III: Park

3047 Words
MARAHANG iminulat ni Gin ang kanyang mga mata. Dinig na dinig na rin niya ang kantahan ng mga ibon sa labas. Pansamantala siyang napatitig sa malinis na kisame, iniisip kung nagkaroon ba siya ng isang napakahabang panaginip. Dahan-dahan siyang bumangon at pinagmasdan ang buong silid. Ni wala naman nagbago sa ayos ng mga gamit niya at tangin siya lang ang naro'n sa apat na sulok ng silid. Tumayo siya't nag-unat, nagtungo rin siya sa bukas na bintana para makalanghap ng sariwang hangin. Tipid itong ngumiti matapos ang napakahabang paghikan. "Wala pa ring tatalo sa masarap na simoy ng hangin sa probinsya. Walang halong polusyon, walang ingay ng mga sasakyan." Mula sa bukas na binatana, pinagmasdan niya ang lolo niya na abala sa pagdidilig ng halaman. Base sa kanyang nakikita, mukhang isang ordinaryong araw ang naghihintay sa kanya. bahagya niyang hinawakan ang magulong buhok at sinuklay. "Hindi ko na gustong mapanaginipan pa ang panaginip na 'yon." Dumiretso rin siya sa C.r. para na rin makapaghilamos at makapag-ayos ng sarili. May pagkakataong napapatulala siya saglit habang inaalala ang panaginip. Ang dalagang nakita niya, ang pagkilos at ang pagngiti nito, ang paraan ng pagsasalita maging ang tinig nito ay para bang tumatambay sa kanyang isip. Umiling siya kasabay ng paglabas sa kanyang silid. Tahimik siyang naglakad patungo sa hagdanan nang marinig niya ang marahang pagtawa ng kanyang lola sa unang palapag. Nang makalapit pa siya lalo sa hagdan, mas nagiging malinaw sa kanyang pandinig ang pag-uusap sa ibaba. "Tutulungan ko na po kayo!" malambing na sambit ng isang pamilyar na tinig. Dali-dali siyang bumaba sa unang palapag at tumambad sa kanyang harapan ang nilalang na hindi niya aasahang muling makita. Pare-pareho silang napatigil ng lola niya habang gulat na gulat niyang tinititigan ang katabi ng matanda. "Anong ginagawa mo rito!" malakas na sigaw niya.  "Anong klaseng ugali 'yan Gin?" Otomatiko siyang hinampas ng kanyang lola gamit ang bimpong hawak-hawak nito. "Hindi magandang sigawan ang isang babae! At bakit hindi mo sinabi sa akin na may kasama ka pala sa kwarto mong matulog?" tuloy-tuloy ang paghampas ng matanda sa kanya. "Ikaw talagang bata oh! Napakatigas ng ulo mo!" sermon ng matanda. "Bakit ako lang ang pinapagalitan niyo? Bakit hindi mo rin siya pagalitan? Siya nga 'tong umakyat sa bintana ko para makapasok sa kwarto." Muli siyang pinaghahampas ng matanda na kanya namang iniiwasan. "Tingnan mo 'tong bata na 'to. Bakit mo sa bintana pinadaan si Serena?" dali-dali siyang nagtago sa likuran ng dalaga at 'yon ang ipinangharang sa kanyang lola. "Tingnan mo hindi ko alam na magkakilala na pala kayo ni Lola. Grabe ka talagang babae ka. Trespassing ka na nga sa bahay, feeling close ka na rin." Muli siyang napaiwas nang ibato ng matanda ang dala nitong bimpo. "Magtigil ka nga sa kakasisi mo sa kanya. hindi mo naman sinabi sa akin na mayroon ka palang kaibigan na ganito kaganda." Saka ngumiti ng matamis ang matanda kay Serena. "Ganda, binubully ka ba nitong apo ko? Mabait ba siya sa inyo?" Napaismid na lang siya nang marinig ang malambing na pakikitunggo ng kanyang Lola kay Serena. Umupo na lang siya sa harap ng hapag kainan habang pinakikingga ang usapan ng dalawa. Nakabusangot siya sa mga sumunod na minuto habang hinihintay na maihain ang kanilang almusal sa mesa. Bahagya niyang nilingon ang kinaroroonan ng dalawa at nakitang abala ang mga 'yon sa kusina. Inihiga niya ang kanyang ulo sa mesa, mariing napapikit kasabay ng pagbuga ng hangin. "Mukhang hindi pa ako nagigising sa panaginip ko." Pagdaing niya. "Hindi lang siya panaginip. Totoo pala ang lahat. Ang pagpunta ko sa kakahuyan, ang sandaling nakita ko siya, ang pagsunod niya sa akin, ang paghingi niya ng tulong." Ginulo-gulo niya ang buhok dala ng frustrations. "Anong klaseng bakasyon ba 'to." parang nauupos na kandila ang binata sa sandaling 'yon. "Tumayo ka r'yan, Gino. Kung inaantok ka pa bakit hindi ka matulog sa itaas." Dahan-dahan siyang napa-ayos ng upo nang marinig ang matanda. Sinulyapan niya lang 'yon habang abala sa pagdadala ng nalutong itlog. "Kung alam niyo lang pinagdaraanan ko ngayon, Lola." Bumuntong hininga siya. "Tingnan mo 'tong batang 'to. h'wag mong simulant ang araw sa pagbuntong hininga. Bakit hindi mo gayahin 'tong si Serena, palaging nakangiti." Napalingon sila sa pintuan kung saan nakitang papasok ang kakatapos lang magdilig na matanda. Natungo ito sa harapan niya at doon umupo. Nakita niyang inilapag ni Serena ang plato't mga kubyertos sa pwesto ng matanda. Dali-dali naman itong nagpunta sa kanyang gawi at binigyan siya ng plato't mga kubyertos. Nilingat niya ang dalaga na kaagad namang ngumiti sa kanya. Bahagya pa siyang nagulat nang mapansin niyang lumapit ito sa kanyang tainga at bumulong. "Gin, ang panget mo pala kapag nakasimangot ka." at saka ito mabilis na umalis sa likuran niya. Kunot-noo niyang sinundan ng tingin ang dalaga habang pigil tawa itong nagtungo sa kusina. 'Di kalaunan, nagsimula silang kumain. Kitang-kita naman sa mukha ng mga matanda na aliw na alis sila sa dalaga. May mga pagkakataon na nagtatama ang paningin nila ng dalaga pero siya na mismo ang unang umiiwas ng tingin. "Bakit hindi mo naman sinabi sa amin na mayroon ka palang kasama sa bakasyon mo Iho? Girlfriend mo ba 'tong si Serena?" otomatiko siyang napa-ubo sa sinabi ng kanyang Lola. Marahan nitong hinampas ang dibdib at kinuha ang tubig sa kanyang tabi. Mabilis niyang nilagok ang tubig na halos makapagpapigil sa kanyang hininga. "Hin—" "Girl friend niya po ako!" diretsong sagot ng dalaga. Binalingan niya iyon ng tingin at pinandilatan ng mga mata. "Anong pinagsasasabi mo? Hindi kaya kita girlfriend!" "Ano bang pinagsasabi mo r'yan? Girl ako at friend mo ako." Marahan pang itinuro ng dalaga ang sarili niya. "Babaeng kaibigan." Tinuro siya nito. "Boy friend. Lalaking kaibigan." Narinig niya ang tawanan ng dalawang matanda. Napasimangot na lang siya't muling sumunbo. Ibang-iba ang araw na 'yon para sa kanya, hindi na ito tulad ng nakasanayan niyang bakasyon na kasama ang lolo't lola niya. Isang bakasyon na ang haharapin niya kasama ang dalagang nakilala niya lang sa kakahuyan. Gawin ang ninanais nitong gawin para makabalik ito sa kung saan ito nararapan. At sa sandaling 'yon, napatunayan niya na ang pagkakataon ay bigla-bigla na lang dumarating sa buhay ng isang tao. Sa sobrang bilis, hindi mo na mapapansin. Hanggang ngayon ay iniisip pa rin niya kung papaano matutulungan ang dalaga sa nais nitong gawin. Katamtaman ang init ng araw sa hapon na 'yon nang maisipang maglibot ng dalawa sa bayan habang iniisip kung ano ang gagawin. Nakapamulsang siyang naglalakad habang nakasunod sa kanya ang dalaga. "Naisip mo na ba kung anong gagawin natin d'yan sa unfinished business mo?" "Hmm... hindi ko pa rin matandaan kung ano 'yon eh." "Paano natin gagawin 'yan kung hindi mo pa rin alam?" tumigil siya sa paglalakad at hinarap ang dalaga na napatigil din sa paglalakad. "Isipin mong mabuti. May mga napapanood ako sa T.v. tungkol sa bagay na 'yan. Kadalasan ginagawa nila ang mga bagay na hindi nila nasubukang gawin sa mundo. Kung hindi 'man, ginagawa nila ang mga bagay na ikinakasaya nila." Bahagya siyang lumapit sa dalaga. "Siguro naman mayroon kang bagay na gustong gawin? H'wag mong sabihin sa akin pati 'yon hindi mo matandaan? Hindi ka naman sanggol na pinanganak sa mundong ito ng walang ala-ala 'di ba?" "Mayroon pa naman akong naalala 'no!" Sumimangot ito sa kanya. "Papaano 'yan marami akong gustong gawin? Sa tingin mo kaya makaka-alis ako kapag nagawa ko ang isa sa mga gusto kong gawin." Nagkibit balikat ang binata. "Anong alam ko d'yan? Edi kung mawawala ka bigla ibig sabihin nagawa natin ng maayos ang trabaho mo. Kung hindi, edi dusa ako." "Ang sama mo sa 'kin." Umismid ito sa kanya at humalukipkip. Umiwas ito ng tingin sa kanya. Iniiwas niya rin ang tingin niya sa dalaga ngunit bukod do'n, palihim niya itong pinapakiramdaman kung may nais ba itong gawin patungkol sa unfinished business nito. "Alam ko na!" bahagya siyang nagulat sa pagsigaw ng dalaga. "Gusto kong subukan ang eat all you can!" Otomatiko siyang napasimangot sa dalaga. "Sigurado ka bang worth 'yan ng unfinished business mo? Dahil lang sa hindi ka makatawid sa kabilang buhay ay dahil hindi ka pa nakakasubok kumain sa eat all you can?" inilagay niya ang mga kamay sa baywang. "Argh, minsan napapaisip ako kung nasa katinuan ba 'yang pag-iisip mo." "Napakasungit mo talaga. Bakit hindi mo bawasan 'yang kasungitan mo kahit one percent lang." "Tara na. nagiging madaldal ka na." Bahagyang sumimangot sa kanya na ginantihan niya rin ng pagsimangot. Sa huli, wala itong nagawa kung hindi ang sumunod na lang sa kanya. Napabalikwas siya nang hilahin ng dalaga ang laylayan ng kanyang damit. Mababakas sa kanyang mukha ang matinding inis subalit kaagad naman 'yong napigil nang makita niya ang tinuturo ng kasama. "Magkakaro'n ng fireworks display sa huling araw ng pista. Gusto ko 'tong makita! Gusto ko 'tong makita!" "Teka! Teka! H'wag mong hilahin masyado ang damit ko!" Asik niya. "Masisira ang tela!" "Sa tingin mo magiging masaya ang araw na 'yon? Mukhang maraming tao ang pupunta. Gusto ko siyang puntahan, Gin!"  Tiningnan niya ang bulletin board kung saan nakapaskil ang anunsyo tungkol sa gaganaping pista sa lugar. Napatitig siya sa araw kung kailan gaganapin ang huling parte ng mga aktibidad. Hindi nalalayo ang araw na 'yon sa huling araw ng bakasyon at sa nasabing araw kung kailan ang araw para sa dalaga. "Ilang araw lang nalalayo ang huling araw ng pista sa huling araw mo palugid mong oras sa mundong ito. Hindi ka ba natatakot na baka hindi mo magawa ang trabahong 'yon?" Napansin niyang tipid na ngumiti ang dalaga habang patuloy nitong pinagmamasdan ang nakapaskil sa harapan. Sa maikling sandali, para bang nakita niya ang kalmadong mukha ng dalaga kahit na kalahati lang nito ang naaninag niya. Ang tipid na ngiti at buntong hininga na para bang may nais ipahiwatig. Kitang-kita niya ang malumanay na tingin nito sa nakapaskil na papel. "Hindi ko alam kung makikita ko pa ang makukulay na fireworks na 'yan. Sampung taon na akong namamalagi sa lugar na 'to nang walang nakakakita sa akin. hindi ko ma-appreciate ang mga taon na nakikita ko ang mga fireworks na 'yan. Hindi ko magawang maging masaya dahil alam kong wala pa ring makakakita sa akin sa mga susunod na taon." Humarap ito sa kanya at ngumiti. Bahagya siyang nagulat sa ngiting iyon. Kakaiba, nararamdaman niya ang buong sinseridad ng dalaga at ang buong kasiyahan na nakikita niya sa nakangiting mga mata. "Kaya gusto kong makita ang mga paputok na 'to ngayong mayroon nang nakakakita sa akin." "H'wag kang masyadong ngumiti, nakakatakot." Bahagyang napasimangot ang dalaga ngunit kitang-kita pa rin ang naudlot nitong ngiti. "Mean." "Subukan nating manood sa huling araw ng pista bago natin gawin ang unfinished business mo." Tumalikod siya at muling namulsa. Sinimulan niyang maglakad papalayo at bahagyang nilingon ang kasama kung ito'y sumusunod pa. "Tungkol sa sinasabi mong eat all you can, mukhang mahihirapan tayo sa gusto mong 'yan. Ibibili na lang kita ng mga pagkaing gusto mo then eat that all you can." Kung saan-saang tindahan sila tumigil ng dalaga. kung kanina'y siya ang sinundan ng dalaga, ngayon ay siya ang nakasunod dito. Para itong paru-paro na pagkatapos kumuha ng pollen sa bulaklak ay dali-dali itong lilipat sa ibang lugar. Gano'n niya maihahalintulad ang pagtingin ng dalaga sa iba't-ibang pagkain na maaring mabili nila sa bayan. Bahagya niyang inangat ang pinamiling mga pagkain ng dalaga, napakarami na nitong nabiling mga pagkain sa limang daang ibinigay niya rito. At hanggang ngayon ay iniisip niya kung papaano uubusin ni Serena ang mga 'yon. "Sigurado ka bang mauubos mo 'tong mga pagkaing ito?" tanong niya habang patuloy na namimili ng pagkain ang dalaga. "Anong klaseng t'yan ang mayro'n ka? kakatapos lang nating kumain kaninang tanghali."  "H'wag ka na maingay, Gin." Napatikom siya. "Ngayon na nga lang ulit ako makakain pagkatapos ng sampung taon eh." Pansin niyang napatigil sa pagbibigay ng pagkain ang tindera nang marinig ang sinabi ng dalaga. punong-puno ng pagtataka ang mukha nito habang tinitingnan ang dalaga –maging siya. Akward siyang napangiti kasabay ng pagkamot sa ulo. Nilapitan niya ang dalaga at hinawakan sa balikat. "Mahilig talagang magbiro itong kaibigan ko." Aniya. "H'wag niyo na lang pansinin ang mga sinasabi niya." Pilit siyang tumawa. "Hindi naman ako nagbibiro ha?" pagsingit ng dalaga habang inaabot ang binili nitong pagkain. "Oo na. Sige, kunin mo na 'yang sukli mo at umalis na tayo." Hinila niya ang dalaga hanggang sa makarating sila sa parke 'di kalayuan sa dulong bahagi ng bayan. Makikita ro'n ang magandang tanawin ng malinis na ilog. May ilang mga tao rin na naroro'n para magpahangin. Mapapansin din ang ilang tulad nila na namamasyal habang masayang nagkukwentuhan, mga batang abala sa paglalaro ng sarangola, ilang mga kabataan na nagbibisikleta. Binitawan niya ang braso ng dalaga at ini-abot ang plastik na may lamang mga pagkain. Hinablot naman nito ang supot at kaagad na tumakbo sa pinakamalapit na upuan 'di kalayuan sa lilim ng puno. "Kung ano-ano pa 'tong sinasabi mo sa harapan ng tindera." Aniya habang nakapamulsang lumalapit sa dalaga. "Totoo naman ha? Sampung taon na akong hindi nakakakain ng ganito karami. Ang saya-saya kayang kumain. Parang nasa langit ka panandalian." Binuksan nito ang supot ng ensaymada at takam na takam na kumagat. "Woah, namiss ko 'tong lasa na 'to!" kilig na kilig pang sambit nito. Umupo siya sa tabi ng dalaga at isinampay ang braso nito sa sandalan. Nakadekwatro siyang umupo habang pinapanood ang pagkain ng katabi. "Ano na lang ang iisipin ng mga tao kapag narinig nilang sampung taon ka na hindi nakakakain ng pagkain? Baka isipin nila nasisiraan ka na ng bait." Aniya. "Kahit mukhang gano'n naman talaga." Isip-isip niya. "Kung ikaw ang nasa posisyon ko, malamang ganito rin ang ikikilos mo. Kung namayapa ka na at nangyari sa 'yo ang nangyayari sa akin, malamang maiintindihan mo ako. Minsan, hindi mo maiintindihan ang isang bagay hanggat hindi mo pa nararanasan." Muli itong kumagat sa tinapay. "Maswerte ka pa rin dahil nabubuhay ka pa rin. Maari mo pang magawa ang mga bagay na gusto mo at maitama ang mga pagkakamali mo." Marahan pa itong tumango-tango at muling kumagat sa tinapay. Bumuntong hininga ang binata at tumingala sa kalangitan. Pinagmasdan niya ang paggalaw ng mga ulap maging ang pagdaan ng ilang ibon sa kanyang paningin. Dinig na dinig niya rin ang pagtunog ng plastic na hawak-hawak ng dalaga, ang tawanan ng ilang mga batang naglalaro sa 'di kalayuan, ang tunog ng bisikleta. Kahit na papaano, naiibsan ang katamaran niya sa buong araw sa pamamagitan ng pagsama sa dalaga. kadalasan, nasa bahay lang siya ng lolo't lola niya habang tinatapos ang buong quest sa nilalarong psp. Palagi niya iyong dala-dala sa tuwing magbabakasyon siya sa probinsya para kahit papaano'y hindi siya mabagot. "Serena." Patuloy pa rin niyang pinagmamasdan ang paglalaro ng mga bata. "Magkwento ko ng tungkol sa sarili mo." "Anong ikukwento ko?" "Kahit ano." Narinig niya ang bahagyang pagtawa ng dalaga. "Curious ka na sa akin 'no?" "Iniisip ko lang na baka may malaman ako tungkol sa 'yo na maaring makatulong sa unfinished business mo. Ano ba. H'wag ka nga masyadong mag-isip ng kung ano-ano r'yan." "Hindi naman gano'n kalungkot ang naging buhay ko para iyakan mo kung sakaling marinig mo." "At sino nagsabi sa 'yong iiyakan ko 'yang kwento mo?" binalingan niya ng tingin ang dalaga. napansin niya ring marumi ang gilid ng labi nito dala ng sobrang kakakagat. "Tsk. Ang dumi mong kumain." Dali-dali niyang inilabas ang kanyang panyo at pinahid ang labi ng dalaga. Napatigil siya sa pagpupunas nang mapansin niyang nakatingin sa kanya ang dalaga. Pansamantala silang napatitig sa isa't-isa, parehong nakikiramdam. Tinginan niya ang panyong hawak-hawak habang nakapatong iyon sa labi ng dalaga. marahan niyang itinulak ang labi ng dalaga at binitawan ang panyong hawak nang mapansin niyang masyado silang malapit sa isa't-isa. "Para kang bata kumain." Tanging sambit niya. "Hindi mo naman ako kailangang itulak. Balak mo pa yatang ipakain itong panyo mo eh." Iniiwas niya ang tingin sa dalaga. wala sa isip niya na gawin ang bagay na 'yon. Para bang may sariling pag-iisip ang kanyang kamay at katawan na taliwas sa iniisip ng kanyang isip. Ni hindi niya rin maintindihan ang sarili kung bakit siya kinakabahan matapos iyong mangyari. Bahagya niyang sinilip ang dalaga, inaninag sa kanyang peripheral vision at nakitang abala pa rin ito sa pagkain. Napansin niya rin ang ilang supot ng pinagkainina nitong ensaymada at iba pang klase ng tinapay. Sumunod nitong binuksan ang malaking chichirya. Tuloy-tuloy lang ang pagnguya nito na para bang hindi nangangawit ang panga. "Ano nang nangyari sa kwento mo? Naghihintay ako." "Ay oo nga pala." Dumukot ng chichirya ang dalaga. "Tulad ng sinabi ko kanina, hindi naman gano'n kalungkot ang kwento ng buhay ko noong nabubuhay pa ako. Isa lang din akong ordinaryong bata noon na napakaraming pangarap, napakaraming gustong gawin. Pero dahil nga mapaglaro ang tadhana, bigla na lang permanente ang mga pangarap na 'yon. Ni hindi ako nabigyan ng pagkakataon na maisakatuparan ang mga pangarap ko o gawin ang mga nais kong gawin." "Sinasabi mo bang dahil sa pagkamatay mo kaya nawalan ka ng pagkakataon?" napansin niya lang tumango ang katabi. "Dahil nga ro'n." bahagyang napatigil ang dalaga. "At nakakatawang isipin na hindi ko matandaan ang dahilan ng pagkamatay ko." "Ano bang pangarap mo?" Bahagyang umihip ang hangin. Muling nagbukas ng panibagong tinapay ang dalaga. tipid siyang ngumiti nang mapansin niyang iyon na ang pangatlong pagkaing kakainin ng dalaga. Sadyang malaki itong kumagat para sa isang maliit na babaeng tulad nito. "Gusto kong maging reporter para makarating ako sa kung saan-saang lugar. Gusto kong makita ang magagandang tanawin na minsan nakikita ko sa documentaries, makarating sa lugar na hindi masyadong napapansin ng mga tao, kumuha ng mga litratong sadyang nakakamangha. At syempre, para makita rin ako ng mga kaibigan ko palagi." Pansin niyang ngumiti ito. "Para kahit magkalayo kami, naalala nila ako." "Iniisip ko na kaya mo lang gustong magdocumentary ay dahil minsan may libreng pagkain ang host sa tuwing may episode sila ng tungkol sa mga pagkain." Mas lumawak ang ngiti ng dalaga. "Oo naman!" Muling bumaling ng tingin ang binata sa mga batang naglalaro sa 'di kalayuan. "Hayaan mo, mayroon ka namang makikitang lugar na hindi gaano'ng nakikita ng mga tao. At para sa lahat, iyon naman ang pinakamagandang lugar sa lahat. Siguro naman alam mo ang ibig kong sabihin." Umiling ang dalaga na kaagad naman niyang sinimangutan. "Napakaslow mo." Itinuro niya ang kalangitan. "Makakarating ka rin do'n." tumayo siya at inayos ang nagusot na damit. "D'yan ka lang, ibibili kita ng maiinom mo. Puro pambara 'yang nasa supot mo wala ka man lang biniling panulak." 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD