"Maganda ba Bianca? Nagustuhan mo ba?" Excited na tanong ng ama ng ipakita ang condo unit na binili nito para sa kanya.
Napanganga s'ya at napatulala. Wala s'yang masabi sa ganda at aliwalas ng buong silid. At sa buong buhay n'ya ngayon pa lang s'ya nakapasok sa ganitong klaseng condominium. Madalas itira s'ya ng ama sa mga malapit na kamag anak nito, o di kaya sa mga maliliit na apartment lang. Malayong-malayo ang itsura sa condominium.
Sa Tragora Condominium s'ya ibinili ng ama ng unit. Dalawang linggo na rin mula nang sunduin s'ya ng ama sa dating tinitirhan. Dinala s'ya nito sa bayan ng San Miguel at agad na pinasok sa San Miguel University para maipagpatuloy ang pag-aaral n'ya.
May napangasawa kasing mayaman ang ama, si Asena Villanueva isang negosyante sa bayan ng San Miguel. Apat na buwan na rin mula ng ikasal ang ama kay Asena. Hindi s'ya agad nakuha ng ama dahil wala pa itong sapat na pera noon. At nang magsimula na itong magpatakbo sa mga negosyo ng asawa nito ay unti-unti ng nagkakapera ang ama. Kaya naman agad s'yang pinalipat ng ama sa San Miguel. 'Yun nga lang hindi s'ya pwedeng iharap ng ama sa asawa nito. Hindi alam ng asawa ng ama na may anak ito sa pagkabinata. Kaya pinakiusapan s'ya ng ama na walang pwedeng makaalam sa tunay na relasyon nila. Nangako naman s'yang walang pagsasabihan tungkol sa relasyon nila nito. Isa pa nakikita n'ya ang kaligayaan sa mga mata ng ama. Kaya hinding-hindi n'ya sisirain ang bagong magandang buhay na tinatamasa nito ngayon kay Asena Villanueva.
Wala na s'yang ina, namatay ang kanyang ina sa panganganak sa kanya, kaya wala s'yang kinagisnang ina. Kung sinu-sino ang nag-aalaga sa kanya sa tuwing magtatrabaho ang ama, hanggang sa magka isip na s'ya at kaya na n'ya ang sarili, kaya sanay na s'yang mamuhay mag-isa. Sanay na s'yang magpalipat-lipat ng tirahan at tumira mag-isa.
"Aalis na muna ako anak, may lakad kasi kami ng Tita Asena mo, baka magtaka 'yon pag na late ako," paalam ng ama sa kanya. Matapos nilang maayos ang lahat ng kagamitang pinamili nito para sa kanya.
"Sige po Dad, ingat po kayo lagi, at hihintayin ko po ang tawag n'yo," sagot n'ya sa ama ng ihatid ito sa pintuan ng unit n'ya.
Bilin ng ama sa kanya na bawal n'ya itong tawagan sa cellphone. Kaya s'ya na lang ang maghihintay ng tawag rito. Mahirap man ang sitwasyon nilang mag ama ay wala s'yang magagawa. Ganoon pa man masaya s'ya, dahil kahit anong hirap ay hindi s'ya pinabayaan ng ama. Pilit s'yang tinataguyod nito, lalo na ang pag-aaral n'ya. Kahit palipat-lipat s'ya ng tirahan, dahil sa paiba-iba ng trabaho ang ama ay hindi naman nito hinayaan na mapabayaan ang pag-aaral n'ya. At kahit ganito ang sitwasyon nilang mag-ama ay swerte pa rin s'ya sa pagkakaroon ng isang amang katulad ng Daddy n'ya, na gagawin ang lahat para sa kapakanan n'ya. At alam n'yang balang araw makakabawi din s'ya sa ama.
Napangiti s'ya habang linilibot ang mga mata sa magandang condo unit. Nang sabihin ng ama na magpapakasal na ito nakaramdam s'ya ng takot para sa sarili. Baka kasi tuluyan ng mawala sa kanya ang ama. Hindi naman n'ya kayang tutulan ang kaligayaan ng sariling ama. Isa pa nasa edad na ang Daddy n'ya, nang dahil sa kanya hindi tuloy ito agad nakapag asawa at nakabuo ng pamilya. Buti naman ngayon ay natagpuan na ng ama ang babaing para rito. At hindi n'ya hahadlangan ang kaligayaan nito. Kung kinakailangan na pang habang buhay s'yang magtago sa asawa ng ama ay gagawin n'ya, kung kinakailangan na habang buhay na n'yang itago ang katotohanan na anak s'ya sa pagkabinata ng ama ay gagawin n'ya,
para hindi masira ang pagsasama ng Daddy n'ya at ng asawa nito na si Asena Villanueva.
Hinawi n'ya ang makapal na kurtinang tumatakip sa salamin ng condo. Napa wow s'ya sa magandang view mula roon.
"Ang ganda," bulalas n'ya habang pinagsasawa ang mga mata sa nagtataasang building at mga sasakyan sa ibaba. Tanaw din n'ya mula sa unit ang karagatan ng San Miguel. Payapa ang buong kapaligiran at tila ngayon pa lang ay nagugustuhan na n'ya rito.
"Sobrang ganda ng bayan ng San Miguel," bulong pa n'ya.
Kinabukasan maaga s'yang nagising para maghanda sa pagpasok sa eskwelaan. Magda-dalawang linggo na rin s'yang pumapasok sa San Miguel Univeristy. Accountancy ang kursong kinukuha n'ya at ga-graduate na s'ya next year. Kapag nakapag trabaho na s'ya hindi na s'ya iisipin pa ng ama. Makakapag focus na ito sa pamilya nito at magiging masaya s'ya para sa ama.
Bago lumabas ng condo sinilip muna ang cellphone kung may text o missed call ang Daddy n'ya sa kanya. Ngumiti s'ya ng may isang text message ang ama na Goodluck at galingan n'ya sa school.
Papalabas na s'ya ng condominum ng biglang s'yang bumunggo sa isang matangkad na lalaki na papasok naman ng condominium. Tila kasi nagmamadali ang lalaki kaya tuloy bumunggo ito sa kanya.
"Aray," mahinang tili n'ya kasabay ang pagbagsak ng ilang mga bitbit na gamit.
Sinulyapan s'ya ng lalaking nakabunggo. Kumunot ang noo nito habang nakatitig sa kanya. Titig na titig ito sa kanya.
S'ya man ay napatitig sa gwapong lalaki. Matangkad ito, at may magandang pangangatawan. Isama pa ang gwapong mukha na pasok na pasok sa modelling, dahil sa maliit nitong mukha na may bigote at balbas tulad ng mga napapanood n'yang mga lalaki sa mga turkish telenovela. Masasabi n'yang gwapo at malakas ang appeal ng lalaking kaharap.
"I'm sorry," sabi nito, sa tinig na lalaking-lalaki din at bumagay sa aura nito. Hindi naman s'ya nakakibo. Nanatili s'yang nakamata sa lalake.
Yumuko ang lalake para pulutin ang mga gamit n'yang nalaglag, at iniabot sa kanya.
"Thank- you," nautal pa n'yang pasalamat dahil sa sobrang kagwapuhan ng kaharap. Tumango lang ito sa kanya at nagtuloy na sa pagpasok sa loob ng condominium. Sinundan n'ya ng tingin ang lalaki na may pagmamadali sa kilos nito.
"Ang gwapo naman n'ya. Dito din kaya s'ya nakatira?" Bulong na tanong n'ya sa sarili, habang nakasunod pa rin ng tingin sa lalaking nasa front desk, tila nagtatanong sa receptionist.
"Sino kaya s'ya?" Tanong n'ya muli sa sarili.