Chapter 4

2791
ISANG matipunong matanda nga ang biglaan na lang lumitaw sa Faladis Academy 1 sa pagsisimula ng pasukan dito. Makikita nga sa kasuotan nitong pulang pormal na damit ang simbolo ng Faladis Eternity na isang bilog na may nakapaloob na kung anong bagay na tila numero otso na nakahiga. Ngayon nga ay makikitang napalunok ng laway at napa-atras na lang palayo ang mga nakakita rito. Kasalukuyan nga itong nasa harapan ng isang estudyante na nabibilang sa Sediments. Nang marinig nga rin ng lahat ang mga sinabi ni Gladius sa bulag na lalaking iyon ay hindi sila makapaniwala. Mula naman sa likuran ng matanda ay makikita si Flare na kanyang anak na mabilis na tumayo at lumapit dito. Kahit na kinakabahan, ay nagsumbong ito sa kanya, subalit umalingawngaw ang isang malakas na pagsampal sa mukha nito. Nagulantang ang lahat nang saktan ni Gladius ang kanyang anak. Napaupo naman si Flare na tila maluluha dahil napakasakit noon. Tiniis nga niya iyon para lang hindi siya mapahiya sa lahat ng narito. Isa lang naman kasi siya sa mga anak ng Eternity na ito at hindi naman din niya inaasahan na magpupunta rito ang kanyang ama. Kasabay nga noon ay ang paglitaw rin ng lahat ng mga guro at namumuno sa paaralan. Agad silang yumuko kay Gladius na seryoso naman silang pinagmasdan na tila wala lang. “Maligayang pagbisita po Sir Gladius sa inyong paaralan,” sabi ng nasa dalawampung mga taga-Academy. Wala namang pakialam si Gladius sa mga iyon. Ang tangi lang pumukaw ng interes niya sa lugar na ito ay ang binatang nasa kanyang harapan ngayon. Kakaiba ang pakiramdam niya rito, lalo na nang makita niyang wala pala itong paningin. Isa pa, parang wala lang sa isang ito na narito siya dahil wala siyang maramdamang anumang kaba na nagmumula sa dibdib nito na ikinaseryoso niya nang bahagya. “Kahit ang malalakas na mandirigma ng Faladis ay awtomatikong matatakot sa isang Eternity… Subalit ang batang ito, parang normal lang sa kanya ang paglabas ko kahit pa sabihing yumuko siya kanina sa akin,” sabi nga sa sarili ni Gladius. Pagkatapos nga noon ay nilampasan niya ang binata at dumiretso sa lalaking may blonde na buhok na may suot na salamin sa mata at kasalukuyang nakasuot ng puting polo. Siya ang namamahala ng Faladis Academy na narito. “Sergio… Ibigay mo sa akin ang impormasyon ng estudyanteng iyon, nais ko siyang isama sa Main City,” seryosong sinabi ni Gladius sa lalaking parang kinakabahan sa kanyang pagsasalita. “M-masusunod po!” bulalas naman ng lalaki at makalipas ang ilang segundo na pag-alis nito ay nakabalik na kaagad ito na dala ang isang papel na naglalaman ng impormasyon ng binatang si Saber. Kalmado na may kasamang kaseryosohan na binasa ni Gladius ang mga nakalagay sa papel at nabigla siya dahil isa palang Sediments ang batang iyon. Hindi rin malinaw kung ano ang superhuman ability nito na ang nakalagay ay physical strength. Inalala nga niya ang kanyang nakita kanina. May taglay itong bilis at ang suntok din nito na tumama sa kanyang palad ang dahilan kaya gusto niya itong isama sa Main City upang maging isa sa mga sundalo ng lugar na iyon. “Nais ko na siyang kunin, ngayon din,” sabi ni Gladius na kaagad namang sinang-ayunan ng academy board. Wala rin naman silang karapatang tumanggi sa alok ng isang Eternity. Ang lahat ay nakatingin nga lang kay Gladius, at kahit nga ang anak nitong si Flare ay tila nagmukhang isang normal na tao lang dito sa Academy sa itsura ng reaksyon nito. Tumayo na nga muli ang Eternity sa harapan ng bulag na binata at sinabihang sumama na sa kanya papunta sa Main City. Isang normal na reaksyon nga sa sinuman ang mabilis na pagtanggap doon dahil hindi lahat ay nakakapasok sa Main City. “Malaking karangalan po sa akin ang alok ninyo, ngunit hindi ko po yata matatanggap ang nais ninyo. Nais ko mang maging sundalo ng Main City… Ngunit kung inyong pagmamasdan ang aking katayuan ay tila magiging imposible po yata na makasabay ako sa kanila dahil sa isa akong bulag,” winika ni Saber na matikas na nakatayo pa rin sa harapan ng isang Eternity. Ang iniisip nga ng marami ay kaya raw ito nagagawa ng binata ay dahil sa hindi nito nakikita si Gladius. “T-tinanggihan niya ang isang E-eternity?” bulalas naman ng isa sa mga guro ng paaralan at makikita na nga rin ang pagdami ng tao sa paligid dahil ilan pa sa mga estudyante ang lumabas para makita si Sir Gladius. “K-kamatayan ang magiging kapalit ng pagtanggi ng batang ito,” wika naman ng Academy Head na si Sergio na kumislap na lang ang bubog ng kanyang salamin matapos bigkasin iyon. Walang sinuman ang pwedeng tumanggi sa Faladis Eternity… bata man o matanda, babae man o lalaki. Dahil sa lugar na ito, sila ang kinikilalang pinakamalakas at sila ang batas dito. Sumama nga bigla ang tingin ni Gladius nang marinig iyon mula sa binatang nasa kanyang harapan. Doon na nga rin napatakbo ang marami palayo dahil sa pagkawala ng malakas na enerhiya mula rito. “P-papatayin niya ang Sediment…” sabi ng isa na wala ng paglingon habang mabilis na lumalayo. Si Flare naman ay hindi malaman kung matutuwa pa ba o hindi sa mangyayari sa lalaking kanina’y nagpa-init ng kanyang ulo. Wala kasing awa ang kanyang ama, at wala rin itong pinagkaiba sa pito pa nitong kasamahan na walang pakialam kung pumatay man sila ng walang kalaban-laban na tao rito sa Faladis. Naramdaman naman nga ng bulag na si Saber ang nakakatakot na dating ng lalaking nasa kanyang harapan. Alam din naman niya ang mangyayari sa kanya dahil sa mga sinabi niya, ngunit… Kasama ito sa plano… Ang ipakita sa isang Eternity na hindi lang siya nababagay na maging isang simpleng mandirigma ng Main City. “Kailangan mong pahangain sila… Nang sa ganoon ay magkaroon sila ng tiwala sa iyo na ilagay ka sa posisyon na pwede kang makapasok sa lugar na kailangan mong marating. Isa rin sa batayan naming mga Eternity sa pagpili ng mga natatanging mandirigma ay ang paglaban sa amin sa kabila ng taglay naming kapangyarihan.” Humulma ang isang nakakatakot na imahe sa likuran ni Gladius at doon na nga sila napaligiran ng apoy na napakainit. Nagawa nga nitong gawing abo sa isang kisap ng mata ang mga halaman sa paligid, kasama na rin ang semento at ang mga bakal na nakalagay rito. Gumalaw ang nagliliyab na kaliwang kamay ni Gladius at dumiretso ito papunta sa mukha ng bulag na lalaking nasa kanyang harapan. Inaasahan na nga rin ng lahat ang kamatayan nito subalit nagulat sila sa ginawa ng estudyante. Kumuyom naman ang kamao nito ay mukhang wala itong balak na tanggapin ang kamatayan nito sa mabilis na paraan. Mukhang sasabayan pa nito ang isang Eternity. “N-nasisiraan na ng ulo ang isang ito,” sabi naman ni Sergio na mas natakot sa pwedeng mangyari sa gagawin ng binatang iyon. Si Gladius naman ay napaseryoso nang makita ang paggalaw ng binata at doon ay bumulusok na nga ang kanyang nagliliyab na palad. Doon na nga rin kumawala ang napakalakas na pagsabog ng apoy sa paligid at kasama nga rin nito ay ang pagkawala ng hangin na nagpatakbo lalo sa marami papalayo. “Ipakita mo sa isang Eternity na hindi ka lang basta malakas! Ipakita mo na kaya mong makipagsabayan dito!” ISANG malakas na pagtawa ang narinig ng marami nang unti-unting maglaho ang apoy sa paligid. Kasabay rin noon ay ang dahan-dahang paglalaho ng bumabalot na usok sa lugar. Ang ilang napa-upo sa lupa dahil sa pwersang tumama sa kanila ay mabilis na tumayo at ang mga taga-Academy naman ay napalunok na lang ng laway nang unti-unti na ring makita ng mga mata nila ang dalawang imahe na ngayon ay nakatayo at magkaharap. Doon na nga tumambad sa kanila si Gladius na tumatawa at ang bulag na estudyante na ngayon ay wasak na ang damit. Tumambad nga sa kanila ang hindi kalakihang katawan nito, ngunit ang labis na ikinabigla nila ay ang katotohanang buhay pa ito. “H-hindi siya namatay? A-ano ba ang nangyari?” naibulalas ni Flare na parang nakaramdam ng kaunting inis. Nakita rin niya ang kanang braso ng bulag at nakalaylay ito habang umuusok. “H-huwag mong sabihing nagawa mong salagin ang nagliliyab na palad ng aking ama?” sabi pa nito at marami sa mga naroon ang hindi makapaniwala. Hinihingal naman si Saber matapos ang kanyang ginawa. Nawalan din ng pakiramdam ang kanyang kanang braso dahil sa ginawa niya at maya-maya pa nga ay may pumipintig na roong sakit. Ngunit hindi man lang siya makikitaan ng emosyon na nasasaktan sa kabila noon. Kasunod nga rin noon ay narinig na lang niya ang pagtawa ni Gladius sa kanyang harapan. Wala talagang emosyong mababakas sa binatang si Saber. Isang pagngisi naman ang sumilay sa labi ni Gladius at doon na niya muling inalok si Saber. Hindi na niya ito pwedeng patakasin pa dahil baka ang iba pang Eternity ang makakuha nito. “Ilalagay kita sa magandang posisyon sa Main City… Kailangang sumama ka sa akin, at kung hindi ka pa rin papayag ay isasama na kita nang pwersahan sa lugar na iyon…” wika ni Gladius. “Sa ayaw mo man o sa gusto…” Nang marinig ito ni Saber ay mukhang nagawa na niya ang una niyang plano. Hindi man niya inaasahan na ganito ito kabilis na mangyayari, pero ito na rin ang hinihintay niya. Dito na nga rin siya nagsalita. Tatanggapin nga lang daw niya ang alok nito kung bibigyan ni Gladius ng ari-arian ang mga Sediments na kumupkop sa kanya sa loob ng ilang buwan. Natameme na nga lang ang lahat ng naroon nang sabihin iyon ng isang Sediment sa isang Eternity. Tila ba inuutusan pa nito si Gladius para lang mapapapayag ito. Napakuyom nga ang kamao ng ibang mga taga-Academy dahil parang hindi raw ginagalang ng bulag na iyon ang King of Fire. Si Gladius nga ay hindi naman makapaniwala sa lalaking kaharap niya. Ngayon lang daw siya nakatagpo ng ganito sa Faladis. Napapa-isip tuloy siya kung isa ba talaga itong Sediments o hindi. Isa pa, hindi pala nito tunay na magulang ang nais nitong bigyan niya ng ari-arian. “Malakas ang isang ito… at kailangang maisama ko siya sa Main City. Ngayon ko lang din naman ito gagawin… Pagbibigyan ko na rin ang hiling ng isang ito…” “Wala pa rin siyang emosyon… at kailangan kong malaman kung bakit kakaiba ang lakas niya.” Bukod nga sa pagyaya kay Saber ay may mga bagay ring naisip si Gladius na gawin sa bulag na ito. Isa na nga roon ang ay pag-e-eksperimento. Kakaiba raw ang superhuman ability nito at kailangang mapag-aralan nila ito. Kung kinakailangan daw ay baka pwedeng siya muna ang makatuklas noon upang mas lalo pa niyang ikalakas kung tutugma sa kanyang balak. Bukod kasi sa Project Restart, ay may isang lihim na proyekto pa silang walo na hindi nila sinasabi sa iba. Ito ay upang sa pagpunta nila sa nakaraang panahon ay wala na talagang sinuman ang makakapigil sa kanilang kapangyarihan. Pinagbigyan niya ang nais ng binatang si Saber at umalis nga sila mula sa Academy. Ang lahat nga ng naroon ay nakahinga nang malugaw, kaso, may malaking pinsala naman ang mga nangyaring iyon sa harapan ng paaralan. Nag-iwan sila ng mga natupok na bahagi ng daanan at wasak na mga kalupaan dito. Ilang puno nga rin ang nasunog dahil sa apoy ni Sir Gladius. Ang kaangasan naman ng anak ni Gladius na si Flare ay kaagad na nawala, lalo na nga nang makita ng marami na walang pakialam dito ang ama nito. Napatawa na nga lang ang mga nasa higher years dahil akala nila ay magkakaroon ng maangas na freshman sila rito na hindi nila pwedeng galawin… kaso, mali sila. Iniwan na rin si Flare ng mga kasama niya kanina at wala siyang ibang narinig sa paligid kundi ang mga tawa ng mga kapwa niya estudyante dahil sa pagiging mahina niya. Naiinis siya sa kinahinatnan niya, at sinigurong babawian niya ang mga ito kapag siya ay naging malakas pa lalo sa pagsisimula nito sa Academy. Napa-isip nga rin siya bigla tungkol sa lalaking bulag kanina na kung isasama ito ng ama sa Main City ay napaka-swerte raw nito sapagkat ito ay isa sa mga pangarap ng mga Highers na gaya niya na hindi pa nabibigyan ng pagkakataon na marating iyon. Sa mga anak nga raw ng kanyang ama ay dalawa lang ang naroon sa loob dahil ito ang totoong may malakas na antas ng pakikipaglaban sa kanila. Napa-iling tuloy si Flare dahil naalala niya kung paano siya pag-trip-an ng mga kapatid niya sa kanilang bahay na wala sa Main City. Pinagtatawanan siya palagi at sinisipa-sipa lang dahil siya ang pinakamahina sa kanila. Napakuyom tuloy siya ng kamao at nagdilim ang paningin. “Kailangan mapasok ko rin ang Main City!” sabi ni Flare sa sarili at naalala nga niya ang minsang narinig niya na lihim na pag-uusap ng kanyang ama sa isa pang Eternity na nagpunta sa bahay nila sa labas noon. “Kailangang makapunta ako sa nakaraan para ako ang maging pinakamalakas na tao sa panahong iyon!” “Wala nang magagawa sa akin ang ama ko kapag napunta na ako sa panahong wala pang tao ang may espesyal na kapangyarihan.” Samantala, wala namang kahirap-hirap na nabigyan ng lupain ang mga Sediments na kumupkop kay Saber. Wala namang espesyal para sa binatang bulag ang mga ito dahil alila lang naman ang turing ng mga ito sa kanya magmula nang mapunta siya rito. Minsan nga ay hindi siya pinapakain ng mga ito at hinahayaang magutom na lang. Kaso, noon lang din daw siya nakaranas na magkaroon ng pamilya kaya ayos na rin daw ang hindi maganda niyang sinapit sa mga ito. Isa nga itong pasasamalat sa kabila ng pangit na pakikitungo sa kanya na isa ngang bulag. Ang kanya ngang kinalimutang nakaraan noon ay hindi na rin mahalaga, dahil ngayon, may silbi na siya sa mundong ito. Ang silbing iyon ang pinanghahawakan niya para lang masabing naging makabuluhan ang kanyang buhay rito. Inilipad siya ni Gladius at ramdam niyang nasa himpapawid sila. Wala nga siyang ibang maramdaman dito bukod sa kanyang kasama. Ano raw kaya ang itsura ng paligid mula rito? Wala nga siyang ideya at kahit pa nagagawa niyang maglabas ng mga pekeng indibidwal ay hindi pa rin naman niya makikita nang malinaw ang nakikita ng mga mata ng mga iyon. Wala nga siyang maalala na magandang paligid sa kanyang memorya kaya blanko siya sa nakikita ngayon ng kasama niya. “Sa oras na makapasok ka sa Main City… Ang Time Machine ay mararamdaman mo na lamang bigla sapagkat naglalabas ito ng isang enerhiya na nararamdaman lamang ng mga Eternity. Inilagay ko rin kasi sa iyo ang aking dugo para magkaroon ka ng isang pakiramdam na kahalintulad ng sa kanila.” “Hindi magiging madali ang misyong ito kapag nasa Main City ka na… Pero…” “Kung gusto mong magkaroon ng silbi sa mundong ito… Iligtas mo ang nakaraan at tapusin na ang pangit na kasalukuyang ito! May tiwala ako sa iyo… Saber!” Ilang sandali pa ay nakaramdam na lang si Saber na parang tumagos sila sa isang barrier na hindi naman siya sigurado dahil hindi niya nakikita ang paligid. Naramdaman na nga lang niya ang paglapag nila at nakaramdam ang mga paa niya ng patag na bagay. Nakababa na nga sila sa harapan ng entrada ng city. Isang mabilis na pagyuko naman ang ginawa ng mga bantay roon na basta lang nilampasan ni Gladius. Kusa na ring bumukas ang gate at nang naroon na sila ay doon na biglang nakaramdam si Saber ng kakaiba sa paligid. “Marami ang pinapangarap na makatira sa Main City… Pero ang katotohanan sa lugar na iyon ay malalaman mo lang sa oras na mapasok mo ito.” Ang bigat ng atmospera sa lugar na ito at parang nababalot ng kadiliman ang paligid kahit wala siyang makita. Sumunod nga lang siya kay Gladius at nakarinig pa nga siya ng malalakas na pagsigaw mula sa malayo. Hindi ito basta maririnig ng normal na pandinig, pero ang mga bagay na iyon ay tila punong-puno ng takot. Wala pa rin namang emosyon na makikita sa mukha ni Saber hanggang sa bigla na lang huminto si Gladius sa paglalakad. “Pumasok muna tayo sa bahay ko…” sabi ni Gladius na makikitang parang nakakatakot na ang dating pagdating sa Main City. Makikita nga ang kagandahan ng buong lugar, subalit sa likuran ng mga naglalakihan at nagtataasang gusali rito ay mararamdaman naman sa paligid ang bigat na tila ba isa itong mapanganib na lugar para sa mga hindi pa sanay sa artificial city na ito.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작