CHAPTER 1
KATHERINE
“Pagmamahal? May magmamahal pa ba sa akin?” ito ang paulit-ulit ko na tinatanong sa sarili ko. Ang tanong na hindi ko rin alam ang sagot.
Apat na taon na ang lumipas. At sa apat na taon na ‘yun ay pinagsisihan ko ang lahat ng hindi magandang ginawa ko sa anak at dati kong asawa. Ngayon ko napatunayan na tama nga talaga ang kasabihan. Saka mo lang malalaman ang halaga kapag wala na sa ‘yo.
Marami akong pinagsisihan sa buhay ko. Nasa madilim ako ng buhay ko noon at hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin ito. Hindi ko alam kung kaya ko pa bang maging masaya. Hindi ko alam kung magiging okay pa ba ako. Siguro ay kailangan ko ng tanggapin na kahit ano pa ang gawin ko ay tatanda na lang ako na mag-isa.
Si Reighn ang anak ko. Nasa US na siya at gusto ko rin na gawin na niya ang mga bagay na nais niya. Dahil ako, ako ang naging dahilan kaya naging malungkot ang childhood ng anak ko. Inalis ko sa kanya ang karapatan. Ang karapatan na maging masaya tulad ng ibang bata.
Dahil sa mali kong pag-iisip at paniniwala. Dahil sa galit at puot na nasa puso ko ay ang anak ko ang nagsuffer sa lahat ng iyon. Dahil sa hindi rin ako naging masaya noong bata ako. Kaya iyon rin ang ginawa ko sa anak ko.
“Ma’am, okay ka lang po ba?” tanong sa akin ng kasama ko dito sa garden.
“Okay lang ako–”
“May okay ba na umiiyak?” tanong pa niya sa akin kaya kinapa ko ang pisngi ko.
Basa nga ito, hindi dahil sa pawis kundi dahil sa luha. Umiiyak na naman pala ako ng hindi ko namalayan. Kaya pinunasan ko ang mga luha ko.
“Namiss ko lang ang anak ko,” sagot ko kay Nica.
“Nasa US po siya diba?” tanong niya sa akin.
“Oo, doon siya nag-aaral.”
“Baka puwede mo siyang puntahan po.”
“Gusto ko rin, pero hindi pa sa ngayon.” sabi ko sa kanya. Nahihiya akong magpakita sa anak ko.
Naalala ko pa ang araw na malapit na siyang umalis. Pinuntahan niya ako sa facilities. Nagpaalam siya sa akin at sinabi na pinapatawad na niya ako. Kay buti ng puso ng anak ko. Pero ako ang may problema dahil hindi ko pa napatawad ang sarili ko. Hindi ko kayang humarap sa anak ko dahil nahihiya ako sa kanya.
“Pasok po muna ako sa loob, Ma’am.” paalam sa akin ni Nica.
Ngumiti ako sa kanya. Nandito ako ngayon sa house garden ko. Noong nakalabas ako sa facilities ay binigyan ako ni Rachel ng lupa. Nahihiya nga akong tanggapin pero mapilit siya kaya tinanggap ko na. Noong nagpapagaling ako ay malaking tulong sa akin ang pagtatanim ng mga bulaklak at halaman. Kaya ngayon ay ito na ang naging business ko.
Hindi man ganun kalaki ang kita ay sapat na para maitaguyod ko ang lahat ng bills at pang-araw araw ko. Hindi na ako bumalik sa daddy ko dahil nais kong mabuhay ng maayos at malaya. Minsan ay pumupunta ang kapatid ko dito. Binibisita niya ako at masaya naman ako na sa kabila ng lahat ay ako pa rin ang ate niya kahit minsan tinataboy ko siya palayo sa akin.
Tumayo ako dahil may narinig ako na may tao. Nang silipin ko ay may isang matangkad na lalaki ang nakatayo sa labas ng gate. Naglakad naman ako papunta sa kanya.
“Good morning, Sir.” nakangiti na bati ko sa kanya pero hindi man lang siya nagsalita.
“How may I help you, Sir?” tanong ko sa kanya.
“Any recommendations for my mom. It’s a birthday gift,” sagot niya sa akin kaya nagulat ako sa buo ng boses niya.
“Okay, Sir. Pasok ka po, para po ipakita ko sa inyo ang mga magaganda namin bulaklak at mga tanim. Siguro ay mahilig po ang mommy mo sa halaman. Plantita po ba siya?” tanong ko sa kanya.
“Plantita?” kunot noo na tanong niya na para bang ngayon lang niya narinig ang salitang ‘yon.
“Tawag po nila sa mga mahilig magtanim ng halaman,” sagot ko sa kanya.
“Pwede bang ipakita mo na sa akin ang pinakamaganda dito. You’re wasting my time sa mga kung anu-anong sinasabi mo,” masungit na sabi niya sa akin kaya nagulat ako sa attitude niya.
“Okay po,” sabi ko na lang at pinakita na sa kanya ang mga magaganda at mahal naming halaman.
“How much for that one?” tanong niya sa akin.
“One thousand five hundred, Sir.” sagot ko sa kanya.
“Dalawa niyan,” sagot niya sa akin.
“Okay po, aayusin ko na po agad.” sabi ko sa kanya at nagmadali kong binuhat ang halaman na napili niya.
Habang ginagawa ko ang halaman niya ay nakatingin lang siya sa akin. Sa tingin ko ay bata pa siya. Nasa 30’s pa lang siguro siya. Gwapo, matangkad at mukhang mayaman. Original kasi ang suot niyang relo.
“Ito na po, Sir.” sabi ko sa kanya.
Nilapag naman niya ang bayad niya. Nagtataka ako kung bait limang libo ang iniwan niya. Ang bilis naman niyang kumilos. Nakalabas na agad siya. Nagmamadali naman akong lumapit sa kanya dahil kailangan kong ibalik ang sobra. Baka kasi hindi niya napansin ang binayad niya.
“Sir, wait po!”
“Why?” tanong niya sa akin habang nakakunot ang noo niya.
“Sobra po ang bayad mo,” sabi ko sa kanya.
“Alam ko,” sabi pa niya.
“Po?” nagtataka na tanong ko sa kanya.
“Just keep it,” sabi niya bago siya pumasok sa loob ng kotse niya.
“Thank you so much, Sir. Kapag po may gusto pa kayong halaman o bulaklak ay bumalik ka lang po dito. Ingat po kayo,” sabi ko sa kanya habang nakangiti ako.
Pinaharorot na niya agad ang sasakyan niya. Gwapo sana siya pero masungit naman. Siguro ganun talaga kapag sa ganoong edad. Hinayaan ko na lang siya at pumasok na ulit ako sa loob. Binigay ko kay Nica ang tip na nakuha namin. Buong araw akong nagtanim. At nang sumapit na ang gabi ay binuksan ko ang mga ilaw dito sa garden. Dito ako tumatambay kapag hindi pa ako inaantok.
Habang nakahiga ako dito sa bermuda grass ay nakatingin ako sa langit. May mga bituin ay may buwan rin. Sa loob ng apat na taon ay nasanay na ako na ganito palagi. Pumikit ako dahil gusto kong humiling sa mga bituin. Ginagawa ko ito noong bata ako kahit pa wala namang natupad sa mga hiniling ko. Pero ngayon ay gusto ko ulit humiling. Gusto ko ulit subukan.
“Gusto kong maging masaya!” tumulo ang luha ko habang sinasambit ang mga salitang ito.