I: Woods

2484 Words
TANGHALI. Inayos ni Gin ang mga gamit na dadalhin niya para sa pagbabakasyon sa probinsya ng kanyang lolo't lola. Nakasanayan na nitong bumisita sa lugar na 'yon tuwing sasapit ang summer. Hiyahayaan siya ng kanyang mga magulang na bumisita sa lugar na 'yon para na rin makasama niya ang kanyang Lolo't lola. Hindi rin kasi maiwanan ng mga matanda ang tirahan sa lugar na 'yon sapagkat para sa kanila, marami raw itong ala-ala. "Inilagay mo na ba sa bag mo ang lahat? Iyong mga pasalubong mo kina lolo't-lola nailagay mo na ba?" tanong ng kanyang ina habang abala siya sa pagsisintas ng kanyang sapatos. "Nailagay ko na rin. May dinala na rin akong kakainin ko habang nasa byahe." Anito. "Palagi mong isasara ang pinto habang wala pa si Papa ha? Alam mo naman sa panahon ngayon, maraming mandarambong, maraming akyat bahay." Bahagyang ngumiti ang ina nito sa kanya. Hinawakan siya nito sa ulo't sinuklay ang kanyang buhok. "Parang dati lang ang liit-liit mo pa. tingnan mo ngayon, binata ka na." Hinawakan niya ang kamay ng kanyang Ina at ngumiti. "Mag-iingat ka sa byahe ha?" dagdag paalala nito. "H'wag kayong mag-alala, ikakamusta ko kayo kay Lolo't lola." Isinara niya ang zipper ng kanyang bag at ito'y binuhat. Tumalikod na rin siya sa kanyang ina at nagsimulang maglakad papalabas ng kanilang tahanan. Sinabayan siya ng kanyang ina sa paglalakad hanggang sa makaabot sila sa gate. Humalik siya sa pisngi ng kanyang ina bago pa man siya tuluyang makalabas ng gate. Marahan siyang kumaway bilang pagpapaalam at nagsimulang maglakad papunta sa istasyon ng tren. Habang naglalakad, inilagay niya sa kanyang tainga ang dala-dalang earphones at nagsimulang patugtugin ang kanyang cellphone. Namulsa siya't itinuon ang buong atensyon sa paglalakad. Ilang oras din ang gugugulin niya sa pag-upo nito sa tren papuntang probinsya. Nakakabagot man subalit bawing-bawi naman ang kanyang paghihintay sa magagandang tanawin na nadaraanan. Isa na ro'n ang malinis at malawak na karagatan maging ang maaliwalas na kalangitan. Hindi kalaunan ay nakikita na rin niya ang ilang tindahan ng souvenir hudyat na papalapit na nga siya sa istasyong bababaan. Pagkatapak na pagkatapak niya sa istasyon ay muling nanumbalik sa kanyang isipan ang mga ala-ala niya noong nakaraang taon. Dahil tuwing summer lang siya bumibisita sa lugar na 'yon, mahirap para sa kanya ang magkaroon ng mga kaibigan. Masyado ring magkakalayo ang bahay ng bawat isa kung kaya't mas lalong mahirap na makipagkamustahan at makipagkilala sa kapitbahay. Dala ng matinding pagkabagot, naisipan niyang maglakad-lakad sa kakahuyan hanggang sa matuklasan niya ang isang napakagandang lugar sa gitnang bahagi ng kakahuyan. Sinasabi ng mga matatanda na h'wag magtutungo sa liblib na lugar ng kagubatan dahil maraming masasamang hayop at espirito na namamalagi sa lugar na 'yon. Mga espiritong hindi matahimik sa nangyaring digmaan noong mga panahon ng mananakop. Mga espiritong hindi pa nakakatawid sa kabilang buhay dahil hindi matanggap ang kanilang kamatayan. Hindi niya maiwasan na isipin na isa lang paniniwala ang bagay na 'yon. Paniniwala na hindi pa napapatunayan. Ni wala pang nakakapagsabi sa kanya na nakakita na sila ng pinaghihinalaang espirito o kakaibang elemento sa kakahuyan. At dahil walang makapagpatunay ng tungkol do'n, isinawalang bahala niya ang bagay na 'yon. Matapos ang mahabang minuto ng pagtitig niya sa daanan ng kakahuyan ay nagsimula siyang maglakad papasok do'n. kaagad niyang pinagmasdan ang buong kapaligiran, wala naman siyang napansin kung ano pa man o naramdamang kakaiba tulad ng mga sinasabi ng matatanda sa kwento. Pinagmasdan niya rin ang ilang sinag ng araw na tumatago sa pagitan ng ilang dahon na nagbibigay liwanag sa kanyang dinaraanan. Mayroon din siyang naririnig na kuliglig para bang nagbibigay ito ng musika sa tahimik na kapaligiran. Isang oras ang kanyang ginugol sa paglalakad hanggang sa marating niya ang dulong bahagi ng kakahuyan. Iniharan niya ang kanyang mga kamay para 'di masilaw ang kanyang mga mata sa sikat ng araw. Hindi rin naman gano'n kainit kung kaya't hindi masyadong masakit sa balat ang sikat araw. Napakapayapa ng buong lugar. Unang bumungad sa kanyang mga mata ang napakaraming bulaklak sa paligid. Sa dulong bahagi ay matatanaw mo ang kulay bughaw na karagatan habang nagliliparan doon ang ilang ibon at napakalamig ng simoy ng hangin. Sinasabi ng matatanda na mapanganib ang paglilibot sa kakahuyan. At dahil sa kasabihan na 'yon at paalala, hindi nila nagawang matuklasan ang natatagong ganda sa gitang bahagi ng kakahuyan. Umihip ang hangin sa paligid kung saan hindi maiwasang mapasama ang ilang piraso ng maliliit na bulaklak sa pagdaan ng hangin. Sinuklay niya ang kanyang buhok at sinimulang maglakad kung saan maari niyang matanaw ang kabuuang bahagi ng maaliwalas na karagatan. Subalit napabalikwas siya ng tingin nang makita niyang may gumagalaw sa paligid ng mga bulaklak. Namilog ang kanyang mga mata sa nakita, isang babae ang bumangon mula sa pagkakahiga nito sa paligid ng mga bulaklak. Mayroon pa itong suot-suot na koronang bulaklak na mukhang hindi pa maayos ang pagkakakabit nito sa isa't-isa. Pansamantala silang napatitig sa isa't-isa, parehong gulat nang makita ang bawat isa. Sa muling pag-ihip ng hangin ay natangay nito ang koronang bulaklak na suot-suot ng dalaga at tuluyan na bumagsak sa paligid ng mga bulaklak. "Ah... hindi ko alam na may tao pala rito." Napakamot siya sa kanyang ulo. "Naglalakad-lakad lang kasi ako sa kakahuyan hanggang sa madiskubre ko 'tong lugar na 'to." hindi na niya natuloy ang planong pagtanaw sa karagatan at minabuti na lang tumalikod. Kakaiba. Hindi niya rin maiwasang mailang sa nangyari. "Nakikita mo ako?" napakunot siya sa narinig na tanong mula sa dalaga. Bahagya niya itong hinarap. "Bakit naman hindi?" Gumuhit ang ngiti sa mukha ng dalaga. Napansin niyang dahan-dahang tumayo ang dalaga mula sa pagkakaupo nito sa mga bulaklak at pinagpag ang suot-suot nitong puting damit. Sandaling minuto lang ang lumipas, dali-dali itong tumakbo papunta sa kanya. bahagya siyang nataranta nang dambahin siya ng yakap ng dalaga. Nawalan siya ng balanse sa pagkakatayo kung kaya't pareho silang bumagsak sa damuhan ng dalaga. "Mabuti naman kung gano'n!" galak na sambit nito. "Akala ko ako lang ang nakakaalam ng lugar na 'to!" hindi maipaliwanag ang kasiyahang nakikita niya sa mga mata ng dalaga. Hinawakan niya ito sa magkabilang braso at bahagyang itinulak sa gilid subalit napatigil siyang muli nang ilapit ng dalaga ang mukha nito sa kanya. "Tulungan mo naman ako." Dala ng pagkataranta, naitulak niya ang dalaga sa gilid. Mabilis niya umayos ng pagkakatayo't pinagpagan ang narumihang damit. "M-masyado kang malapit sa akin. Nakakailang." Ngumiti ito sa kanya at umayos din ng tayo. "Isa pa, hindi ka dapat dumadamba ng gano'n-gano'n na lang." "Dapat ba kitang sabihan muna?" takang tanong nito. "Hindi dapat! Hindi naman tayo magkakilala." Humawak sa braso niya ang dalaga at tinitigan siya sa kanyang mga mata. Sadyang nakakagulat sa kanya ang lahat. Hindi niya sinasadyang makita ang kakaibang lugar na 'yon sa gitna ng kakahuyan. Hindi niya rin sinasadyang makita ang isang dalaga na mukhang nagpapalipas ng oras sa paligid ng mga bulaklak. At mas lalong nakakagulat sa kanya ang ginawa nitong pagdamba't pagyakap sa kanya. Kumunot ang noo niya habang tinitingnan ang dalaga. Iniisip kung hindi ba nito naisip kung gaano kadelikado ang ginawa nitong pagdamba sa tulad niyang isang estranghero? Inisip kung papaano kung ibang tao ang nakarating sa lugar na 'yon, yayakapin din ba ito ng dalaga tulad ng pagyakap nito sa kanya? Kinalas niya ang pagkakahawak ng dalaga sa kanyang braso. "Alam mo bang hindi magandang maglibot dito sa kakahuyan? Hindi mo ba alam ang sinabi ng mga matatanda? Maraming nagkalat na espirito't masasamang element sa lugar na 'to." "Naniniwala ka sa mga multo? Sa masasamang elemento?" pabalik na tanong nito sa kanya na lalong ikinakunot ng kanyang noo. Iniisip kung papaano pa naging sagot sa tanong ang isa pang tanong. "Alam mo bang gustong-gusto kong makakita ng mga espirito o 'di kaya'y multo? Pero mukhang ayaw naman nilang magpakita sa akin." Bahagya siyang napanganga sa narinig. Iniisip kung nais nitong manghingi ng tulong sa kanya na makita ang masasang elemento o espirito na sinasabing namamalagi sa kakahuyan. Iniisip pa lang niya ang tungkol sa tulong na 'yon ay kinikilabutan na siya. Sino ba naman gustong makipagspirit hunting kasama ang isang taong hindi mo naman kilala. Lalong-lalo na kung ano ang maaring mangyari sa kanila sa oras na magspirit hunting. "Pasensya na pero hindi ako interesado sa paghahanap ng masasamang espirito o kung ano pa mang elementong nais mong makita." Tumalikod siya sa dalaga subalit muli siya nitong hinawakan sa braso. "Sige na. Tulungan mo na lang ako! Please. Pretty please." Muli niyang inalis ang pagkakahawak nito sa kanyang braso. Namulsa siya't bahagyang umatras sa dalaga. "Ayoko nga! Baka mamaya kung ano pang makita ko rito sa kakahuyan na 'to. ikaw na lang mag-isa tutal gusto mo naman 'yan!" Akmang hahawakan siya muli ng dalaga. Kaagad siyang tumalikod dito at kumaripas ng takbo papalayo rito. Narinig niya ang sigaw ng dalaga maging ang mga yabag nito na tila ba sumusunod sa kanya. bahagya siyang lumingon at tama nga ang akala niya, nakasunod din ito sa kanya at humahabol ng takbo. "H'wag mo akong takbuhan!" mas lalong bumilis ang pagtakbo niya nang