Chapter 5

1057 คำ
"Mukhang nagkapalit yata tayo ng kape," bulalas ni Noel na iniaabot ngayon sa kaniya ang large plastic tumbler na nainuman na nito. "Tingin mo tatanggapin ko pa 'yan?" pag-angil ni Nathan na pinanlakihan ito ng mata. "Ang arte nito! Wala naman akong rabies," sagot nitong napanguso. "Bumili ka ulit doon!" utos niyang napataas ang boses. "Ah…ang sakit ng ulo ko," pag-iinaarte nitong napapaling sa gilid ng kinasasandalan ang ulo. "Haist!" bulalas ni Nathan walang magawa kung 'di ang lumabas ng kotse. *** Tumunog ang chime sa pintong salamin pagkapasok ni Nathan. Hindi na siya nag-abalang magsuot ng face mask at cap dahil sa kaniyang pagkainis. Kakaunti lang naman ang customer sa loob kaya palagay niya'y 'di siya dudumugin. Maganda ang ambiance ng lugar na may pangalang Hot Papa’s Coffee Shop. Kaagad umagaw ng kaniyang pansin ang naggagandahang cake slices na naroon sa display sa counter. Habang naglalakad patungo roon, mistulang tumigil ang oras ng lahat pagkat sa kaniya lang nakatuon ang pansin ng mga ito. Saglit niyang isinuot ang dalang shades na bumagay sa kaniyang bad boy look and aura. Dahil sa reaksyon ng mga babaeng naroon, kaagad na nagbago ang mood niya. Pasimple siyang ngumiti sa paligid habang ang ilan sa mga ito ay nagsimula nang kunan siya ng litrato. Kapansin-pansin sa mga naroon ang kilig at tuwa dahil sa kaniyang presensiya. "Si Nathan De Guzman 'yan, 'di ba?" "Grabe! Ang guwapo-guwapo niya!" "Tingnan mo, ngumiti siya sa akin!" Ganiyan ang karaniwang reaksyon ng kaniyang mga tagahanga. Kung minsan pa nga ay may ilang hinihimatay kapag nakikita siya. "Good Morning, Sir! Sa inyo po?" wika ng babae sa likod ng counter. Kaswal lang ang pagkakangiti nito sa kaniya, 'di tulad ng ibang kababaihang narito. "Iced Americano..." tugon niyang bahagyang natulala. "One Iced Americano, medium po o large?" tanong ng babaeng diretsong nakatingin sa kaniyang mga mata. Medyo nadismaya siya nang dahil doon. "Large..." Bakit normal lang itong...nakatingin sa kaniya? Samantalang ang ibang babae rito, hindi maitatangging kilig na kilig ngayong nakikita siya? "Miss, hindi mo ba ako kilala?" "I'm sorry, Sir?" Napakunot ang noo nito. "Ako si Nathan De Guzman," pahayag niyang pinilit ngumiti ng ubod nang tamis. Saka siya umanggulo gaya ng karaniwang pose niya sa kaniyang mga patalastas. Narinig lang niyang umugong ang hiyawan sa loob ng establisyemento. Saglit na napatingin sa paligid ang babae, pero kaagad ding itinuon ang pansin sa kaniya. "Yes, Mr. Nathan De Guzman, one large Ice Americano, one hundred twenty five pesos po," pahayag nito habang mabilis na pumipindot sa POS na nasa harap nito. Iniabot niya ang kaniyang debit card at mabilis 'yong na-swipe ng babae. Pagkabalik sa kaniya ng bagay na 'yon, tumalikod na ito para ihanda ang kaniyang order. Totoo ba ito? Hindi siya...kilala nito? "Puwede bang humingi ng autograph?" Napalingon siya dahil sa malambing na tinig ng babaeng katabi na pala niya. "Number one fan mo ako, eh!" bulalas nitong iniayos ang buhok sa gilid ng tainga. Pinagbigyan naman niya ito at kinuha ang papel na ibinigay nito at agad na niyang pinirmahan. "Ako rin, Mr. Nathan De Guzman. Sa maniwala kayo o hindi, number one fan n'yo rin ako," wika ng maskuladong mama na lumapit din sa kaniya. Alangan lamang siyang napangiti. Mayamaya pa, napalibutan na siya ng ibang customer na humihingi rin ng authograph niya. *** Kahit medyo may pagtataka si Janice sa lalaking kustomer, hindi na niya ito gaanong inintindi at itinuon na lang ang pansin sa ginagawa. Pagkasara niya ng takip sa Ice Americanong in-order nito, sakto naman ang pagdating ni Lily, ang isa sa kanilang part-timer. "Ate Janice, isinabay ko na si Sasha. Hayun siya, oh." Turo nito kaya napalingon siya sa direksyon ng salaming pinto, kung saan nakatayo ang limang taong gulang na batang nakasuot ng uniporme, at may malaking butterfly hair clip sa buhok. Kumaway siya sa anak-anakan na kaagad namang gumanti ng pagngiti. "Naku, salamat, Lily," pahayag niyang taos sa puso. Tinanggal na niya sa katawan ang suot na apron at cap na may brand name ng kanilang coffee shop. Madalas nitong isabay si Sasha. Nakatira kasi ang babae malapit sa pre-school kung saan pumapasok ang bata. "Anong salamat?" Napangiti ang babae at tila nagsimula ng mangarap nang gising. "Makita ko lang ang guwapong teacher ni Sasha, kumpleto na ang araw ko, eh." "Ikaw talaga," wika niyang mahinang napatawa sa babaeng mas bata lang ng ilang taon sa kaniya. "Sya, ako na ang bahala rito. 'Di ba at may bibilhan ka pa para sa birthday ng anak mo?" sabi ni Lily na nagsuot na ng apron at cap. "Diyan lang naman kami bibili sa kabilang tindahan, eh," tugon niyang kinuha sa ilalim ng kabinet ang bag. "Sige, aalis na kami. Pag-out mo, dumaan ka sa bahay para makatikim ka ng handa ng baby ko," alok niyang saka lumabas ng counter. "Sure, tirhan mo ko, ha?" pahabol ng kanilang part-timer na matapos kumaway ay binasa na ang nakitang pangalan na nakasulat sa cup ng Ice Americano. "Mr. Nathan De Guzman, ito na po ang order n'yo—" Narinig na lang niya ang pagtili ni Lily habang nakatingin doon sa lalaking kustomer. Siguro ay sikat ang taong 'yon. Ngunit siya, 'di niya iyon basta-basta masasabi. Para sa kaniya, pare-pareho lang ang kanilang itsura, blangko. Pero, paminsan-minsan, kung may makikita man siya sa mukha ng iba, madalas ay paiba-iba ang porma nito. Hindi kasi 'yon tumatatak sa kaniyang isipan. At nag-iisang tao lang sa mundo ang nagagawa niyang makilala, si Sasha, ang natatanging alaalang naiwan sa kanila ng kaniyang Ate Jizelle. Napatingin siya sa maliit na batang nakatuon din sa kaniya ang pansin. Lumapit ito at hinawakan ang kamay niya. "Tara na po, Mama," pag-aya nito gamit ang pinakamalambing nitong tinig. *** Hawak pa rin niya ang kamay ng pamangkin na nakasanayan na siyang tawaging Mama, ang salitang pinakamatamis sa kaniyang pandinig. Matapos makabili ng plastic cups, fork and spoon at paper plates, lumabas na si Janice sa katabi nilang tindahan. Iyon na lang naman kasi ang kulang dahil nakapamili na siya ng panghanda last week. At malamang, sa mga oras na ito, nailuto na iyon ng kaniyang ama, sa tulong ng kaniyang mga kaibigan na si Candy at Mervin. "Mama, may nakalagay po sa windshiled n'yo," pansin ng bata sa mga papel na naroon at nakaipit. Kinuha naman niya 'yon. "Ano 'tong mga ito?"
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม