bc

Ang Babaeng Nakapangasawa ng Dagat

book_age4+
128
FOLLOW
1K
READ
others
king
magical world
disappearance
like
intro-logo
Blurb

Nagkakagulo sa kahariang dagat ng Ayisa. Nawawala ang Haring Dagat. Naglayas ba siya o sadyang may dumakip sa kaniya? At ang pinakamahalagang tanong ng lahat: Sino na ngayon ang magiging tagapagligtas ng pinuno ng Ayisa at pati na rin ng buong sangkaragatan ng daigdig?

chap-preview
Free preview
Kabanata 1
Ang Suliranin Nagkakagulo sa kahariang-tubig ng Ayisa. Nawawala ang Haring Dagat. Paano nangyari ito? Sino ang nagpasimuno sa suliranin na ito? Para sa mga mamamayang-dagat ng Ayisa, sa pagkawala ng Haring Dagat, sino na ang magiging pangunahing tagapagtanggol ng kanilang bayan laban sa iba-ibang panganib at salot sa kanilang sulok ng sangkaragatan, tulad ng mga daluyong, mga red tide at fish kill, mga polusyon, at ang dagdag-suliraning dala ng pagsapit ng El Niño at La Niña? Sino na ang magiging bayani nila laban sa pinakamapanganib na nilalang na isinilang sa balat ng lupa – ang tao? Sino na ang magiging tagapagtanggol ng Ayisa laban sa mapanlibak at kasumpa-sumpang dredging ng kalapit-bayan nilang mga tagalupa sa arkipelago ng Nakar? Matutupad na ba ang patakarang isinumpa sa kanila ng kanilang mga sariling ninuno – ang sumpa ng pukotlaot? Ang Ganap Nawawala ang Haring Dagat! Paano napalusutan ang mga piping sirena’t syokoy na nagsisilbing tanod sa buong kalibutan ng Ayisa? Sa totoo lamang, abot-laot ang utang ng loob ng mga taga-Ayisa sa Haring Dagat at sa kaniyang binuong Konseho ng Mga Taklobo. Dahil sa kanila ay naging episyente’t mabisa ang pamamahala sa mga likas-yaman ng kahariang-tubig, at namayaning tunay ang kasaganaan at kapayapaan sa buong Dagat ng Ayisa, at pati na rin sa mga karatig-dagat nito. Ngunit sa pagkawala ni Haring Dagat, ano na ang mangyayari sa kahariang-tubig na ito? Isang dagdag-suliranin pa’y tumapat ang pagkawala ng Haring Dagat sa isang napakahalagang kaganapan sa kanilang kaharian: ang ika-21 na kaarawan niya. Ayon sa tanging alamat na nakapaloob sa mahiwagang Almeha ng Kadakilaan, pagsapit ng Haring Dagat sa nabanggit na gulang, matatagpuan na ng naulilang binata ang kaniyang magiging “katalakub.” Kapag nangyari ito ay makatitiyak na ang buong Ayisa sa isang pagpapatuloy ng kanilang tadhanang pinangangasiwaan ng isang mabuti at mabait na pinuno. Ayon pa rin sa nasabing alamat, kung sino man ang itinakdang “katalukab” ng Haring Dagat ang siyang magtataglay ng karapatan upang isuot ang pamana ng kanilang lahi: ang Kuwintas na Perlas ng Dagat. Sa Ngalan ng Poong Dagat Amansinaya, iligtas po ninyo ang Hari ng Dagat! Sumalaot nawa ang kapahamakan sa bukodtanging tagapagmana ng trono ng Ayisa! Dahil sa masalimuot na pangyayaring naganap kahapon, maliwanag pa sa sumisilahis na sikat ng araw na mababanaag sa isperong bubungan ng Simboryo ng Ayisa na hindi maaaring magtagal at kakailanganin nang magpatawag ni Konsehal Pabebe ng biglaang pagpupulong, o emergency session, bilang itinalagang pinuno ng Konseho. Si Perla Ilang sunod-sunod na gabing napapanaginipan ni Perla – ang nag-iisang dalagang tagapagbantay ng parola sa Isla Batong-Apog – ang panginorin. Ang nakapagtataka pa, iisa’t iisa lamang ang tila paksang iniikutan ng mga imaheng bumabangon sa kaniyang panagimpan: ang buhanging-dagat ng panginorin. May mga gabing napapanaginipan ni Perla ang tila totoong eksena ng buhanging-dagat na bumabangon mula sa panginorin at maghuhunos ito bilang isang dambuhalang buwayang nakanganga at dumadaluyong nang mabilis patungo sa parola! Mayroon pang isang eksena na tila bumabangon na kuwintas ang ibinulid na buhanging-dagat ng panginorin, at magpapaikot-ikot ito sa leeg ng dalaga. Mayroon pang isang eksena na kung saan ang mga bituin sa langit ay tila isa-isang makakalag sa pagkakasabit at mahuhulog sa buhanginan na may kasabay na malakas na pagputok at nakabubulag na lagablab ng liwanag. Sa mga pagkakataong ito’y napapaigtad na si Perla sa kaniyang pagkakatulog, at pupungas-pungas na mapapaantanda; tila nagdarasal nang mataimtim na nawa’y lubayan na siya ng mga bangungot na ito. Subalit tila hindi sinagot ng kaniyang pinaniniwalaang Diyos ang pagdarasal na ito. Isang umaga, matapos mapuyat magdamag ng nasabing katulad na bangungot, nagpasya si Perla na panhikin ang tore ng parola kung saan nakalagak ang malaon nang hindi niya ginagamit na teleskopyong pang-marina. Nagpasya ang dalaga na gugulin ang kaniyang mga gising na sandali na matyagan, gamit ang naturang teleskopyo, ang hanggahan ng isla na nahahati sa dalawang bahagi: sa kanang bahagi ay ang bakawan, at sa kaliwang sulok naman ay ang dalampasigan. Sa totoo lamang, masagana’t mapayapa ang pamumuhay sa Isla Batong-Apog. Malayo ito sa Sulo ng Dagat na pinamumugaran ng mga tulisang-dagat at ng mga puganteng tumatakas mula sa arkipelago ng Nakar patungo sa kalapit-bayan ng Malayisa. Para na rin sa sariling kapanatagan ng loob ng nag-iisang dalagang tagapagbantay ng parola gawa ng ilang sunod-sunod na gabing binabangungot siya, naging gawi na ni Perla na maya-mayain ang pagsilip sa sopistikadong teleskopyong pang-marina. Ano pa ba ang masisilip niya sa lente ng teleskopyo kundi, sa kanang bahagi na lampas pa ng bakawan, ang kalawakan at kalaliman ng kalmadong laot na nagsisilbing hanggahan sa kabilang kahariang-tubig ng Ayisa; at, sa kabilang sulok naman kung saan tanaw ang mahaba’t mabatong dalampasigan, matatanaw ang panginorin na tumatayo namang hanggahan sa halos hindi na maaninaw at isinumpang bayan ng mga taga-lupang Desilturero. Ang mga Desilturero! Tumitindig ang balahibong-pusa ni Perla sa batok sa tuwing ginugunita niya ang mga kuwento ng kaniyang matalik na kaibigang buwaya. Minsan ay naikuwento sa kaniya na ang mga Desilturero ang tinaguriang mga iligal na minero ng karagatan. “Mas masahol pa sa mga pirata ng Sulo ng Dagat!” ito ang panghuling sinambit sa kaniya ng matalik niyang kaibigang buwaya. Gamit ang isang matang wala halos pagkurap, itinuon ni Perla ang teleskopyo sa direksiyon ng bayan ng mga kinatatakutang Desilturero. Pinihit niya ang isang turnilyo sa tripod ng teleskopyo upang higpitan ito, at gawin nang permanente na nakatuon ang lente sa gawi ng tila nagdidilim habang naaagnas na bahagi ng buong sangkaragatan. Sa Pulo-Puluan ng Mga Desilturero Mula umaga hanggang gabi ay walang-tigil ang trabaho ng mga Desilturero. Kung saan dati ang matatanaw lamang ay ang laot at ang panginorin, dito ay bumangon ang isang bagong pulo-puluan na gawa sa mga hinakot na buhangin, bato, at koral sa iba-ibang bahagi ng sangkaragatan. Walang-tigil ang pagbuhos ng mga higanteng Desilturero, mga pambihirang tao na may taas na isang palapag ng isang karaniwang gusali, may siyam na mata na nakapulapol sa kung saanman sa bahagi ng kanilang ulunan, at may kakaibang lakas na wala sa karaniwang tao upang hakutin ang tone-toneladang buhangin, bato, at koral na kanilang tinatambak sa palibot ng kanilang pulo-puluan na kanilang tinawag na Nauwi Jiao. Para sa mga Desilturero, nakaguhit sa kasaysayan ang kanilang napipintong kapalaran bilang bukodtanging tagapagmana at nagmamay-ari ng buong sangkaragatan.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

MAYOR DUX: My Brother Is My Lover

read
125.9K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
87.7K
bc

DELA COSTA EMPIRE SERIES 1: DEBT

read
12.0K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
67.6K
bc

The Father of my Child- (The Montreal's Bastard)

read
156.8K
bc

His Obsession

read
71.7K
bc

Playboy Billionaire's Desire (tagalog)

read
1.1M

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook