Kabanata 36
Sa buong araw naming pagsasanay, nahubog na rin namin sa wakas ang aming kakahayahan sa paggamit namin ng aming mga abilidad ng maayos. Malaking kagalakan sa amin na nalampasan namin ang ilang linggo naming pagsasanay. Pati ang aming samahan ay naging mas matatag pa. Naging malapit na rin kami sa bawat isa.
Napatitig ako sa aking dalawang kamay. Nang kahapon ay wala man lang akong nakuhang kahit na anong sagot man lang galing kay Eon, patungkol sa abilidad kong magpalabas ng yelo sa aking dalawang kamay no’ng mga oras na tinulungan ko si Aztar sa panganib. Hindi ko talaga alam kung paano ko iyon nagawa, saka paano ko mapapalabas ulit iyon sa aking mga palad.
“Hindi mo pa rin ba nagagawang maipalabas ang mga yelo riyan sa kamay mo, Deeve?” ‘di ko napansing nakalapit na pala sa tabi ko si Aztar. Siya lang kasi ang malapit sa akin sa pakatataong naipalabas ko ang yelo sa mga palad ko. Nagulat nga siya sa nagawa kong mahika.
“Nagtanong ako kahapon kay Eon tungkol sa naipalabas kong yelo, pero wala naman siyang kahit na ano mang sagot na itinugon sa akin, nahihiya naman akong mangulit, baka isipin pa ni Eon na gahaman ako sa kapangyarihan, gayong may kapangyarihan na namang ibinigay sa akin si Vee, ang tagapangalaga.” Nakatungo kong usal sa kaibigan.
“Huwag ka ngang mag-isip ng ganyan. Hindi naman siguro ganyan ang maiisip ni Eon kung sakali mang magtanong ka ulit. Paano kung hindi ka lang niya narinig sa pagkakataong iyon ‘di ba? Kaya huwag ka nang malungkot diyan, saka malay mo mamaya o bukas, o baka naman sa susunod na mga araw ay mailalabas mo na iyang nasa mga kamay mo. Eh, ‘di masaya iyon.” Tinapik-tapik pa ako ni Aztar ng maraming beses sa aking balikat. Habang ako naman ay unti-unti na ring inaangat ang ulo para matignan ang kaibigan. Nginitian ko ito bilang pagpapakita na naging magaan ang loob ko sa kanyang mga payo.
“Tara na sa kubo, dapat na raw tayong maghandang lima, dahil ngayon na raw magsisimula ang paglalakbay natin sa totoo nating misyon. Saka isa pa, bago tayo magpapatuloy raw, may habilin pa raw sa atin si Vee. Kaya dapat ay nandoon na tayo at kompleto para naman hindi tayo mahuli sa anunsiyo. Ikaw kasi, eh. Nandito ka at nagmumuni-muni. Hindi mo na lang talaga ako nilapitan kanina at nakipag-usap. Eh. ‘di sana hindi tayo nandito. Saka hindi na sana magulo ang utak mo. Ikaw talaga.” Ginulo-gulo pa nito ang buhok ko, mas mataas kasi ng kaunti si Aztar sa akin kaya madali lang sa kanya na manggulo ng buhok. Katulad na lang kay Ave minsan, ginugulo rin niya ang buhok ng kaibigan, lalo na at nang-aasar ito.
Masasabi kong kahit na seryosong kaibigan si Aztar, dala na rin ng pagiging isang anak ng sundalo, isa siyang mabuting kaibigan na madaling malapitan, mararamdaman mo talagang marami siyang sabi sa buhay, nakukuha niya siguro iyon sa mga kaklaseng nang-aapi sa kanya. Bakit naman kasing naturingan si Aztar na bakla, gayong hindi naman talaga. Tahimik lang siya no’ng una, saka ngayon hindi na naman, ang laki na nga ng ipinagbago ni Aztar. Mahilig na nga itong mang-asar sa amin.
“Ano na namang iniisip mo?” aniya, na parang naririnig niya ang mga umiikot-ikot na salita sa aking utak.
“Wala naman, masaya lang ako na naging kaibigan ko kayo, at naging parte ako ng buhay niyo.” Madrama kong usal. Nagtakip pa ito ng bibig saka may kumawala pang hagikhik sa kanyang pagpipigil ng tawa.
“Kung ako sa iyo, Aztar. Hindi na ako magpipigil ng tawa, baka matae ka pa riyan. Ako pa ang sisihin mo.” Pabalang kong turan sa kanya. Malapit na kami sa kubo nang pinakawalan na nga niya ang kanyang halakhak na halos rinig na sa buong paligid. Kaya nagsilabasan ang iba naming kasamahan dahil sa tawang malakas ni Aztar.
“Anong nangyari riyan, Deeve? Halos maubusan na ng hangin katatawa?” itinaas-baba ko lang ang aking balikat.
Nilapitan naman siya ni Ave at Kith at hinimas-himas siya sa likod, para makalma ang kaibigan sa kanyang walang tigil na pagtawa. Mga ilang oras din siyang tawa nang tawa, ang tagal niyang maka-move on. Kahit na maayos na siya, ilang saglit lang ulit kapag tumitingin siya sa akin, tatawa na naman siya bigla.
“Joker siguro ang mukha mo, Deeve.” Bulong ni Hamina sa akin.
Unti-unti na ring natigil sa kanyang pagtawa ang kaibigan nang magsalita na ang puno ng buhay na si Eon, magtatanghali na rin kasi, saka tapos na rin kaming lahat na magbihis, wala na rin kaming mga nalimutan, pati ang mga relo ay suot na namin, kinapa ko ang aking kwentas na nasa aking leegan palagi, nandito na naman, saka wala na naman siguro akong dapat na dalhin. Hindi na namin dapat pang magdala ng pagkain, dahil bigla-bigla lang daw magpapadala si Vee o si Eon ng aming makakain.
Ang galing lang kasi, wala kaming dadalhin, para wala kaming mabigat na karga-karga sa aming mga kamay.
“Huwag kayong maghihiwa-hiwalay, palagi kayong magsama-sama, dahil kayong lima ay kailangang solid ang pagsasama. Lahat sa inyo ay parehong importante, kaya huwag na huwag kayong mag-iisip na hindi kayo importante sa misyon, dahil sa mga nakukuha niyong abilidad. Ito lang ang lagi niyong itatatak sa inyong mga utak. Pagtiwalaan niyo ang bawat isa, dahil hindi lang kayo isang grupo, kayo ay grupo ng magkakaibigan na sinubok ng panahon, ang dating mga hamak lang na laging inaapi, ngayon ay may malaking misyon na dapat na gawin para maibigay ang kaligtasan ng lahat, at ang kapayapaan sa bawat isa sa atin. Maliwanag ba?” mahaba pero punong-puno ng salita ang habiling mensahe sa amin ni Vee.
“Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay, sa pagpasok ninyo riyan sa masukal na kagubatan, hindi kayo pwedeng umatras, dahil simula nang makalabas kayo lahat sa natatanging nakaharang sa parte na ito ng Timog, hinding-hindi na namin kayo pwedeng ibalik pa, kailangan niyo nang magpatuloy, kaya patatagin ninyo ang inyong mga loob. At huwag maging duwag.” May unti-unting nagliwanag sa may banda kung saan ang nag-iisang daan papasok sa masukal na kakahoyan, hanggang sa tuluyan nan gang nagbukas ang daan na iyon.
“Kayong lima, maaari na kayong magpatuloy sa inyong paglalakbay, sana ang bawat mensahe ko sa inyo ay lagi ninyong maaalala, huwag na huwag kayong mag-aalala, nandito lang ako sa inyong paligid, laging nagmamasid sa inyong mga tinatahak na daan. Mag-ingat kayo palagi.” Kita rin namin na kumaway-kaway pa ang sanga ni Eon. Kami naman ay nag-wave ng aming mga kamay para magpaalam sa naiwan naming kaibigan.
Malungkot mang isipin na kailangan naming iwanan ang kaibigan, pero hindi namin pwedeng balewalain an gaming misyon.
Rinig na rinig na namin ang mga insektong nasa loob ng gubat, nilingon ko pabalik ang pinaggalingan namin nang laking gulat ko nang nawala ang daan papunta sa kaninang pinaggalingan.
“Tignan niyo, guys. Nawala ang kaninang pinanggalingan natin.” Napatingin na rin silang apat sa kung saan ako nakatingin.
“Hala! Oo nga ano!” binalikan pa ni Ave ang dating daan, pero panay lang ang kapa niya pero wala talaga. Tanging mga dahon lang an gaming nahahawakan.
“Talaga pa lang hindi na tayo makababalik, kasi nga hindi na natin mahahanap pa ang lagusan pabalik. Kaya wala na nga tayong dapat na gawin, kung ‘di ang umabante, sa halip na umatras.” Makahulugang pasaring ni Kith.
“Wow, kaya mo naman pa lang magsalita ng purong tagalog, Kith. May pa-Ingles-Ingles ka pang nalalaman nang nandoon pa tayo nanatiling manirahan.” Tukso pa ni Ave sa kaibigan.
“Duh, ewan ko talaga sa iyo, Ave. Saan ba ako lulugar?” inirapan pa ni Kith si Ave. Nang nagpatuloy na kami sa paglalakad nang nauna nan gang maglakad si Kith. Hinabol siya ni Ave at inakbayan. Hindi naman umalma si Kith sa pag-akbay ni Ave.
“Sorry na,” mahinang paghingi ng paumanhin nito ng paulit-ulit kay Kith. Naiiling na lang ako sa kanilang kakulitan. Pansin ko naman ngayon si Hamina at Aztar na tahimik na rin sa paglalakad. Ako kasi ngayon ang nasa pinakadulo, saka ako rin ang walang katabi. Magkatabi kasi ngayon si Hamina at Aztar, saka Ave at Kith. Ayos lang naman sa akin iyon, mas mainam ito para kitang-kita ko silang apat, saka malaya kong mapagmamasdan ang paligid.
Abala na ang mga mata ko sa katitingin sa paligid, ngayon lang kasi ako nakakita at nakapunta sa ganitong klase ng lugar, kasi naman hanggang sa nobela ko lang naisalarawan ang ganitong mga tanawin. Hindi ko aakalaing may mga ganitong mga malalaking puno pa pala sa mundo. Mas malaki pa sa inaakala ko, may mga puno rin na nakatatakot titigan, kasi parang buhay na buhay ito.
Pero binalewala ko lang ang ganoong isipin, ang lalaki rin ng mga ugat ng mga puno, mas malaki pa sa katawan ko. Grabe, nakamamangha na may halong kaba. Paano na lang kung may mga maapakan kaming mga ahas dito, o, ‘di kaya ay may biglang humarang sa aming malaking baboy ramo, at bigla na lang kaming atakehin dito. Ano kaya ang gagawin ko? Baka ako pa siguro ang mauuna sa kanilang tumakbo. Pero nakahihiya naman kung ganoon. Dapat hindi ako maging duwag, anong silbi ng pagsasanay namin, sa pagsusukat ng aming mga abilidad kung takot din naman pala ang pinapairal ko?
May naririnig akong parang tunog ng tubig, hindi ko lang alam kung tama ba iyong naririnig ko, kasi naman napakaimposible kung sa kalagitnaan ng gubat ay may tubig, bigla tuloy nanuyot ang lalamunan ko nang maisip ko ang tubig na aking naririnig. Hindi pa ako nakaiinom ng tubig simula no’ng naglakbay kami.
“Naririnig niyo ba ang naririnig ko?” napatigil naman sila sa kanilang paglalakad at pinakiramdaman na rin ang paligid. Para marinig din nila ang sinasabi ko.
“Tubig?”
“Tubig.”
Sabay-sabay pa nilang usal. Pareho nga kami ng naiisip.
“Oo, tubig nga rin ang naririnig ko, pero saan kaya banda iyon?” ani Ave.
“Mukhang doon sa banda roon. Tara, puntahan na lang natin. Kanina pa kasi ako inuuhaw.” Pag-amin ko sa kanila.
Akala ko talaga ay hindi nila ako sasamahan, pero nandito sila ngayon at panay na rin inom ng tubig na galing sa malinaw na batis, malamig na malamig ang tubig saka manamis-namis. Talagang presko ang tubig na galing sa mga kagubatan, wala naman kasing mga kung sinong sumisira sa mga ganitong mundo, kaya kay linis ng mga yamang tubig nila rito.
“Mabuti na lang talaga at narinig mong may batis dito, Deeve. Kanina pa kasi ako inuuhaw.” Ani Aztar.
“Dala na rin ng uhaw ko, kaya naririnig ko na ang kahit na gaanong maliit na tulo ng tubig.” Sabay kamot ko sa aking batok, tanda ng pagkahiya.
“Ang importante ay nakainom na tayo ng tubig, maaari na tayong magpatuloy sa ating paglalakad.” Turan naman ni Hamina.
Seryosong-seryoso talaga ngayon ang kaibigang makulit. Nakapapanibago lang sa kanyang ganyan siya kumilos ngayon, napakaseryoso niyang tignan.
Nagbalik na nga kami sa aming paglalakad, ganoon pa rin ang posisyon namin, wala pa namang mga nangyayari sa amin, malayo-layo na rin ang aming nalalakad. Saka sa bawat damo na humaharang sa aming nilalakaran ay hinahawi lang namin, gamit an gaming mga paa.
Maghahapon na, kaya halos hindi na namin makita ang daan, wala naman kasi kaming dala na mga pailaw, kaya wala na kaming pagpipilian kung ‘di ay dumito na lang muna sa kung saan kami naabutan ng dilim.
“Mangunguha lang ako ng mga sanga,” ani Kith.
“Sasamahan na kita,” sumunod naman si Ave.
Naghihintay lang kami sa dalawa, at dumating na nga sila, maraming nakuhang sanga ag dalawa, kaya kaagad naman iyong inayos namin ng lagay, nang maayos na namin ang mga panggatong, kaagad namang ginamit ni Hamina ang kanyang lazer sa mata para masindihan ang kahoy.
Nakagawa na rin kami ng pailaw. Kaya hindi na kami nalalamigan, habang padilim kasi nang padilim ay lumalamig na rin ang paligid. Nang may biglang bumagsak galing sa ibabaw na isang tent. Isang tent lang ito na malaki, kasya kaming lima. Mukhang galing ito kay Vee. Saka may kasunod naman na nalaglag. Mga pagkain, nagulat kami nang ang inihulog nitong mga pagkain ay iyong mga pagkain na galing sa mundo ng mga tao. Saka may kanin pa at mga ulam na luto na.
“Ang galing! Na-miss ko nang kumain ng mga ganitong pagkain!” masayang turan ko, grabe, sa buong linggo puro lang kami bunga ni Eon ang kinakain namin, ngayon lang ulit nakakain ng ganito. Kaya hindi ko napigilan ang pagdighay dahil sa busog na busog ako. Sila rin ay kapansin-pansin na rin ang pagkabusog. Nang isang malaking lagayan na naman ng tubig ang kasunod na nahulog, buti na lang at nasalo ko iyon, ako na lang din ang naunang nainom. Hindi naman kami maarteng lima, kaya salitan na lang ng pag-inom sa tubig.
Unang araw ng aming paglalakbay, ganoon lang ang ginawa namin, wala pa namang mga pangyayaring kakaiba, kaya makatutulog na kami ngayon ng maayos. Nagpasalamat naman kami kay Vee dahil sa kanyang mga ibinigay sa amin kanina.