Chapter 4: Four Inches

1060 คำ
*** Mabuti na lang at makakalabas na sila ng presintong 'yon. Nakakatakot kayang mapahalo sa mga kriminal na mayamaya ay dinadala roon. Isang gabing matutulog si Owen doon samantalang ang mga kasama nitong umawat lamang sa pagwawala nito ay pinayagan nang makauwi kasabay nila. Pareho ring humingi ng dispensa sa inasal ng kaibigan ang mga ito. "Ayos ka lang?" tanong ni Nick habang naglalakad na sila palabas ng istasyon ng pulis. Malamig ang hanging hatid ng gabi na sumasalubong sa kanila, pero hindi nito napapawi ang kaniyang pagkainis. "Oo naman, bakit hindi?" balik-tanong ni Mia kahit hindi naman 'yon ang makikita sa pagmumukha niya. Nang may makita nga siyang maliit na bato sa daan ay ubod nang lakas niya itong sinipa. Dismayado si Mia sa mga pangyayari ngayong gabi. Naiinis siyang hindi niya nakita ang ex niya at nangagalaiti siyang napunta siya ngayon sa police station nang dahil kay Owen. Hawak ni Nick ang phone nito at may kung ano itong binabasa. Alanganin naman itong napalingon sa kanya. "Ano? Bakit?" wika ni Mia na tinaasan ito ng noo. "Kasi, usap-usapan sa group chat 'yong saglit na pag-uwi ni Yohan dito sa bansa. Namatay raw kasi ang grandfather niya. Ilang araw na rin pala siyang nandito, at sabi, kanina 'yong naging flight niya pabalik ng Europe." "Talaga?" Kunyaring napatawa siya kahit sa totoo lamang ay lalo pa siyang nainis. "Siraulo talaga 'yong si Rachel, bakit ba ako nakinig sa kanya?" pahayag niya patungkol sa club member nilang ex-BFF niya. 'Nakakainis!' "Hindi ko alam kung dapat ko pa bang banggitin sa 'yo," wika ng lalaki na nagdadahan-dahan sa pananalita. "Banggitin mo na, tutal, nasabi mo na." Sinamaan niya ito ng tingin. Napalunok ito bago nagpatuloy, "Naging bali-balita ring matagal na siyang engage. Kahit noong hindi pa kayo." "Engage na siya before?" Napanganga na lang siya at napabuga ng hangin sa kawalan. "Sorry. Dapat hindi ko na lang sinabi sa 'yo," pahayag ni Nick na mukhang nag-alala pa sa kanya sa ngayon. Ibinalik na nito sa bulsa ang phone. Nagkunyari na lamang tuloy siyang napapatawa. Nababaliw na yata siya. Kung maaari lamang siya magpatingin sa girlfriend ng Kuya Tim niya, tutal Psychologist naman 'yon. Pero, hindi naman puwede. Muling nagwika si Nick na ramdam siguro ang awkwardness sa pagtawa niya. "Sabi mo hindi naman na siya big deal, bakit natin siya hinahabol ngayon?" "Hindi natin siya hinahabol! Naku, tara na nga!" sambit niyang nauna nang naglakad. Saka naman niya narinig ang pagtunog ng phone na naroon sa kanyang bag. Saglit siyang huminto para basahin 'yon. [Hindi pa tayo tapos, lagot ka sa akin pag-uwi ko!] Hindi naman siya nito isusumbong sa dad nila, 'di kaya? Kasi mas lalo siyang mananagot. Fourth year college na siya, pero nararanasan pa rin niyang ma-grawnded. Ang dad niya, karinyo brutal din 'yon na kapag hindi niya sinunod, ipapahiya siya nito sa social media. Palibhasa, magaling din ito pagdating sa makabagong technology at hindi pahuhuli sa social trends. Nauungusan pa nga siya nito dahil kumpleto ito sa Friendsbooks, Tuwitter, Stargram. Eh, Friendsbook lang ang mayroon siya. Idagdag pa ang libo-libo nitong followers na wala pa 'ata sa kalahati ng kanya. "Problema mo?" usisa ni Nick, "Nag-text ba si Yohan sa 'yo?" "Hindi, ano! Si Kuya kasi binantaan ako, lagot daw ako pag-uwi niya," sagot niyang medyo nababahala, saka niya muling napansin ang basag na salamin na suot pa rin ni Nick. "Tanggalin mo na nga ito. Sira naman ito, bumili ka na lang ng bago bukas," pahayag niyang kukunin sana 'yon sa mata nito, pero umilag naman ito at bahagyang lumayo sa kanya. "Hindi puwede. Para namang hindi mo alam na bulag ako kapag hindi ko ito suot. Mapagtitiyagaan ko pa ito ngayon. Bibili na lang ako ng bago bukas," paniniguro nito na saglit iyong inalis para punasan gamit ang thin cloth mula sa bag nito, at kaagad din naman nitong isinuot. "Okay, sabi mo, eh," pahayag niyang muling naglakad. "Si Angel nga pala, nag-text. Huwag daw muna natin siyang dalawin kasi naroon pa ang mga tita niya," pahayag ni Nick patungkol sa isa pa nilang kaibigan. "Naalala mo 'yong mga kapatid ng mom niya na madalas kaming pagkamalan na mag-boyfriend." Bigla na lamang siyang napahalakhak at napapalakpak nang dahil sa narinig. Imposible kasi ang bagay na gusto ng mga tita ni Angel dahil ayaw ng mga ito sa isa't isa. Doon na niya natanaw ang eleganteng babaeng makakasalubong nila. Kapansin-pansin ang suot nitong branded na red high heels. Palagay niya ay apat na pulgada ang taas niyon. Sa tuwing paghakbang ng babae ay maririnig ang malutong na tunog ng takong nito. Kaagad itong napangiti nang siya'y makita. "Hi Mia! Anong ginagawa mo rito?" tanong ng magandang babae na girlfriend ng kuya niya, si Ate Jenina. "Dinalaw mo ba ang kuya mo?" "Parang gano'n na nga," sagot niyang pinagmasdan ang suot nitong white blouse. Napakasimple lang n'on pero bakit napaka-sopistikada pa rin nitong tingnan? "Nagdala ako ng makakain niya, kasi alam kong nasa night shift siya ngayon at malapit na silang magbreaktime." Napalingon naman ito sa kasama niya. "Boyfriend mo?" Nalingunan din niya si Nick na nakatulala sa babae. "Ah, hindi. Classmate ko at kasama ko sa club namin." "Nick..." bulong ng lalaki. "Ano 'yon?" tanong ni Ate Jenina na mukhang hindi ito narinig. "Nick ang pangalan niya," pahayag niyang nagtataka sa reaksyon ng lalaki. "S-si Mia...binastos ng ex niya... kaya binugbog ko," pahayag nito. Bigla yatang nag-malfunction ang utak nito ngayong kaharap ang magandang girlfriend ng kuya niya. "Anong sinasabi mo riyan? Hindi ko ex 'yon," bulalas niyang bumaling kay Ate Jenina. "Pasensya ka na. Mukhang nahihilo pa 'ata ito sa pagkakasuntok sa kanya kanina. Mauna na kami, nasa loob lang si kuya, puntahan mo na siya." Ngumiti ang babae bago tumugon sa kanila, "Sige, mag-ingat kayo. Bye, Nick, it's a pleasure to meet you." Nang makalayo ang babae ay saka pa lamang tila nagising ang lalaking kasama niya. "Anong nangyari sa 'yo?" usisa niya na pinamaywangan ito. "Ang ganda niya, sino 'yon?" wika ng lalaking nilingon pa si Ate Jenina na ngayon ay papasok sa loob ng istasyon. "Huwag mo na siyang pangarapin. Girlfriend siya ni kuya at matagal na sila. Kasal na lang ang kulang sa mga 'yon, gusto rin siya ni dad kaya wala na silang magiging problema pag nagkataon," pahayag niyang muli nang naglakad. "Tara na nga! Ihatid mo na ako sa amin!"
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม