Ikalimang Basket

3077 คำ
NAPANGITI na lamang si Rommel Alfante dahil sa ginawa sa kanya ni Baltazar. Aaminin niyang magaling ang ginawa nitong crossover sa kanya at bahagya siyang hindi natuwa roon, pero hindi doon natatapos ang laro. “Hindi pa tapos ang oras,” sambit ni Rommel at narating na niya ang side nila. Nagsimula na rin siyang dikitan ng kanyang defender na gustong-gustong maagaw kaagad sa kanya ang bola. Si Baltazar naman ay mabilis na nagpokus sa bola na pinapatalbog ni Alfante. Nakatatak pa rin sa kanyang isip ang ginawa niya kanina. Hindi nga maipagkakaila na napalaki nito ang kanyang kompyansa sa paglalaro nang sandaling iyon. “Kayang-kaya ko na ikaw Rommel Alfante,” sambit niya sa sarili at nang matantya na niya ang galaw ng bola sa mga kamay ng kanyang binabantayan ay doon na siya kumilos. Mabilis na iginalaw ni Baltazar ang kanyang mga kamay para habulin at tapikin ang bola, ngunit nang gawin niya iyon ay isang swabeng dribbling naman ang ginawa ni Alfante. Tila ba alam na niya ang gagawin ng kanyang defender at nang nakita niyang gumagalaw na ito ay mabilis niya itong sinabayan na nagpa-ingay sa crowd. Sa paglapit ni Baltazar sa kanya ay siya namang pagtalikod at pagsandal niya rito. Pinapasok niya ito sa loob ng three-point arc at pinostehan. “Mahina ka pa,” sambit ni Rommel at isang biglaang pagtalon nang paharap sa basket ang kanyang binitawan. Isang fade-away jumpshot ang kanyang pinakawalan at umarko ang bola diretso sa basket. Ang mga manonood ay namangha sa kanilang nasaksihan. Hinalit nga noon ang net at sa paglapag ni Rommel sa court ay nginisian pa niya si Baltazar. 2-3 ang naging score at mainit na kaagad ang loob ng court matapos iyon. Ang mga players ng CISA sa gilid ay tahimik namang nanonood dahil nakikita nilang magiging parang one-on-one competition ang nangyayaring laban sa loob. Sa paghawak ni Baltazar ng bola ay dala pa rin niya ang kompyansang malilinlang na naman niya si Alfante. Dito ay sinayawan at pinakitaan niya ito ng malupitang dribbling. Nang makakita na siya ng butas sa depensa ay doon na siya muling nag-side step. Isang pagngisi naman ang ginawa ni Rommel at nang lampasan siya ni Baltazar ay tumapon pauna ang bola. Natapik ito ng player na dating nasa CU at nang makuha nito ang bola ay mabilis na hinabol ito ng nabiglang si Romeo. “P-paano niya ako naagawan?” bulalas ni Romeo sa sarili at sa paglampas nila sa half-court line ay napahinto siya nang tumigil si Alfante. Ang lahat ay nagulat nang makitang tumalon si Alfante sa kanyang pwesto at nagpakawala ng isang malayong tres. Habang nasa ere nga ay nakatingin pa siya sa kanyang defender. “Malayo ka pa sa akin bata,” bulalas pa ni Alfante at sinubukan pa ni Romeo na butaan iyon matapos ding tumalon sumabit sa paghampas nito sa bola ay hangin na lamang ang kanyang tinamaan. Napatingin ang lahat sa bola at parang pinahinto noon ang oras dahil sa parang mabagal na paggalaw noon. Sa huli ay namangha na naman ang lahat nang pumasok iyon sa loob ng basket. 5-3 ang naging score at ang mga kakampi ni Rommel ay hindi maiwasang matulala sa lebel ng paglalaro na mayroon ito. Napaismid na nga lang si Kier nang makita iyon. Dati niyang kakampi ito sa team nang siya ay nasa CISA at hindi naman lingid sa kanyang kaalaman na magaling nga talaga si Alfante sa loob ng court. Kung mapapasali nga ito sa kanilang koponan ay isang malaking tulong ito sa opensa. Ang iniisip lang niya ay kung ito ba ay sapat na para sila ay magkampeon? Hindi sapat na lahat ay puro magaling, iyon ang isang bagay na kanyang natutunan nang maglaro siya sa CISA nitong nakalipas na school year. “Mukhang madaragdagan ng mayabang ang koponan ngayong school year,” sabi na nga lang sa sarili ni Kier habang pinapanood ang dalawang nangingibabaw na manlalaro sa loob ng court nang mga oras na iyon. Ang laro sa loob ng court ay nagpatuloy. Ilang minuto na ang nakakalipas at ang score ay 10-5 na pumapabor pa sa koponan ni Alfante. Kasalukuyan pa ngang nasa mga kamay ni Rommel ang bola na kasalukuyang binabantayan ng pawisan nang si Baltazar. Sa laban ng dalawa ay makikitang na kay Alfante pa rin ang kalamangan dahil sa kakalmahan nito sa paglalaro habang si Baltazar naman ay naiinis na dahil magmula ng una niyang crossover dito kanina ay hindi na niya naulit iyon. Ni hindi na nga rin siya nakakalusot dito na mas lalong nagpasira sa kanyang kompyansa. Napangiti na nga lamang si Alfante habang pinagmamasdan ang mukha ng kanyang defender na mas lalo niyang inasar nang bigla siyang umatras at sa pagsunod nito sa kanya ay siya namang pag-abante niya habang ang bola ay pinaikot niya sa kanyang likuran. Nalampasan niya ang kanyang defender at kasunod noon ay ang pagdiretso niya papunta sa basket. Tumalon na nga siya para magbitaw ng isang lay-up ngunit mula sa kanyang likuran ay tumalon din ang isang player na may numero na otso sa likuran. Nang maibitaw na ni Alfante ang bola mula sa kanyang kanang kamay ay isa namang kamay ang tumapal dito. Hinampas iyon ni Salvador at ang bola ay bumangga lamang sa board. Ang block na iyon ang nagpatuon ng pansin sa nakapulang iyon. Pagkalapag ng dalawa ay isa muling pagtalon ang ginawa nito na nagawa na lamang panoorin ni Alfante sapagkat nahuli siya. Sinambot ni Salvador ang bola at buong-lakas na ibinato ang bola papunta sa kanilang side. “Ako ang bahala Romeo... Team tayo rito,” sabi ni Salvador sa sarili at si Romeo nga ay nasa direksyon na ng basket na kasalukuyan nang tumatakbo. “Habulin ninyo!” naisigaw na lamang ni Alfante nang makita niya iyon. Hinabol ito ng kanyang mga kakampi ngunit huli na sila dahil naipasok na ni Baltazar ang isang right-handed lay-up. 9-7 ang naging score at limang minuto na ang nakakalipas. Si Alfante ay napatingin na lamang kay Salvador matapos iyon. Hindi niya inaasahan na may bubuta sa kanyang lay-up. Napatingin pa nga ito sa kanya at parang pinagmalakihan. “Tss. Mayabang,” sambit naman ni Alfante, at si Salvador ay tumakbo na para lapitan si Romeo. “Kalma lang Romeo. Lima tayo sa court,” sambit ni Salvador na naging dahilan upang humingi ng paumanhin ang binata sa kanyang mga kasamahan. “Salamat Jun,” sabi ni Romeo sa kanyang kakampi, kaibigan. Masyado siyang naging pokus sa paglampaso kay Alfante kanina at nabatid niyang sablay siya sa sandaling iyon. “Magaling nga talaga siya, pero tandaan mo Romeo... Hindi ito one-on-one,” sabi pa ni Jun sa kaibigan at ganoon din ang mga kasamahan niyang kaklase niya rin sa Canubing High School at matagal na ring kasama sa basketball magmula nang mag-aral sila sa sekondarya. “P-pasensya na... Nawala ako. Sige na... Game na,” sambit ni Romeo at huminga siya nang malalim. Ibinuga niya iyon nang pasigaw at silang lima ay mabilis na humanda para dumipensa. Napansin naman iyon ni Alfante pero ipinagkibit-balikat lang niya iyon. Ang mga kasamahan niya ay pinagsabihan niyang magsipaghanda. Itinaas pa niya ang kanyang kamay at sinabing tatapusin niya ang nalalabi ng oras na may magandang kalamangan. Kasunod din noon ay ang pagtingin niya sa manlalarong pumigil sa kanya kanina. Si Jun Salvador, nakikita niya ito at hindi siya maaaring magkamali sa kakayahan nito. Isa itong magaling na defender. Naibaba na niya ang bola at mabilis na nagsipwestuhan ang bawat manlalaro sa kani-kanilang tinatauhan. Si Salvador na nga ang humarap kay Alfante at nang makita ito ng binata ay napangisi na lamang siya. “Mukhang umatras na siya sa kanyang kaangasan,” sambit ni Alfante na hindi naman pinansin ni Salvador na nanatiling nakatayo sa kanyang harapan habang pinapatalbog ang bola. Naisipan pa nga niyang hanapin kung nasaan si Baltazar at ito naman ang ginamit na pagkakataon ng kanyang bantay para gumawa ng isang biglaang steal. Isa sa mga kakampi ni Alfante ang napasigaw sapagkat nasa tabi na nito si Baltazar na bigla na lamang nawala sa kanyang tabi. Nang marinig nga iyon ni Rommel ay mabilis siyang napaatras, ngunit nadikitan na rin agad siya ng isa pa niyang bantay at sa paglapit nito sa kanya ay natuon muli ang atensyon ng lahat sa kanila. Pinagdalawahan sa depensa nina Baltazar at Salvador si Alfante. Hindi magawang makakilos ni Rommel nang oras na iyon at nang igagalaw na niya ang bola ay natapik na nga ito ni Salvador na naging dahilan para habulin nila iyon. Ngunit nang gagalaw na si Alfante ay nakatigil lamang naman si Baltazar na nagsilbing screen ng kasamahan nitong tumapik sa bola. Mabilis na sinalok ni Salvador ang bola at ang kanilang mga kakampi ay kumaripas na rin ng takbo. Doon na nga napasigaw si Alfante na depensa na huli nang nalaman ng mga kakampi niyang walang ginawa kundi siya ay panoorin. Isang pagngisi naman ang ginawa ni Baltazar matapos iyon at hinarangan na lamang niya si Alfante para hindi na ito maka-depensa. Ang bola nga ay ipinasa ni Salvador sa isa niyang kasamahang may numero trese. Sa pagdating noon sa ibabaw ng arko ay dito na nga rin ito nagpakawala ng isang tres. Pumasok iyon sa basket at kahit kumalog pa ito ay tumuloy pa rin ito. 9-10 na ang score matapos iyon at kasunod noon ay ang pagtakbo sa isa't isa ng mga manlalarong nakapula ng jersey. Nag-apiran silang lima at pagkatapos ay sumigaw pa nang malakas. Makikita sa mga mukha nila ang masayang imahe habang naglalaro ng basketball. Nawala na nga ang inis ni Romeo nang mga oras na iyon. Mabuti na lamang at kasama niya si Jun na nagpagising sa kanya. May inis talaga siya kay Alfante noon pa man dahil sa pagturing sa kanya niya rito noon. Dito ay nakita niyang magaling nga talaga ito, pero tama rin si Jun na hindi sila nagwa-one-on-one ni Alfante. Dahil nga team sports ito hindi lang sa pagpuntos ang paraan para matalo ito, lalong hindi rin sa pagsasarili sa bola. “Tatalunin kita Rommel Alfante... Tatalunin ko ang team mong iyan kahit pa try-out lang ito,” sambit nga ni Romeo na seryoso pang pinagmasdan sa mga mata si Rommel na ganoon din makatingin sa kanya. Nilampasan na nila ang team ni Alfante at mabilis silang humanda sa depensa. Nang mga sandaling iyon ay hindi maiwasang mapatuon ng pansin ni Kier sa dati niyang kasamahan sa CU. Kasalukuyang magka-ekis ang kanyang mga bisig sa kanyang dibdib habang nanonood ng laro. “Wala ka na sa CU. Hindi ko alam kung bakit mo iniwan ang team na iyon... pero kung mapupunta ka sa CISA ay hindi sa akin pwede ang ganyang mentality mo kahit pa mas magaling ka sa akin nang kaunti.” Tahimik namang pinapanood ni Ricky ang laro sa loob ng court. Hindi niya maipaliwanag pero pakiramdam niya ay kailangan niyang obserbahan ang galaw ng bawat naglalaro rito. Isa pa, nakikita niya na nagbago bigla ang mood ng mga nakapula ng jersey habang sa kabilang team... Parang isang Alfante pa rin ang magpapakitang-gilas at bubuhat nito. Nakikita niyang gusto nitong pumuntos nang pumuntos para maipakitang magaling siya. Katulad ng ginagawa ni Rommel Alfante dati pa sa CU... Ang magpakitang-gilas sa marami na isang bagay na siya ay nahihirapan dahil isang Karlo Ibañez ang kanyang kakampi roon. Nagpatuloy ang laro at si Alfante pa rin ang humawak sa bola kahit na naroon ang posibilidad na ma-double-team muli siya. Nangyari nga muling iyon at mabilis na kumilos ang isa niyang kakampi para hingiin sa kanya ang bola dahil pagtutulungan na muli ito nina Baltazar at Salvador. Subalit, walang pasang nangyari matapos bumigla ng drive si Alfante. Bago pa man siya maikulong ng dalawang nakapula ay inunahan na niya ang mga ito. Tiwala siya sa kanyang kakayahan at hindi naman siya mababansagang pinakamagaling na point guard kung hindi dahil sa mga shooter at mga magagaling niyang kakampi sa CU dati. Ngayong try-out ay hindi niya alam ang kakayahan ng kanyang mga naging kakampi at ibig-sabihin nito para sa kanya ay siya ang iiskor para sa maikling larong ito. Namangha ang marami sa ginawa ni Rommel Alfante. Ipinamalas niya ang kanyang ball handling skills sa lahat at ganoon din sa kanyang mga defender. Hindi siya huminto at dumiretso sa basket na naging dahilan upang ang depensa ng mga nakapula ay gumalaw. Ang kanya namang mga kakampi ay walang nagawa kundi ang panoorin na lamang siya sa gagawin nito. Isang nakapula ang sumubok na siya ay pigilan subalit sa paglapit nito sa kanya ay isang biglaang pagtalikod ang ginawa niya. Kasunod noon ay ang pag-ikot para lumipat ng direksyon habang maingat na pinapatalbog ang bola. Isang spin move crossover at nang lumampas na siya sa free-throw line ay doon naman humarang ang dalawa pang nakapula. Marahang bumagal si Alfante at yumuko. Isang mabilis na pagpapatalbog sa bola ang kanyang ginawa at pinadaan niya iyon sa ilalim ng kanyang mga binti. Sinundan niya iyon ng maliksing pagtalon papasok. Ang bola ay mabilis na sumabay sa kanyang mga kamay at nilampasan niya ang dalawa niyang defender sa pamamagitan ng pagdaan sa pagitan ng mga ito. Isang maliksing pagkilos ang ipinakita ni Alfante at mula na naman sa kanyang likuran ay naroon si Salvador na mabilis na humabol dito. Sa pagtalon nga ni Rommel para sa isang lay-up ay siya ring pagsabay ni Jun na tiwalang muli niyang mapipigilan ito. Isang maliit na pagngiti ang sumilay naman sa labi ni Alfante nang mga sandaling iyon. Habang sila ay nasa ere ay mabilis niyang iginalaw paibaba ang kanyang mga kamay na humahawak sa bola. Sa paghapas ni Salvador sa inaasahan niyang galaw ng bola ay hangin lamang ang kanyang natamaan. Mula sa ibaba ay mabilis na iniangat muli ni Rommel ang bola na mabilis niyang binitawan bago pa man siya lumapag sa sahig ng court. Umikot ang bola at dumiretso iyon sa board na sa huli ay tumuloy na nga sa loob ng basket matapos ang boarding na nangyari rito. “A-ang galing...” naibulalas na lamang ng karamihan sa mga nakasaksi. “Sasali ba talaga siya sa CISA?” Ilan sa mga manonood ang napakuyom ng kamao at sa pagbagsak ng bola sa court ay doon na sila hindi nakapagpigil at naisigaw na lamang bigla ang apelyidong Alfante na sinundan pa ng tili mula sa mga kababaihang natulala mula sandali dahil doon. Si Ricky nga ay napatayo na lamang sa kanyang kinauupuan dahil ang ginawang iyon ni Rommel ay hindi maiipagkailang gawain ng isang mahusay na basketbolista. Bakit nga ba niya iisiping kadupangan iyon, gayong sure score naman ang magagawa nito? Sandali pa siyang napalunok ng laway sapagkat sa oras na mapasali ito sa kanilang team ay tiyak na magiging malakas nga talaga ang kanilang koponan. Napailing naman si Kier matapos iyon. “Mayabang,” naibulalas na lamang niya at kanyang naramdaman ang pagtapik ni Rodel sa kanyang balikat nang oras na iyon. 11-10 ang score at mahigit tatlong minuto na lamang ang natitira sa kanilang labang iyon. Nilampasan nga ni Alfante ang lahat ng mga nakapula na tahimik lang na siya ay pinagmamasdan. “Ito ang collegiate basketball... Bilang senior, ay ipapatikim ko sa inyo ang husay ng isang manlalaro ng CBL.” “Ng isang superstar!” Unang rason talaga ni Rommel kaya siya lumipat sa CISA ay upang matuon ang atensyon ng lahat sa kanya. Para sapawan si Mendez at makabawi rito... ngunit hindi ito ang inisip ng kanyang kuya na dahilan niya sa kanyang ginawa. “Malalaman mo kung ano ba talaga ang basketball sa CISA... Kung paano maging masaya habang naglalaro nito.” “Kalokohan,” sambit na lang ni Rommel matapos maalala iyon at sinabihan pa niya ang kanyang mga kasamahan na galingan sa depensa at siya na raw ang bahala sa opensa. “Kung gusto ninyong makapaglaro sa CBL ay kailangang magpakitang-gilas kayo sa mga bagay na magagawa ninyo sa loob ng court. Dahil kung hindi ay mas mabuti pang umuwi na lamang kayo,” sabi pa ni Alfante at kahit parang mayabang ang sinasabi nito sa apat na nasa likuran niya ay hindi naman makareklamo ang mga ito sapagkat ibang lebel ang nasa harapan nila nang mga sandaling iyon. Ang ginawang iyon ni Rommel ay ang bagay na sandaling nag-alis ng kompyansa ng mga nakapula lalo na nga't naaalala nila ang sinabi ni Alfante at ang ginawa nito sa kanila. “Kalma lang! Hindi pa tayo talo!” bulalas naman ni Jun nang mapansin ang pagtahimik ng mga kasamahan lalo na nga ni Romeo. Maging siya nga ay humanga sa ginawa kanina ni Alfante, pero nasa isa pa rin silang laro. Opisyal man o hindi, habang hindi pa tapos ang oras ay hindi pa sila natatalo. Bumalik sa side ng mga nakapula ang bola ngunit nang nasa kamay na ni Baltazar ang bola ay isang mabilisang steal ang ginawa rito ni Alfante at hindi na nga rin nagdalawang-isip ang player na iyon. Ibinato niya ang bola sa isa niyang kakampi na tumatakbo papunta sa kanilang side. Sinambot nito iyon ay isang mabilisang lay-up ang nagawa nito mula sa pasa ng malakas na manlalarong si Rommel. 13-10 ang score at nakita ni Jun ang nangyari kay Romeo. Nilapitan niya ito at bigla na lamang tumunog ang silbato mula kay coach Erik. “Time-out muna! Magpahinga muna kayo ng isang minuto,” sambit ni coach na napatingin din sa kanyang maliit na timer na nakasabit din sa kanyang leeg. May natitira na lamang na oras sa larong iyon na dalawang minuto at apatnapu't limang segundo. Masayang bumalik sa tabi ang grupo ni Alfante habang pagod na itsura naman ang mababakas sa koponan nina Baltazar dahil sa mga nangyari. Ito rin nga ang napansin ni Coach Erik, isa nga itong patunay na rookie pa lang ang mga nakapulang iyon sa mundo ng basketball sa college. Pero kahit ganoon, alam naman niyang may ibubuga ang mga iyon dahil lahat naman ay doon nagsisimula. Napainom na lamang ng tubig sina Romeo at Jun. Tahimik lang si Baltazar nang oras na iyon at habang pinagmamasdan niya ang loob ng court ay may isang player ng CISA ang bigla na lang dumaan sa kanilang tapat upang damputin ang bolang nakalagay sa hindi kalayuan sa kanilang harapan. Si Ricky Mendez. Nang makita ito ni Romeo ay doon na nga niya naalala kung sino nga ba ang Mendez na ito, na gusto niyang maging kakampi kaya siya pumasok sa paaralang ito.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม