CHAPTER 2

1424 Words
-MONICA EUNICE- Sabado ngayon at plano namin ni Mommy na mamasyal. Halos katatapos lang naming mag-ayos at handa na rin kaming umalis. "Eunice, saglit lang. Naiwan ko ang phone ko sa taas. Kukunin ko lang," sabi niya bago umakyat sa taas. Kukuha sana ako ng tubig dahil nakaramdam ako ng uhaw, kaya lang narinig kong may nag-doorbell. Sino naman kaya iyon? Naglakad na ako palabas para malaman kung sino iyon. Nang makalabas ay wala naman akong nakitang tao. Luminga-linga pa ako sa paligid baka kaaalis lang, kaya lang wala akong nakita kahit isa. Papasok na sana ako ng may mahagip ang paningin ko. May malaking basket na iniwan sa tapat ng gate namin. Nilapitan ko ito saka tinanggal ang telang nakatakip. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. May... May baby! Kanino 'to? Bakit iniwan dito? "Mom! Come here!" malakas at nagmamadaling tawag ko kay Mommy. "Ano 'yon, anak?! May nangyari ba?! Kinakabahan naman ako sa pagtawag mo!" nagpa-panic na wika niya habang nagmamadaling pumunta sa amin. "Mom, tingnan mo," wika ko sa kanya sabay turo sa basket. Tiningnan naman niya ito at nanlaki rin ang mga mata niya. "Kanino iyan? Saan galing iyan?" sunod-sunod na tanong niya bago lumapit sa basket. "Hindi ko po alam. May nag-doorbell kaya ako lumabas, pero pagdating ko po rito ay wala namang tao. Nakita ko na lang iyan sa tapat ng gate natin," paliwanag ko sa kanya habang nakatingin pa rin sa baby na mahimbing na natutulog. "Halika at ipasok muna natin. Naiinitan dito sa labas," wika ni Mommy bago namin pinagtulungan na buhatin ang basket. Nang makarating sa sala ay agad niyang inalis ang baby sa basket. Nagising ito at nagsimulang umiyak. Binuhat ito ni Mommy at pinatahan, kaya lang ayaw pa rin nitong tumigil sa kaiiyak. Napatingin ito sa akin at nagulat ako ng ilahad niya ang dalawang braso niya sa akin. "Ma... Ma..." tawag niya sa akin na ikinalaki ng mga mata ko. "No, baby! Hindi ako ang mommy mo!" hindi mapakaling wika ko sa kanya. Nagsimula na naman siyang umiyak ng malakas. "Mabuti pa anak ay buhatin mo muna para tumigil na sa kaiiyak," utos sa akin ni Mommy. Nag-aalangan pa ako dahil hindi ko alam ang tamang pagbubuhat ng bata. Baka bigla kong mabitawan 'yan! "Mom! Hindi ako marunong! Teka---" putol na wika ko ng biglang iabot sa akin ni Mommy si Baby. Wala akong nagawa kung 'di hawakan ito ng mahigpit. "Hawakan mo ang likod at bandang puwet. Huwag mong bibitawan. Tingnan mo tumahan!" natutuwang wika ni Mommy. Niyakap ako ni Baby sa leeg saka hiniga ang kanyang ulo sa balikat ko. Mukhang matutulog na ulit siya. "Mom! Ano'ng gagawin ko?" kinakabahan pa ring tanong ko. "Just hold him tight, pagkatapos ay gumalaw-galaw ka nang kaunti." Ginawa ko naman ang sinabi niya. Mukhang makakatulog na nga ito. "Sino kaya ang nag-iwan sa kanya? Sa tingin ko ay isang taon na siya," biglang wika ni Mommy. "Isang taon na pala, bakit iniwan pa?" nagtatakang tanong ko. "Mabuti pa ay tawagan ko muna ang may-ari nitong village, baka sakaling mahanap pa natin kung sino ang nag-iwan sa kanya sa tapat ng gate natin," wika ni Mommy. Simula ng araw na iyon ay hinanap na namin ang mga magulang ni Baby. Nakipag-ugnayan na kami sa may-ari ng village, sa barangay at sa DSWD kaya lang bigo pa rin kami. Magdadalawang linggo na kaming naghahanap pero hindi pa rin namin makita ang mga magulang niya. Ibinigay namin sa DSWD si Baby, simula ng makita namin siya. Sa ngayon ay nagpaplano si Mommy na ampunin si Baby para raw may kapatid na ako. Pumayag naman ako, kaya lang medyo mahaba-habang proseso ang kailangang gawin ni Mommy. Dahil na rin sa desidido na siya ay tinuloy niya pa rin. Isang buwan na sa amin si Baby Mat-mat at kailangan pa naming maghintay ng limang buwan para malaman kung karapat-dapat kami sa pangangalaga sa kanya. Kapag hindi ay kukunin nila sa amin si Mat-mat at hindi na matutuloy ang pag-aampon sa kanya. Positive naman kami ni Mommy na maayos ang pangangalaga namin sa kanya at gustong-gusto rin sa amin ni Mat-mat. Humanap pa si Mommy ng mag-aalaga sa kanya para in case na umalis siya at pumasok naman ako. Nasa sala kami ngayon at nanonood siya ng Spongebob. Napatingin naman ako kay Mommy ng muntik na siyang matumba pagkatayo niya. "Mom, are you okay?" nag-aalalang tanong ko habang inaalalayan ko siya. "Medyo nahilo lang siguro ako. Nabigla kasi ako sa pagtayo," sagot niya bago dahan-dahang umupo ulit. "Ikukuha lang kita ng tubig!" nagmamadaling wika ko bago tumakbo papuntang kusina. Bumalik naman ako agad saka inabot sa kanya ang baso ng tubig. "Mom, sigurado ka bang okay ka lang? Pumunta na kaya tayo sa ospital! Ako na ang magmamaneho! Saglit lang ihahanda ko ang kotse!" hindi mapakaling wika ko. Lalabas na sana ako nang pigilan ako ni Mommy. "Anak, okay na ako. Huminahon ka. Nahilo lang ako dahil sa biglang pagtayo ko. Maayos na ako. Tingnan mo!" nakangiting wika niya. Niyakap ko siya at nagsimula ng tumulo ang mga luha ko. "Mom! Nag-aalala na ako sayo! Akala mo ba hindi ko napapansin na ang bilis mong mapagod! Madalas humahawak ka sa dibdib mo na parang hirap kang huminga! Ngayon naman ay nahihilo ka! Ngayon mo sabihing wala lang iyon! Mom, natatakot ako! Natatakot ako na baka iwan mo ako!" umiiyak na sigaw ko sa kanya. Napatingin ako kay Mat-mat ng magsimula na rin itong umiyak. Lumapit ito sa akin saka yumakap. "Ma... Ma..." "Eunice, huwag kang matakot. 'Di ba sabi ko sayo na lagi lang akong nandito para sa iyo. Hindi kita iiwan," umiiyak na ring wika niya. Niyakap niya kami ni Mat-mat. "Tandaan mo, mahal na mahal ko kayo ni Mat-mat! Huwag ka ng mag-alala, bukas ay pupunta na ako sa ospital," nakangiting wika niya sa akin. "Sasamahan kita, Mom," umiiyak pa ring sabi ko. "Oo, sige. I love you, Monica Eunice!" bulong niya sa akin bago niya ako hinalikan sa buhok. Tumahan na rin si Mat-mat nang tumigil na ako sa pag-iyak. Mukhang nakikiiyak lang siya sa amin. Natawa na lang ako. Ang cute! Nagpasya na kaming matulog nang maaga dahil maaga rin kaming aalis bukas. Katabi ko sa pagtulog si Mat-mat. Nagdasal muna kami bago natulog. Sana... Sana maging maayos ang lahat. --- Nagising ako na magaan ang pakiramdam. Tulog pa naman si Mat-mat kaya maliligo muna ako. Nilagyan ko ng maraming unan ang palibot niya para hindi mahulog. Nang matapos sa paliligo at pagbibihis ay binalikan ko si Mat-mat sakto naman na kagigising niya lang. "Good morning, Mat-mat!" masayang bati ko sa kanya habang kinikiliti ko siya. Tawa naman siya ng tawa. Nang mapagod ay tinigil ko na. Binuhat ko siya saka kami lumabas ng kuwarto. Naabutan ko si Nanay Karen sa sala. Siya 'yong nag-aalaga kay Mat-mat pag wala kami. "Good morning po, Nanay Karen! Gising na po ba si Mommy?" "Good morning din! Hindi ko pa napupuntahan ang mommy mo dahil halos kalalabas ko lang ng kuwarto," tugon niya sa akin bago kinuha si Mat-mat. "Okay po! Ako na po ang gigising sa kanya. Pakainin mo na po si Mat-mat. Salamat po!" Umakyat na ako sa taas at nagsimulang katukin ang pinto ni Mommy. "Mom! Gising ka na po ba?" tawag ko sa kanya habang patuloy pa rin sa pagkatok. Wala pa ring sumasagot. "Mom?!" muling tawag ko sa kanya. Nang wala pa ring sumagot ay nagpasya na akong pumasok sa loob. Nakita ko siyang nakahiga pa rin sa kama at natutulog. Nilapitan ko siya at ginising. "Mom! Gising na, aalis tayo ngayon 'di ba?!" masiglang wika ko habang niyuyugyog ko siya. Nagsimula na akong kabahan ng hindi pa rin siya gumigising. "Mom! Mom!" "Mom naman!" "Gumising ka na! Hindi nakakatuwa!" "Mom, naiinis na ako!" "Mom! Tumayo ka na diyan!" nagsimula ng pumatak ang mga luha ko. "Mom please! Gumising ka diyan! Sabi mo pupunta tayo ngayon sa ospital!" "Mom! Huwag namang ganito!" "Hindi 'to totoo! Nagbibiro ka lang 'di ba?! Mom! Bumangon ka na!" umiiyak pa ring sigaw ko habang patuloy ko siyang niyuyugyog. "Mom! No please! Huwag mo akong iwan! Sabi mo hindi mo ako iiwan! Paano na kami ni Mat-mat?! Hindi ko kayang wala ka! Mom! Sasamahan mo pa ako sa graduation! Sa kasal ko! Mom, marami pa tayong gagawin ng magkasama! Huwag mo muna akong iwan!" Pumasok sina Nanay Karen at Mat-mat. Pinipigilan na ako ni Nanay Karen pero hindi ako nakikinig sa kanya. Patuloy kong ginigising si Mommy. Umiiyak na rin si Mat-mat at ayaw tumahan. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa buhay ko kapag wala na si Mommy. Sana... Sana panaginip lang ang lahat. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD