Kabanata 58
Dinala ako sa isang lugar na punong-puno ng punongkahoy, malabo ang mukha niya, hindi ko siya makilala. Pero may mahahabang mga kuko ito sa daliri na para bang isang mangkukulam. Napabitiw ako sa kanyang pagkahawak, pero mas lalo pa nitong hinigpitan ang kanyang pagkakapit sa aking braso.
“Saan niyo po ba ako dadalhin? Ibalik niyo na po ako sa mga kasamahan ko.” Patuloy ko pa ring sambit sa kanya, pero parang wala siyang narinig na mga salita galing sa akin. At patuloy lang ito sa paglalakad.
Napaka-unfamiliar ng lugar na aming dinadaanan. Para akong nasa kalagitnaan ng isang walang katao-taong bayan. Ang mga bahay ay gawa sa bato, pero wala namang mga tao. Sinubukan kong sumigaw, ngunit walang lumalabas na boses sa aking bibig. Anong nangyayari? Anong mahika ang nakapalibot sa pook na ito at hindi ko man lamang mabuksan ang bibig ko?
“Ginang, parang awa niyo na po, pakawalan niyo na ako. Saan niyo po ba ako dadalhin? Iuwi niyo na po ako sa amin, ayaw ko na pong sumama sa iyo. Parang awa niyo na.” patuloy pa rin ako sa paghila ng aking kamay galing sa kanyang mahapding pagkahahawak. Subalit kahit ano pa mang gawin ko, hindi ko kayang bawiin ang kamay ko.
Nag-isip ako ng paraan, wala kasi siyang tugon sa aking mga pasaring. Para namang hindi niya ako naririnig. Panay na lang ang tingin ko sa paligid. Walang niisang tao akong nakita. Ano kaya ang gagawin ko, para matakasan ang matandang babae na ito?
May nakita akong kumikinang sa bandang hindi kalayuan sa amin, panay ang titig ko sa bagay na iyon. Ngunit panay rin ang hila sa akin nitong matanda. At sa hindi malamang dahilan, mas lalo niyang binibilisan ang kanyang paglalakad na para bang may iniiwasan. Na para bang may humahabol sa amin.
Nilingon ko ang likod, pero wala naman. Napansin ko na namang aligaga siya. At nang tumigil siya, may pinagsasabi siyang hindi ko maintindihan. Nabitiwan niya ako, pero hindi agad nagproseso ang utak ko kung ano ang gagawin ko? Tatakbo o manatili ritong nakatungangang nakatingin sa hindi ko alam kung anong nangyayari sa matanda. Para siyang nababaliw, nakahawak ang kanyang dalawang kamay sa kanyang ulo habang nakaluhod ito. Wala naman akong ibang nakikitang tao na kasama namin. Kami lang namang dalawa ang nandito.
Kailangan ko bang tulungan siya? Pero kapag tinulungan ko siya, hihilahin na naman niya ako at pipiliting dalhin sa lugar na hindi ko naman alam kung saan. Kaya nakapagdesisyon akong tatakbo ako, tatakbo ako kahit hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko.
Ang kaninang katamtamang klima ng paligid ay biglang nag-iba, naging sobrang mainit ng buong lugar, natigil ako sa pagtakbo dahil sa kahahabol ko ng aking hininga. Sa pag-angat ko ng aking ulo, nanlaki ang mata ko! Nasusunog ang buong kabahayan, hindi ko alam kung ano ang gagawin, hinanap ko ang mga kasamahan ko pero wala sila. Nasaan na ba sila at para matulungan nila akong matutop ang nasusunog na kagubatan.
“Aztar!”
“Hamina! Nasaan kayo? Kith! Ave! Hoy!” wala namang sumasagot, wala ring mga tao sa paligid.
Umikot ako nang pansin kong nag-iba pala kanina pa ang paligid. Nasaan na kanina iyong kasama kong matanda? At teka? Bakit hindi na mga bahay na yari sa bato itong nadadaanan ko? Bakit narito na ako sa kalagitnaan ng gubat na nasusunog ang buong kakahoyan? Anong nangyayari? Ang init-init pa ng paligid ang hirap makahinga. Kailangan kong makawala sa lugar na ito!
Ipinikit ko ang aking mga mata at nag-isip ng paraan nang sa pagmulat nito, napaatras ako dahil sa nag-iba na naman ang paligid, hindi mapakali ang pares ng aking mata sa paglibot ng mga bagay sa kung nasaan ako ngayon.
Mistulang nasa iisang lumang palasyo ako, wala man lang akong nakikitang pailaw. Nang may naririnig akong yabag ng paa, kaya naghanap ako ng aking matataguan, nang may nakita akong isang maliit na eskinita. Kaya roon ako sumuot, mabuti na lang talaga at sumakto lang ako.
Habang palalapit ang yabag. Pigil-hininga naman ako sa aking kinatatayuan, nang nakita ko na naman ang liwanag na ‘yon. Nang lalabas sana ako sa aking pinagtataguan, nang dumaan na sa harap ko ang kaninang matandang babae na hila-hila ako, tinakpan ko ng mahigpit ang aking bibig. Para hindi makagawa ng ingay. Nang sa napansin kong natigilan sa paglalakad ang ginang.
Paano na ito? Mukhang napansin niya ako.
Nagdasal ako ng ilang beses habang nakapikit ang mga mata ko, humingi ng tulong sa mga santos na alam ko. Nakapapanindig balahibo nang sa pagmulat ng mata ko, mukha ng matanda ang bumungad sa malapitan ko pang mga mata. Pero kasabay no’n ang pagliwanag ng isang bagay na kanina ko pang napapansin, habang ako ay nakatulala na at ayaw ng kumilos ng katawan ko, nakanganga lang ako dahil sa gulat, nang pinailawan nito ang mukha ko, pati ang mata ko, kaya nasisilaw ako sa liwanag na iyon. Pero wala pa rin akong imik at nakatunganga pa rin hanggang ngayon.
“Deeve? Deeve? Gising, Deeve!” panay yugyog na lang sa balikat ko ang aking napapansin. Ang likot naman nila, kitang natutulog pa---teka!
Napalikwas ako ng bangon sa higaan.
“Nasaan ako?” aligaga kong usal. Pansin ko rin ang pagtulo ng pawis ko galing sa aking noo. Hinawakan ko naman ang aking buong mukha nang labis-labis pala ang aking pamamawis.
Nagpasya akong lumabas ng tent para makalanghap ng sariwang hangin nang sa pagbukas ko ng tent ay kadiliman ang bumungad sa akin.
“Gabi na pala?” iyon lang ang naging sambit ko. Habang humihinga ng presko at sariwang hangin, umupo ako sa lupa na kung saan ay palagian naming inuupuan.
“Oo, gabi na. Saka pasensya ka na, hinawi namin ang kwentas mo kanina palabas sa damit mo. Kita kasi namin na nagliwanag ito, si Eon pala ang tumatawag. Sabi namin sa kanyang natutulog ka kaya kami ang nakasagot sa tawag niya.
“Anong sabi niya?”
“Wala lang, katulad ng sabi mo kay Hamina kanina na nag-usap kayo kanina ni Eon at nangungumusta rin.”
“Ahh, ganoon ba, oo nabanggit nga niyang tatawag siya ulit para makipagkumustahan sa inyo.” Diretso lang ang tingin ko sa kawalan, ang mga kamay ko ay walang tigil sa pagkiskis sa dalawang kamay ko rin. Para akong wala pa rin sa sarili.
Naalala ko kasi ang panaginip ko, ayaw ko sanang alalahanin, pero parang bumabalik sa akin ang lahat. Ano ba iyon? Anong klaseng panaginip ba iyon?