Chapter 2

1460 คำ
Malakas ang hanging sumasalubong kay Cindy habang nakasakay siya sa motor. Katamtaman lamang ang bilis ng kaniyang pagpapatakbo. Nakapasok na kasi siya sa simpleng subdibisyon kung saan naroon ang chicken house na pag-aari ng tiyahin, ang Pride Chicken House. Kagagaling lamang niya sa mga kalapit na opisina para mag-deliver ng hapunan. Karamihan ng costumer nila ay empleyado ng mga call center o 'di naman kaya, malalaking kumpanya na sawa na sa pagkain ng cafeteria. Nang makarating sa tapat ng chicken house, saglit niyang ipinarada sa tapat ang motor. Inialis niya rin sa ulo ang suot na helmet, kaya naman lumitaw ang kulot at mahaba niyang buhok na ngayon ay maayos na nakatali. Naglakad siya papasok suot ang maluwang na tshirt at pantalon na galing ukay. Bumagay naman 'yon sa luma niyang sneaker na mas matanda pa yata sa bunso nilang kapatid na si Joan. "Oi, Beki, saan ka pupunta? Manlalaki ka na naman, ano?" pagbibiro niya sa pinsang bakla na kaniyang nakasalubong sa babasaging pinto. Napalingon ito sa pinanggalingan at ngayon ay mangiyak-ngiyak siyang hinampas sa braso. Huli na nang mapansin niyang tumatakas pala ito. Mula tuloy sa counter, nakita niya ang pag-angat ng ulo ng kuwarenta'y singko anyos na tiyahin na si Auntie Juana. Dali-dali itong tumakbo palabas para lapitan sila. "Hoy, Joselito, Anak? Lalayas ka? Sinong tutulong sa aking magsara?" usisa nito na napatingin sa bakla mula ulo hanggang paa. "Nandiyan naman si Ate Cindy. May lakad talaga akong importante ngayon," tila pagmamakaawa nitong napatingin sa kaniya. "May pageant ka ngayon?" At muli na namang nagkamali si Cindy kaya napatakip na lang siya sa bibig. "Sumasali ka pa rin sa mga ganoon!?" Mistulang umusok ang ilong ng tiyahing may batang hitsura. "Sinabi nang tigilan mo na 'yan at maghanap ka na nang matinong trabaho!" May nadampot na walis tambo si Auntie Juana at sinimulan na ang paghabol sa nananakbong si Beki. "Sandali lang, Inang Momshie, wala namang ganiyanan!" bulyaw ng bente kuwatro anyos na pinsan-pinsanang, halos umalingawngaw na sa buong kanto. Pumasok na si Cindy sa loob dahil palagay niya, malayo-layo rin ang magiging paghahabulan ng mag-ina. Nadatnan naman niya sa loob ang isa pang empleyedo ng tiyahin na si Marie. "Oh, akala ko uuwi ka na? Hindi ba, kanina ka pang madaling araw nandito?" pagbungad ng babaeng may simpleng ganda. Hindi naman siya nakasagot nang tumunog ang phone niya. Walang kuwentang mensahe. Mula lang naman sa ex niya. Muli niyang ibinalik sa bulsa ang phone. "Oo nga, eh. Palagay ko, nagha-hallucinate na nga ako. Ibibigay ko lang itong mga bayad ng customer at lalarga na ako," sagot niyang inilabas mula sa bag ang ilang bungkos na pera, kasama na roon ang dala niyang bareya panukli. Saglit silang nagbilangan sa counter at dumiretso na rin siya pauwi. Muli siyang sumakay sa motor na pag-aari talaga ng tiyahin. Pero dahil siya ang madalas na nagdi-deliver, siya na rin ang kadalasang gumagamit niyon. Sakay niyon ay mabilis siyang nakarating sa bahay nila na naroon lang sa kabilang phase. Maingat niyang ipinasok sa gate ang magaang motor, na minamaneho na niya mula pa noong desi-sais siya. Sa dalawang palapag na tahanan na ito na siya lumaki at nagkaisip. Ipinundar ito ng kaniyang ama sa pagtatrabaho sa ibang bansa, ngunit nang maaksidente ito sa trabaho, ilang taon din itong walang malay sa ospital, hanggang sa bawian ito ng buhay. Nagkanda-utang-utang sila noon. Naisangla pa nga ng kanilang ina ang bahay. Nangyari 'yon, siguro bago mag-limang taon ang kanilang bunsong si Joan. Habang ang kanilang ina, maaga ring nawala, isang taon na ang nakararaan, dahil sa lung cancer. Dahil sa pagkakasakit nito, napilitan siyang kumapit sa patalim noon. Isang bagay na labis na niyang pinagsisisihan ngayon. Pagpasok niya sa salas, sinalubong siya ng mga pamangkin. "Tita!" pagbati ng kambal na sina Peter at Paris, parehong limang taong gulang. Napayakap din ang mga ito sa kaniya. "Anong ginagawa n'yo rito?" Naupo siya at humalik sa noo ng mga ito. Napatingin naman siya sa bunso nilang si Joan na kagagaling lang sa kusina. May bitbit itong mga bagong balat at hinog na indian mango. "Kanina pa silang tanghali iniwan ni Ate Kristina. May dala ngang maleta eh. Hindi ko alam kung kailan babalik," paliwanag ng dose anyos niyang kapatid. "Ano? Bakit?" Hindi niya maitago ang pagkabigla sa narinig. Naupo siya sa harap ng kambal at agad siyang bumaling sa mga ito, "Nasaan si Mama, ha?" "Hindi po namin alam. Umalis po siya eh, balik din po siya," sagot ni Paris na napakapit pa sa suot nitong bestida. "Oo naman, babalik siya." Tumango-tango na lang si Cindy saka tumayo at napasapo sa noo. "Saan daw ba siya pupunta?" tanong niya kay Joan. "Maghahanap daw siya ng trabaho. Hiwalay na kasi sila ng asawa niya,"sagot nitong parang tsismosang nanlalaki pa ang mata. Dagli niyang tinakpan ang tainga ni Paris na nakatingin sa kanila. "Ano ka ba? Ano bang sinasabi mo?" saway niya sa bunso nila. "Iyon ang sabi ni Ate, eh," sagot nito na mas lumapit para bumulong. "Dala niya ang lahat ng gamit nila. Ang tanong kung babalik pa nga siya." Marahan itong napatango-tango kasabay ng pagngiwi. "Hindi puwede," bulong niya na napuno ng pag-aalala. Hindi naman sa maramot siya, pero sapat lang ang kinikita niya para sa kanilang apat. Kung dadagdag pa ang kambal, sakali ngang hindi na bumalik ang ate niya, hindi niya na alam. Kukunin na sana niya ang phone nang maalalang wala pala siyang load. "Bad trip naman, eh!" Napapukpok si Cindy sa kaniyang ulo. Bigla namang bumukas ang pinto ng isa sa mga kuwarto. "Hayan, Ate. Mabuti naman umuwi ka na," panimula ni Nicole, ang bente dos anyos na kapatid. "Alam mo bang galit na galit na sa akin ang mga professor ko? Finals na namin this week, pero hindi pa rin complete ang p*****t ng tuition ko! May balak ka pa bang pag-examine ako, ha?" bulyaw nito na halos pandilatan siya ng mata. "Ah, pasensiya na Nicole. Nahihirapan akong mapunan 'yong sampung libong kulang. Kasi iniisip ko pa 'yong panggastos natin sa bahay. 'Di bale, susubukan ko nang makautang kay Tiya para diyan," pahayag niyang napatungo dahil wala na siyang ibang maisip na maidadahilan. "Eh, bakit ka kasi nawala sa scholarship mo? Eh 'di sana, hindi nahihirapan si Ate sa paghahanap ng pang-tuition mo," parinig ni Joan na may pagkaprangka rin kung minsan. "Ano bang alam mo, ha?" Akmang sasabunutan ito ni Nicole, pero agad na humarang si Cindy. "Nicole, ano ba?" saway niya habang nagtatago naman sa likod niya si Joan. "Akala mo ba, ganoon lang kadali mag-college? Elementary ka pa lang, 'wag kang magsalita!" bulyaw ni Nicole na muli ng pumasok sa silid at padabog na isinara ang pinto. Napapikit na lang si Cindy sa pagkadismaya. Kasalanan kasi niya ito, eh. Bakit ba siya nahihiyang umutang sa Auntie Juana niya? Siyempre, malamang magbubunganga na naman ito at sisisihin ang kapatid niya. Malamang matindi ang magiging pagputak niyon kapag nalamang wala ng scholarship si Nicole. Mas matindi pa sa pagbubunganga ni Joan. Doon yata nagmana ang bunso nila. "Ah, naku, Ate, si Kuya Bobby, pagkatapos kaming ikuha ng mangga kaninang hapon, bigla nang nawala," pagsusumbong ni Joan na ngayon ay isa-isa ng binibigyan ng prutas ang kambal. "Huwag makalat, ah," paalala pa nito sa dalawa. "Saan ba siya nagpupupunta nitong mga nakaraang gabi? Parang napapadalas na siya, ah?" pansin ni Cindy. Sa kaniyang pagkakaalala, ngayong linggo, ni minsan ay 'di niya ito nakasabay sa hapunan. "Baka may sugar mommy?" bulong ni Joan na nanlaki ang mata. "Ha? Loko ka talagang bata ka," bulalas niyang marahan itong hinampas sa ulo. Desi-nuwebe pa lang si Bobby, paanong magkakaroon 'yon ng sugar mommy? Naistorbo ang kaniyang pag-iisip nang muling tumunog ang mumurahin niyang cellphone na de-keypad. Naregaluhan naman siya ng ex niya ng latest na Ifone X1 noon. Kaso noong naghiwalay sila, kaagad niyang ibinenta online. At muli niyang ginamit itong Nokita 3333, na mas matibay pa yata sa tuhod ng kapitbahay nilang mahilig sa balut. Medyo matagal na nag-register sa kaniya ang mensaheng natanggap. [Cindy, game ka ba? May gig ako with the girls sa Linggo. Kaso, kulang kami ng isa. Ano, sama ka? 15K, pero madadagdagan pa 'yon kasi for sure, may magti-tip sa atin.] Nakakatukso ang alok na 'yon. Panigurado, maso-solve n'on ang pang-tuition ni Nicole. May bonus pang limang libo at tip. Pero, matagal na niyang tinalikuran ang trabahong 'yon. Ikinahihiya na niya 'yon ngayon. Naalala niya, labis ang iniyak ng kaniyang ina nang malamang pinasok niya ang trabahong 'yon, alang-alang sa operasyon nito. Kaya nga nang mamatay ito, nangako siya sa sarili na hinding-hindi na niya uulitin 'yon. "Ate, ayos ka lang?" pansin ni Joan sa pananahimik niya. Nagpilit siya ng ngiti. "Oo naman. Sandali, magbibihis lang ako," paalam niya at pumasok na siya sa kaniyang silid.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม