“Ate Trish, may pera ka ba riyan? May babayaran kasi ako sa school."
Agad akong napalingon sa akin kapatid na si Carmela at napatigil din ako sa aking pagwawalis, nakita kong nakasuot na ito ng uniform dahil papasok na ito sa school.
“Magkano ba ang kailangan mo, Carmela?”
“May fifty pesos ka ba, Ate?”
Agad ko namang dinukot ang lumang wallet ko sa bulsa ng suot kong short. Binuksan ko rin ang zipper para tingnan kung may pera pa ba akong natitira mula sa pinaglabhan ko kahapon. Nakita kong may two hundred pesos pang natitira. Agad kong inibigay kay Carmela ang seventy pesos, dahil ang twenty pesos ay baon niya. Kitang-kita ko ang magandang ngiti ng aking kapatid kahit maliit lang ang baon nito ay masaya na ito.
“Salamat po, ate Trish,” anas nito at may ngiti sa labi niya nang tuluyan na itong umalis. Muli ko namang pinagpatuloy ang pagwawalis ko rito sa harap ng bahay namin.
Maaga pa naman para pumunta ako kay Mrs. Jang para muling maglaba. Ganito ang gawain ko araw-araw. Kailangan kong maglabandera upang kahit papaano ay may maibigay ako sa aking kapatid na nag-aaral.
Wala naman akong ibang maasahan kundi sarili ko lang. May Tatay nga ako, ngunit hindi ko rin naman ito mahihingan ng pera lalo at lolong na ito sa sugal at alak. Kapag pinagsasabihan ko naman ito ay ito pa ang galit sa akin.
Kaya kaming dalawa na lang ng kapatid ko ang nagtutulungan. Saka, kahit gustuhin kong mag-aral ay wala rin akong sapat na pera, kaya tanging si Carmela na lang ang ginagapang ko para lang makatapos ito ng pag-aaral. Sa ngayon ay 4th year high school na ito. Ngunit ilang taon pa ang bubunuin ko para makapagtapos ito.
Masaya na ako na nakikita kong umaakyat ng stage si Carmela kapag nakapagtapos ito ng college. Kaya gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para matupad nito ang lahat ng mga pangarap niya.
Hindi man nagawa ni Itay ang mga hiling ni Inay noon bago ito mamatay ay ako na lang ang gagawa para sa aking kapatid. Sa totoo lang ay walang bisyo si Itay noon. Ngunit mula ng mamatay si Inay dahil sa sakit na cancer ay biglang nagbago ito.
Palaging mainitin ang ulo at doon na rin ito natutong maglasing at magsugal. Hindi matanggap ng aking Ama ang maagang pagkawala ng Inay ko. Hanggang sa hindi na nga ako nakapag-aral dahil wala nang maibigay na pera si Itay.
Hanggang 3rd year high school lamang ako. Hindi na ako naka-graduate ng high school. Simula nang huminto ako ng pag-aaral at nagtrabaho na rin ako. Naging labandera ako, naglalako ng mga sampaguita sa harap ng simbahan, kung minsan naman ay sigarilyo at candy.
Naranasan ko rin ang mamalimos sa harap ng simbahan, kasi kung hindi ako kikilos ay mamatay kami ng kapatid ko na dilat ang mga mata.
Isang malalim na buntonghininga na lamang ang aking pinapakawalan. Sa edad kong dalawampu’t isa ay batak na batak na talaga ako sa trabaho. Ngunit wala naman akong choice, eh. Kailangan kong kumayod para mabuhay kaming magkapatid.
Napalingon naman ako sa taong dumating walang iba kundi si Itay. Mukhang nagmamadali ito na pumasok sa loob ng bahay. Hindi nga ako nito napansin kahit naman hindi ako kalayuan na nakatayo.
Agad ko namang binitawan ang hawak kong walis tingting para sundan si Itay. Nakita kong tumuloy ito sa kusina.
“Itay, kumain ka na ba?” tanong ko sa aking Ama.
“Huwag mo akong kausapin, Trish!” pagalit na turan niya sa akin.
Ngunit sadyang makulit ako at patuloy pa rin sa pagsunod sa aking Ama.
“Itay, tatlong araw kang hindi umuwi? Hindi mo man lang kami maalala kung may kinakain pa ba kami rito sa bahay?”
Bigla namang napahinto sa paghakbang si Itay. Pagkatapos ay agad na tumingin sa akin. Ngunit nagulat ako dahil nakita kong may pasa si Itay sa gilid ng labi nito. Putok din ang itaas na kilay nito.
“Itay, ano’ng nangyari sa ‘yo?”
“Huwag mo na lang alamin kung ano’ng nangyari sa akin, Trish, dahil wala ka rin namang magagawa. Saka roon sa sinasabi mo na kung may makakain pa kayo? Kahit hindi kita bigyan ng pera alam kong may pera ka, dahil marami kang raket. Kung wala ka rin naman na magandang sasabihin ay lubayan mo ako!” singhal ni Itay sa akin.
Hindi tuloy ako nakapagsalita at hindi ko na rin ito sinundan pa, baka mas lalo lang magalit sa akin si Itay kapag nangulit pa ako sa kanya.
Nagdesisyon na lamang akong bumalik sa aking ginagawa na pagwawalis sa harap ng bahay. Subalit bigla akong napahinto sa paghakbang nang makita ko ang mga lalaking armado na isa-isang bumaba ng mga sasakyan nila.
May isa pang dumating na mamahaling sasakyan. Ngunit hindi bumaba ang sakay ng mamahaling sasakyan.
Mas nagimbal ako nang tuloy-tuloy lang silang naglakad at balak pumasok sa loob ng bahay namin. Nagmamadali tuloy akong tumakbo para harangin sila. Hindi naman puwedeng ganoon lang kadali na basta na lang nilang papasukin ang bahay namin.
“Teka lang po mga kuya. Bakit basta na lang kayong papasok sa aming bahay ng walang pahintulot mula sa may-ari. Mali naman po yata ‘yun?” At walang takot na hinarang ko pa ang aking payat na katawan para hindi sila makapasok sa bahay namin.
“Ms. Hinahanap namin si Mr. Tirso Vee.”
Nagsalubong ang kilay ko. Kilala nila si Itay?
“Sino po ba kayo? At anong kailangan ninyo sa aking Itay? Saka, bawal ang gagawin ninyo na basta na lang kayong papasok sa aming bahay!” anas ko at nanlalaki rin ang mga mata ko.
“Ms. Kung ayaw mong madamay, umalis ka sa daraanan namin!” Pagkatapos ay basta na lang akong hinila ng lalaking kausap ko para makadaan sila, hanggang sa tuluyan na nga silang pumasok sa loob ng bahay namin.
Mayamaya pa’y narinig ko ang boses ni Itay na nagwawala. Nakita ko ring halos kaladkarin ito ng mga lalaki.
“Ano ba! Bitawan ninyo ako!” sigaw ni Itay, habang hila-hila ito ng mga lalaking may dala-dalang baril.
“Hindi ka marunong tumupad sa usapan, Mr. Vee!” galit na sabi ng lalaking kausap ko kanina.
“Tutupad ako sa usapan, bigyan lang sana ako ng palugit ng Lord ninyo!” sigaw ng Tatay ko.
“Itay!” pagtawag ko sa aking Ama.
“Pumasok ka sa loob ng bahay, Trish at huwag kang lalabas!” galit na utos sa akin ng Tatay ko.
Ngunit hindi pa rin ako natinag sa aking kinatatayuan. Lalo at litong-lito ako sa mga nangyayari sa aking Ama. Mayamaya pa’y bumukas ang pinto ng mamahaling sasakyan. Sino kaya ang sakay nito?
“Trish, pumasok ka na sa loob ng bahay!” muling sigaw ng Itay ko sa akin.