Chapter 17

1793 คำ
Napahawak si Avah sa salamin habang nanlalaki ang mga mata. Hinaplos niya rin ang sariling mukha. Totoo ba itong nakikita niya? Iniangat niya ang kaniyang mga kamay. Laking pagtataka niya na ginagawa ng babaeng 'yon ang mismong paggalaw niya. Mangha niyang hinawakan ang kulot at mahaba nitong buhok. Ganoon din ang ginawa ng repleksyong kaniyang nakikita. Ngunit nasisiguro niyang ang babaeng 'yon ay hindi siya. Anong nangyayari? Paanong nasa katawan siya ng babaeng ito? "Miss, may problema ba?" tanong ng lalaking nasa gilid na pala niya. "May masakit pa ba sa 'yo?" Bigla itong napaatras nang sampalin niya ang sariling mukha. "Paano nangyari to?" bulong niya sa sarili. Mas nilakasan niya ang pagsampal kaya't agad lumagatak ang palad sa kaniyang mukha. Napapaling siya sa gilid. "Miss, ayos ka lang ba?" wika ni David na agad naalarma. Muli siyang napatitig sa salamin. Namumula na ang kaniyang pisngi. Inakala niyang baka panaginip lang ito, pero mukhang hindi. Masakit na kasi ang gilid ng mukha niya. Ibig sabihin, totoo ang lahat ng ito at hindi siya nananaginip. Bigla naman niyang binalingan ang lalaki at hinawakan ito sa magkabilang braso. "Titigan mo akong maigi. Hindi mo ba talaga ako nakikilala?" "Miss, tinatakot mo naman ako, eh," muling pahayag ni David na agad nagpumiglas. Napabitiw tuloy si Avah. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari. Napailing-iling siya. Hindi niya maintindihan kung anong nangyayari. "Ano bang nangyayari?" usal niya sa sarili. Sa pagkakaalala niya, nakipagpalit lang siya ng maisusuot sa babaeng ito kahapon. Kaya paanong nandito na siya sa katawan nito? Pero... kung nandito siya, nasaan na ang babaeng 'yon? At nasaan ang katawan niya? Muli siyang humarap sa lalaki. "Kilala mo naman siguro si Avah Lopez, 'di ba?" Nangunot ang noo nito na bahagyang napapaatras mula sa kaniya. "Sino bang hindi nakakakilala sa kaniya?" tanong nito. "Ano ba talagang problema?" "Anong nangyayari? Bakit ako narito sa katawan ng babaeng ito? Anong—" Nanlulumo siyang napasalampak sa sahig. "Baliw yata ang isang 'to. Magpatawag kaya ako ng mental?" bulong ni David. Bigla namang may pumasok sa silid kaya napalingon ang lalaki. "David, nawawala siya!" "Sinong nawawala?" "Si Avah... nawawala si Avah!" pagbabalita nito may desperasyon sa tinig. "Ngayon ko lang nakita sa balita. K-kailangan ko nang umalis." Napatingala siya sa bagong dating dahil sa narinig. "Sinong Avah ang tinutukoy mo?" "Si Avah Lopez," si David ang sumagot n'on. "P-paano... anong nangyari?" Kaagad napatayo si Avah na mas lalo pang nalilito. "Nahulog daw siya sa isang ferry sa Batangas kagabi," paliwanag ng lalaki na mababakas ang pagkabalisa sa mukha. Tila nagpanting naman ang mga salitang 'yon sa kaniyang tainga. Anong ibig sabihin n'on? Nawawala si Avah Lopez? N-nawawala siya? Muli siyang napatingin sa repleksyon niya mula sa salamin. Hindi maaari. Kung nawawala ang katawan niya... ibig bang sabihin n'on, patay na ba siya? "Kailangan ko nang umalis agad," pahayag ng lalaki na nakatuon ang tingin sa hawak na phone. Humakbang na ito palabas ngunit muli itong tinawag ng tunay na Avah. "S-sigurado ka... nawawala si Avah Lopez?" Nagsimulang dumaloy ang mga luha niya. Natigilan tuloy ang lalaki. "Oo." Kaagad din nitong binuksan ang malaking monitor sa silid. Isang balita tungkol sa kaniya ang bumungad. Nakikita niya ang port kung saan nakahinto na ngayon ang ferry na sinakyan niya kagabi. Cassiopeia ang pangalan n'on, kagaya ng nakikita niyang nakasulat sa gilid ng ferry. Nagkalat na rin ang mga rescue boats sa malawak na dagat. Patuloy pa rin ang paghahanap sa kaniya, sabi ng reporter. Patuloy pa rin ang paghahanap sa katawan niya. "Kailangan ko nang mauna, David," pahayag ng lalaki. "Ikaw nang bahala sa kaniya." "Sandali, sasama ako," desididong pahayag ni Avah na agad inalis ang luha. "Pupuntahan mo si Avah, 'di ba?" Hindi tumugon ang lalaki na dumire-diretsto na sa paglabas. Susunod sana si Avah, pero bigla naman siyang hinila ni David kaya napahinto siya. "Anong sinasabi mong sasama ka sa kaniya? Kailangan mong magpunta sa ospital," pahayag nito. Muli niyang hinila ang kamay. "Hindi ko kailangang magpaospital! Kailangan kong pumunta roon!" Mabilis na siyang tumakbo para masundan ang lalaki. Napakabilis din ng paglalakad ng taong 'yon na tila hinahabol ang oras. Lakad-takbo na nga siya sa pagbaba, pero dahil matangkad 'yon at mahahaba ang biyas, mabilis itong nakarating sa labas. "Binibini?" pagtawag ng matandang babaeng nakasalubong niya, pero hindi niya ito hinintuan. "Miss, sandali lang!" paghabol ni David na alam niyang nakasunod din sa kaniya. "Anong ginagawa ng mga batang 'to? Bakit kayo naghahabulan dito?" bulyaw ng matanda. "Pasensiya na, Lola. Mukhang may nangyaring 'di maganda," mabilis na wika ni David. "Kailangan na naming umalis!" *** Ilang oras na ang kanilang ibiniyahe. Ayaw sana siyang pasakayin ng kaibigan ni David pero, hindi siya bumaba ng back seat. Tahimik itong nagmamaneho. Katabi ito ni David sa unahan. Habang siya sa likod, walang ibang magawa kung 'di ang mapatingin sa labas ng bintana. Halos malunod siya sa malalim na pag-iisip. Patuloy sa pagkabog nang mabilis ang kaniyang puso. Paulit-ulit lang na tumatakbo sa utak niya ang lahat ng ito. Hindi niya lubos-maisip kung paano ito mangyayari sa kaniya. Imposible talaga ito. Paano siya napunta sa katawan ng babaeng pumayag makipagpalit ng suot sa kaniya? Kung ganoon nga, nasaan na ang babaeng 'yon? Bakit siya na ang nandito sa katawan nito? Isa ba itong klase ng mahika? Kinulam ba siya ng babaeng 'yon? O baka naman, isa lang itong kakaibang panaginip. Isang mala-katotohanang panaginip. Pero, ilang beses na niyang sinampal ang sarili, 'di ba? Hindi pa rin naman siya nagigising. Mula sa kinauupuan niya ay inabot niya ang braso ni David at ubod nang lakas itong kinurot. "Aray!!!" pag-atungal nitong halos mamilipit saka napalingon sa kaniya. "Kung nasaktan ka, ibig sabihin, totoo ang lahat ng ito?" wika niyang muli na namang nangilid ang luha. "Ano ba sa tingin mong ginagawa mo!?" pahayag nitong mangiyak-ngiyak na napahawak sa braso. Saglit lang na napalingon sa kanila ang kaibigan nito pero muli nitong itinuon ang atensyon sa pagmamaneho. Mayamaya pa ay ipinarada na nito ang sasakyan sa harap ng isang malaking ospital. "Bumaba na kayo, samahan mo na lang muna siya sa ospital. Tapos dumiretso na kayo sa police station. Magpapadala na lang ako rito ng kotse mamaya." "Sandali, saan ka pupunta?" wika ni Avah na nasa ibang katawana ngayon. "Hindi ba, pupunta ka kay Avah?" "Wala ka na sigurong pakialam doon," malamig na tugon nito. "David, ibaba mo na siya." "Hindi ako bababa!" pagmamatigas niyang yumakap sa likod ng upuan ni David. "Kung pupunta ka kay Avah, isama mo ako! Kailangan ko ring pumunta sa Batangas." "Bakit ka ba nakikigulo?" saway ni David. "Kailangan mong magpaospital." "Hindi na. Okay lang ako," mariin niyang wika. "Hindi ako matatahimik hangga't 'di ko nalalaman ang nangyari." "Bakit ba? Personal mo bang kakilala si Avah Lopez?" muling tanong ni David. "Oo. Kaya kailangan kong malaman kung anong nangyari sa kaniya—" saglit siyang napahinto. "Kung... patay na siya." Dahil mukhang wala nang panahon ang kaibigan ni David, muli nitong pinaarangkada ang sasakyan. Mas lalo pang kumabog ang puso ni Avah sa maaari niyang matuklasan. Labis siyang nababahala habang nakatutok ang tingin sa kalyeng dinaraanan nila. Hindi siya