Kabanata 9
Nagising ako na wala namang dinadamdam na mabigat sa aking ulo. Madilim pa rin ang buong paligid ng silid, buhat ng sinadyang patayin ng mga alipores ni Mikel. Nakahawak lang ako sa aking ulo, sinisigurado kung talagang wala ba akong galos o kahit na ano. Napakunot ako ng noo, dahil nga sa naalala ko pa nga kaninang hinampas ako ni Mikel ng bakal. Kahit hindi ko nakita, alam na alam ko.
Tinukod ko ang isang tuhod sa sahig, sabay hawak sa isa ko pang tuhod para roon kumuha ng lakas para makatayo. Nang tuluyan na nga akong nakatayo. Biniglang hakbang ko pa ang kaliwang paa ko, nang ang gaan lang sa pakiramdam, walang-wala talaga akong bigat na nararamdaman. Ang weird.
May biglang nagliwanag sa buong paligid, galing sa ilalim ng aking suot na uniporme. Naalala ko ang kwentas na binigay sa akin ni manang. Kinapa ko ito sa aking dibdib, nang nahawakan ko na’y inilabas ko ito’t tinitigan.
Kulay dilaw ang liwanag niya, pero hindi nakasisilaw. Pero mabilis lang namang nawala ang liwanag.
“Bakit kaya iyon nagliwanag? Wala namang dumapong sinag ng araw sa kwentas para mag-reflect ito. Ang dilim nga rito sa loob ng silid, eh.” para akong lumalangoy sa hangin habang naglalakad ng paunti-unti palapit sa mismong pintuan.
Nang sa wakas ay nahawakan ko na rin ang pader ng silid, nakahinga ako ng maayos. Pinagkakapa ko na nga ngayon ang pader, para maidala ang kamay ko sa mismong siradora at mabuksan ito. Kaagad kong nahawakan ito, kaya walang pagdadalawang-isip ko naman itong pinihit paloob, para mabuksan ang pinto.
Sa pagbukas ko, sinalubong ako ng napakaliwanag na paligid. Putting liwanag na hindi ko alam kung saan galing. Napahawak ulit ako sa aking kwentas. Nang napaatras ako sa aking natanaw.
Kasalukuyan akong nakatayo ngayon sa labas ng pinto ng silid na nakahawak mismo sa siradora ng pinto. Mukhang nangyari na ito sa akin kanina, hindi kaya---nagbalik ang pangyayari kanina, Bago pa man ako pagtulungan nina Mikel sa paghampas ng mga matitigas, at mabibigat na bagay? Imposible…baka dala na naman ito ng labis kong pagsusulat.
Pero katulad na katulad talaga sa pangyayari kanina, para makasigurado, nagtago ako sa isang bakanteng bodega at doon naghihintay ng ilang oras, saka nagmamasid kung may sisilip ba sa pinto.
Saktong pagsilip ko, ang isa sa kasamahan ni Mikel na kaklase ko ang sumilip, kaya nagtago ako. Napahawak na naman ako sa aking puso na ngayon ay walang tigil ang pagkabog ng malakas. Taas-baba na rin ang aking talagukan. Pikit-matang pinapakalma ang sarili nang naririnig ko na ang mga yabag ng kanilang mga paa, muntikan na nga akong napasigaw sa gulat dahil sa paghampas ni Mikel ng kanyang dalang tubo. Alam kong tubo iyon, sa tunog pa lang mismo ng pagkalampag.
“Paano iyan, Mikel? Mukhang hindi tayo pinalad ngayon na makabawi kay Deeve sa ginawa niyang panggagago sa sagot na binigay niya sa atin kahapon.” Anang isa sa kasama niyang kulang na lang ng isang tulak ay magkabali-bali na, dahil sa kanyang kapayatan.
“Idagdag mo pa ang hindi na paglapit sa iyo ni Faye, panigurado sinisiraan ka ni Deeve sa pinopormahan mo, Mikel.” Dagdag panggagatong pa ng mataba nitong alipores. Na kain lang naman nang kain ang alam.
“Sinusuwerte siya sa pagkakataong ito, pero hindi ko na palalagpasin simula ngayon ang ginawa niyang pangmamaliit sa akin. Akala niyang hindi ko kayang ihinto ang oras niya sa mundo? Puwes! Bukas magkakaalaman kami ng duwag na Deeve na iyan! Tara na! Baka may makakita pa sa atin dito, wala naman tayong pasok.” Mahabang litanya nito. Kaya pala madilim ang buong silid, sinadya siguro niyang tambangan at hintayin nila ako sa loob, dahil iyon na lang ang pagkakataon nilang saktan ako.
Ang ipinagtataka ko lang, paano kaya naibalik ang kaninang pangyayari? Dahil ba sa kwentas na ito? Kailangan kong makauwi sa apartamento, para maitanong kay manang ang pangyayari sa akin ngayon. Dapat mag-iingat ako palabas ng paaralan, baka kasi may makakilala at makakita sa akin. Matunugan pa ako ni Mikel na nandito lang ako sa paaralan.
…
Laking pasasalamat ko nang nakarating ako sa bahay, bumuntonghininga ako. Hindi ko nakita si manang sa kanyang bakuran, baka nasa loob lang at may ginagawa, mga ganitong oras kasi, hindi ko alam ang mga ginagawa niya kapag may pasukan, kasi nga nasa paaralan lang ako buong araw.
Hindi ko na matiis ang sarili kong hindi siya hanapin.
“Manang? Nasaan ka po?”
“Manang?”
Panay lang ang tawag ko, nasuyod ko na ang buong bahay, pero wala siya, baka namalengke siguro. ‘Di bale, mamaya na lang. Magbibihis na lang muna ako ng damit pambahay. Wala akong susi ng aking silid, binigyan ako ni manang ng susi, pero hindi ko tinanggap. Dahil nga sa nagtitiwala naman ako sa caretaker ng bahay na ito. Kung hindi mapakatitiwalaan si manang, sana wala na siya rito sa apartamento ‘di ba?
Muli akong naligo para malamigan ang aking ulo. Saka nawala na rin ang kaninang naramdamang mabigat na katawan, at sakit ng ulo. Mabilis lang naman akong natapos kaya nagtungo ulit ako sa aking laptop. At doon ulit nagsimulang ibuhos ang pangyayari sa buong araw na nangyari sa akin.
Inilagay ko sa kabanata ngayon ang pangyayari kung saan nagliwanag ang kwentas na bigay sa akin ni manang, at ang pag-uulit ng pangyayari bago nangyari sa akin ang isang kahabag-habag na sinapit.
Siguro kung, wala itong kwentas, hindi na ako makababalik pa sa mundong ito nang buhay. Bilang isang fantasy writer. Alam kong lahat ng isinusulat ko, imposibleng manyari sa totoong buhay, pero nang mangyari sa akin ang isang kamangha-manghang bagay kanina, hindi ko maiwaglit sa isipan, saka hindi ko mapigilan ang sariling hindi maniwala sa mga bagay na nangyayari lang sa imahinasyon ng malihaing tao.
Paano kung mga kathang-isip ko lang ang mga iyon kanina? Paano kung hindi naman pala nangyari sa akin iyon kanina? Ano ba kasi iyong mga nangyari kanina? May makapagpaliwanag ba?
Gumagabi na, pero wala pa rin si manang. Imposibleng hindi siya makauuwi agad, dahil nga malapit lang naman ang palengke sa bayan. Saka kailangan ko siyang makausap, dahil siya lang ang makasasagot ng mga tanong ko.
Pasado alas otso na ng gabi. Panay ang tingin ko sa lumang orasan na nakasabit sa gilid ng frame. Nakaupo lang ako rito sa entrada ng pasilyo. Sumapit ang alas onse ng gabi, wala pa rin si manang. Nakaramdam na ako ng kaba. Baka kung may nangyari na sa kanyang masama. Pero baka may pinuntahan lang at bukas pa ang kanyang uwi, kaya hindi na siya nakapagpaalam, o nakaghabilin ng mga salita kanina dahil nga sa umalis na rin ako.
Tama, bukas ko na lang siya muling hihintayin, sigurado naman nandito na siya no’n.