CHAPTER 3

1178 Words
“O, KAGIGISING mo lang, nakabusangot na naman iyang mukha mo.” Naupo lang si Kelly sa isa sa mga silya sa harap ng kanilang kitchen table.  Kasalukuyang nagkukuwenta ng mga gastusin marahil as bahay nila ang kaniyang ina dahil hawak nito ang calculator, ballpen at notebook.  Inabot niya ang tasty bread sa ibabaw ng mesa pati na ang peanut butter. “May nakita lang akong hindi kaaya-aya sa kuwarto ko, ‘Nay.” “Sinabi ko na kasi sa iyong lilinisan mo ang kuwarto mo linggo-linggo.  Pinamamahayan ka na tuloy ng mga insekto roon.” “Sana nga puwede kong durugin ang isang iyon, ‘Nay.”  Kumagat siya ng tinapay habang iniisip na ulo iyon ni Buwi.  “Para gumanda-ganda naman ang pananaw ko sa buhay.” “Siyanga pala.”  May iniabot itong isang card sa kanya.  “Nagpunta rito si Berna kanina at ipinabibigay iyan sa iyo.  Binyag daw ng anak niya sa Linggo at isa ka sa ninang.” “A, oo.  Nabanggit nga niya sa akin ito noong nakaraang araw.”  Pinagmasdan niya ang invitation.  “Sa Linggo na pala ito.” “Hindi ka ba naiinggit sa kaibigan mong iyon, Kelly?  Nakakadalawa na siya ng anak.  Samantalang ikaw, ni boyfriend wala.”  Natigilan ito sa ginagawa at napabuntunghininga na lang bago nagpatuloy.   “’Nay, sa dami ng sakit ng ulong dinanas ko sa huling relasyon ko, sa tingin ko katangahan na kung kukuha uli ako ng lalaking magpapaluha na naman sa akin.” “Ikaw naman kasi, ang daming matitinong lalaki sa mundo, bakit isang luko-luko pa ang nadampot mo.  Lumuha ka lang tuloy ng dugo.” “Kaya nga kahit kailan, hinding-hindi na ako lalapit pa sa kahit na sinong guwapong hayok sa mga babae at napakasinungaling.”  Pumasok na naman sa isip niya ang imahe ni Buwi at nanggigigil niyang sinakmal ang huling piraso ng tinapay niya.  “Dapat sa mga lalaking ganon, ipinapatapon sa ibang planeta!  At nang hindi sila magpapakalat-kalat dito sa mundo ng mga tao.” Napabuntunghininga na lang ang kanyang ina saka ipinagpatuloy ang ginagawa nitong pagkukuwenta.  “Hindi ko na dapat binuksan ang topic na ito.  Naalala mo na naman tuloy ang pagtataksil ng dati mong nobyo.” “Okay lang iyon, ‘Nay.  Wala na sa akin iyon.  Mabuti ngang napag-uusapan natin at nang hindi ko makakalimutan ang mga natutunan ko sa mga nangyaring iyon sa akin noon.” “Kaya lang…baka naman hindi ka na makapag-asawa niyan.  Alam mong kahit isinusumpa ko ang dati mong nobyo, gusto ko pa ring makapag-asawa ka at magkapamilya.” “Huwag kayong mag-alala, ‘Nay.  Hindi naman ako nagsasara ng pinto sa pag-aasawa.” Nag-angat ito ng tingin at napangiti.  “Ganyan nga dapat, Kelly.  Oo nga pala, ano ‘yung ingay na narinig ko sa kuwarto mo?” Natigil siya sa pagkagat ng tinapay.  Bumalik na naman ang ngitngit sa puso niya.  “A, iyon?  napalakas lang ang pagsasara ko ng bintana, ‘Nay.  Nakakita kasi ako ng hindi ko dapat nakikita.” “Hindi mo dapat makita?” “Si Buwi—arkzz!”  Tinapik niya ng tinapay ang kanyang dila at uminom ng malamig na tubig.  “Pati pangalan ng lalaking iyon, hindi talaga maganda sa panunaw ko.  Kung bakit naman kasi ang dami namang lugar na puwede niyang pagtirikan ng bahay niya, bakit dito pa siya sa Calle Pogi?” “Bagay daw siya rito.  Kunsabagay, tama naman siya.” “’Nay, huwag nyong sabihin na may pagnanasa kayo sa Buwi na iyon?” “Susmaryosep naman iyang bibig mo, Kelly!  Anong pagnanasa?  Gusto ko lang ‘yung batang iyon dahil napakasipag niya at napakabait.  Ang dami niyang alam na gawaing bahay, lagi pa siyang handang tumulong sa mga nangangailangan ng tulong dito sa lugar natin.” “Naghahanap lang iyon ng pagkakataong makapaghubad at nang mai-display niya ang katawan niya sa madla.  Kaya kunwari, homebody siya.  Charing.” Hindi siya pinansin ng ina.  “Alam mo bang kahapon lang ay nagprisinta pa siyang magdilig ng mga halaman sa bakuran natin?” “A, kaya pala lanta na lahat ng halaman natin.” “Eksaherado ka namang magsalita.  Hapon na kasi kaya nagpapahinga na ang mga halaman natin.” “’Nay, nalunod na ang mga halaman natin.  At kasalanan ng Buwi na iyon.” “E, di palitan.”  Saglit itong nag-isip.  “Tamang-tama.  Makahingi nga ng tuloy kay Buhawi mamaya.” “’Nay!”  Nanghihilakbot siya sa ipinapakitang interes ng pinakamamahal niyang ina sa exhibitionist nilang kapitbahay.   “Huwag mo akong tingnan ng ganyan.  Gusto ko lang ipakita sa iyo ang magandang…aherm, side, ni Buhawi.” “Bahket?” “Gusto ko siya para sa iyo.  Lahat ng ina sa barangay natin na may mga anak na dalaga, gusto siyang maging manugang.” “At nakikiuso naman kayo.” “Mabait na bata si Buhawi.” “Oo, lalo na sa mga sumasamba sa katawan niya.” “Bakit ba ang init ng ulo sa kanya?”  Hinubad nito ang suot nitong salaming pang-mata.  “Lalo na sa katawan niya.” “Dahil isa siyang manyak!” “May nabalitaan na ba tayo rito na nagreklamong minolestiya niya?  E, ikaw lang naman yata ang may ganong pananaw sa kanya.” “Dahil ako lang ang nakakakita ng kung ano talaga siya.  m******s iyon, ‘Nay.  Kaya kung ako sa inyo, huwag na huwag ninyong ididikit ang pangalan ng lalaking iyon sa pangalan ko.  Ikamamatay ko iyon.” Hindi na ito umimik.  Bagkus ay mataman lang siya nitong pinagmasdan na tila ba inaarok ang kanyang isip.   “O, bakit ganyan kayo kung makatingin, ‘Nay?” “Ayaw mo ba talaga kay Buhawi?” “Gusto nyo pang magka-apo?” Nagningning ang mga mata nito.  “Oo naman—“ “Kung ganon huwag na ninyo akong maireto-reto sa Buwitre na iyon.”   “O, sige, si Buchou na lang.” Napabuntunghininga na lang siya.  “’Nay, hindi ko type si Buchou.” “Ayaw mo?  Si Joaquin Antonio kaya?  Guwapo iyon at sikat na sikat pa.” “Ayoko sa mga artista.” “E, si Ryu?” “Ayoko sa mga yelo.” Kung sino-sino pang residente ng kanilang barangay ang binanggit ng kanyang ina.  Talagang pursigido na itong makabalik siya sa mundo ng mga mag-sing-irog.  Pero talagang wala rin siyang balak na makipagrelasyon uli.  Ayaw pa niya.  Masyado kasi siyang napagod sa naging huling relasyon niya kahit na nga matagal ng natapos iyon. “Wala na.  Tinanggihan mo na ang lahat ng mga pinakaguwapo rito sa Calle Pogi.”  Binalikan na lang nitong muli ang pagkukuwenta.  “Hay, sige na.  Ikaw na nga ang bahala.  Pero…si Buhawi sana ang gusto ko, eh.  Napakabait ng batang iyon.” “Playboy iyon,” nanggigigil niyang wika.  “At iniihaw ko ang mga playboy sa mundong ito!” “Pero…”  Napatingala na lang ito sa hangin at nag-isip.  “Sa tingin ko, may gusto siya sa iyo.” Umismid lang siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD