Prologue
POSIBLE pala na magsama ang saya at lungkot. Iyon ang eksaktong nararamdaman ni Summer nang lumapag ang eroplanong sinasakyan niya sa Manila International Airport. Apat na taon din pala siyang nawala sa Pilipinas. Time flies; it feels like yesterday.
Everything feels so fresh.
Kahit ang pagsisisi at sakit na naramdaman niya noong umalis siya ay damang-dama pa rin ng dalaga hanggang ngayon. What if things had gone differently?
Bahagyang tumingala si Summer para pigilan ang pagbagsak ng kaniyang mga luha na hindi niya namalayan habang palabas ng airport. May hinihintay siyang magsusundo sa kaniya pero wala roon ang isip niya. Kung hindi pa niya narinig na nagsalita ang kaniyang ama, na nakaupo sa wheelchair na tulak-tulak niya, hindi niya malalaman na tahimik na pala siyang humihikbi.
“Papunta na raw ba ang kapatid mo, hija?” tanong ng daddy niya sa pautal-utal na boses.
Tatlong taon na nang ma-stroke ang ama ni Summer. Na-paralyze ang kalahati ng katawan nito at pati na ang pananalita ay medyo naapektuhan din. Ito ang kasa-kasama niya New York sa loob ng mga panahon na nawala siya sa Pilipinas. Isang bagay na hindi niya inaasahang gagawin nito para sa kaniya. Simula nang magkaisip siya, walang ibang naging mahalaga sa ama kundi ang kakambal niya. Nasanay siya na tila hindi nag-e-exist sa paningin nito. Nakikita lang siya para sisisihin sa mga kamalasang nangyayari sa buhay nila. Pati ang pagkamatay ng ina ni Summer ay isinisi din sa kaniya ng ama.
Pero kailan man ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa daddy o kahit sa kapatid niya. Hindi siya nawalan ng pag-asa na balang araw ay mararamdaman rin ng ama na anak siya nito. At napatunayan iyon ni Summer nang sa wakas ay sinuportahan nito ang pangarap niya na makilala sa larangan ng sining sa ibang bansa, apat na taon na ang nakalipas.
Pasimpleng pinahid ni Summer ang kaniyang mga luha bago sinagot ang ama para hindi nito maramdaman ang pag-iyak niya. “Tinatawagan ko nga ho, Dad. Pero hindi naman sumasagot. Baka po na-traffic lang.”
Narinig niya ang pagtawa nito nang pagak. “Kahit kailan talaga ang kapatid mong ‘yon… Habaan mo pa sana ang pasensiya mo sa kaniya, hija.”
“Don’t worry, Dad.” May pilit na ngiti sa mga labi ng dalaga nang tapikin niya ang magkabilang balikat ng ama. “I’m her ate. And I love her so much. Kailan ko pa ba siya hindi inintindi?”
“At sana, mapatawad mo siya, Summer… mapatawad mo sana kami ng kapatid mo.”
Unti-unting kumunot ang noo ng dalaga nang maramdaman niya na gumaralgal ang boses ng ama. Mula sa likuran nito ay umikot siya at dahan-dahan na lumuhod sa harapan nito. Hindi niya alintana ang mga taong nakapaligid sa kanila. Ang tanging gusto lang ni Summer ng mga oras na iyon ay i-comfort ang daddy niya. Siguradong nagsisisi na naman ito sa mga pagkukulang nito sa kaniya noon.
Masuyong sinapo ng dalaga ang kanang pisngi ng ama. “Huwag ka nang umiyak, Dad. Akala ko ba kaya tayo umuwi ay para maging masaya dahil ikakasal na si Rhaine? At sa wakas ay makikilala na rin natin ang two-year boyfriend niyang never pa niyang ipinakilala sa atin.” Ngumiti siya rito para aluin. “Gusto mo bang isipin ng mapapangasawa niya na may iyakin siyang daddy?” biro din ni Summer ngunit sa halip na mapangiti ay napahagulhol pa ito.
“I wish I had been a better father to you, sweetheart. I’ve made a lot of mistakes and I’ve failed you,” mahinang saad nito habang punong-puno ng emosyon ang maluha-luhang mga mata. Gamit ang isang kamay, malakas na tinapik-tapik nito ang dibdib kahit nahihirapan. “I don't know how I've survived this long. Iyong nakikita kita na inaalagaan at minamahal mo pa rin ako sa kabila ng lahat… It would have been better if I died then."
Muling namasa ang mga mata ng dalaga. “Pero, Dad. Hindi naman ho kayo naging pabigat sa’kin, eh. At kahit kailan, never kong inisip na nagkamali o nagkulang ka’yo sa’kin. Dahil mahal na mahal ko kayo… Huwag naman ho kayong magsalita nang ganiyan.”
Tuluyan nang pumatak ang mga luha ng daddy niya sa mga sinabi niya kaya hindi na ito nakasagot.
“Ayokong nakikita kang ganiyan, dad. Ayokong isipin n’yo na nahihirapan na ako sa pag-aalaga sa inyo. Kung tutuusin, kulang pa iyon sa apat na taon na sinamahan n’yo ho akong manirahan sa ibang bansa. Because I know it wasn't easy to leave everything behind for me. Kahit si Rhaine, nagawa n’yong iwanan dito para sa’kin.” Kinuha niya ang kamay ng ama at ginagap. “Please stop crying, okay? Ikakasal na ang isang anak n’yo at malapit na kayong magkaapo. At ako naman, magkakaroon na rin ng pamangkin. We should just be happy, right?"
Napayuko at lalo lang napahagulhol lang ang ama. Hindi na alam ni Summer kung paano pa ito patatahanin. Inangat niya ang kamay nito at hinalikan. Kapagkuwan ay tumayo siya at pinagpag ang mga tuhod bago ito niyakap. Yumakap din ito nang mas mahigpit ngunit nagpatuloy pa rin.
“You're an angel on earth, sweetheart. I'm not the father you deserve.” Sa nanginginig na kamay ay nagawa nitong iangat ang palad niya at hinalikan. “Pero gusto ko pa ring humingi ng pabor sa huling pagkakataon, Summer. Please smile and be happy. Iyong totoong ngiti na hindi ko na nakita simula nang umalis tayo dito sa Pilipinas. Hindi ko na kayang marinig ang mga pag-iyak mo gabi-gabi, ang panghihinayang sa mga mata mo sa tuwing patago na iginuguhit mo ang mga larawan niya…”
Sinubukan ni Summer na pigilan ang iba pang sasabihin ng daddy niya ngunit bigla siyang nawalan ng lakas dahil alam niya ang tinutukoy nito at kumirot ang dibdib niya. Hinayaan niya ang sarili na maging mahina kahit sa mga oras na iyon lang nang mapahagulhol siya sa harapan nito. Sa loob ng tatlong taon simula nang ma-stroke ang ama ay naging matatag si Summer sa lahat ng pagsubok na pinagdaanan nila, lalo na sa usaping financial, maliban sa iisang bagay…
Ang puso niya.
Sinupil ni Summer ang nagbabadyang paglakas ng kaniyang hagulhol para hindi makakuha ng atensiyon at tumalikod sa ama para itago ang patuloy na pagbuhos ng kaniyang mga luha. Ngunit naramdaman niya ang muling paghawak nito sa kamay niya.
“I know it’s too late and it's all my fault. Pero ipaglaban mo siya, Summer. Gawin mo ang lahat para mabawi mo siya. Dahil hindi totoong… h-hindi totoo na si Mark Anthony ang dahilan ng pagkabulag mo noon.”
Awang ang bibig na dahan-dahang humarap muli sa ama si Summer nang marinig ang huling sinabi nito.
“I just lied because I wanted you to leave him.”