CHAPTER 01

1028 Words
"Hoy!" Nagulantang si Dev sa sigaw na iyon ng kaibigang si Shane. Ang hilig talaga nito manggulat kahit kailan. "Ano ba? Nakalunok ka ba ng microphone?" baling nya dito. "Eh paano naman kasi kanina mo pa tinititigan 'yang poster na yan. Hindi lalabas dyan yang mga 'yan para yakapin ka at halikan, sus!" Tumaas ang isang kilay nito habang nakapamaywang. Tirik ang araw at napadaan lang sila sa isang resto bar. Tumigil sya dahil nakita nya ang ultimate crush nya na si Wes Flores, ang bahista ng bandang Buzz Tone. "Si Wes lang naman ang tinitingnan ko dito," sagot nya sa kaibigan at muling bumaling sa poster. "Iyang Wes Flores na yan? Eh hindi ba't kilalang wirdong tao yan? Di nga daw yan marunong makipag-usap man lang sa mga fans. Pagkatapos tumugtog ay aalis na lang bigla at iiwan ang mga kabanda. Hindi lang yun ha, rinig ko rin ang mga usap-usapan na basagulero yan," saad nito. Si Wes Flores basagulero? Ayaw nyang maniwala. Hindi naman lingid sa kanya ang mga negatibong usap-usapan tungkol sa lalaki, pero kahit anong sabihin ng mga ito ay hindi nya talaga makita at maramdaman na totoong masamang tao nga ang bahistang matagal na nyang hinahangaan. Sa tuwing pinapanood nya itong tumutugtog ay nabubuo ang gabi nya. Siguro sa buong Maynila kapag may tugtog ito ay palaging nandoon sya, ngunit ni minsan ay hindi naman sya nito nabigyan ng pansin. Aasa pa ba sya? Mas mabuti na rin iyon dahil baka matakot lang ito kapag nakita sya. Sapat ng nasisilayan nya ito at hindi pinapalampas bawat pagtugtog nito sa entablado. Madalas ito sa resto bar na kinatatayuan nya ngayon dahil doon madalas tumugtog ang banda nito. "Ano nangangarap ka na naman? Diyosmiyo Deveraux! Mas mabuting tigilan mo na yang kahibangan mo. Masamang tao yan. Buti nakakatagal ang mga kabanda nyan, diba nga nung isang araw may nabalita na binugbog ang lalaking yan? Kung matinong tao yan sana iniingatan nya ang imahe nya bilang isang artist, sikat pa naman ang banda nila tsk tsk!" "Hindi mo ba inintindi yung sinabi ni Jack? Ang sabi nya, kinuha nung lalaki yung napalimos na barya ng matandang pulubi kaya binugbog ni Wes," paliwanag nya, iyon naman kasi talaga ang kwento ni Jack sa kanila. Kapatid ito ni Shane at mas matanda lang sila ng dalawang taon. "Eh kahit na, hindi pa rin tama yung ginawa nya. Parang inilalagay nya sa kamay ang batas. Wala syang karapatang mang-bugbog, agaw-buhay ngayon yung lalaki na binugbog nya paano kung mamatay iyon?" Napabuntong-hininga sya at nagkibit na lamang ng balikat. Kung tutuusin ay dapat lang sa lalaki ang ginawa ni Wes. Sino ba naman ang matutuwa sa ginawa nito sa matandang pulubi na ang tanging kaya na lang gawin ay mamalimos tapos nanakawin pa ng lalaking iyon? Ano na bang nangyayari sa mundo? Sadyang halang na yata talaga ang kaluluwa ng ibang mga tao ngayon. Naglakad na sila ni Shane palayo sa lugar at nagtungo na sa bakery kung saan sila pumapasok. Graduate lang sya ng high school at hindi na nakapagkolehiyo. Parehas sila ni Shane dahil ayaw nito mag-aral at mas gusto lang ang ganoong pamumuhay. Kung tutuusin kayang-kaya naman itong pag-aralin ng mga magulang nito, pero wala naman syang magagawa sa gusto ng kaibigan nya. Bigla ulit nyang naisip si Wes. Binata pa naman ito. Masama bang umasa na isang araw ay mapapansin din sya nito? Usap-usapan na naman na kaya daw ito nag-iisa sa buhay ay dahil walang babaeng tumatagal dito. Suplado, masama ugali at gago, yan ang madalas nyang marinig kapag tungkol kay Wes Flores na. Pero hindi nya rin alam kung bakit hindi nya magawang paniwalaan ang lahat ng iyon. Siguro ay dahil sa tuwing nakikita nya ito ay magaan ang pakiramdam nya. Kahit pa naroon talaga ang pagiging suplado nito dahil pagkatapos ng tugtog ay bigla na lang itong mawawala. Nakikita nya rin na hindi talaga ito nagpapakuha ng picture, kahit pa minsan mga babae na ang kusang lumalapit at pilit yumayakap ay tatalikuran pa rin nito. Kaya nga siguro ganoon ang tingin dito ng mga tao. Antipatiko, bastos at walang modo. Minsan nyang nasaksihan ang pambubugbog nito sa loob ng isang resto bar. Akala nya ay dahil may napagtripan lang itong lalaki, iyon bang trip lang bugbugin, pero pagkalipas ng isang linggo ay umugong ang balita na kaya nabugbog ang lalaki ay dahil nakita ni Wes na inaabutan nito ng shabu ang isang menor de edad na nanonood din ng gabing iyon. Ang lalaking menor de edad ang mismong nagpatunay. Dahil doon lalo nyang hinangaan si Wes at mas tumindi ang paniniwala nya na hindi ito masamang tao, na lahat ng nangyayari sa kamay nito ay may dahilan. Basta para sa kanya ay mabuti itong tao. "Manonood ka mamaya ‘no? Ang tyaga mo talaga, Dev.” Hayan na naman ang kaibigan nyang palaging nakakontra pagdating sa panonood nya sa banda. "Alam mo naman pala eh," sagot nya dito. Nakita nyang ngumunguya ito ng ensaymada. Umismid ito sa kanya at uminom ng juice. "Sayang lang ang perang pinangbibili mo ng ticket Dev. Hay, naku!" "Walang sayang kapag gusto mo ang pinapanood mo," aniya. Hindi ito kumibo. Pinunasan nya ang ibabaw ng salamin kung saan nakapatong ang siko nya. Wala pa ang may-ari ng bakery na si Aling Irma. "Saan ka uuwi mamaya? Samin ka na lang matulog ha?" sabi sa kanya ni Shane. "Kung sa inyo ako matutulog maiistorbo pa kita dahil tiyak na gabi na naman ako makakauwi.” Minsan ay kila Shane sya natutulog kapag naghahanap ito ng kasama at wala si Jack. Wala na syang mga magulang habang si Shane naman ay parehong nasa ibang bansa ang Mama at Papa nito. Aminado sya na minsan ay naiisip nyang malupit sa kanya ang mundo, iniwan kaagad sya ng mga magulang nya. Namatay ang mga ito ng masunog ang bahay na tinutuluyan nila. 14 years old lang sya nun, pero nandyan pa naman ang Lola nya at nagpapasalamat sya na hindi sya nito pinabayaan. Magkalapit lang ang bahay nila ni Shane pero mas gusto nitong doon sya natutulog. Nakakapagkwentuhan kasi sila ng kung ano-ano kapag magkasama sila. Parang kapatid na ang turing nya kay Shane kaya sobrang malapit talaga sila sa isa't isa. "Sige na nga bukas na lang sa bahay ka matulog," sabi nito at tumaas-baba pa ang dalawang kilay. Inayos nya ang pagkakalagay ng mask sa mukha nya bago tumango sa kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD