12. Black and White

2796 คำ
"PAGDATING sa totoong laban, huwag ninyong mamaliitin ang inyong kalaban dahil kahit na nasa inyo na ang mas mataas na antas ng aura... May posibilidad pa rin na matalo nila kayo!" seryosong winika ni Sir Shin sa kanyang mga estudyante.   Sa Purif School, itinuturo ng mga guro rito ang pagkakaroon ng pantay-pantay na tingin sa bawat isa. Isa itong bagay na mahirap itanim sa lahat lalo na sa mga estudyanteng nabuhay sa karangyaan at kapangyarihan.   Bilang isang Hero, dapat ay maging patas sila. Sa tunay na buhay sa labas, bibihirang mapansin ang mga taong may mahinang aura at ito ang gusto nilang maialis sa isip ng mga pumapasok sa paaralang ito.   Oo! Sa panahong ito, nararamdaman pa rin ng lahat na mas prayoridad ang mga mas malalakas pagdating sa pagtulong ngunit ang Purif City ang may pinakakaunting bilang ng mga bayani at halos karamihan ng mamamayan dito ay mga nagtataglay ng mahinang lebel ng aura. Sa kaunting bilang ng mga bayani sa lugar na ito, hindi na nila magawang iligtas ang lahat ng nangangailangan. Ang malalakas naman nilang bayani ay bihirang tumao sa siyudad sapagkat madalas ang mga ito ay nasa ibang misyon na ibinibigay ng mga nakakataas sa mundo.   Magmula nang mangyari ang misteryosong pagsabog ng kalahati ng mundo, maraming taon na ang nakakaraan... mas lalong pinag-igi ng bawat siyudad ang paghahanap ng mga susunod na mga bayani. Hindi man nila alam ang mangyayari o posibleng maganap, tila may kung anong bagay naman silang pinaghahandaan. Isang prediksyon na hindi nila alam kung ito ba ay talagang mangyayari sa hinaharap.   Maging handa! Ito ang dalawang salitang nasa isip ng bawat bayani, at ng bawat lugar sa natitirang bahagi ng daigdig.   "Sa paaralang ito! Ihahanda namin kayo. Gagawin namin kayong malakas! Iilan lamang kayo kaya dapat ay mas pagbutihin naming mga guro ang pagtuturo sa inyo," seryosong sinabi ni Sir Shin. Muli siyang pumitik sa hangin at ang lahat ay bumalik sa loob ng silid-aralan. Nakaupo na muli sila sa kani-kanilang upuan.   "Luke, okay ka na?" tanong ng guro sa binata na nakaupo sa unahan. Nilapitan niya ito at nginitian.   "Malakas ka Luke. Isa kang Manchester. Pero sana, huwag mong maliitin ang mga kasama mo rito. Isa pa..."   Napayuko naman si Luke. Nasa isip nito ang inis at hindi niya matanggap ang nangyari kanina. Hindi niya akalaing maiisahan siya ng isang Violet Aura. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay napakawala niyang kwenta.   "Lahat kayo para sa akin ay pantay-pantay. Wala akong kinikilalang mas malakas sa inyo. Pwede ninyong matalo ang isa't isa... at lahat kayo ay may kakayahang maging bayani ng siyudad na ito!" serysoso pang sinabi ng kanilang guro habang tinitingnan ang bawat isa.   "Tatanungin ko kayong lahat... Gusto ba ninyong maging bayani? Gusto ba ninyong iligtas ang nangangailangan? Gusto ba ninyong protektahan ang siyudad? Ang mundo nating ito?" sabi ni Sir Shin at kumawala muli ang Orange Aura nito na nagpaliwanag sa loob ng kwartong iyon. Ang mga salita ng gurong iyon ay tila isang enerhiyang pumasok sa isip ng bawat isa. Pagkarinig nila noon ay malakas nilang sinabi na gusto nila!   "Magiging Hero ako!" seryosong nasa isip nina Claude, Shilva at Odessa.   Si Speed, napangiti matapos iyon. Masaya siyang malaman na ang paaralang ito ay napakaganda ng layunin para sa kagaya nila. Tanging si Beazt lang naman ang hindi sumagot sa tanong na iyon ng kanilang guro. Nakatingin lang siya rito at seryosong pinagmamasdan ang aura nito. Isang bagay lang ang tumatakbo sa isip niya nang mga oras na iyon.   "Gusto kitang makalaban!"   *****   NATAPOS ang klase ni Sir Shin at iyon na rin ang pagtatapos ng kanilang klase ngayong araw. Apat na oras na lecture lang iyon. Itinuro ni Sir Shin sa mga estudyante niya ang tungkol sa Aura. Ang gamit nito at ang antas na mayroon ito base sa kulay.   "Pagbasehan ninyo ang kulay ng bahaghari... Nasa itaas ang pula, ang pinakamalakas at nasa pinaka-ibaba ang violet."   "Sir!" Nagtaas ng kamay si Vruce at seryosong nagtanong sa kanilang guro.   "Totoo ba na may mga taong nagtataglay ng Black at White Aura?" tanong nito na nakuha niya mula sa pagbabasa niya.   Napatingin din ang halos karamihan sa mga naroon sa kanilang guro. Nabasa rin nila iyon. Kasamahan iyon ng mga kwentong tungkol sa mga Demons.   "Nabasa ko rin iyan sir sa isang libro sa bahay. Ang White Aura ay ang kulay na mayroon ang lahi ng Angels at ang Black ay ang sa lahi ng Demons," wika naman ni Enma, isa sa mga estudyanteng mahilig magbasa ng mga kwentong piksyon nang ito'y bata pa.   Nginitian naman ni Sir Shin ang lahat. Nabasa na rin niya ang librong iyon. Ngunit sa tagal na niyang nabubuhay at maging ang mga matatanda niyang kakilala ay hindi rin alam kung totoo ito. Wala pang malinaw na ebidensya na may mga taong nagtataglay ng ganitong aura.   Ang kwento tungkol sa lahi ng Angels at Demons, ilan lang ito sa mga istoryang nagpasalin-salin mula noon at nagustuhang basahin ng mga bata at kabataan.   "Hindi ko masabi. Mukhang hindi iyan totoo. Para sa akin, kasi, hindi pa naman tayo nakakita ng ganyang bagay. Kahit ang mga datos na tala ng mga ninuno natin, walang nakalagay na totoo iyan. Kaya para sa akin, hindi nag-e-exist ang bagay na iyan," seryosong sagot ng kanilang guro.   "Pero paano sir kung totoo sila? Lalo na ang mga Demons? Nagtataglay sila ng iba't ibang klase ng abilidad. At sila ang pinakamasamang nilalang na mababasa sa mga libro?" wika naman ni Lasty na seryosong nakatingin sa kanyang mga guro.   "Kung sakali mang totoo sila? Siguro, dapat mas maging malakas kayo... Sapagkat, sino ba ang unang magliligtas sa lahat? Hindi ba tayo? Hindi ba kayo?" sambit ni Sir Shin na nagpaseryoso sa lahat.   Si Speed at Beazt, hindi maiwasang makinig sa konbersasyon sa loob ng kanilang silid. Tanging silang lang dalawa ang hindi alam ang patungkol doon. Ni minsan ay hindi pa nakapagbasa ng libro ang mga ito. Nang marinig nila ang tungkol sa Angels at Demons, tila may kung ano sa sarili nila ang nagbigay ng interes sa mga ito.   Si Beazt, wala itong gusto kundi ang maging malakas at malaman ang kanyang kapangyarihan. Wala siyang pakialam palagi sa paligid, ngunit nang marinig niya ang salitang Demon... parang may kung ano sa kanyang sarili ang nagsabing gusto niyang mabasa ang tungkol sa mga iyon.   "Beazt, tayo sa aklatan pagkatapos nito?" mahinang tanong ni Speed sa kaibigan. Inaasahan na rin niyang hindi sasama ito ngunit nagulat siya sa isinagot nito.   "Interesado ako sa kwentong tungkol sa Demons. Sasamahan kita," winika ni Beazt habang nakatingin sa kaibigan.   Isang tunog ng alarma ang umalingawngaw sa buong Normal Area, ibig-sabihin noon ay tapos na ang klase nila sa araw na ito. Ang natitira nilang oras ay para sa paglilibot sa paligid. Malaya silang gawin ang kahit ano basta wala silang lalabagin na patakaran sa paaralan.   "Mukhang see you tomorrow na uli! Masaya akong makilala kayong lahat! Sana magkaroon ng saysay ang unang taon ninyo sa akin," nakangiting wika ni Sir Shin sa lahat. Nag-wave pa ito ng kamay sa lahat at muli itong pumitik sa hangin.   Naglaho agad ang kanilang guro.   "Gutom na ako," wika sa sarili ni Sir Shin matapos iyon.   Matapos makaalis ng kanilang guro ay nagsitayuan na agad ang lahat.   Si Odessa, biglang lumapit kay Speed nang sandaling iyon. Nakangiti nitong binati ito.   "Ang galing mo Speed! Odessa nga pala," nakangiting wika ng dalaga na iniabot agad ang kanang kamay para sa pakikipagkamay.   Napatingin naman si Speed sa dalaga. Napansin niya ang matulis na tainga nito.   "Isa kang Elf? Tama?" tanong ni Speed at bahagyang nahiya ang dalaga. Sandali ring napatingin ang mga kaklase nila sa unahan dito.   Napansin na rin nila iyon. Ang mga Elf ay isang lahi na naiiba sa normal. Pero ang lahi ng mga ito ay malapit nang maubos dahil nahirapan sila magpalahi sa mga nakalipas na mga panahon. Sinasabi rin na marami sa lahi nito ang namatay nang panahong naglaho ang kalahati ng mundo.   "O-oo, isa ako Elf," nakayukong wika ng dalaga. Si Beazt, pasimpleng pinagmasdan ang dalaga. Naiiba nga ang balat nito kumpara sa kanila. Masyado itong makinis pero hindi naman sobrang puti. Tila ba, hindi ito nagkakaroon ng kung anong tumutubo sa balat lalo na sa mukha nito.   Mabilis na kinamayan ni Speed si Odessa at tumayo siyang may ngiti at galak.   "Ayos! Totoo pala ang Elf Clan! Ano'ng ability mo?" masiglang tanong ni Speed sa dalaga na bigla namang pinamulahan sapagkat halos mapalapit siya sa binata.   "A-ako... Kaya kong lumikha ng tatlong klase ng pulbos," pagsisiwalat nito.   Ang ilan sa mga kaklase nila ay nagsi-alisan na, at tanging ang magkapatid na Enma at Mirai ang natira sa mga Blue Aura Users. Lumapit din sila kina Speed.   Bumitaw si Odessa sa binata at ngumiti ito. Nabalot ng Indigo Aura ang kanang kamay nito. Doon ay biglang may maliit na hanging umikot sa palad nito. Unti-unting nagkakulay iyon at nagmukhang mga pulbos.   "Ang kulay dilaw na pulbos... Pam-paralisa..." wika ng dalaga. Pagkatapos ay nagbago muli ang kulay nito.   "Ang violet ay para sa lason."   Muling nagbago ang kulay noon at naging berde.   "At ang pampatulog na pulbos!" nakangiting wika ni Odessa kay Speed.   Pasimple namang nakatingin dito si Beazt at sina Enma. Ganoon din sina Claude at Shilva na nasa likuran ng dalaga.   "Subukan mo nga sa akin kung gagana!" sambit ni Speed na nagpaatras kay Odessa.   "H-huwag na, matagal amg epekto nito sa sinuman," sabi ni Odessa ngunit mapilit si Speed. Gamit ang kanyang kamay, inabot niya ang kamay ng dalaga na may berdeng pulbos.   "M-magtakip kayo ng bibig at ilong!" sambit ng dalaga at sa paghawak ni Speed sa pulbos ay siya naman nitong pagkalat sa hangin. Napatakbo palabas sina Claude at Shilva sapagkat alam na nila ang tungkol sa bagay na iyon.   Sina Enma at Mirai ay napatakbo rin palabas. Maging si Beazt ay ganoon din dahil hindi niya alam kung ano ang pwedeng mangyari sa kanya.   Nang mawala na ang pulbos na berde sa hangin ay dito na nagsipasukan sa loob ang mga ito. Naroon si Odessa na nangingiting-hindi habang ginigising si Speed na nakabulagta sa sahig at sarap na sarap sa pagtulog.   "A-ang kulit mo kasi!" sambit ni Odessa na sinusubukang gisingin ang binata.   "Mukhang maganda ang ability mo," biglang sabi ni Mirai na ikinabigla ni Odessa.   "S-sigurado ka?" Napatayo ang dalaga at nahiya dahil sinabi iyon ng isang Blue Aura User sa tulad niya.   "Tama ang kapatid ko. Magandang ability iyan pagdating sa laban. Mapapatulog mo ang kalaban," sabi naman ni Enma na biglang ngumiti sa dalaga.   Si Beazt, nilapitan ang kaibigan at tinapik-tapik ang pisngi nito. Sinubukan niya itong gisingin, pero hindi man lang bumukas ang mata nito.   "M-mga isang oras siyang makakatulog..." natatawang sabi ni Odessa kay Beazt.   Pagkarinig noon ni Beazt ay umupo na ito sa tabi ng kaibigan. Sandali niyang pinagmasdan ang kanyang mga kasama lalo na sina Enma at Mirai.   "Beazt, Enma," sabi ni Enma at inilahad nito ang kanyang kanang kamay sa harapan ng nakaupong si Beazt. Nakita niya ang ginawa nito kay Bazil. Nang lumabas ang Green Aura ng kasama niyang iyon, wala na siyang naisip na gawin kundi ang manood.   Pero ang lalaking ito, ang lalaking walang aura na nagngangalang Beazt... Ni hindi man lang niya nakitaan ng pag-aalinlangan.   "Magiging malakas kami ni Mirai!" Ito ang sinabi niya sa litrato ng kanyang ama na si Kitetsu bago pumunta ng Purif School. Pero paano siya magiging malakas kung sa pagkakita pa lang sa isang may mas malakas na aura ay wala na siyang magawa? Napaseryoso tuloy si Enma habang nakatingin kay Beazt at ganoon din sa natutulog na si Speed.   "Gusto ko kayong makilala ni Speed!" nakangiti nitong winika at si Mirai ay nginitian din ang binata.   Hindi naman nakipagkamay si Beazt. Bagkus ay nagsalita na lang ito.   "Gusto kitang makalaban. Alam kong isa kang malakas na indibidwal," sabi ni Beazt na nagpangiti sa magkapatid. Kagaya ito ng ginawang paghamon nito kay Freya noong pagsasala.   "Bakit gusto mong makalaban ako?" tanong ni Enma sa binata. Dito ay tila may kung anong atmospera ang bumalot sa dalawa.   "Gusto kong malaman kung ano'ng kapangyarihan ko. Gusto kong malaman kung lalakas ba ako," sagot ni Beazt na wala man lang pag-aalinlangan.   Ngumiti muli si Enma.   "Sige! Tatanggapin ko ang hamon mo... Iyon ay kung makikipagkamay ka sa akin at makikipagkaibigan?" seryosong wika ni Enma.   Sina Odessa, nagulat sa narinig nila. Isang Blue Aura User ang nakikipagkaibigan sa isang walang aura na indibidwal.   "Kayo, pwede rin tayong maging magkakaibigan. Hindi maganda kung kayo-kayo lang ang palaging magkasama. Ano? Okay ba sa inyo iyon?" wika naman ni Mirai kina Odessa, Claude at Shilva. Makikita sa dalaga na seryoso ito habang bakas sa labi ang isang tunay na ngiti.   Pagkakita nga nina Claude at Shilva sa ngiti ng dalaga ay bigla silang napalunok ng laway. Tila naging isang cute na dalaga ito sa paningin nila matapos iyon. Agad ngang tumango ang tatlo, tanda iyon ng kanilang pagsang-ayon. Doon nga ay lalong ngumiti si Mirai.   Napatayo naman si Beazt at mabilis na kinamayan si Enma.   "Sige! Kailan tayo maglalaban?" tanong kaagad ni Beazt dito na ikinangiti lalo ni Enma.   "Okay ba sa iyo bukas? Pagkatapos ng klase?" tanong ni Enma na mabilis na sinang-ayunan ni Beazt na hindi man lang nag-isip.   Walang pag-aalinlangang tinanggap ni Beazt iyon. Ang nasa isip lang niya ay makalaban ang isang Blue Aura na katulad ng nasa harapan niya nang mga sandaling iyon.   "Pero kuya, kung isang Tagisan, ano ang pinag-aawayan ninyo? Wala naman kayong alitan?" biglang tanong ni Mirai sa kanyang kapatid.   "O-oo nga. Paano nga iyon?" wika ni Enma na napatingin sa taas na tila nag-iisip.   "Kung sino ang mas malakas sa atin!" sambit naman ni Beazt na ikinatingin ni Enma rito.   "Tama ka nga. Isa pa, hindi kita mamaliitin Beazt. Nakita ko ang ginawa mo kay Bazil," seryosong sinabi ni Enma at tiningnan din sa mga mata ang binata.   "Kapag natalo kita, magiging taga-sunod kita," dagdag naman ni Beazt na ikinawala ng maaliwalas na itsura ni Enma. Si Mirai ay biglang naglaho ang ngiti matapos marinig iyon. Napakibit-balikat din si Enma matapos iyon. Pinagmasdan niya si Beazt at tinapik ang balikat.   "Sige. At kapag natalo kita..." Sandaling nag-isip si Enma.   "Ikaw ang magiging taga-sunod ko?" seryosong sinabi ni Enma. Ayos na sa kanya ang maging kaibigan si Beazt ngunit tao pa rin siya at hindi niya nagustuhan ang pagiging kampante nito. Ni hindi niya maisip na magiging taga-sunod siya ng tulad nitong walang taglay na aura.   Sandaling tiningnan siya ni Beazt at pagkatapos ay umupo na uli ito sa tabi ng natutulog na si Speed.   "Bukas, pagkatapos ng klase. Hihintayin kita sa paglalabanan natin," wika pa ni Enma at nagpaalam na ang magkapatid sa mga ito. Seryoso silang lumabas.   "B-beazt! S-sigurado ka ba!? Malakas si Enma! Anak siya ni Sir Kitetsu!" bulalas ni Claude na lumapit agad dito.   "Pero Claude. Napabagsak niya si Bazil," sabi naman ni Shilva na napapaisip din ng mga posibilidad.   "S-susuportahan namin kayo! K-kaming tatlo! Magiging taga-sunod mo kami!" sambit naman ni Odessa. Sina Claude at Shilva, nagkatinginan naman matapos iyon.   "Oo nga! Sasamahan namin kayo ni Speed!" bulalas ng dalawa.   Si Beazt, napatingin na lang sa tatlo at pagkatapos ay napatingin sa malayo.   "Kung iyan ang gusto ninyo... Sige." Pagkasabi noon ni Beazt ay napangiti ang tatlo. Dito ay tila naging masaya ang mga ito dahil para sa kanila, ang binatang walang aura na ito ay ang pinakamalakas sa kanilang lahat.   Mula naman sa labas ng silid na iyon, isang mahihinang hakbang naman ang tila maririnig. Walang nakakakita rito ngunit kanina pa itong naroon. Kanina pa itong nakikinig sa mga nangyayari sa loob.   "Magkakaroon ng Tagisan bukas? Kailangang mapanood ito ng lahat. Ipapaalam ko ito sa Purif 8!" sabi sa sarili ng estudyanteng iyon.   Si Rui Kraizer, ang isa sa Purif 8 na may kakayahan ng Invisibility.   Naglakad na ito palayo at nang makalayo ito ay unti-unti nang nakita ang katawan nito nga mga nilalampasan nito. Ilang tili ng mga babae ang biglang narinig pa sa paligid.   "Ang maninilip na si Rui!" bulalas ng mga ito at ang binata ay mabilis na naglakad palayo habang nakangiti na tila walang gagawing mabuti.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม