PUMASOK sa pinagtatrabahuhang hardware store si Bornok na may pasa sa mukha. Pagmulat nga ng mata niya kanina mula sa pagkakabagsak niya ay mabilis siyang bumangon at naglakad papunta sa terminal ng jeep. Taong-bodega ang kanyang trabaho rito at kapag may bumibili sa kanila ng mga malakihang items ay siya ang naghahanda nito para isakay sa kanilang sasakyan.
“O? Ano’ng nangyari sa ‘yo Bornok? Lunes na lunes, may pasa ka sa mukha?” tanong sa kanya ni Manong Ed, ang guard sa pinagtatrabahuhan niya. Nasa edad singkwenta na ito at dito na rin tumanda sa kanilang workplace.
“Good morning Manong! Wala ito…” masayang winika naman ni Bornok na nag-log-in muna sa logbook na hawak ng guard nila. Pagkatapos noon ay pumasok na siya sa loob at dumiretso sa lagayan ng gamit para ilagay ang kanyang bag doon.
Pagdating niya doon ay napatingin siya sa isang babaeng tila kakarating lang. Napansin niyang ang ganda ng suot na damit nito at kitang-kita ang matambok na pwetan. Naka-fitted white pants ito at naka-black shirt. Kasalukuyan din itong naglalagay ng lipstick sa labi.
“Good morning po Ma’am. Ang ganda po ninyo ngayon…” ani Bornok at biglang napakunot ng noo ang babae nang marinig iyon.
“Walang maganda sa umaga kung ikaw ang babati sa akin Bornok,” sabi ni Miss Geraldine, ang tumatayong manager ng lugar. Kaedadin lang din niya ito na nasa 28 na wari. Crush niya ito kaya sinisipag siyang pumasok kahit palagi na lang itong may pinapagawa sa kanyang mabibigat na gawain.
“Pumunta ka na agad sa bodega! Alam ko may darating na mga construction materials mamaya. Mag-ayos ka ng paglalagyan,” inis na winika ni Geraldine na nailang na magpaganda habang naroon si Bornok. Nakita kasi niyang sinulyapan siya nito at pakiramdam niya ay pagnanasaan lang siya nito.
“Yes ma’am!” nakangiti namang sagot ni Bornok na pagkalagay ng gamit ay mabilis na nagpunta sa bodega. Ito ang kanyang araw-araw na ginagawa sa loob ng anim na araw sa isang linggo. Ang magbuhat ng mabibigat para mabuhay. Sarili na lamang niya ang kanyang inaasahan dahil mag-isa na siya sa buhay.
Sa bodega ay naroon din ang mga kasamahan niya at kagaya ng guard ay napansin na naman nila ang itsura ni Bornok na tila may umupak na naman daw. Nagsinungaling na lang sa pagkukwento si Bornok, pero para sa mga kasama niya ay alam na nila ang dahilan noon.
“Nakialam ka na naman siguro sa away ng magjowa… Hindi ka na talaga natuto Bornok. Gusto mo bang lagi ka na lang ganyan?” ani Gary, isa sa mga kasamahan niya sa bodega na nasa edad trenta, may asawa at isang anak.
“E-eh. Okay lang naman…” natatawang wika na lang ni Bornok at ang isa niyang kasama na si Troy ay tinawanan na rin lang siya.
“Okay lang naman nga, wala namang magbabago sa mukha mo Bornok.” Ito ang palaging nang-aasar sa kanya sa trabaho na kaedadin niya. Wala lang naman sa kanya na asarin siya nito palagi. Wala siyang pakialam sa sinasabi ng iba sa kanya dahil sanay na sanay na siya.
KINAHAPUNAN, paglabas niya mula sa trabaho ay nakasabay nga niya si Ma’am Geraldine niya na may bitbit na mabigat na bag na tila may lamang kung ano. Nakangiti niyang nilapitan ito at inalok ng tulong.
“Ma’am, baka gusto ninyo ng tulong? Ako na magdadala niyan?” wika ni Bornok na smiling face habang nakatingin sa parang nairita na dalaga.
“Kaya ko na Bornok. Umuwi ka na!” ani ng dalaga na parang nailang dahil baka ipagtinginan siya ng mga dumaraan sa gilid ng kalsada. Kaso mapilit ang binata at hinawakan ang dala niyang gamit.
Isang grupo ng mga tao ang nakasalubong nila na napatingin sa kanila ang naging dahilan para itulak ni Geraldine si Bornok. “Ano ba? Bakit ba ang kulit mo?” bulalas nito at isang matipunong lalaki na kasalukuyang bumibili ng palamig sa gilid ang nakakita noon. Nakita niya ang magandang dalaga at mabilis na pinuntahan ito.
Hinawakan ng lalaki ang maliit na si Bornok sabay tingin sa dalagang si Geraldine.
“Miss? Inaano ka ba ng isang ito?” ani ng lalaki na halatang magpapakitang-gilas lamang.
“A-ah. I’m okay. Hayaan mo na siya kuya,” malambing na tugon ni Geraldine na napatingin kay Bornok na nagpupumiglas sa mahigpit na hawak ng malaking lalaki rito.
Sumama ang tingin ng lalaki kay Bornok. “Binabastos ka ba nito? Gusto mo bang ipapulis ko ito?” ani ng lalaki at itinulak niya si Bornok na naging dahilan upang mapaupo ito sa lupa. Ang mga tao nga na naglalakad ay pasimpleng bumabagal dahil sa nangyayari.
“Ah, eh… Hindi. Hayaan mo na siya kuya…” nangingiting wika ni Geraldine na parang naiilang na rin dahil sa pagiging agaw-atensyon nila sa kalsada.
“Ako na miss ang magdadala ng gamit mo. Mukhang mabigat iyan?” papreskong ani pa ng binata nang magsimulang maglakad si Geraldine.
Ngumiti ang dalaga at iniabot sa lalaki ang gamit niya. Dito ay napatayo na lang si Bornok para pagpagan ang kanyang pwetan na nagdumi. Napahakaw nga rin siya sa braso niyang parang namula dahil sa mahigpit na hawak ng lalaki sa kanya kanina. Tinanaw niya ang paglayo ni Ma’am Geraldine niya at napabuntong-hininga na lamang siya.
Napagdesisyunan muna niyang dumaan sa night market para magmeryenda bago umuwi. Pagkatapos niyang kumain ng kwek-kwek ay naglakad na siya papunta sa tinutuluyan niya. Balak na lamang niyang maglakad para makatipid. Kaya naman daw niyang lakarin ito kung tutuusin.
Ang mga sasakyan na dumaraan ay tila wala lang sa kanya at sa mismong kalsada pa siya naglalakad. Nilampasan niya ang mga establisyemento sa bayan at minsan ay nakakabunggo pa siya ng mga nakakasalubong niya dahil sa kanyang pagiging lutang.
Pagdating niya sa isang medyo madilim na bahagi ng kalsada kung saan ay iilan na lamang ang mga bukas na establishments ay nadaanan ng mata niya ang isang babaeng gustong makawala sa mahigpit na pagkakahawak ng isang lalaki.
“Bitawan mo ako Jake! Break na tayo! Hindi ko na kaya ang ugali mo! Wala ka ng ibang gusto kundi makipag-s*x. Iyon na lang ba ang habol mo sa akin?” bulalas ng babae na wala ng pakialam sa kung may makakarinig sa kanya. Isa pa, wala namang ibang tao sa tapat ng posteng kinatatayuan nila.
“Hindi mo ako pwedeng i-break… Sige ka! Ikakalat ko mga videos mo?” pananakot ng lalaki.
“Wala na akong pakialam. Matagal mo nang ikinakalat iyan. Pati sa mga kaibigan mo. Mababa na ang tingin nila sa akin… Kaya para saan pa ang pananakot mo?” bulalas ng babae na hindi na nga ikinatuwa ng lalaki at sinampal siya nito nang malakas sa pisngi.
“Itigil mo iyang bunganga mo! Hindi ka makikipag-break sa akin! Iyon ang gusto ko!” bulalas ng lalaki sa babaeng napaatras at nabigla sa nangyari. Parang natakot ito sa lalaki at nanginig na lamang ang mga kamay habang nakahawak sa sumakit na bahagi ng kanyang mukha.
“Hoy! Bakit mo sinampal ang jowa mo? Tarantado ka ba?” bulalas ni Bornok na hindi na nakapagpigil. Heto na naman siya, makikisangkot sa isang problemang wala naman siyang kinalaman.
Ang lalaki ay parang nabigla at maging ang babaeng kasama nito.
“At sino ka namang hayop ka?” bulalas ng lalaki na parang gusto na kaagad upakan si Bornok.
“Iwanan mo na ang ganyang klaseng lalaki miss! Umalis ka na… Ako na ang bahala rito!” pagmamalaki ni Bornok na napalunok na lamang ng laway dahil hindi niya napigilan ang kanyang bibig na magsalita.
Ang babae nga ay mabilis na tumakbo at sa inis ng lalaki ay hahabulin sana nito ito kaso, to the rescue ang wala dapat pakialam na si Bornok. Hinawakan niya ang lalaki at dahil sa init ng ulo ng lalaking nagngangalang Jake ay isang tulak nang malakas lang ang ginawa niya sa pakialamerong ekstranghero na biglang sumulpot mula sa kung saan.
Bumagsak si Bornok at dalawang malakas na sipa pa ang tumama sa kanyang katawan na naging dahilan upang siya ay mapangiwi dahil sa sakit. “Hayop ka! Sa iyo ko ibubuhos ang inis ko! Pakialamero ka ah!” Hinila siya ng lalaki papunta sa isang eskinita at sa pagsandal niya kay Bornok sa maruming pader na naroon ay pinagsusuntok niya ito.
“Hayop kang pangit ka! Ang lakas ng loob mo! Bibigyan muna kita ng leksyon!” Hindi tinigilan ng lalaki si Bornok. Maraming suntok sa katawan at sikmura ang ibinigay niya rito. Pagbulagta ni Bornok ay pinagsisipa pa siya hanggang sa mawalan siya ng malay. Bugbog-sarado siya sa lalaking iyon na hindi man lang niya nagawang bawian at ang masaklap dumating pa ang mga kasamahan nito para makisipa at makisuntok din. Ang lalaki pala ay isang lider ng isang grupo sa lugar na iyon at ang nangyari kay Bornok ay labis na hindi katanggap-tanggap.
Dinuraan pa ng lalaki ang walang malay niyang katawan at sa pagmulat ng mata ni Bornok ay ramdam niya ang labis na sakit sa kanyang katawan. Duguan ang kanyang mukha at sa lugar na ito ay tila imposibleng may makakita pa sa kanya upang siya ay tulungan.
Gusto niyang sumigaw, pero hindi niya magawa dahil pumutok ang kanyang labi at nahihirapan siya. Pinilit niyang bumangon, ngunit hindi rin niya kaya. Dito na nga siya napaiyak. Hindi na napigilan ni Bornok ang kanyang emosyon.
“Wala talagang kwenta ang buhay ko. Para saan ba at buhay pa ako?”
“Siguro mas magandang wala nang tumulong sa akin…”
Gusto lang naman ni Bornok na maging masaya, pero tila napakahirap na mangyari ito para sa kanya. Sinusubukan niyang maging mabuti sa mga nakapaligid sa kanya, pero parang wala pa rin. Oo, may pagkamahilig siyang magmaryang-palad… pero… tila iyon na nga lang naman daw ang nakakapagpasaya sa kanya.
“Mag-isa lang ako… Kaya wala na rin naman akong silbi rito… Sana…”
Bigla na lamang siyang nakarinig ng mga kaluskos sa tabi niya. Isang babaeng humahangos na tila tumakbo ang biglang nakatagpo sa kanya sa hindi inaasahang pagkakataon. Pilit niyang inaninag ito sa kabila ng kadiliman sa lugar.
Pagkakita sa kanya ng babaeng iyon ay mabilis itong umupo at lumapit sa kanya. Isang pangyayaring hindi niya inaasahan ang naganap nang oras na iyon.
Hinalikan siya ng babaeng iyon at kasunod noon ay ang pagdaloy ng isang kakaibang liwanag mula rito… papunta sa kanyang katawan.