"Pe-pero, Papa!"
"Enough, Cassandra Marie! You will marry Armando whether you like it or not and that's final!" makapangyarihang utos ni Governor Hernando Montero sa anak.
Hirap mangatwiran si Cassie lalo pa at galit na ang itsura ng kanyang ama. Itinungo na lamang niya ang kanyang ulo at hindi na umimik pa.
Agad nang umalis si Governor Hernando kasunod ang kanyang mga body guard matapos sabihin ang pakay sa anak.
"Cassie, alam kong hindi ka sang ayon na makasal kay Armando pero sana isipin mo rin na para sa kapakanan mo ang ginagawa naming ito," ani Emilia Montero. Maging siya man ay tutol sa desisyon ng asawa na ipakasal ang nag-iisa nilang anak sa kaibigan nito ngunit, wala siyang magagawa kapag ang asawa na niya ang nagdesisyon.
"Mom, he's thirty five years older than me and I can't even call him by his name!" reklamo ni Cassie sa ina, bakas sa mukha niya ang matinding pagkadismaya.
Noon pa man ay nahahalata na niyang may pagtingin sa kanya ang kaibigan ng kanyang ama ngunit binalewala lamang niya iyon. Hindi niya alam kung ano ang ginawa ng Armando na iyon para mapapayag ang kanyang mga magulang na ipakasal siya rito.
"Ipasok n'yo na lang po ako sa kumbento. Magma-madre na lang po ako kaysa makasal sa lalaking hindi ko naman gusto!"
Desperado na si Cassie, kahit na ano ay gagawin niya huwag lang makasal sa lalaking iyon.
"Anak, sundin mo na lang ang kagustuhan ng iyong ama, balang araw ay pasasalamatan mo rin kami. Huwag mo na sanang suwayin pa ang iyong Papa."
"Pero, Mom! Ipagawa n'yo na sa akin ang lahat huwag lang ang maikasal kay Mang Armando. Please naman, Mom! Tulungan mo akong pakiusapan si Papa." Nagsusumamo ang mga mata ni Cassie, pilit niyang pinipigilan ang mga luhang namumuo sa kanyang mga mata ngunit hindi niya magawa, nag-uunahan nang magpatakan ang mga ito.
Kahit anong pakiusap niya sa kanyang ina ay kagaya rin ito ng kanyang ama na naging matigas ang puso para sa kanya. Sino ba namang magulang ang gugustuhin na makasal ang kanilang anak sa lalaki na tatlumpu't limang taon ang tanda sa kanya? Sa totoo lang ay pwede na itong maging ama ni Cassie dahil sa layo ng agwat ng edad nila. Bukod tangi lang talaga ang kanyang mga magulang na may gano'ng desposisyon sa buhay. Kung ano man ang dahilan ng mga ito ay ayaw na niyang alamin at wala siyang balak na intindihin ang mga dahilang iyon dahil kahit saang anggulo pa tingnan ay hindi makatwiran ang gusto nilang mangyari.
"Miss Cassie, may bisita ka. Nasa ibaba si Mr.Cristobal," bungad na sabi ng alalay ni Cassie na si Salve pagpasok pa lamang nito sa silid ng dalaga.
"Sabihin mo wala ako," utos niya. Wala siyang gana na harapin ang kanyang bisita. Hindi siya natitinag sa pagkakadapa sa kanyang kama.
"Hindi ko pwedeng sabihin 'yon, Miss. Mapapagalitan ako ng Papa mo, siya mismo ang nagsama kay Mr. Cristobal dito para dalawin ka. Si Governor din ang nag utos sa akin na tawagin ka."
Parang gusto nalang ni Cassie na lamunin siya ng lupa ng mga sandaling iyon upang matakasan ang lalaking kinaiinisan at higit sa lahat ay matakasan niya ang hindi magandang sitwasyon na kinasasadlakan niya ngayon.
Padabog na bumangon siya sa kanyang kama, hindi na niya nagawa pang magsuklay ni silipin man lang ang kanyang sarili sa salamin. Sino ba naman ang magkakagana pang magpaganda kung ang taong haharapin mo ay hindi mo naman gusto? Mas mabuti pa ngang makita siya nito sa pinakapangit niyang itsura para ma-turn off ito sa kanya.
Alumpihit na tinahak niya ang daan patungong patio kung saan naroon ang kanyang bisita at naghihintay.
Agad na tumayo si Armando nang makitang paparating na si Cassie.
"Good evening, Cassandra!" bungad bati nito sa dalaga.
Hindi naman ito tinugon ni Cassie. Gusto niyang ipadama rito na hindi siya masayang makita ito.
"Gabing-gabi na po bakit napasyal pa kayo? Baka makasama sa bunbunan ninyo ang mahamugan," pasaring niya, mabibilang na lang kasi sa daliri ang mga buhok nito sa ulo marahil sa sobrang stress kaya napanot na ito.
"Huwag mo na akong popo-in, ilang buwan na lang ay magiging ganap na Cassandra Marie Cristobal ka na," anito.
Muntik nang masamid sa sarili niyang laway si Cassie. Habang pinagmamasdan niya ang lalaki sa kanyang harapan ay lalo lamang nadadagdagan ang kanyang problema.
Hindi niya ma-imagine na ang lalaking ito ay kanyang makakatabi sa pagtulog sa araw-araw at masisilayan ang mukha sa tuwing gigising siya sa umaga.
Gusto niyang magwala, gusto niyang sumigaw ngunit hindi niya magawa. Sa loob ng dalawampu't tatlong taon ay inalagaan niya nang husto ang kanyang sarili. Ni minsan ay hindi pa siya nagkaroon ng boyfriend at pagkatapos ay ito pa ang magiging una niya sa lahat, ngayon palang ay gusto na niyang himatayin.
Alam niyang masama ang mang mata ng kapwa ngunit siguro naman ay deserve niyang makahanap ng hihigit pa rito. Kahit hindi man kasing yaman nito. Ang totoo ay wala naman siyang pakialam kahit mahirap lang ang lalake ang importante ay mahal niya at mahal rin siya nito.
"Gusto ko nga palang ipaalam sa iyo na sa darating na linggo ay ia-announce na ang engagement natin," pagbabalita nito.
"Naku, kahit hindi na po, mas mabuti pa nga pong sarilinin n'yo na lang ang engagement na 'yan," tugon niya na para bang hindi big deal sa kanya ang enggagement party na gusto nitong mangyari.
"Huh! Ano'ng ibig mong sabihin?" kunot-noong tanong nito sa kanya.
"Ah-wala po! Huwag n'yo na lang intindihin ang sinabi ko. Gastos lang po kasi ang enggagement party, mas mabuti pa kung wala na lang pong gano'n." Opinyon niya.
"Kahit isang bilyon handa akong gumastos para sa kasal natin. Huwag mong isipin ang pera marami ako n'yan." May halong pagyayabang sa tono ng boses nito.
'Eh, di wow! Ikaw na'ng mayaman!'
"Ano 'yon may sinasabi ka ba?" tanong ni Armando na para bang narinig ang sinabi ni Cassie kahit ginawa naman ng dalaga iyon sa pinakamahinang paraan ng pagsasalita.
"Ay naku, wala po!" mariing tanggi niya.
Gusto na niyang matapos ang usapan nila ngunit hindi naman niya magawang itaboy ito lalo pa at ang dami na naman nitong bitbit na regalo para sa kanila. Puno ang malaking van na dala ng mga alalay nito ng iba't-ibang mga appliances at pagkain.Kanina pa nagpapabalik-balik ang mga tauhan ni Armando sa loob ng kanilang bahay para ibaba ang mga box na naglalaman ng kung ano-anong bagay.
"Hindi pa po ba kayo inaantok?" tanong niya rito, humikab siya nang humikab, gusto niyang ipahalata kay Armando na antok na antok na siya. Ngunit, sa malas ay manhid ang kanyang kausap at hindi makuha ang gusto niyang iparating.
"Ayos lang kahit magdamagan tayo rito, hindi naman ako inaantok," tugon nito.
Nanlulumong napatingin na lang ang dalaga sa kawalan. Pakiramdam niya ay wala na talaga siyang ligtas kay Armando.