KAPITOLO 6.5

1391 Words
AQUILINA "Nanay Badeth, wala na po ba sina Ina?" mahina at halos pabulong kong tanong. Nasa kusina kami sapagkat naghahanda ito ng gugulayin niya para mamayang ulam. Yumuko ito nang bahagya tapos ibinulong niya rin ang kanyang tugon. "Kaaalis lamang po, Senyorita. Nga pala, si Apollonio ang kanilang drayber. Sinabihan ko na rin ang Tiyo Pato mo na ihatid ka kung saan ka man pupunta at hintayin ka na lang. Madali ka lamang ba?"  Hindi ako nakasagot nang mabilis sapagkat hindi ko rin alam. "S-siguro po bago po dumilim," nag-aalangan kong tugon. "Ha? Alas nwebe pa lamang. Maliligo ka pa't maghahanda, kaya paniguradong mga alas dyes y trenta ka na makakaalis ng mansyon. Masyado naman atang matagal ang iyong pamamalagi ro'n. Malayo ba ang iyong pupuntahan?" tanong nito. "Hindi naman po. Sa may paaralan lang po ang punta ko. May puno po ng mangga malapit po sa may kalsada." "Oh, siya. Maligo ka na, Senyorita. Papunta na rin dito ang iyong Tiyo Pato. Pakakainin ko muna iyon at sakto, tapos ka na ring gumayak." "Maraming salamat po, Nanay Badeth. Pasensya na po kung nadadamay po kayo sa kalokohan ko." Hinawakan nito ang aking baba tapos pinagkiskis ang aming ilong. "Basta para sa aming munting Prinsesa, gagawin ko. Kahit ano pa iyan," wika niya tapos pinabalik na niya ako sa aking silid. Bago pumasok sa banyo, pumili muna ako ng bistidang susuotin. Mainit ang panahon kaya 'yong medyo manipis ang kinuha ko. Isang kulay mapusyaw na asul na may rapol sa may pang-ibabang bahagi ang nakaagaw ng aking pansin. Kumuha rin ako ng medyas na babagay sa damit at sumbrero upang hindi magulo ang aking buhok dala ng hangin. "Sana'y magustuhan ni Edgardo ang mga regalong ibibigay ko sa kanya," bulong ko habang pinagmamasdan ang dalawang supot na nakalapag sa aking kama. Dahan-dahan kong inilapag ang aking susuotin at tinungo na ang banyo. Pagkatapos ng ilang minutong pagbababad sa tubig, nagpunas na ako't nagbihis. Sinuklay ko ang aking buhok at isinuot ang paborito kong mga alahas. Hindi gawa sa pilak o anuman iyon, kung hindi sa maliliit na bato na galing sa dagat. Binili ito sa akin ni Ama noong minsang nagbakasyon kami sa Palawan. Maganda at talagang maaliwalas tingnan, bagay sa panahon. Isinuot ko ang aking medyas tapos lumabas na sa silid upang pumili naman ng sapatos. "Magandang umaga, Senyorita," bati ni Tiyo Pato na kakarating lang. "Magandang umaga rin po sa inyo. Kumain na muna raw po kayo sabi ni Nanay Badeth bago po tayo umalis." "Gano'n ba, sige po. Nasaan ang iyong Yaya?", "Nasa kusina po siya." "Puntahan ko lang, Senyorita," paalam nito at tumango lamang ako. Dinampot ko ang kulay asul kong sandalyas. Wala akong mahanap na kasing kulay ng aking bistida, ngunit babagay na rin ito dahil kawangis naman. Tumakbo ako patungo sa may sala, humarap sa salamin at umikot upang sipatin ang kabuuan kong itsura. "Maganda ka na, Senyorita, hindi mo na kailangang kumunsulta dyan," ani Nanay Badeth. Ngumiti ako dahil tutuksuhin na naman niya ako. "Sino ba 'yang kikitain mo? Hindi ba't hindi siya isang heredero katulad mo? Bakit kailangan mo pang paghandaan nang ganyan?" Umikli ang ngiti sa aking mukha dahil ayan na naman siya. "Hindi naman po porket anak lamang ng magsasaka ang kaibigan ko, hindi na dapat ako maging presentable sa harap niya. Kahit saan po ako magpunta at kung sino man ang kitain ko, haharap ako sa kanila bilang isang Rimas. Nararapat lamang na panatilihin kong maganda ang aking imahe. At bilang isang batang Pilipina, kaya ganito rin po ang ayos ko ngayon," tugon ko. Hindi ito nakasagot. Maski si Tiyo Pato na may hawak na baso ng kape ay hindi rin nakaimik. Hindi ko intensyon na sabihin iyon na para akong nanenermon. Ayaw ko lang talagang may bahid ng pamamaliit ang maririnig kong salita. Bata man ako at kulang pa ang kaalaman kumpara sa kanila, alam ko naman kung ano ang kahalagahan ng salitang pagkakapantay-pantay. "Ano pa nga ba ang aasahan namin sa aming Senyorita? Matalino kagaya ng kanyang mga magulang. Handa ka na ba sa ating lakad?" pambabasag ni Tiyo Pato. Tumango ako at pinakiusapan itong kunin sa aking silid ang dadalhin namin. Niyakap ko si Nanay Badeth dahil mukhang hindi niya nagustuhan ang lumabas sa aking bibig. "Pasensya ka na, anak. Nadulas lamang ang dila ng iyong Yaya," paumanhin nito. "Patawad din po kung sumagot ako sa inyo." Umiling siya at sinabing tama lamang ang aking ginawa. "Hindi porket ikaw ay bata, hindi mo na pwedeng sabihin ang nilalaman ng iyong isip at puso. Kung alam mong tama naman ang iyong opinyon, wag kang mahiyang isalaysay ito, maliwanag?" "Opo." "Tara na," alok ni Tiyo Pato. Nagpaalam na ako kay Nanay Badeth at sumunod na kay Tiyo, palabas. Sumakay kami sa isa pa naming sasakyan at pinaandar niya na ito pagkapasok ko. "Saan po tayo tutungo ngayon, Senyorita?" "Sa may paaralan lang po. Tapos po, pwede po muna kayong umuwi o gumala kung gusto ninyo. Balikan niyo na lamang po ako mamayang alas kwatro." "Sigurado po ba kayo riyan? Alam na po ba 'yan ng Nanay Badeth mo? Baka ikaw namay ay mapahamak." "Hindi po. Bata lang din po ang kikitain ko, Tiyo. Wag po kayong mag-alala." "Senyorita. Kaibigan lamang po ba talaga iyan? Kayo po ay siyam na taong gulang na. Alam niyo po ba, noong ako'y nasa ganyang edad katulad ninyo, aba'y! Ako ay may natitipuhan na rin. May aaminin ka po ba sa akin? Pangako hindi ko po ipagsasabi."  Hindi ko mawari kung ano ang nais na sabihin ni Tiyo. Iniisip niya bang kasintahan ko si Edgardo? "Hahaha! Naku po, Tiyo, hindi po. Kaibigan ko lamang po iyon. Kung mayroon man po akong dapat mapusuan, iyon ay ang itatadhana sa akin ng aking mga magulang. Wala akong panahon para pumili ng aking iibigin, sila ang may karapatan sa bagay na iyon," tugon ko. Hindi na ito kumibong muli. Tutal, malapit lang naman ang paaralan sa bahay namin, nakarating na kami kaagad. Lumabas si Tiyo at pinagbuksan ako ng pinto. Kinuha niya rin sa likod ng sasakyan 'yong mga dadalhin ko at nagpresinta siyang sasamahan ako kung saan ako maghihintay. "Hay. Nakakalungkot man, ngunit kaakibat ng pagiging marangya ang hindi malaya sa pagpili ng makakasama habangbuhay. Naua'y hindi ka matulad sa ibang pamilya na ipinagkakasundo ang mga anak nila upang madagdagan ang kanilang kayamanan. Huwag kang mag-alala, Senyorita, paniguradong kapag tumibok ang puso mo sa isang ginoo, sabihin mo lamang iyon sa mga magulang mo. Kapag napatunayan nilang tunay ang inyong pag-iibigan, sigurado akong hindi sila tututol, gayong, sa gano'n din sila nanggaling," mahaba nitong lintana. Ngumiti ako sapagkat masyado pa akong bata para sa gano'ng bagay. "Salamat po sa inyong payo, Tiyo Pato. Itatatak ko po iyan sa aking isipan. Dito na lamang po ninyo ilapag. Hihintayin ko po rito ang aking kaibigan." "Woah! Ang ganda pala rito at ang hangin. Mabuti na lamang at may dala kang sumbrero. Oh, siya, Senyorita, mag-iingat ka. Saktong alas kwatro kita susunduin dito." Tumango ako't kinawayan ko siya noong aalis na. "Mag-iingat din po kayo!" Noong hindi ko na matanaw pa si Tiyo, umupo na ako. Madamo naman ang lupa kaya hindi ako mamomroblema, hindi gaanong marurumihan ang aking suot. Isinanday ko ang aking ulo sa katawan ng puno. Kahit na pangalawang beses ko na rito, hanggang ngayon ay manghang-mangha pa rin ako sa tanawin. Puro palay, maaliwalas at banayad sa mata. Kung pwede lang sana, mas gugustuhin kong manirahan sa ganitong lugar kung saan dadampi ang sariwang hangin sa aking balat. Nakakantok... Matiyaga akong naghintay kay Edgardo. Inaliw ko ang sarili ko sa panonood sa ulap hanggang sa hindi ko na namalayan na mahigit dalawang oras na pala akong nakaupo. Tumayo muna ako't pinagpagan ang aking pwetan. Sinilip ko kung may tao na bang papunta rito ngunit bigo akong makakita ng kahit anong nilalang na may buhay. Bumalik na muli ako sa pagkakaupo. Siguro naman mamaya-maya ay darating na siya.  Huminga ako nang malalim, ikinalma ang sarili at iwinaksi ang mga negatibong pumapasok sa aking isipan. Upang mapanatag, pinagmasdan ko ang dala-dala kong regalo. "Darating si Edgardo," bulong ko sa hangin.  Ang segundo ay lumipas, ang minuto ay nalagas. Hindi ko alam kung bakit hinayaan ko ang sarili kong magpatianod sa antok ngunit hindi ko na maimulat ang aking mata. 'Gigisingin niya naman ako kapag dumating na siya...'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD