Sa tanang buhay ni Robb, wala pang nagtaray sa kanya ng ganoon. Kaya naman laking gulat niya nang may magtaray sa kanyang babae dahil lang inunahan niya sa pila. Naiiling siya habang napapangiti. Ginugunita niya sa isip ang itsura ng babaeng mataray na iyon. Kahit ilang araw nang nangyari iyon ay hindi pa rin maalis sa isip niya. Kahit ang mukha nito ay hindi maalis sa isip niya. Para bang may kakaiba sa mga mukha nito na hindi niya mapaliwanag. Simple pero mukhang palaban.
“Hey dude, mukhang malalim ang iniisip natin a,” sabi ni Henry sa kanya sabay tapik sa kanyang balikat. Kasama niya ito at ang iba pa nilang barkada na nakatambay sa may corridor habang naghihintay ng pagsisimula ng klase.
“Hindi naman. May isang babae lang na hindi maalis sa isip ko ang katarayan,” natatawang sambit niya.
“May babaeng nagtaray sa’yo?” hindi makapaniwalang bulalas nito. “Hindi nga? Kailan naganap iyang pagtataray na iyan?”
“Noong enrollment. Akala niya kasi sumingit ako sa pila.”
“Wow! Isang malaking himala iyan. Ang alam ko basta dumating na ang isang Jon Robert Jones, nagkakadarapa na ang mga babae na paunahin ka sa pila, mapansin mo lang.”
“Naku, iba ang babaeng ito. Mukhang hindi uubra sa kanya ang karisma ko,” sabi pa niya.
“Talaga ha? Ibig sabihin, mahina ka na,” biro ng isa pa nilang kabarkada na si Romy.
“Anong mahina ka diyan? Hindi a. Papatunayan ko sa’yo na mapapaamo ko ang babaeng iyon.”
“Paano naman? Kilala mo ba at alam mo ba kung anong year at section niya?”
“Madali lang alamin iyon.” Bigla siyang natigilan nang makita ang babaeng naglalakad sa may hallway kasama ang isa pang babae na sa tingin niya ay kaibigan nito. Napangiti siya habang nakatingin dito. Sa wakas, mukhang may tsansa na siyang makilala ito.
“She’s here.”
“Who?” Tiningnan din ni Henry ang gawi kung saan siya nakatingin. “Is that the girl you are talking about?”
Tumango naman siya.
“Mukhang dukha!” bulalas pa nito.
Tiningnan naman niya ito nang masama.
“Grabe naman iyang bibig mo, dude!”
“It’s obvious. Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Tingnan mo nga itsura nila, mukha silang mga dugyot. Halatang luma iyong mga damit na suot nila. Siguro hindi sila mayaman tulad natin.”
“Masyado kang judgemental. Paano kung simple lang talaga sila,” depensa pa niya.
“Woah. Don’t tell me, iyan ang mga type mong babae?” pang-aasar pa ni Henry.
“Of course not.”
“Really? Sige nga, kung talagang hindi iyan ang tipo mo sa babae, subukan mo ngang paibigin. Tingnan natin kung uubra ang karisma niya sa’yo.”
“Is that a deal? Ano namang mapapala ko kung gagawin ko ang sinasabi mo?”
“Hmmm… Starbucks.”
“Wow. Mamahaling kape. Game!” Basta kape, hindi siya makakatanggi. Ewan ba niya pero bata palang siya ay nahilig na siya roon. Mula ng matikman niya ang caramel macchiato ay lagi na siyang nagpapabili niyon sa kanyang ina. Kayang-kaya naman niyang bilihin iyon pero parang na-challenge pa rin siyang gawin ang pustahang iyon.
“Isang kape lang pala katapat ng babaeng iyan. How chief,” natatawang sabi pa ng isa nilang katropa na si Lemwel.
Hindi na siya sumagot sa halip ay muli niyang tiningnan ang babae. Pumasok ito sa loob ng classroom. Mukhang hindi siya napansin nito dahil dire-diretso lang ito sa pagpasok sa loob. Bumaba siya mula sa pagkakaupo sa corridor at sinundan ito sa loob. Napangiti siya nang makitang nag-iisa na itong nakaupo sa sulok ng classroom.
Dalawang linggo matapos makapag-enroll ay handa na siya para sa pasukan. Nakabili na siya ng mga gamit sa eskuwela galing sa sobra ng naipon niyang pera. Suot na rin niya ang uniform na binigay sa kanya ni Kelly.
Humarap siya sa salamin para tingnan ang kanyang sariling repleksiyon. Lagpas sa balikat ang kanyang tuwid na buhok. Sinuklay lamang niya iyon at nilagyan ng clip sa kaliwang bahagi.
"Napakaganda talaga ng aking anak," bungad na salita ng kanyang ina na kapapasok lamang sa loob ng kanilang maliit na kuwarto.
Nilingon naman niya ito at nginitian. Sanay na siya sa papuri ng kanyang ina. Palibhasa ay nag-iisa lang siyang anak ng mga ito. Lagi itong ganoon, halos araw-araw ay walang sawa ito sa pagsabi sa kanya ng mahal siya nito at kung gaano siya kaganda sa paningin nito. Kaya naman mahal na mahal niya ito.
"Inay, ayos na rin po itong uniform ni Kelly, mukha na rin pong bago," tugon naman niya.
"Oo at bagay sa'yo kahit anong suotin mo, anak."
"Si inay talaga." Niyakap niya ito sa may bewang at inihilig ang kanyang ulo sa balikat nito. "Mahal na mahal ko po kayo."
Hinimas naman nito ang kanyang ulo.
“Mahal na mahal din kita, anak. Kayo ng tatay mo. Patawarin mo lamang sana kami at hindi namin maibigay ang maginhawang buhay para sa'yo.”
Nakita niya mula sa salamin ang naglandas na luha sa pisngi nito kaya't agad siyang humarap dito at pinunasan ang pisngi nito sa pamamagitan ng aking daliri.
"Nagdadrama na naman po kayo. Alam ninyo naman pong naiintindihan ko at tutulungan ko po kayong makaahon sa hirap. Pangako ko po iyon." Ngumiti siya upang panatagin ang loob nito.
"Napakasuwerte ko sa'yo, anak. Napakabuti mo."
"Ganoon din po ako sa inyo, inay."
Nagpaalam na siya sa ina matapos kumain ng almusal. Humalik siya sa pisngi nito bago naglakad patungo sa bahay ni Kelly. Ang sabi kasi nito ay sabay na silang papasok sa eskuwela. Nakasalubong na niya ito bago pa man siya makarating sa bahay nito.
“Oh Kelly, papunta palang sana ako sa inyo,” sabi niya sa kaibigan.
“Naku, mabuti at hindi ka na nakarating sa bahay. Tiyak na maririndi ka lang sa ingay namin roon.”
Malaki kasi ang pamilya ni Kelly. Marami silang magkakapatid at ang iba ay maliliit pa. Kaya naman hindi na magkandaugaga ang nanay nito sa pag-aasikaso sa mga ito. Hindi katulad niya na nag-iisang anak lang ng kanyang inay at itay. Minsan ay nakakainggit rin siya at nais niyang magkaroon ng kapatid. Kaya lang hindi na puwedeng magkaanak pa ang kanyang mga magulang dahil matanda na ang mga ito. Mahigit kuwarenta na ang edad ng kanyang ina at maaga itong nag-menopause.
Hindi na siya sumagot sa halip ay sabay na silang naglakad patungo sa kanto upang sumakay sa tricycle. Doon pa kasi ang sakayan papunta sa kanilang eskuwelahan. Medyo malayo ng ilang kilometro ang kanilang eskwelahan mula sa kanilang baranggay.
Pagpasok palang nila ni Kelly sa gate ay ramdam na niya ang kakaibang tingin ng halos lahat ng mata ng mga estudyante sa paaralang iyon. Para bang mga alien sila na lumapag mula sa kalawakan kung tingnan ng mga ito. Sabagay, ibang-iba naman talaga sila sa mga ito. Sila lang yata ang may suot ng lumang damit at mumurahing bag pangpasok. Yumuko na lamang siya upang itago ang kanyang mukha.
Hindi naman kasi kaila na ang eskuwelahang iyon ay may mga kayang estudyante ang nag-aaral. Mga nasa middle class o hindi kaya'y sadyang mga anak ng mayayaman. Kung hindi naman ay mga matatalino talagang estudyante na nanggaling sa iba't ibang kilalang elementarya sa kanilang bayan.
Napakalaking himala na lamang talaga na nakapasa siya sa kabila ng napakaraming kakumpitensiya. Tig-isangdaan lamang sa dalawang section ang estudyanteng nakapasa para sa 1st year high school at sa dami ng kumuha ng entrance exam ay masuwerteng napasama siya sa dalawang daan.
Naglakad na sila ni Kelly patungo sa classroom kung saan sila unang magkaklase. Iginala niya ang kanyang paningin sa paligid. Sa bawat building na makita niya ay literal siyang napapanganga dahil sa laki niyon. Kahit pangalawang beses na niyang nalibot iyon ay hindi pa rin niya maiwasang humanga. Napakalawak at napakalaki kasi ng mga building na iyon.
Naglakad sila sa hallway ng Science Department kung saan naroon ang kanilang homeroom. Nasa second floor na ito ng building. Tumigil sila sa isa sa mga classroom na naroon. Tiningnan niya ang kanyang time schedule upang siguraduhing tama ang room section na kanilang papasukan.
“Eto na nga,” sambit ko sabay sulyap kay Kelly.
Sabay na silang pumasok sa classroom. Agad silang naghanap ng silyang mauupuan. Pinili niya ang bandang likod at pinakasulok. Baguhan lamang siya ay wala pa siyang kakilala sa school na iyon maliban kay Kelly. Wala rin naman siyang balak na maunang makipagkilala. Nahihiya siyang gawin iyon at isa pa sa tingin naman niya ay wala ring ni isa ang gustong kumausap sa kanya.
“Bakit ang layo mo naman?” tanong ni Kelly sa kanya.
“Mabuti na ang malayo kaysa diyan sa unahan. Baka pagtinginan lang tayo ng mga kaklase natin,” sabi niyang nakayuko habang inilalapag ang bag sa upuan.
Wala namang nagawa si Kelly kundi ang umupo sa kanyang tabi.
“Matagal pa kaya bago mag-umpisa?” tanong ni Kelly sa kanya na tila hindi mapakali. Nakahawak ito sa sariling tiyan.
“Siguro. Maaga pa naman e,” sagot naman niya.
Tumayo naman ito na ipinagtaka niya.
“Magbabanyo muna ako,” sabi pa nito saka mabilis siyang tinalikuran at nagtungo sa banyo na nasa loob din ng classroom na iyon.
Inayos naman niya ang kanyang pagkakaupo at bahagyang yumuko. Pinagsalikop niya ang kanyang dalawang palad na medyo nanginginig pa. Humugot siya ng malalim na buntong-hininga habang pasimpleng tinitingnan ang mga kaklase niyang may kanya-kanyang umpukan.
First day of school at sadyang ito ang nakakakabang araw para sa kanya. Hindi ko alam kung paano makikisalamuha sa mga bago kong kaklase. Iilan pa lamang naman ang estudyanteng naroon. Ang ilan ay abala sa pag-iingay at pakikipag-usap sa mga bagong kakilala. Malalakas pa ang halo-halong tawanan ng mga kaklase kong babae at lalaki. Halata sa suot ng mga ito na may mga kaya ito sa buhay.
“Ang tagal naman ni Kelly,” mahinang bulong niya habang nakatingin sa pinto kung saan siya pumasok kanina.
Kinuha niya ang kanyang ballpen at diary. Lagi niya itong dala-dala dahil may mga pagkakataon na kapag wala siyang makausap ay ito ang kinakausap niya. Isinusulat niya rito ang kung anomang nararamdaman niya. Isinusulat rin niya dito ang mga imagination at mga pangarap niya. Iyong mga bagay na salungat sa totoong nangyayari at nais niyang mangyari.
“Dear Diary, first day of school at kinakabahan talaga ako. Sobra! Ang lakas ng kaba ng dibdib ko. Feeling ko nakatingin silang lahat sa akin na para bang isa akong alien.”
“Alien?”
Ikinagulat ko ang biglang pagsasalita ng lalaki sa aking harapan. Tumunghay siya para tingnan ito. Nakaupo ito sa silyang nasa kanyang harapan. Nakapatong ang kamay nito sa sandalan ng upuan at nakatingin sa kanyang diary at ngiting-ngiti. Nanlaki naman ang aking mga mata at mabilis na sinara ang aking diary. Nag-iinit ang mukha ko. Grabe! Nakakahiya! Binasa niya ang diary ko!
Naningkit din ang kanyang mga mata habang kinikilala ang lalaki. Mukha kasi itong pamilyar sa kanya at mukhang nakita na niya ito sa kung saan. Pilit niyang inalala iyon at napanganga siya nang maalala ito.
“Ikaw?” gulat na tanong niya. Hindi siya makapaniwalang magtatagpo ang kanilang landas ng lalaking naka-encounter niya sa administration office.