"Bakit, Ate Salve?" takang tanong niya rito.
"Ano ang sasabihin ko kapag dumating ang mga magulang mo?" alanganing tanong nito.
"Sabihin mo ang totoo, na nakauwi na ako at nasa silid na ako," sagot niya at itinuloy na ang naudlot na pag akyat sa hagdan.
Sinundan na lamang ito ng nag aalala na tingin ni Salve. Alam niyang may ginawa na naman ang kaniyang alaga na ikagagalit ng gobernador.
_
"Pak!"
Isang malakas na sampal ang nagpagimbal kay Cassie. Muntik na siyang sumubsob sa bakal na upuan, mabuti na lamang at nasalo siya ni Salve.
"Papa!" tanging nasabi niya habang sapo-sapo ang pisngi. Hindi niya napigilan ang mapaiyak sa sobrang sakit ng sampal na iyon ng kaniyang ama. Ito ang unang pagkakataon na pinagbuhatan siya nito ng kamay. Madalas siyang pagalitan nito ngunit ni minsan ay hindi pa siya nagawang saktan ng ama, ngayong araw pa lang.
"Ano'ng pumasok sa isip mo at tinakasan mo si Armando at ang mga bodyguard mo? Alam mo ba kung gaano kalaking kahihiyan ang idinulot mo sa akin? Naghintay sa'yo ng matagal ang mga magulang niya. Ang buong akala nila ay nagbanyo ka lang 'yun pala ay umuwi ka na. Hindi mo ba alam na kabastusan ang ginawa mo? Malapit ka ng ikasal nagpapasaway ka pa! Hindi ako papayag na basta mo na lang sirain ang mga plano ko, Cassandra Marie!"
"Ayokong magpakasal kay Mang Armando, Papa!" mariing sabi niya.
Nanlisik ang mga mata ni Armando.
"Wala kang karapatan na tumanggi. Anak lang kita! Utang na loob mo sa akin na nabubuhay ka ngayon na parang isang prinsesa."
"Mas gugustuhin ko pang maging anak ng isang pulubi kaysa maging anak ninyo!" pasigaw na sabi niya.
"Lapastangan!" Isang malakas na sampal na naman ang iginawad sa kaniya ng kaniyang ama. Sa pagkakataong ito ay mas doble ang lakas niyon kaysa kanina.
"Senyor!" sabi ni Salve, habang inaalalayan ang nanghihina na si Cassie. Nagmamakaawa ang tingin nito sa gobernador.
Napahagulgol si Cassie, pakiramdam niya ay katapusan na niya. Ang hirap lang paniwalaan na ang mismong magulang niya ang magdadala sa kaniya sa ganitong sitwasyon.
"Pagsabihan mo ang alaga mo, Salve," anang gobernador.
"Opo, Senyor," mabilis na tugon ni Salve.
"You're grounded, Cassandra Marie. Hindi ka makakalabas ng bahay hangga't hindi ko sinasabi. Subukan mo pang ulitin ang pagpapahiya na ginawa mo sa akin, kung hindi ay sa basement na kita ikukulong," pagbabanta ng gobernador.
"Ipasok mo siya sa silid niya, Salve. Huwag na huwag mo siyang palalabasin. Kunin mo ang lahat ng mga gadget niya at dalhin mo sa silid ko." makapangyarihang utos nito.
"Sige po, Senyor."
Isang matalim na tingin ang iniwan ni Hernando sa anak bago tuluyang umalis.
"Halika na, Cassie. Sundin mo na lang ang Papa mo, dahil baka kung ano pa ang magawa niya sa'yo."
"Buong buhay ko lagi na lang "Opo, Papa" "Opo, Mommy" ang sinasabi ko, lahat ng gusto nila sinusunod ko. Naging mabuting anak ako pero bakit ganito ang naging kapalit, Ate Salve?" puno ng hinanakit na tanong niya.
Umiling ito at hinaplos ang buhok niya. Nakita niya ang pangingilid ng luha nito. "Hindi ko alam, Cassie," malungkot na tugon ni Salve.
"Akala ko noon ang mga magulang ang magiging kakampi mo sa lahat ng problema, sila ang magpo-protekta at magtatanggol sa'yo. Hindi pala totoo 'yon, dahil kabaliktaran noon ang ginagawa ng mga magulang ko."
"Tama na 'yan, Cassie! Umakyat na tayo sa silid mo, hindi makabubuti na makita ka pa ng papa mo rito dahil pareho tayong mapapagalitan." Inalalayan siya nito na makatayo, wala na siyang nagawa kung hindi ang sundin ang sinabi nito.
Dalawang araw na siyang hindi lumalabas sa kaniyang silid, pati pagkain niya ay inihahatid na lamang sa kaniya ng kanilang kasambahay. Mistulang preso si Maria sa sarili nilang pamamahay.
Wala siyang libangan kung hindi ang manood ng t.v. Walang bintana ang silid niya kaya hindi man lang niya masilayan ang labas, ni hindi niya alam kung umaga pa ba o gabi na. Umaasa na lamang siya sa orasan na nakasabit sa dingding sa loob ng kaniyang silid.
Isang umaga ay pinayagan din siyang makalabas ng kaniyang ama dahil bumisita si Armando. Ayaw man niyang harapin ito ay napilitan na siya dahil ito lang ang pagkakataon na magagawa niyang masilayan ang liwanag.
Sa may garden, naroon naghihintay si Armando. Kagaya ng dati may mga iba't-ibang laki ng regalo na nakapatong sa lamesa ang naghihintay sa kaniya.
Huminga muna siya ng malalim bago naglakad papalapit dito. Mabilis na tumayo si Armando ng makita siya.
"Cassandra Marie!" nakangiting tawag nito sa kaniyang pangalan.
Pilit na nginitian niya ito.
Sinalubong siya ni Armando nang yakap at ginawaran pa siya ng halik nito sa pisngi. Nag-tayuan ang lahat ng mga balahibo niya sa katawan.
Sa pagkabigla ay tinulak niya ito para makawala sa pagkakayakap nito.
Madampian nga lang ng balat nito ang balat niya ay kinikilabutan na siya, paano pa kaya kapag naging mag asawa na sila?
"Huh! Hanggang ngayon ba ay naiilang ka pa rin sa akin? Ilang araw na lang at ikakasal na tayo," wika nito na mapanuri ang mga tingin sa kaniya. "Sumakit ba talaga ang ulo mo noong isang araw kaya mo kami ginawang iwan o sinadya mong takasan kami?" may pagdududa na tanong nito.
Umiling si Cassie. "Kung ano ang sinabi ni Papa iyon ang nangyari," tugon niya.
"Siguraduhin mo lang, Cassandra Marie. Hindi mo alam kung paano ako magalit. Mahal kita, pero hindi ko kukunsintihin ang mga kapritso mo. Malaki na ang na-invest ko sa'yo. Namuhanan ako at ayokong walang mapatunguhan ang lahat ng ginastos ko sa'yo. Alam mo bang hindi ko nagustuhan ang ginawa mong hindi pagpapaalam sa akin at bigla na lang umalis? Napahiya ako sa mga magulang ko. Pinakiusapan lang ako ng papa mo, pero kapag naulit pa ang ginawa mong ito sa akin ay tiyak hindi mo magugustuhan ang gagawin ko," seryosong sabi nito na may himig pagbabanta.
Nakaramdam ng takot si Cassie. Ngayon pa lang ay ginagawa na nitong kontrolin ang kaniyang mga magulang. Unti-unti na niyang nalalaman ang katotohanan. Pera nga ang dahilan kaya siya nagawang ipakasal ng mga magulang niya sa lalaking ito.
Pinilit niya ang sarili na pakisamahan si Armando. May mga pagkakataong hinahawakan siya nito sa kamay at niyayakap na normal naman sana na ginagawa ng magkasintahan. Ngunit hindi iyon ang kaniyang nararamdaman ngayon. Pakiramdam niya ay isa siyang bayarang babae na kailangan i-entertain ang kaniyang parokyano. Ano pa nga ba ang iisipin niya. Binenta na siya ng kaniyang ama sa kaibigan nito.
Naging napakahaba ng isang oras para sa kaniya na kasama si Armando. Nang umalis ito ay agad siyang pumasok sa kaniyang silid at naligo. Amoy na amoy pa niya ang masakit sa ilong dahil sa tapang na pabango nito na kumapit sa kaniyang katawan.
Matapos maligo at makapag-bihis ay padapang humiga siya sa kaniyang kama at nag iiyak.
_
Natapos na rin sa wakas ang isang linggong parusa sa kaniya. Malaya na siyang nakakaikot sa loob ng kanilang bahay ngunit hindi pa rin siya nakakalabas. Pinapayagan lamang siya kapag may date sila ni Armando.
"Cassie, nariyan ang Tita Celeste mo," pagbabalita ni Salve.
Biglang napabangon si Cassie.
"Nasaan?" excited na tanong niya.
"Nasa ibaba, kausap ang Papa mo."
"Ate Salve, kailangan kong makausap si Tita Celeste."
Nalungkot si Salve. "Hindi ko alam kung papayagan ka ng papa mo na makausap siya."
Hindi kasi siya hinahayaan ng kaniyang ama na makipag usap kahit kanino maliban sa kaniyang mga magulang kay Salve at kay Armando lang. Ganu'n kahigpit ang gobernador. Sinisiguro nitong hindi makakagawa ng anumang plano si Cassie para makatakas, lalo pa at nalalapit na ang kaniyang kasal.
"Gagawa ako ng sulat. Ibigay mo ito kay Tita Celeste," aniya, nagmamadaling kumuha ng notebook at ballpen sa drawer. Pumilas ito ng isa at sinimulan nang magsulat.
"Cassie, paano kung malaman ng papa mo?" nag aalala na tanong nito.
"Ate Salve, please... gawan mo ng paraan na maiabot kay Tita Celeste ang sulat ko," pakiusap niya.
"Umaasa ka pa rin ba na matatakasan mo ang kasal mo kay Mr. Cristobal?"
Nilingon ni Cassie si Salve. " Hangga't buhay pa ako ay aasa ako, Ate Salve," desididong sabi niya.
Nakita ni Salve ang matinding determinasyon sa mga mata ni Cassie.
Bumuntong hininga siya ng malalim.
"Bilisan mo na, tapusin mo na 'yan, baka umalis na ang Tita Celeste mo."
Ang kapatid ng kaniyang ama na lang ang tanging pag asa niya. Walang kasiguraduhan kung tutulungan siya nito ngunit hindi siya nawawalan ng pag asa. Kung hindi man siya magtagumpay ay wala siyang pagsisihan ang mahalaga ay sumubok siya.