Kabanata 12
Kay bilis tumakbo ng oras, ginabi na ako rito sa kahahanap ng maaari kong makain, kahit prutas man lang, okay na sana sa akin iyon. Pero mukhang imposible akong makakakita ng makakain, kung paikot-ikot lang din akong naghahanap sa paligid ko.
Napalingon ako sa gawi kung saan may natatanging daan papunta sa loob ng kagubatan, kaso nga lang, wala akong lakas ng loob pasukin iyon, saka isa pa, tinitignan ko pa nga lang ang daan, pinagpapawisan na ang kamay, at noo ko. Paano pa kaya kun nandoon na talaga ako’t makahaharap ang iba’t ibang klase ng mga ligaw na hayop. Katulad na lang ng palagi kong napapanaginipang itim na baboy ramo.
Paano kung, pati riyan sa masukal na kakahoyan, mayroon ding nag-aabang na higit pa sa isang ligaw na hayop na iniisip ko.
Nanayo ang balahibo ko sa mga tumatakbo ngayon sa aking isip.
Iniling-iling ko ng marahas ang aking ulo, para mawala sa utak ko ang mga hindi nakakatuwang imahinasyon. Sa puntong ito, kaya ko pa namang tiisin ang gutom at uhaw, ewan ko na lang mamaya, o bukas.
Sumandal ako sa puno na kaninang nagbibigay lilim sa akin. Binaluktot ko ulit ang aking dalawang tuhod saka iminudmod ang aking mukha, sabay yakap sa sariling mga binti.
Pinikit ko ang aking mga mata. Para hindi ko na isipin palagi ang gutom.
Nang hindi sa katagalan, may sundot nang sundot sa likod ko, kasi nga nakayuko akong nakayakap sa aking binti. Hindi ko pinansin ang pagsundot sa akin sa likod. Kahit na kinakabahan ako, baka kasi kung sino na iyon, o anong bagay na iyong sumusundot-sundot sa akin sa likod.
Nang sa pagtingin ko’y labis-labis ang pagtataka ko nang wala naman akong makita. Kinamot ko ang tungki ng aking ilong.
“Guni-guni ko lang yata ‘yon, eh.”
Bulong ko sa sarili. Balik ulit ako sa pagmudmod ng mukha sa tuhod nang may sumundot na naman sa likod ko, hindi ko naman malaman kung sino, kasi nga nakasandal ako sa puno. Wala rin naman akong kasam—wait. H-Hindi kaya, m-may nuno na rito? O k-kapre? Mga mundo ba ito ng mga maligno?
Kalma-kalma ka lang, Deeve. Isipin mong natural lang na magkaroon ng ganoong klaseng lamang tao, kasi nga nasa mundo ka nila. Kaya huwag kang matakot.
Pagpapalakas ko sa aking loob, kahit na abot lalamunan na ang kalabok ng aking puso.
“Kung s-sino ka man, m-magpakilala ka na lang, h-hindi naman ako nang-aano, eh.” bulol-bulol kong sabi.
Wala akong narinig na kahit anong kakaiba, maliban na lang sa kaluskos na nanggagaling sa ibabaw ng puno kung saan ako nakasandal ngayon, dagdagan pa ng paghangin ng malakas.
“Mahabagin nawa’y walang masamang mangyari sa akin, sana naman huwag niyo na akong takutin.” Lukot-mukhang dasal ko habang nakakagat-labi.
Habang pinagdaop ko ang aking mga kamay, kasabay no’n ang pagtingin ko sa itaas para nga tumingin sa langit. Literal na nalaglag ang panga ko sa nakita.
“Ang daming bunga ng puno.” Tanging naisambit ko na lang, nagpagpag ako nang agaran akong tumayo. Naglalaban talaga ang gutom ko, kaya hindi na alintana ang panhihina ng katawan dahil sa panghihilab ng tiyan.
“Bakit hindi ko napansin ang mga bunga kanina?” sabay kamot sa gilid ng aking ulo.
Ang pinoproblema ko naman ngayon, kung paano ako manunungkit?
“Hindi ko naman ito maakyat, mababa ang puno, pero mahirap akyatin, kasi nga hindi naman ito ordinaryong puno sa mundo ng mga tao na may kagaspangan, puno kasing ito ay napakakinis ng balat.
Kaya nga nagtaka ako kanina, dahil ito lang ang namumukod-tanging puno sa lahat, kaya siguro naiba siya ng pagtanim. Hmm…pero may mga may-ari rin kaya nag mga puning nandito? Lalong-lalo na sa punong ito? Tsk! Tama na nga ang tanungan, kailangan makagawa ako ng paraan para makakuha ng prut—woah!
Gumalaw kasi ang sanga ng puno, na animo’y kamay, bigla akong dinaklot saka pinasakay sa kanyang sanga, hindi ko alam kung bakit hindi ako kinabahan o natakot. Ang akin lang ay nasiyahan ako dahil sa bago lang ito para sa akin.
Hindi ako natakot siguro, dahil sa isa akong fantasy writer. Hmm…baka lang naman.
“Kaibigan, maari ka nang kumuha ng kahit na ilang gusto mong bunga, alam kung kanina pa walang laman ang tiyan mo,” may nagpakitang bibig, mata at ilong sa naturang puno, malaki ang boses niya, ramdam ko naman na mabait ang puno na ito. Pero hindi pa rin mawala ang pagtataka.
“Nagsasalita ka? Bakit hindi mo ako kinausap kaninang nakarating ako sa mundo niyo?” hindi ko na maiwasang hindi magtanong, hindi naman ako nababaliw, nagsasalita naman talaga ang puno, eh.
“Pasensiya ka na talaga, bago lang kasi para sa akin na may taong nakapunta rito na hindi man lang dinukot ng mga masasamang elemento.” Naagaw naman nito ang pansin ko, nakatingin kasi ako ngayon sa mga bunga na hindi pamilyar sa akin.
“Ano nga ulit iyon, kaibigan?” pagbaling ko sa kaibigang puno.
“Nitong mga nakaraan kasi, may sumusulpot kasi ritong mga itim na mga elemento, saka may mga bihag silang mga kagaya mong tao, at nakasuot din sila ng ganyan.” Turo niya sa suot kong uniporme. May naalala naman akong insidente. Kaya nagtanong pa ulit ako.
“Mga ilan kayang kagaya ko ang dinala nila rito, kaibigan?”
“Mga lagpas sa sampu. Ang dami kasi nila, halo-halo ang babae at mga lalaki. Saka papunta sila sa banda roon.” Nakatingin naman siya sa banda kung saan ang nag-iisang daan.
“Sa palagay mo ba, kaibigan, saan kaya sila pupunta?”
“Iyon ang hindi ko sigurado, saka kung may balak kang sundan sila, huwag na, baka mapahamak ka lang, wala kang laban sa kanila. Kasi may namumumo rin sa kanilang itim na mangkukulam. Maliban na lang kung may malakas kang sandata panlaban sa kanila.” Napaisip ako sa kanyang naiusal. Tama nga naman. Kung sakaling ganoon nga, baka roon pa magtapos ang aking buhay.
Kailangan ko munang pag-isipan ito, bago ako kumilos. Naninibago ako sa aking sarili, dahil nagagawa kong sambitin ang mga iyon dito. Ang pakiramdam ko, ang lakas-lakas ko, wala akong iniindang takot.
“Kaibigan, kumain ka na muna, pumitas ka lang diyan ng kahit ilang gusto mo.” Ginawa ko naman ang kanyang usal. Saka ang bango-bango kasi ng prutas, hindi ko mapigilang hindi maglaway.
“Ano pala ang tawag sa prutas na ito, kaibigan?”
“Prutas? Hindi naman iyan prutas. Iyana ng bunga ng puno ng mga kagaya naming mga puno ng buhay. Tinawag kaming puno ng buhay, kasi kami lang ang natatanging namumungang puno rito sa kagubatan ng Timog.” Tango lang ako nang tango, kahit papaano ay naiintindihan ko naman ang kanyang mga pinagsasabi.
Kinain ko na lang ang bigay niyang bunga, masarap nga, sa isang kagat ko pa lang, bawing-bawi na ang lakas na nawala sa akin kanina nang dumating ako rito.
Ang bunga kasing ito ay may pagkahahalintulad sa watermelon, kasi nga ang kanyang laman ay matubig. Kaya kung gutom at uhaw ang nararamdaman mo, mapapawi lang talaga ng isang bunga nito.
Pinagpatuloy ko lang ang aking pagkain, nang biglang bumukas ulit ang lagusan, lalapit na sana ako sa lagusan para bumalik doon nang may bumangga sa akin.
“Aray!” sabay na daing naming dalawa.
Hinihimas-himas ko muna ang parte kung saan masakit, nang napatingin ako sa kanya. Nakasuot siya ng parang sundalo. At may mga baril pa ito sa kanyang katawan. Kaya ako’y nagtaka sa kanyang hitsura.
“Sino ka?” Sabay naming tanong na dalawa.