lumaki ang boses ng dalagang humahabol sa kanya. umakyat ang kilabot sa kanyang sistema, mukhang sa sandaling 'yon ay nakaharap niya ang isang masamang elementong tulad ng mga nasa kwento ng matatanda. "Teka lang kuya! H'wag mo akong takbuhan!" Nanumbalik sa normal ang tinig ng dalaga at nababakas na rin ang pagkahingal. "Hindi ako dapat magpalinlang. Dapat na akong maka-alis sa lugar na 'to!" isip-isip niya. Nakarinig siya ng kalabog sa likuran, ilang minuto pa ang hinintay niya bago niya lingunin muli ang humahabol sa kanya. bumagal ang takbo niya't bahagya siyang napatigil nang makita niyang nakadapa na sa lupa ang babaeng humahabol sa kanya. kunot-noo niya itong tiningnan at pinagmasdan. Nakita niyang dahan-dahan itong tumatayo't lumingon sa kanya kung saan niya napansin ang nagdurugong ilong nito. "H'wag kang magpalinlag. Trap niya lang nito para saniban ka o worst, para gawing hapunan." Isip-isip niya. Ngumiti lang ang dalaga sa kanya at muling tumakbo. Muli siyang nataranta at muling tumakbo papalayo sa dalaga. Naririnig niya pa rin ang patuloy na pagtawag nito sa kanya subalit medyo mahina na ito. Marahil mas malaki na ang distansya nila sa isa't-isa habang nagtatakbuhan sa kakahuyan. Mas lalo siyang kinikilabutan sa tuwing sumasagi sa isipan niya ang pagngiti ng babaeng humahabol sa kanya. nasaktan na ito ngunit nagagawa pa rin siya nitong habulin. "Konting takbo na lang makikita ko na rin ang hangganang pinanggalingan ko. Konting takbo na lang at mawawala na sa paningin ko ang babaeng weirdo sa likuran ko." "Kuya hintayin mo ako!" Umarko ang ngiti sa labi ni Gin nang marating ang hangganan ng kakahuyan. Muli niyang nasilayan ang maaliwalas na kapaligiran at ang daang dinaanan niya bago siya pumasok sa kakahuyan. Patuloy lang siyang tumakbo hanggang sa makagawa ng malaking distansya mula sa daan papasok sa kakahuyan bago muling balingan ng tingin ang kakahuyan. Nakita niya lang na nakahawak sa puno ang dalagang humahabol sa kanya habang pinapahid ang dugo mula sa ilong nito. "Kanina pa kita hinahanap!" kulang na lang mawalan siya ng dugo dala ng matinding gulat. Bumalikwas siya ng tingin at nakita ang nanakunot na noo ng kanyang lolo. "P-pasensya na 'Lo, mukhang napasarap ang paglilibot ko." Hingal na sagot niya. "H'wag mong sabihing galing ka sa kakahuyan? Sinasabi ko na sa 'yong bata ka, napakaraming masasamang elemento sa kakahuyan na 'yan!" Asik nito. "Hala sige, bumalik ka na sa bahay at kanina ka pa hinihintay ng Lola mo. Mukhang magpapasama sa 'yo sa bayan." Sumunod siya sa paglalakad ng kanyang lolo subalit bago pa man siya mapalayo, muli niyang nilingon ang kakahuyan. Hindi na niya nakita pa ro'n ang babaeng humahabol sa kanya kahit na tumingin pa siya sa ibang bahagi ng kakahuyan. 'di niya maiwasang kabahan, iniisip kung isa nga bang masamang elemento ang dalaga tulad ng sinabi ng kanyang lolo. Isang espirito na 'di matahimik simula nang mamamatay sa digmaan noong panahon pa ng gera. Hanggang sa makarating siya sa bayan ay 'di niya maalis sa isipan niya ang nangyari sa kakahuyan. Lalong-lalong lalo na ang babaeng nakita niya sa loob no'n. Hindi maalis sa paningin niya ang kakahuyan na natatanaw niya mula sa bayan. Pinagmasdan niya rin ang buong bayan, iniisip na baka doon nakatira ang estrangherang babaeng nakita niya sa kakahuyan o 'di kaya'y nasa kalapit na mga bahay lang. Itinuon niya ang atensyon sa mga prutas na pinipili ng kanyang lola. Inilahad naman niya ang Eco bag na dala-dala niya at ipinasok do'n ng matanda ang ilang napiling prutas. "Lola, totoo po ba talaga ang kwento sa kakahuyan? Totoo bang mayroon talagang masasamang espiritong nalalagi sa lugar na 'yon?" "Ay nako Iho, hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa kwentong 'yan o hindi. Alam mo namang napakatagal na ng paniniwalang 'yan pero hanggang ngayon wala pa ring nakakapagpatunay." Sinabayan niya ang matanda sa paglalakad. "Iyang lolo mo, gustong-gustong makakita ng mga espirito sa kakahuyan noong bata pa. kaya palagi 'yang naroro'n kasama ang mga kaibigan niya. At hanggang ngayong matanda na siya, wala pa rin siyang nakikitang espirito. Pero sinasabi niya na naramdaman niya ang ilan sa mga 'yon." Bahagyang natawa ang matanda habang nagkukwento. "Biruin mo ba naman nitong nakaraan, nakakarinig daw siya ng pagtawa ng babae 'di kalayuan sa bahay natin? Kung alam mo lang kung papaano ko hinampas ang lolo mo dahil sa pananakot." Hindi niya rin maiwasang mapangiti habang pinapakinggan ang pagkukwento ng matanda. Sa kanyang nakikita, mukhang masaya pa ito habang inaalala ang nakaraan na panahon nila ng asawa sa nagdaang mga taon. Bumuntong hininga siya at inakbayan ang kanyang lola sa paglalakad. Sadyang gano'n nga ang pag-iisip ng mga tao. Palaging naniniwala ang karamihan sa mga bagay na hindi naman nakikita ng mga mata. Palaging binibigyan ng kahulugan ang mga bagay na wala namang kasiguraduhan, walang ebidensya. Sila mismo ang gumagawa ng sarili nilang takot. Mga kwentong wala namang katotohanan ngunit patuloy na pinaniniwalaan. Namilog ang mga mata niya nang makita ang estrangherang babae na nakaupo sa tabi ng pintuan ng bahay. Hindi man lang ito pinansin ng kanyang lola at patuloy sa pagpasok sa loob ng habang siya naman ay napatigil sa paglalakad. "Mabuti naman at nakita ulit kita." Tumayo ito sa kinauupuan nito at ngumiti sa kanya. "B-bakit ka nandito! A-anong ginagawa mo sa tapat ng bahay namin?" "Gin, ipasok mo na 'yang pinamili ko rito." Dinig niyang pagtawag ng lola niya sa kanya. Dali-dali siyang naglakad papasok sa kanilang bahay. Dinaanan niya lang ang dalaga at mabilis na isinara ang pinto. "Gin? Gin ba pangalan mo? Hoy papasukin mo naman ako!" dinig niyang pagtawag ng dalaga sa labas. "Imposible. Naghahallucinate lang ako. Hindi siya totoo, hindi siya totoo." Tinalikuran niya ang pintuan at dali-daling pumasok sa loob ng bahay. Labis na kaba ang kanyang nararamdaman nang muling makita ang dalaga. Nang makarating siya sa sala'y 'di naman niya maiwasang mamulta. Naaninag niya na sumisilip sa bintana ang dalaga habang kumakaway pa sa kanya. palihim naman niyang tiningnan ang kanyang Lolo't-lola subalit hindi naman napapansin ng mga matanda ang dalaga sa labas. "Bahala ka d'yan. Magsasawa ka rin d'yan sa kakatawag ng pangalan ko."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD