Chapter 1
Gado POV
NAALIMPUNGATAN ako sa tunog ng cellphone ko. Nakapikit na dinampot ko ang cellphone. Inaantok na dinilat ko ang mga mata para tingnan kung sino ang tumatawag. Napaungol ako ng makita ang pangalan ng dating kasintahan. Pinindot ko ang pulang button at muling nilapag sa night stand ang cellphone. Wala akong panahon ngayon sa pangungulit nya. Pagod ako at antok na antok pa dahil mahigit beinte kwatro oras akong nasa duty at nag buy bus operation pa kami kanina.
Muling tumunog ang cellphone ko. Hinayaan ko lang yung magring. Pero makulit ang tumatawag.
Muli kong dinampot ang cellphone at pinindot ang green button. Tinapat ko ang cellphone sa tenga.
"Hello Sophie. Ano bang kailangan mo? Dis oras na ng gabi at naiistorbo mo na ang tulog ko." Inis na sabi ko sa kabilang linya habang nakapikit ang mga mata.
"G-Gado tulungan mo ko please."
"Ano?"
"T-Tulungan mo ko Gado parang awa mo na. P-Papatayin nya ko p-please.. p-parang awa mo na -- ay!"
Napabalikwas ako ng bangon ng marinig ang tili ni Sophie sa kabilang linya. Nawala ang antok ko at napalitan ng pag aalala.
"Sohie anong nangyayari?" Tanong ko.
Pero walang sumasagot sa kabilang.
"Sophie. Sophie sumagot ka."
Tumayo na ako at mabilis na sinuot ang pantalon na hinubad kanina habang nakaipit ang cellphone sa pagitan ng balikat at tenga. Wala pa ring sumasagot sa kabilang linya pero bago maputol ito ay narinig kong muli ang tili ni Sophie kasabay ng putok ng baril.
"Sophie!"
Binaba ko na ang cellphone at mabilis na ring sinuot ang t-shirt na itim at combat shoes. Kinuha ko ang baril sa drawer ng night stand at basta na lang sinuksok sa bewang. Patakbo akong lumabas ng bahay at sumakay sa aking motorsiklo at mabilis na itong pinaharurot.
Wala pang sampung minuto ay narating ko na ang bahay ni Sophie. Agad akong bumaba ng motor. Hinugot ko ang baril at kinasa. Tahimik ang bahay ni Sophie na bungalow ang style. Pero walang ilaw sa loob. Tinungo ko ang nakasaradong gate. Hindi ito nakalock. Binuksan ko ito at tahimik na pumasok. Alerto ako sa paligid dahil ramdam kong may panganib.
Binuksan ko ang pinto na hindi naman nakalock. Madilim sa loob ng bahay. Pero hindi na ako nag abalang buksan ang ilaw para hindi ako agad makita ng kung sino mang nanloob. Kabisado ko naman ang loob ng bahay dahil ilang beses na akong nakapasok dito noong kami pa ni Sophie.
Tinalasan ko ang paningin sa loob ng madilim na bahay at nakiramdam. Ng wala akong makitang kakaiba ay patakbo kong tinungo ang kwarto ni Sophie. Pinihit ko ang doorknob ng nakasaradong pinto at binuksan ito. Sumalubong sa akin ang kadimilan ng kwarto. Kinapa ko ang switch ng ilaw na nasa gilid ng pinto at pinindot ito. Bumaha ang liwanag at tumambad sa akin ang duguang katawan ni Sophie na nasa sahig.
"Sophie!" Nilapitan ko ang dating kasintahan. Malakas ang kabog ng dibdib ko.
"Sophie. Sophie." Tinapik tapik ko ang pisngi ng dating kasintahan at nilapat ang dalawang daliri sa leeg nya. Ng wala ako maramdamang pulso ay ang wrist naman nya ang hinawakan ko. Wala rin itong pulso.
Tila ako biglang nanghina at nanikip ang aking dibdib. Patay na sya bagama't mainit pa rin ang kanyang katawan. Siguradong hindi pa nakakalayo ang pumaslang sa kanya.
"Anong ginawa mo sa nobya ko!?"
Lumingon ako sa pintuan. Nakatayo si Congressman Oscar Tolentino, ang nobyo ni Sophie at nakaguhit sa kanyang mukha ang pagkagimbal habang nakatingin sa duguang katawan ni Sophie. Lumapit sya kay Sophie at kinalong ang duguang katawan nito. Nagsipasukan na rin ang mga tauhan ng congressman. Nakaramdam ako ng kakaiba na parang may mali.
"Sophie babe, wake up I'm here." Tinapik tapik nya sa pisngi si Sophie na gaya ng ginawa ko kanina para magising ito. Pero hindi na ito gumagalaw dahil wala ng buhay.
"Wala na sya congressman. Patay na sya." Sambit ko at tumayo.
Bumaling sa akin ang galit na mukha ng congressman. "Hayup ka Inspector Feuntez! Pinatay mo si Sophie!"
"Nagkakamali ka congressman. Hindi ako ang pumatay kay Sophie. Naabutan ko na syang walang buhay at duguan."
"Sinungaling! Huling huli ka na sa akto nagdedeny ka pa. Binaril mo ang nobya ko!"
Umiling iling ako. Bumangon na rin ang galit sa aking dibdib dahil sa maling bintang nya. "Maghinay hinay ka sa pambibintang congressman. Wala kang ebidensya. Hindi ako ang pumatay kay Sophie."
Tumingin sya sa hawak kong baril at ngumisi. "Sa presinto ka na magpaliwanag Inspector Fuentez sa harap ng mga seniors mo. Itali nyo sya at dalhin sa presinto!" Utos nya sa mga tauhan.
Lumapit sa akin ang mga tauhan ng congressman. Hinawakan ako ng isa sa balikat pero pumiglas ako at inundayan sya ng suntok. May isa pang tauhan ang humawak sa isa kong kamay at inagaw ang baril kong hawak. Sa loob ng kwarto ay nagpambuno kami ng mga tauhan ng congressman. Pero sa bandang huli ay napatumba nila ako dahil sa dami ng bilang nila. Ang isang malaking lalaki ay binigyan ako ng malakas na bigwas sa sikmura at tuluyang nagdilim ang aking paningin..
"Inspector Fuentez totoo ba ang bintang ni Congressman Tolentino na ikaw ang pumatay sa nobya nya?"
"May galit ka raw kay Sophie Regalado dahil hiniwalayan ka nya."
"Inspector Fuentez ano hong masasabi nyo sa mga paratang sa inyo?"
Sunod sunod ang mga katanungan na binibigay sa akin ng mga reporter habang ine-scort-an ako ng mga kapwa ko pulis papasok ng korte. Pero isa sa mga katanungan nila ay wala akong sinagot. Mali ang lahat ng mga pinaparatang sa akin ni Congressman Tolentino. Wala akong kinalaman sa pagpatay kay Sophie. Pero malakas ang kutob ko na sya ang may kinalaman sa lahat..
Naalimpungatan ako sa mainit na bagay na dumadampi sa aking pisngi. Dinilat ko ang mga mata. Tumambad sa akin ang mukha ng alaga kong aspin na si Balat. Balat ang pinangalan ko sa kanya dahil kulay brown sya pero itim ang nguso. Iniwas ko ang mukha at hinawakan ang nguso nya dahil patuloy pa rin nya akong dinidilaan.
"Oo na tatayo na." Inaantok na sabi ko at bumangon na.
Humikab ako at nag inat. Lumapit ako sa bintana at hinawi ang kurtina. Binuksan ko na rin ang salaming bintana. Medyo nasilaw pa ako sa sinag ng araw na tumama sa akin.
Nilingon ko si Balat na nagtatahol na sa aking tabi at kumakawag ang buntot habang nakatingala sa akin. Ngumisi ako at hinaplos ang kanyang ulo.
"Gutom ka na ba?"
Tila nakakaintinding tumahol sya.
"Gutom ka na nga. Sandali lang."
Pumasok muna ako sa banyo at nagmumog ng mouthwash at naghilamos. Ng matapos ay hinablot ko ang towelette at dinampi dampi sa basang mukha. Tumingin ako sa salamin. Medyo kumakapal na ang balbas at bigote ko pero hindi pa schedule para i-trim ko ito.
Bumuntong hininga ako habang nakatingin pa rin sa sarili sa salamin. Pitong taon na ang nakakaraan pero paminsan minsan ay bumabalik sa panaginip ko ang pangit na nakaraan na yun. Bagama't nalampasan ko na ang pagsubok na yun ay para rin yung peklat na habambuhay ng nakatatak sa aking pagkatao.
Umalis na ako sa harap ng salamin at lumabas na ng banyo. Matiyagang naghihintay sa akin si Balat. Kumuha ako ng sando sa closet at sinuot. Lumabas na ako ng kwarto kasunod si Balat at dumiretso sa kusina. Una kong pinaghanda ng pagkain ni Balat at ibinigay sa kanya saka ako nag init ng tubig para sa pang kape ko. Habang hinihintay kong kumulo ang tubig sa takore ay lumabas ako sa likod ng bahay at naglambaras ako sa metal rod na nakabitin sa pagitan ng dalawang malaking sanga ng mangga.
Tuwing umaga ay nakaugalian ko ng mag ehersisyo kahit ilang minuto lang. Kahit sa barracks sa mansion ng mga Andrada ay nag e-ehersisyo din ako pagkagising sa umaga. Nakaugalian ko na yun mula pa noong nag aaral pa lang ako ng criminology. Parang hindi buo ang araw ko at mabigat ang aking katawan kapag hindi ako nakakapag ehersisyo. Isa pa ay kailangan ko ring panatilihing malusog at malakas ang aking katawan dahil hindi na ako bumabata. Nasa edad treinta y singko na ako. At sa ganitong edad ay marami ng sakit na pwedeng dumapo kung hindi aalagaan ang sarili. Sa kabutihang palad ay wala pa naman akong mga sakit na nararamdaman. Bukod sa alaga ko ang sarili ay regular din ang check up ko.
"Gado."
Nilingon ko ang pamilyar na boses na tumawag sa akin. Bumaba ako mula sa pagkakalambitin sa metal rod ng makita si Tiyang Lupe na may dalang basket. Pinsang buo sya ng aking yumao ng inay. Kasama nya ang pinsan kong si Eddie na humihikab pa at nagkakamot sa bilugang tiyan.
"Magandang umaga ho Tiyang Lupe, Eddie." Bati ko sa tiyahin at pinsan.
"Magandang umaga din Gado. Tamang tama at gising ka na. May dala akong nilupak at adobong itik. Kagabi pa kita hinihintay umuwi para dalhan ng pagkain pero anong oras na wala ka pa? Teka anong oras ka ba dumating kagabi?"
"Pasado alas dose na ho tiyang." Sabi ko at nagmanong sa tiyahin. Nagtapikan naman kami sa braso ni Eddie.
"Aba'y ginabi ka na pala masyado."
"May pinuntahan pa ho kasi kami ng boss ko."
"Ay ganun ba. Ang mabuti pa sa loob na tayo magkwentuhan habang nagkakape." Nauna ng pumasok sa loob ng bahay si Tiyang Lupe. Sumunod naman kami ni Eddie.
"Wala ka pa ring pinagbago insan. Astigin ka pa rin. Ang lalaki at ang titigas pa rin ng mga masel mo o. Sanaol!" Sambit ni Eddie at kunwaring sinusuntok ang mamasel kong braso.
Nginisihan ko sya. "Mag work out ka rin kasi at huwag mong araw arawin ang alak. Lalo lang lumalaki ang tiyan mo."
"Sige nga Gado, pagsabihan mo yang pinsan mo. Ayaw makinig sa amin ng itang nya. Akala siguro nya ay may magandang idudulot sa katawan ang alak. Hindi pa nya nararamdaman ngayon pero balang araw marami syang iindahing masakit sa katawan." Pasermon na saad ni Tiyang Amparo na naging abala na sa kusina ko. Sya na ang nagpatay ng kalan dahil kumukulo na ang takore.
"O makinig ka kay tiyang."
"Hindi naman na ako madalas uminom insan. Minsanan na lang. Minsan nga isang beses na lang sa isang linggo."
"Oo isang beses na lang sa isang linggo pero magdamag." Dugtong pa ni Tiyang Lupe.
"Ikaw talaga." Pabirong binatukan ko si Eddie na kakamot kamot na lang sa ulo. Matanda ako sa kanya ng isang taon. Magkapatid na ang turingan naming dalawa.
"Kamusta ka naman sa pinagtatrabahuan mo iho? Wala ka pa bang napupusuang dalaga?" Tanong ni Tiyang Lupe sa gitna ng pagaalmusal namin. Sinangag at adobong itik ang agahan namin at nilupak
Hinigop ko muna ang mainit kong kape bago sumagot. "Wala pa ho tiyang. Wala pa sa isip ko yan."
"Aba'y kelan mo pa iisipin yan? Treinta y singko ka na Gado. Huwag mong sabihing magpapakatandang lalaki ka. Aba'y huwag mo naman sayangin ang gandang lalaki mo. Maraming mga babae dyan ang nagkakandarapa sayo. Sayang itong bahay na iniwan sayo ng itay at inay mo kung walang pamilya ang titira."
Ngumisi lang ako sa sinabi ni Tiyang Lupe. Matagal na nya akong tinutulak na mag asawa dahil wala na raw ako sa kalendaryo. Pero gaya nga ng sinabi ko ay wala pa yun sa isip ko na sya namang totoo. Kontento na akong mag isa kahit sa pagtanda pa.
Maraming babae ang nagpapapansin sa akin pero wala akong interes sa kanila. Pero hindi naman ibig sabihin nun ay santo na ako. Lalaki pa rin naman ako na may pangangailangan rin.
Ng matapos kaming mag almusal ay bumalik na si Tiyang Lupe sa bahay nila na hindi naman kalayuan dito sa bahay ko. Kami naman ni Eddie ay nagkwentuhan pa. Sabay na kaming pupunta sa bukid mamaya.
Bukod sa bahay na iniwan sa akin ng itay at inay ko ay iniwan din nila sa akin ang malawak na lupain na pinapataniman ko mga gulay. Si Tiyang Lupe, Tiyong Kano at Eddie ang katiwala ko roon. Maganda ang lupa kaya malulusog ang mga tinatanim doong gulay na binabagsak nila Tiyang Lupe sa mga palengke. Ang porsyentong nakukuha ko sa kita ay nilalagay ko sa bangko.
Marami ang gustong bilhin ang lupang iniwan sa akin ng mga magulang ko para patayuan ng commercial building pero tinatanggihan ko silang lahat. Wala akong balak ibenta ang lupa kahit gaano pa kalaking halaga ang i-offer nila. Bukod sa lupa na pinagkukunan ko ng extra income ay may apartment din ako sa bayan na pinapaupahan ko at dalawang motor parts shop. Kung tutuusin pwede na akong huminto sa pagtatrabaho sa mga Andrada. Pero nag eenjoy pa ako sa ginagawa at pakiramdam ko ay kulang pa ang ginagawa kong pagsisilbi sa kanila kapalit ng malaking utang na loob ko sa kanila lalo na kay Senyor Melchor na syang tumulong sa akin na malinis ang pangalan ko noon.
*****