Prologue
***Mira POV***
ten years ago..
"MA, anong ulam?" Malamyang tanong ko kay mama pagpasok ko ng kusina.
Naabutan ko si mama na nasa harap ng lababo at naghuhugas ng kawali at kaldero. Lumingon sya sa akin.
"Mira anak, gising ka na pala." Sambit ni mama at pinagpag ang basang kamay sabay punas sa malinis na basahan na nakasabit sa handle ng ref. Lumapit sya sa akin at hinipo ang noo at leeg ko.
"Naku, mainit init ka na naman anak."
Ngumuso ako at kumamot sa pisngi. "Mama, nagugutom po ako."
"O sige, kakain ka na. Tamang tama, bumili ang papa mo ng paborito mong fried chicken. Sandali, maghahain lang ako, anak." Tumalikod na si mama at lumapit sa platuhan. Kumuha sya ng malinis na plato at kutsara.
Umupo naman ako sa mesa at hinintay na maghain si mama. Tumingin ako sa bintana ng marinig ko ang mga pinsan kong sila Badet na naglalaro sa labas. Gusto ko ng maglaro. Pero ang sabi ni mama ay bawal pa akong maglaro dahil may lagnat pa ako. Saka na lang daw kapag magaling na ako.
"O heto na ang pagkain mo, anak." Nilapag ni mama sa harapan ko ang plato ng kanin at platito na may dalawang hita ng fried chicken at ketchup.
Natakam ako kaya agad kong dinampot ang isang hita sabay kagat. Masarap talaga ang fried chicken na binibili ni papa sa kabilang kanto.
"Kain lang ng kain, anak. Pagkatapos mong kumain iinom ka ng gamot."
Sumimangot ako habang ngumunguya. "Ayoko na pong uminom ng gamot, mama. Ang paet paet po, eh." Reklamo ko.
"Aba'y hindi pwede, anak. Paano ka gagaling sa lagnat mo kung di ka iinom ng gamot."
"Ang tagal ko naman pong gumaling. Mamamatay na po ba ako, mama?"
"Susmaryosep ka, anak! Huwag mong sasabihin yan. Hindi ka mamamatay sa lagnat mo."
Ngumuso ako sabay kagat ulit sa hita ng manok. "Tagal ko po kasing gumaling eh. Di na po ako nakakapaglaro. Laro na po ako mamaya, mama."
"Hindi pa nga pwede anak dahil may sakit ka pa."
Lalo lang nanghaba ang nguso ko sa sinabi ni mama. Parang gusto ko nang umiyak dahil ayaw nya akong paglaruin.
"O, bakit parang nagtatalo na naman kayong mag ina."
Nakangusong nilingon ko si papa na pumasok sa kusina. Kasunod nya sila Kuya Felix at Kuya Dany na mga pawisan. Siguradong naglaro sila ng basketball. Buti pa sila pwedeng maglaro. Ako hinde.
"Ito kasing bunso mo. Gusto nang maglaro. Ang sabi ko ay hindi pa pwede dahil may sakit pa sya." Ani mama.
"Sya nga naman bunso. Saka ka na maglaro kapag magaling ka na." Wika ni papa na lumapit sa akin sabay hawak sa noo at leeg ko.
"O, mainit na naman sya?"
"Oo, kaya nga paiinumin ko sya ulit ng gamot pagkatapos nyang kumain."
"Ibalik kaya ulit natin sya sa doctor. Baka hindi epektibo ang mga gamot na nireseta sa kanya."
Bumuntong hininga si mama. "Nakadalawang balik na tayo doon, Lauro. Pero pinapalitan lang niya ang gamot. Ganun pa rin naman. Pabalik balik pa rin ang lagnat nya."
Lumungkot ang mukha ni papa. "Bakit kaya pabalik balik ang lagnat nya. Normal naman ang mga lab test nya."
"Ang mabuti pa ay dalhin na natin sya mamaya kay Ka Tureng."
Tumingin ako kay mama ng banggitin nya si Ka Tureng. Ang matandang manggagamot at manghihilot.
"At bakit naman natin sya dadalhin kay Ka Tureng?"
"Para mapatawas. Baka kasi napaglaruan sya ng mababait. Alam mo namang mahilig itong anak mong maglaro dyan sa may kawayanan."
"Ay sos, Valen. Nagpapaniwala ka sa mga ganyan. Hindi totoo ang mga ganyan. Ang mabuti pa dalhin na lang natin sa ibang doctor si bunso. Baka hindi na sya hiyang sa doctor nya."
"Pwede naman nating gawin yan bukas. Pero dalhin muna natin sya kay Ka Tureng." Giit pa ni mama sabay agaw ng hita ng manok sa kamay ni Kuya Dany at binalik sa plato ko.
"Ma, gusto ko rin ng fried chicken." Nakangusong sabi ni Kuya Dany.
"Nakain mo na yung parte mo. Sa kapatid mo na yan."
"Eh bakit sa kanya dalawa?"
"Syempre may sakit si bunso. Kung gusto mong dalawa ang fried chicken mo, magkasakit ka din." Sabat ni Kuya Felix.
"Sana magkasakit ako bukas." Sambit ni Kuya Dany.
"Kuh! Tumigil ka nga, Dany. Ito ngang kapatid mo gusto ng gumaling para makapaglaro tapos ikaw gusto mong magkasakit." Sermon ni mama.
Napanguso na lang si Kuya Dany at hindi na sumagot. Pumilas na lang sya ng saging at yun na lang ang kinain.
"Basta, hindi ako pumapayag na dalhin mo si bunso kay Ka Tureng. Baka mapasama lang lalo ang kalagayan nya sa matandang yun." Wika ni papa.
"Ano ka ba naman, Lauro. Magaling na manggagamot si Ka Tureng. Wala pa syang ginamot na napasama ang lagay. Lahat ng ginagamot nya ay gumagaling."
"Sos! Bilib na bilib ka naman sa kanya."
"Ewan ko sayo, Lauro. Basta dadalhin ko mamaya si Mira kay Ka Tureng sa ayaw at sa gusto mo."
Inis na kumamot sa ulo si papa. "Kuh! Bahala ka! Pero kapag may nangyaring hindi maganda dyan sa bunso ko, sinasabi ko sayo Valen."
Nandilat ang mata ni mama at namaywang sya. Galit na sya kay papa.
"Pinagbabantaan mo ba ako, Lauro?"
"Ang sa akin lang, kapag may nangyari hindi maganda sa bunso ko dahil sa matandang yun, humanda sya sa akin. Ipakukulong ko sya."
Napakamot na rin si mama sa ulo sa inis nya kay papa "Lumabas ka na nga lang muna, Lauro. Ako'y nayayamot na sayo."
Tumingin sa akin si papa at hinaplos ang buhok ko. "Magpapagaling ka bunso, ha. Nangangayayat ka na, o. Sa labas muna si papa. Titingnan ko lang ang mga baboy natin."
Tumalikod na si papa at lumabas ng kusina. Ganun sya lagi kapag nagtatalo sila ni mama. Lumalabas sya ng bahay. Kapag hindi kasi sya lumabas lalong maiinis sa kanya si mama.
"Mira anak, tapusin mo na yang pagkain ko para makainom ka na ng gamot."
Tumango lang ako kay mama at tinuloy na ang pagkain. Binitawan ko na ang kutsara at kinamay ko na lang ang kanin.
"O, kayong dalawa. Magsiligo na kayo at ang aasim nyo na." Utos ni mama sa dalawa kong kuya na inubos na ang isang piling ng saging.
"Mamaya na po, ma. Di pa po kami tapos mag basketball eh." Sagot ni Kuya Felix.
"Tama na yang basketball nyo at magsiligo na kayo dahil ang babaho na ninyo. Tatamaan na kayo sa akin eh!" Galit nang bulyaw ni mama sa dalawa kong kuya na napakamot na lang sa ulo.
Tumawa naman ako. Mabuti na lang may sakit ako. Hindi ako pipilitin ni mama na maligo.
--
Nakahawak ako sa braso ni papa habang kaharap namin si Ka Tureng. May hawak syang kandila at pinapatak nya yun sa malaking kawali na may tubig at dahon. Patingin tingin din sya sa akin.
Matandang babae si Ka Tureng na maraming puting buhok. Marami din syang kulubot sa mukha. Nakakatakot si Ka Tureng dahil mukha syang mangkukulam. Pero hindi sya mangkukulam at mabait sya. Pinapayagan nga nya kami nila Badet na manguha ng sinegwelas sa likod ng bahay nya.
"Kamusta ho, Ka Tureng?" Tanong ni mama ng patayin na ni Ka Tureng ang kandila.
"Natipuhan ng mabait ang anak mo, Valen." Ani Ka Tureng at tinuro ang namuong kandila sa tubig na nasa kawa.
Hindi ko naman maintindihan ang hugis nun. Parang hugis ulap lang.
"Natipuhan? Ano hong ibig nyong sabihin Ka Tureng? Nagustuhan ng duwende si Mira?" Sunod sunod na tanong ni mama.
"Oo. Nakatuwaan sya, Valen. Pero huwag kang mag alaala. Puting duwende yun at mabait naman. Mag alay na lang kayo ng mga pagkaing matatamis sa may kawayanan dahil doon sya nakatira."
"Naku! Sinasabi ko na nga ba eh. Ke hilig kasi ng batang ere na maglaro sa kawayanan." Saad ni mama.
"Kapag ba ginawa namin yan ay siguradong gagaling na ang bunso ko, Ka Tureng?" Tanong ni papa na parang hindi naniniwala kay Ka Tureng.
"Pihado yan, Lauro. Kaya pabalik balik ang lagnat ni Mira dahil pinagkakatuwaan sya. Mag alay lang kayo ng matatamis na pagkain gaya ng kendi at kakanin at dasal na rin. Alas singko mamayang hapon nyo gawin."
"Sige ho, Ka Tureng, gagawin namin yan mamaya." Wika ni mama.
Napatingin ako kay papa ng ngumisi sya at umiling iling.
"O bakit Lauro? Nagdududa ka pa rin ba sa akin?" Tanong ni Ka Tureng.
"Kuh! Hindi kasi naniniwala sa tawas yan, Ka Tureng. Ayaw pa nga nyang dalhin dito si Mira. Pinilit ko lang." Tugon ni mama.
Ngumisi si Ka Tureng. "Hanggang ngayon nagdududa ka pa rin sa akin. Eh hindi ba't nahulaan kong may babae ka noon. Nahulaan ko rin kung saan kayo nagkikita at nahuli kayo ni Valen sa sabungan."
"Oo nga!" Segunda ni mama na masama na ang tingin kay papa.
"O, bakit sa akin na napunta ang usapan? Matagal na yun, ah! Saka di na kami nagkikita nung babae." Wika ni papa.
Pinandilatan ng mata ni mama si papa. "Siguraduhin mo lang, Lauro. Naku, sinasabi ko sayo. Alalahanin mo may babae kang anak."
Napakamot na lang sa ulo si papa at hindi na sumabat. Natawa naman ako dahil takot sya kay mama.
"Huwag kang mag alala, Valen. Hindi na yan sila nagkikita dahil nasa malayong lugar na ang babae. Nasa parteng visayas na." Saad ni Ka Tureng.
"Paano nyo nalaman?" Tanong ni papa.
"Syempre! Hindi lang ako manggagamot kundi manghuhula din."
Sumimangot si papa. "Tsumamba lang kayo."
Pinalo ni mama sa braso si papa. "Tumahimik ka na nga." Asik ni mama.
"Halika ka, Mira. Lumapit ka sa akin." Tawag sa akin ni Ka Tureng.
Tumayo naman ako at lumapit sa matanda. Pinaupo nya ako sa upuan na plastic at may pinahid na langis sa braso ko saka nya ako hinilot. Napapangiwi pa ako dahil masakit. Panay din ang dighay ni Ka Tureng.
Nang matapos akong hilutin ni Ka Tureng ay uminit ang pakiramdam ko. Parang lumakas din ako at pwede na akong maglaro.
"Nakikita ko dito kay Mira, maagang mabubuntis." Wika ni Ka Tureng habang nililigpit na ang langis na ginamit.
"Ho?" Bulalas ni mama.
"Hindi magandang biro yan Ka Tureng." Wika naman ni papa.
"Aba'y hindi ako nagbibiro, Lauro. Yun ang nakikita ko. Mabubuntis sya ng lalaking mayaman at may lahing banyaga."
"Nakow! Tama na nga ho yang hula hula nyo. Hindi mabubuntis ng maaga ang bunso ko. Tayo na nga at umuwi na!" Ani papa at hinawakan ako sa kamay.
"Maraming salamat ho, Ka Tureng. Pagpasensyahan nyo na rin ho si Lauro." Dinig kong sabi ni mama.
"Kuh! Sanay na ako dyan sa asawa mo. Takot lang yan sa sarili nyang multo. O sya, umuwi na kayo. Basta huwag nyong kalimutan mag alay mamaya at magdasal."
"Oho. Bukas ho ay dadalhan ko kayo dito ng kakanin."
"Salamat."
Lumabas na kami ng bahay ni Ka Tureng at naglakad na pauwi ng bahay. Pero si papa ay maingay habang nasa daan kami. Naiinis sya sa sinabi ni Ka Tureng kanina. Sinasaway na nga lang sya ni mama dahil nakakahiya sa mga nakakasalubong namin.
"Basta Mira anak, ha. Huwag kang magpapaligaw. Umiwas iwas ka sa mga lalaki." Baling sa akin ni papa.
"Bakit po, papa?" Naguguluhang tanong ko.
"Basta sundin mo na lang si papa. Umiwas ka sa mga lalaki."
"Kahit po kanila Kuya Felix at Kuya Dany?"
"Maliban lang sa mga kuya mo at mga pinsan mo. Umiwas ka sa mga lalaking hindi natin kaano ano."
"O, akala ko ba hindi ka naniniwala kay Ka Tureng?" Tanong ni mama.
"Pinag iingat ko lang ang anak natin, Valen. Mahirap na."
"Sus! Takot ka lang sa sarili mong multo, Lauro."
Hinayaan ko na lang na magtalo si mama at papa nang mapadaan kami sa mga batang kapitbahay namin na naglalaro. Tinatawag nila ako at niyayayang maglaro pero hindi naman ako makalapit sa kanila dahil bawal pa akong maglaro.
*****