CHAPTER 1

1444 Words
-MONICA EUNICE- Nagmamadali akong tumakbo papasok ng school. Ayoko pa naman sa lahat ay ang nahuhuli sa klase. Ang bagal kasing magmaneho ni Manong driver. Malapit na ako sa building ng department namin ng may mabunggo ako. Nalaglag ang librong dala niya. Agad ko naman itong pinulot at inabot sa kanya. Kinuha niya lang ito saka ako nilagpasan. Ang sungit talaga niya kahit kailan! Kailan ba siya hindi naging masungit? Saka saan siya pupunta? Mag-uumpisa na ang klase namin. Bahala nga siya! Nagmadali na ulit ako sa pagtakbo papunta sa classroom namin. Pagkarating ko ay agad na akong umupo sa vacant seat na nasa unahan. Inilabas ko na rin ang notebook at ballpen ko. Hinihingal pa ako ng dumating si Sir Bien. Agad siyang nag-umpisa sa pagtuturo. Itinuon ko ang pansin sa pagsusulat at pakikinig sa mga itinuturo niya. Mahalaga para sa akin ang bawat impormasyon na ibinibigay niya. Isang oras din ang nakalipas bago natapos ang klase namin. Inaayos ko na ang mga gamit ko dahil didiretso na ako ng uwi. Isa lang ang klase namin ngayon dahil Friday. Lalabas na sana ako ng classroom nang tawagin ako ng kaklase kong si Loisa. Humarap ako sa kanya. "May kailangan ka ba, Loisa?" nagmamadaling tanong ko sa kanya. "Sama ka naman sa amin. Friday naman ngayon. Punta tayo sa Star Mall," aya niya sa akin. "Hindi ako puwede. May kailangan pa kasi akong tapusin. Pasensiya na talaga," hinging pasensiya ko sa kanila. "Ano na naman ang gagawin mo?! Puro ka na lang aral! Ang boring naman ng buhay mo!" inis na wika ni Hannah sa akin. "Pasensiya na talaga! Mauna na ako! Ingat kayo!" nagmamadaling wika ko sa kanila bago ako nagtatakbo palabas ng classroom. Kukulitin na naman ako ng mga 'yon! Ayokong gumala! Mas gusto kong gamitin ang oras ko sa mga makabuluhang bagay. Nang makarating sa bahay ay nakita ko si Mommy na naghahanda ng umalis. "Mom, I'm here!" masiglang bati ko sa kanya. "Eunice! Bakit umuwi ka agad? Friday naman ngayon, dapat gumala ka muna. Lagi ka na lang nandito sa bahay, minsan nasa shop. Hindi ka ba nagsasawa at paulit-ulit lang ang napupuntahan mo?" worried na tanong ni Mommy. "Mom, hindi ako nagsasawa sa mga paulit-ulit na ginagawa ko. Masaya na ako sa simpleng bagay na ganito," katuwiran ko sa kanya. "Ewan ko ba naman sa iyo, anak. Nagtatrabaho ako ng mabuti para kung sakaling may gusto kang bilhin at puntahan ay maibibigay ko kaagad sa iyo. Kaya lang, hindi ka lumalabas at hindi ka rin mahilig bumili ng kung ano-ano. Akala ko pa naman magkakaproblema ako dahil marami kang magiging luho. Iyon pala, mas magkakaproblema ako dahil wala kang luho," mahabang litanya niya. "Mom, paano naman po iyon naging problema? 'Di po ba dapat, mabuting bagay 'yon?" natatawang tanong ko sa kanya. "Eunice, I'm just worrying about you. Hindi mo ginagawa ang mga bagay na dapat ginagawa ng mga normal na kabataan na katulad mo. Ayokong dumating ang pagkakataon na magsisi ka dahil hindi mo nagawa ang mga bagay na iyon. Tandaan mo anak, ang pera ay kaya kong kitain. Mas mahalaga sa akin na mamuhay kang normal na walang pagsisi sa buhay. Gusto kitang makitang masaya," emosyonal na wika niya. "Mom, naiintindihan ko po kayo. Iniisip ko lang po ang kalagayan mo. Ayokong habang buhay kang magtrabaho para sa atin. Kaya ko namang hindi gumastos ng malaki. Masaya na ako sa simpleng bagay na mayroon ako. Kung mahalaga po ako sa inyo ay mas mahalaga ka po sa akin. Ikaw na lang ang mayroon ako. Ayokong mawala ka pa. Alagaan mo naman po ang sarili mo," naiiyak na wika ko sa kanya. Nakita kong pumatak ang mga luha niya pero agad siyang tumalikod upang itago ito. "I need to go! Nagluto ako ng pagkain mo. Iinit mo na lang," paalam niya habang inaayos ang kanyang mukha. "Mom, sasama po ako sa coffee shop. Wala naman po akong gagawin ngayon. Hintayin mo na po ako," wika ko sa kanya. Nagtatakbo ako paakyat sa kuwarto at mabilis na nagpalit ng damit. Pagbaba ko ay naabutan ko si Mommy na nakaupo at hawak ang kanyang dibdib. Agad ko siyang nilapitan. "Mommy, are you okay? Masakit po ba ang dibdib mo? Gusto mo po bang dalhin kita sa ospital?" sunod-sunod na tanong ko. "I'm okay, anak. Let's go!" nakangiting tugon niya. Tumayo siya at kinuha ang bag niya. Naglakad na siya palabas ng bahay kaya hinabol ko siya. "Mom, are you sure? Daan po muna tayo sa ospital, baka masyado na po kayong napapagod," nag-aalalang wika ko sa kanya. "Eunice, I'm okay. Don't worry. Walang mangyayaring masama sa akin," sagot niya sa akin bago ako hinila papasok ng kotse. Alam kong nagsisinungaling lang si Mom. Ayaw niyang sabihin sa akin dahil alam niyang mag-aalala ako sa kanya. Tinitigan ko siya habang nagmamaneho. Hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling mawala siya. Sana naman ay maayos lang talaga siya. Pagkarating namin sa coffee shop ay agad nag-park si Mommy. Bumaba na kami at dumiretso sa loob. "Good morning po, Ma'am Eula at Eunice!" masayang bati ni Dan sa amin pagkatapos buksan ang pinto. "Good morning din!" masiglang bati ko. "Magtatrabaho ka ulit o napadaan ka lang?" tanong niya. Close ko lahat ng staff namin dahil na rin sa palagi akong tumutulong sa kanila magtrabaho. "Tutulong ako ngayon! Wala naman akong gagawin," sagot ko sa kanya habang sinusuot ko ang apron. Itinali ko na rin ang buhok ko. "Ang sipag mo talaga! Lagi mong tinutulungan si Ma'am Eula." "Ganoon talaga! Sino pa ba ang magtutulungan kung 'di kami lang ni Mommy!" "Sa bagay, puwede mo na ngang palitan ang mommy mo sa pamamahala rito. Halos saulo mo na lahat ng mga dapat gawin." "Siguro! Saka konektado rin naman ito sa course na kinuha ko." "Dan! Patulong naman, medyo marami na ang customer!" hinging tulong ni Mommy kay Dan. Sumunod naman agad siya. Tumulong na rin ako sa pagkuha ng mga orders. "Ma'am Eunice, 'yong lalaki na lang po sa tabi ng bintana ang kuhanan mo po ng order," magalang na wika sa akin ni Mhel bago ituro ang lalaki. Napatingin naman ako roon at nakita ko ang kaklase kong masungit. Pinuntahan ko na siya. "Excuse me, Mr. Miller! Can I take your order?" masiglang sabi ko. "The usual," walang emosyong wika niya. Patuloy lang siya sa pagbabasa ng dala niyang libro. Mukhang matagal na siyang customer dito, pero parang hindi ko yata siya nakikita? "Okay po! In five minutes, Sir! Thank you!" masigla pa ring wika ko. Hindi man lang siya tumingin, para namang hindi niya ako kilala! Sungit! Pumunta na ako sa counter. "Melay, the usual daw ang order ni Mr. Miller," nakasimangot na wika ko. "Mr. Miller? Sino 'yon?" nagtatakang tanong niya. Bakit hindi nila kilala? Akala ko lagi 'yong nandito. "Iyong lalaki sa tabi ng bintana," wika ko sabay turo sa kaklase ko. Tiningnan naman niya ito. "Ahh... Si Ezekiel! Miller pala ang apelyido niya. Kilala mo siya?" ngiting-ngiting wika niya. Problema nito? Bakit ganyan siya kung ngumiti? "Oo, kaklase ko siya. Ezekiel? Close kayo? Saka matagal na bang napunta 'yan dito? Parang hindi ko naman siya nakikita," sunod-sunod na tanong ko sa kanya. Ipinahanda na muna niya ang order ni Mr. Miller bago ako sinagot. "Lagi po 'yang nandito. Sa dulong table talaga siya lagi napuwesto. May nakaupo na kasi doon kaya nandiyan siya ngayon. Ezekiel ang tawag namin sa kanya, dahil iyon ang sabi niya. Close sila ni Dan. Kami medyo lang. Masungit at tahimik din kasi. Crush nga namin iyan ni Liza! Ang guwapo!" kinikilig na pagkukuwento niya. "Okay, kaya pala hindi ko nakikita. Bakit daw lagi siyang nandito?" curious na tanong ko. "Hindi ko po alam. Tanungin mo na lang po, 'di ba magkaklase kayo? Crush mo rin po siya?" nang-aasar na tanong niya. Sinamaan ko siya ng tingin. "Of course not! Hindi kami close. Wala naman iyang kinakausap sa classroom namin," sagot ko sabay kuha ng tray na may lamang order ni Mr. Miller. Iniwan ko muna si Melay para iabot na ang order ni Sungit. "Here's your order, Mr. Miller! Thank you!" wika ko sabay lapag ng mga order niya. "Vincent," biglang wika niya na hindi tumitingin sa akin. Ako ba kausap niya? "Ako po ba ang kausap mo?" nagtatakang tanong ko. "Vincent ang itawag mo sa akin," walang emosyon pa ring wika niya. "Okay po, Mr. Vincent!" nakangiting wika ko sa kanya. Bigla niya akong tiningnan ng masama. Napaatras naman ako sa gulat. "Sabi ko, VINCENT! Hindi MR. VINCENT!" masungit na sabi niya. "Ohh... Okay po! Mauna na po ako!" tugon ko saka umalis sa harapan niya. Napakasungit talaga! Paano kaya nagustuhan nina Melay at Liza ang lalaking 'yon? 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD