PROLOGUE
Prologue:
Akala nila, dahil lang napangasawa ko ang isang Hildago ay masuwerte na ako. Akala nila maayos ang buhay ko dito. Hindi nila alam, na mula ng maging asawa ko siya, walang gabing hindi ako umiiyalk. Walang araw na hindi ako nasasaktan. Araw-araw niyang ipinamumukha sa akin kung ano lang ako sa paningin niya. hindi asawa ang tingin niya sa akin, kung hindi isang katulong, isang parausan, isang balakid sa buhay niya. Sa kabila ng mga ngiuting ibinibigay ko sa mga taong nakakakilala sa akin ay may nagtatagong madilim na nakaraan.
Alam ko naman sa umpisa ay ito na ang mangyayari sa akin pero sumugal pa din ako. Sumugal ako dahil naniniwala akong magagagawa niya akong mahalin. Pinilit ko pa din ang sarili ko sa kanya sa pag-asang mag-iiba ang tingin niya sa akin pero mukhang hindi talaga mangyayari iyon. Sa bawat gabing naririnig ko ang mga ungol nilang dalawa sa loob ng kwartong iyon ay unti-unting namamatay ang pag-asang pinanghahawakan ko.
Hindi mala-fairytale ang buhay ko. Isang bangungot mula ng maitali ako sa kanya.
Hindi ako suwerte, bagkus ay minalas ako.
Hindi ako ang mahal, ako lang ang nagmamahal.
Sa isang relasyong isa lamang ang nagmamahal, siguradong hindi ito magtatagal. Guguho ito at masisira dahil sa kulang ang pundasyon.
“Mag-asawa lang tayo sa papel,” sabi niya sa akin.
“Mag-asawa tayo sa paningin ng lahat! Sa Diyos at sa publiko!” sigaw ko. Mabilis niyang hinablot ang buhok ko at kita ko ang mga nanlilisik niyang mata.
“Wala akong pakialam sa publiko! Sa papel lang tayo mag-asawa. Pinakasalan lang kita para makuha ko ang kompanya! Hindi ikaw ang mahal ko! Tandaan mo ‘yan!”
Masakit na sabihin niyang harap-harapan kung gaano siya kamuhi sa akin. Sabi nila kapag ginusto, dapat panindigan. Pero hindi ko na kaya.
Tao lang ako, napapagod din. Napapagod din ang pusong umunawa at magmahal.
“Alvin, kahit na katiting na awa ay wala ka man lang bang nararamdaman para sa akin? Kahit na lamang respeto bilang asawa mo?” tanong ko at tinitigan niya ako ng masama.
“Bakit? Bakit ako maaawa? If I know kinasabwat mo si Mommy para maikasal ako sa’yo,” sagot niya sa akin na siyang ikinailing ko. Hindi ko alam kung saan niya nakukuha ang ganyang mga ideya.
“Respeto na lang sana sa akin bilang asawa mo. Dahil kung tutuusin, kabit mo iyang si Irene!” sigaw ko at mabilis niya akong sinampal.
“Hindi kabit si Irene! Siya ang nauna sa buhay ko at sa puso ko!”
Nakakapagod ang palaging ganito ang nangyayari. Nakikipagkompitensya ako sa kabit niya. Palaging lamang ang kabit niya kaysa sa akin. Nakakapagod na.
Parang may pumukpok sa ulo ko na isang matigas na bagay at nagising na lang ako sa katotohanan. Sa katotohanang kahit kailan ay hindi niya ako mamahalin. Na isang basura lamang ang tingin niya sa akin.
Mahirap magmahal ng isang taong kahit kailan ay hindi ka kayang tanggapin. Mahirap lumaban sa isang giyerang sa umpisa palang ay talo na. Mahirap ipagpilitan ang sarili sa taong kulang na lang ay isuka ako. Pero ang mas mahirap, sa kabila ng sakit at hirap na dinadanas ko sa aknya ay siya at siya pa din ang tinitibok ng puso ko.
“Puwede ba Alvin, kahit ngayon lang tingnan mo ako bilang asawa mo. Tingnan mo ako bilang isang babae. Kahit ngayong gabi lang,” sabi ko sa kanya at nagsalubong lang ang kanyang mga kilay.
“Ano na namang kadramahan ito, Jessica?” tanong niya sa akin.
“Pakiusap. Kahit ngayon lang, ito lang ang tanging kahilingan ko. Pagkatapos ng gabing ito ay wala na. Malaya ka na, hindi na kita guguluhin pa,” sabi ko at lumapit siya sa akin.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Please, ngayon lang. ituring mo akong asawa mo. Nakikiusap ako,” sabi ko. Dinig ko ang pagbuntong hininga niya. Naramdaman kong hinawakan niya ang pisngi ko at dama ko ang init ng kanyang palad. Kahit ngayong gabi lang, pagkatapos ay hindi ko na siya guguluhin pa. Malaya na siya.
Naramdaman ko ang labi niya sa labi ko. Iba ang paraan ng paghalik niya sa akin ngayon, kumpara sa mga gabing galit siya. Marahan ang bawat halik at haplos, may pag-iingat na ngayon ko lang naramdaman. Sa isang buong taon, ito ang unang beses na maranasan ko ito sa kanya.
***
Mabibilis ang takbo ng mga sasakyan sa highway. Kung pwede lang sana na ganoon din kabilis mawala ng sakit na nararamdaman ko. Ayoko ng maranasan ulit ito. kung may gamot lang na nakakatanggal ng sakit na ito ay agad kong bibilhin at iinumin. Gusto ko na lamang maging manhid dahil ayaw ko ng maramdaman ito. masyado ng masakit. Ibinaba ko ang pagkatao ko para sa kanya, para mahalin ako pero hindi pa rin umubra. Gusto kong magpakalayo-layo, sa lugar na walang makakakita sa akin.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Wala naman akong pamilyang uuwian.
Naupo ako sa isang bus stop at nag-iisip kung saan ako pupunta. May ilang bus na ang huminto sa harapan ko pero hindi ako sumasakay. Ano kayang gagawin ni Alvin kapag nagising siyang wala na ako? Maybe sasayaw siya sa tuwa. Doon na niya ititira ang kabit niya, magiging masaya dahil wala ng hadlang sa pagsasama nila. I just hope na pirmahan na lang niya ang document na iniwan ko sa kanya. I want us to be free.
“Miss? Ano? Sasakay ka ba?” Napatingin ako sa bus na huminto sa harapan ko. Nakita ko na sa Batangas ang destinasyon ng bus. Tumayo ako at binitbit na ang nag-iisang bag ko.
“Sasakay po ako,” sagot ko at umakyat na ako sa bus.
Naramdaman ko ng umandar na ang bus at ipinikit ko na ang mga mata ko. Ito na ang simula ng pagbabagong buhay ko.
Pinapalaya na kita, Alvin.
Pinapalaya ko na din ang sarili ko sa sakit.
Handa na akong muling mag-isa.
Kung nakaya ko noon, mas kakayanin ko ngayon. Kaya kong mabuhay ng wala ka. Tapos na ang pagpapakamartir ko sa iyo, Alvin. Ibinigay ko na sa’yo ang kalayaan mo. Hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin pero sisikapin kong mamuhay ng wala ka.