Prologue
"PAGLAKI ko Ate Stacey gusto ko maging teacher. Tuturuan ko ang mga bata sa bundok na magsulat at magbasa." Wika ng batang si Floreza habang gumagawa sya ng kanyang assignment.
"Ako naman gusto kong maging negosyante. Para mabilis akong yumaman. Ipagtatayo ko si tatay at si nanay ng malaking bahay. Para hindi na sila laging umaakyat sa bundok at hindi na sila inaaway ni Ka Mando." Saad naman ng batang si Stacey.
Nag apiran pa ang magkapatid at sabay pang tumawa. Sa mura nilang edad at isip ay punong puno na sila ng pangarap. Pangarap na kanilang tutuparin sa kanilang paglaki.
Natigilan ang dalawang bata ng humahangos na pumasok sa kwarto ang kanilang ina.
"Mga anak, magsikilos kayo. Ligpitin nyo na yang mga gamit nyo at aalis tayo." Ani Digna sa dalawang anak at nagmamadaling kumilos. Binuksan nya ang cabinet at naglagay ng ilang pirasong damit sa bag.
Nagtinginan naman ang magkapatid na Floreza at Stacey.
"Ano pang tinatanga nyo dyan? Kilos na!"
Agad namang tumalima ang dalawang magkapatid. Niligpit na nila ang kanilang mga gamit sa eskwela.
"Saan po tayo pupunta nay?" Tanong ni Stacey.
"Basta, huwag nang maraming tanong. Halina kayo." Sinukbit ni Digna ang bag sa balikat at hinawakan na nya ang dalawang kamay ng dalawang anak at dali dali na silang lumabas ng kwarto.
"Bilisan nyo! Sumakay na kayo!" Utos ni Celso sa asawa at dalawang anak.
Una namang pinasakay ni Digna si Stacey at Floreza sa likuran ng owner type jeep saka sya sumakay. Sumakay na rin ang kapatid ni Celso na si Cesar sa unahan ng sasakyan.
Nang makasakay na ang lahat ay pinaandar na ni Celso ang sasakyan at pinasibad na..
Mahigpit ang yakap ng dalawang batang si Stacey at Floreza sa kanilang ina habang humahagibis ang takbo ng owner type jeep sa bako bakong kalsada. Lumulundag ang kanilang pwetan sa tuwing madadaan ang gulong ng sasakyan sa lubak. May humahabol sa kanilang itim na sasakyan
"Celso, bilisan mo malapit na nila tayong maabutan."
"Heto na nga at halos paliparin ko na ang sasakyan."
"Hindi nila tayo pwedeng maabutan Celso. Buhay natin ang magiging kapalit sa pagtiwalag natin sa grupo."
"Alam ko yan Digna."
Lumingon si Floreza sa sasakyang humahabol sa kanila. Nakita nya ang kumikislap na dulo ng baril.
"Nay, may baril pong nakatutok sa atin."
Napalingon din si Digna sa sinabi ng anak at nanlaki ang kanyang mata. "Jusko Celso! Babarilin nila tayo."
Malutong na napamura si Celso at tumingin sa side mirror ng jeep. "Kumapit kayong mabuti."
"Mga anak, yumakap kayo sa akin ng mahigpit. Huwag kayong bibitaw."
Yumakap naman nang mahigpit si Floreza at Stacey sa kanilang ina. Lalo pang tumulin ang sasakyan nilang lulan na halos ay lumipad na.
"Kuya, ipasok mo sa masukal. Tapos ay doon tayo bumaba para makapagtago." Suhestiyon naman ni Cesar.
"Sige, mabuti pa nga. Siguradong hindi nila tayo bubuhayin."
Kinabig ni Celso ang manibela ng sasakyan pakanan para ipasok sa masukal na kagubatan. Ngunit hindi pa nakakaisang metro ang takbo ay umalingawngaw na ang putok ng baril. Nag iyakan na ang magkapatid na Stacey at Floreza habang mahigpit ang kanilang yakap sa kanilang ina. Tumulin pa lalo ang patakbo ni Celso sa sasakyan. Ngunit sa kasamaang palad ay tinamaan ng bala ang gulong nito at naging mabuway ang takbo ng sasakyan. Wala na rin sa direksyon ang takbo nito hanggang sa tuntunin nito ang bangin.
Niyakap ni Digna ng mahigpit ang kaniyang dalawang anak habang umiiyak at umuusal ng dasal..
*****