Chapter 3

1400
ISANG lalaking nakakubli sa likuran ng isang puno ang kasalukuyang nakasandal dito habang nagaganap ang pangmamaliit ng mga Highers sa isang Sediment. Wala siyang ginawang kahit ano dahil wala siyang pakialam sa mga iyon. Naroon lang siya upang magmasid at makiramdam. Isa pa, alam na rin naman niyang darating ang isang binata para tulungan ang kawawang estudyante na napagkaisahan doon.   Nang tumigil ang oras ay patuloy pa rin siya sa pagkubli at hindi siya umalis. Nakita nga niya ang paglayo ng dalawa at pinagmasdan niya lang ito na tila wala lang. Kasunod ng paglayo ng mga iyon ay ang paggalaw ng mga estudyanteng nasa paligid. Bumalik ang pagkilos ng mga iyon at dahil sa pagkabigla ay nagsitumbahan ang mga ito. Dito na siya lumabas at sa pagdaan niya sa gitna ng mga ito ay mabilis na tumayo ang tila asar na lalaking gumagamit ng apoy.   “Nasaan na ang Sediment na iyon?” bulalas nito at ang mga naroon ay mabilis na hinanap kung saan nagpunta ang lalaki. Dahil nga wala siyang makita ay ang napagdeskitahan naman niya ay ang isang estudyante rin na luma rin ang uniporme. Alam niyang isa rin itong mababang uri ng tao at para mawala ang inis niya ay mabilis niya itong hinawakan. Nagpalabas din siya ng apoy para katakutan siya nito subalit iba sa inaasahan ng marami ang nangyari.   Sa paglapit ng kamay ni Flare sa binatang ang buhok ay natatabunan ang mga mata ay biglang tila bumagal iyon… Hindi, sadyang alam na ng napadaang estudyante kung saan ang direksyon ng kamay ng lalaki. Sa bilis ng pangyayari ay nagulat na lamang ang marami nang makitang nakadapa na ang anak ng isang Eternity. Hawak ng binatang napadaan ang isa nitong kamay habang nakapinid ang katawan sa daanan. Nagpupumiglas pa ito subalit sadyang may taglay na lakas ang lalaking nakasagupa nito. Dito na nga kumilos ang mga kasamahan nito at kanya-kanya na rin sila na pagpapakita ng kakayahan. Kaso, wala man lang anumang takot ang makikita sa lalaking aatakehin nila.   “Bitawan mo si Flare!” bulalas ng kaibigan nitong lalaki na may kakayahang maging metal ang braso. Naroon din ang dalawang babae na nagliwanag ang mga kamay at naging tila mga bagin sa kagubatan.   “Bitawan mo ako! Lapastangan ka!” bulalas pa ni Flare na sinusubukan pang magpakawala ng apoy, ngunit naguguluhan siya dahil hindi niya ito magawa. Wala siyang ideya kung bakit pero kailangan niyang mabawian ang lumapastangan sa kanya. “Makakarating ito sa ama ko!” Nanakot pa si Flare pero tila wala lang ito sa binatang nagpinid sa kanya.   Dito na nga umatake ang lalaking naging metal ang mga braso. Kaso sa paglapit ng kanyang sandata sa binata ay isang maliksing pag-iwas ang ginawa nito at si Flare ang tinamaan. Ang mga nasa paligid ay napapikit na lamang nang makita iyon.   “S-sorry Flare!” bulalas ng lalaki na mabilis na umatras, kaso sa ginawa niyang iyon ay nabigla siya dahil nasa harapan na niya ang lalaking nilalabanan nila.   Isang suntok sa katawan ang tumama rito at ang marami ay nagulat nang bumagsak kaagad ang lalaki. Ang dalawang babae nga nilang kasamahan ay nagpakawala ng mahabang bagin para itali ang katawan ng umatake sa kanila. Pero tila sinayawan lang ito ng lalaki at mabilis na pinagbubuhol ang mga bagay na iyon sa harapan ng dalawa.   Umihip ang hangin at ang buhok ng lalaki ay napayid na nga ng hangin dahilan upang ang mga mata nito ay makita ng lahat. Dito na nga sila nabigla sapagkat, isa pala itong bulag. Makikita ang mga mata nito ay balot ng kung anong puti at ang ikinagulat nila ay kung paano ito nagkaroon ng magaling na kakayahan sa pisikalang labanan.   “Flare! Bulag ang isang ito…” bulalas ng babae at nang makabangon na muli si Flare ay makikitang nagliliyab na ang kalahati ng katawan nito. Ang mga naroon ay napatakbo palayo at napahanda. Hindi nila akalaing aabot sa ganito ang mangyayari rito. Kung sino man daw ang estudyanteng bulag na ito ay ginalit daw nito ang anak ng isang Eternity. Tiyak na hindi ito mapapatawad nito at pwedeng ikamatay nito ang gagawin ni Flare.   “Bulag ka pala… Kung ganoon…” Isang umiikot na bolang apoy ang lumitaw sa harapan ni Flare at sa kanyang harapan ay naroon at nakatalikod na nakatayo ang bulag na lalaki.   “Dragon Flame… Inferno!” bulalas ng lalaki at walang pag-aalinlangan niyang itinira ito sa lalaking nagwalang-hiya sa kanya.   Ang mga estudyante ay nagtakbuhan palayo at ang mga nasa gusali ng paaralan ay napalabas nang makakita ng isang napakaliwanag na bagay sa may daanan papunta sa paaralan.   “Si Saber,” sambit ng lalaking kanina’y dumaan sa lugar na iyon. Kasama pa nito ang Sediment na kanina’y napagkaisahan doon. Nagkatinginan ang dalawa at imbis na mangamba ay parang wala lang iyon sa dalawa. Wala silang ibang ginawa kundi ang magpatuloy sa loob.   Mula sa labas ay isang malakas na pagsabog ang narinig. Umalingawngaw pa ito na naging dahilan upang ang alarma ng paaralan ay tumunog. Ang mga guro at estudyante sa loob ay agad na nagsilabasan at nang makita nila ang nangyari ay natulala na lamang sila dahil ang isang bahagi ng malawak na damuhan ng paaralan ay natupok. Isang mahabang sunog at tustadong imahe ang makikita sa dinaanan ng apoy na itinira ni Flare.   Mula sa lugar na pinangyarihan ay makikita ng mga estudyanteng nakaupo sa malayo at pinoprotektahan ang sarili. Sa lakas ng atakeng iyon ay imposibleng mabuhay pa ang bulag na estudyanteng inatake ni Flare.   Ngingisi-ngisi na nga lang ang anak ni Gladius dahil sa kanyang ginawa. Makikitang umuusok pa ang kanyang mga kamay ay nakakaramdam siya ng hapdi mula roon dahil sa epekto ng kanyang kapangyarihan. “K-kasalanan mo iyan bulag…” Tumatawa-tawa pa ito at ang usok sa kanyang harapan ay biglang naglaho at tumambad sa kanya ang nagliliwanag na katawan ng bulag na lalaki.   Naglakad ito palapit sa kanya at ang mga tuhod ni Flare ay nanginig dahil sa takot. Ang bulag na lalaki ay kumuyom ang kamao, wala itong pakialam sa mangyayari sa binata. Isang hakbang pauna ang ginawa nito at napasigaw na lang na parang isang asong ulol ang lalaking gumagamit ng apoy.   Sa pagdiretso ng matigas na kamao ng lalaking walang paningin ay isang malakas na hangin ang kumawala sa paligid. Napaupo si Flare at napatingin sa kanyang harapan sapagkat may nagligtas sa kanyang isang matanda. Sinalag ng kamay nito ang kamao ng bulag at ang mga estudyante roon ay napasigaw sa galak. Makikita pa nga sa itaas ang lumilipad na apoy na agila, ang alaga ng Eternity na namumuno sa kanilang lugar.   “Si Sir Gladius!”   Isang matandang may mapulang mata ang nasa harapan ng bulag at seryoso nitong pinagmamasdan ang lalaking nasa kanyang harapan.   “Sinong mag-aakalang makakakita ako ng isang interesanteng mandirigma rito?” winika ni Gladius na makikitang may maliliit na apoy pa ang lumalabas sa katawan.   “Ang mga tulad mo ang kailangan ko sa Main City… Baka nais mong sumama?” Nabigla ang lahat sa sinabing iyon ni Gladius at ang mga nasa paligid ay nabigla, lalo na nga si Flare na nais pa sanang magsumbong kaso napangunahan na rin ng takot dahil kilala niya ang kanyang ama. Hindi siya nito tutulungan.   Sa isip ng bulag ni Saber ay bumalik dito ang sinabi sa kanya ng lumikha sa kanya.   “Kailangan mong magpakitang-gilas sa unang araw ng pasukan sa Sanctuaro. Kailangang mapansin ka ni Gladius… Dahil sa mga Eternity ay siya ang mabilis magkainteres sa mga pambihirang indibidwal dito sa Faladis…”   “Mapapasok mo ang Main City at magagawa ang pagwasak sa bagay na dapat mawala sa mundong ito…”   Mula naman sa paaralan ay unti-unting naglaho ang dalawang lalaking estudyante na kilala siya. Kasabay noon ay ang pagsanib ng hindi nakikitang enerhiya sa kanyang katawan. Umatras siya at mabilis na yumuko sa harapan ng isang malakas na nilalang, si Gladius, ang King of Fire!   “Isa pong malaking karangalan sa tulad ko ang makarating sa Main City!” sambit ni Saber at ang mga nasa paligid ay hindi na makagalaw dahil sa mga nangyari. Nirikognisa kaagad ng kanilang pinunong Eternity ang bulag na gumawa ng hindi maganda sa anak nito.   Isang mabilisang pagkilala mula sa isang Eternity at sa oras na dalhin siya nito sa Main City ay mabilis siyang kikilos upang magawa ang misyong nakaatang sa kanya.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작