mapakali sa kinauupuan. Para siyang mababaliw sa pag-aalala. Lubos niya ring idinadalangin na kung panaginip lang ito, sana magising na siya. Napatingala siya. Mataas na ang sikat ng araw at kung ilang oras na siyang nasa ilalim ng dagat, malaki talaga ang posibilidad na patay na siya. Tahimik siyang napaluha sa likod. Panay ang pag-alis niya sa mga 'yon gamit ang kamay. Makaraan ang ilan pang oras, natatanaw na niya ang port kung saan nakahinto 'yong ferry. Iba't ibang klase ng boat at yacht ang nakahilera doon. Napakaraming tao ang naroon. Kumpulan ang reporters na patuloy pa rin sa pagre-report. May mga pulis at ilang mga rescuers na nakasuot ng mga life vest na kulay orange. Marami ring mga taong naroon lang para makiusyoso. Nang ihinto ng lalaki ang kotse, kaagad nang bumaba si Avah at nauna pa siya sa pagtakbo sa mga ito. "Sandali lang, Miss!" Narinig niya ang pag-alma ni David pero wala na siyang pakialam. Patuloy lang sa pag-uunahan ang kaniyang mga paa palapit sa dulo ng port. At nang makarating siya, kaagad siyang lumusong. Sumalubong sa kaniya ang malamig na temperatura ng tubig. Nagpatuloy lang siya sa pagkampay ng kaniyang mga kamay. Tumingin siya sa paligid. Sa kabila ng dilim, may kakaunting liwanag na sumisilip mula sa sikat ng araw. Inilibot niya ang mga mata sa lahat ng direksyon, maging sa kadiliman ng pinakailalim na bahagi. Gusto niyang tingnan ang bawat sulok ng karagatan kung maaari, ngunit may bigla na lamang humawak sa baywang niya. Nagpumilit siyang magpumiglas. Pansin niyang iniaangat siya nito, pero hindi 'yon ang gusto niya. "Sino ka ba!" piping sigaw ng utak niya. "Bitiwan mo ako!" Sinubukan niyang hampasin ang mga braso nito pero hindi siya umuubra. Hanggang sa bumungad na sa kaniya ang nakasisilaw na liwanag ng araw. May agad na tumakip ng tuwalya sa pagmumukha niya, kasunod ay mabilis siya nitong hinila upang makaahon. Itinutulak naman siya ng taong nandoon pa sa dagat. Wala siyang kalaban-laban sa mga ito. Natigilan lang si Avah nang marinig ang pamilyar na ingay ng mga flashes ng camera. "Sino po siya? Kaibigan ba siya ni Avah?" "Anong masasabi mo sa pagkawala ni Avah?" "May ideya ka ba kung bakit siya nagpakamatay?" Sunod-sunod na ang pagtatanong ng mga ito. Wala na siyang magawa kung 'di ang mapakapit sa braso ng dalawang lalaking, may ideya siya kung sino. Iginigiya siya ng mga ito patungo sa kung saan habang nakatakip pa rin ang kaniyang ulo. "Hindi siya kaibigan ni Avah. Takas siya sa mental, ano ba naman kayo?" Narinig niyang wika ni David na nagpilit pa ng pagtawa. "Subukan n'yong maglabas ng pictures niya, magkakaroon kayo ng malaking problema," pagbabanta pa ng kaibigan nito. Ilang sandali pa ang lumipas, isinakay na siya ng mga ito sa kotse. Nanginginig naman si Avah kasabay ng patuloy ng pagdaloy ng luha. "Ano bang problema mo!?" bulyaw ng lalaki nang alisin ang tuwalya sa kaniyang ulo. Mukhang natigilan lang ito nang makita ang hitsura niya. "K-kailangan ko 'yong mahanap," pag-iyak niya. "Ang alin?" tanong ni David na nakasilip din mula sa labas. "David, dalhin mo na siya sa ospital." Padabog nang isinara ng lalaki ang pinto. "Hindi!" pag-alma ng totoong Avah. "Dito lang ako. Maghihintay ako!" desididong pahayag niya. Hindi tumugon ang lalaki na nagsimulang maglakad palayo. Binuksan niya ang pinto at muli siyang bumaba, pero agad siyang nahawakan ni David. "Ano bang ginagawa mo? Nababaliw ka ba talaga?" wika nito. "Bitiwan mo ako!" Dahil sa pagpupumiglas niya, muling lumapit 'yong kaibigan ni David at hinawakan din siya sa magkabilang braso. Saka pa lang niya natitigan ang lalaki. At saka pa lang din rumehistro sa kaniya ang pamilyar nitong mukha.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม