14. Burned

2853 คำ
NANG gabing iyon, matapos kumain ng lahat sa Hell Dormitory, nagsalita nga bigla ang taga-bantay ng mga first years na si Leonora habang nakaupo pa sila nang magkakasama sa hapag-kainan. Bago iyon ay isa-isa niya munang pinagmasdan ang mga ito.   “Ayaw ko nang mauulit ang nangyari kanina. Kung hinahanap ninyo si Bazil… Napagdesisyunan sa taas na siya’y patalsikin sa paaralang ito. Hindi katanggap-tanggap sa paaralan na siya ay narito gayong ang kanyang kilos ay hindi nararapat para maging isang bayani sa hinaharap.”   Sandali namang tumingin si Leonora kay Freya matapos sabihin iyon at ganoon din nga kay Beazt na nakatingin lang sa malayo na tila ba walang pakialam sa mga sinasabi niya. Gustuhin man niyang tumuon ang pansin ng binatang walang aura sa kanya ay wala naman siyang interes na gawin iyon. Iyon ay sapagkat, pakiramdam niya ay ito na ang natural na ugali nito.   Napapansin na niyang walang pakialam si Beazt sa nangyayari sa paligid mula nang makita niya ito rito. Ni hindi niya ito makitaan ng emosyon tuwing magkakasalubong ang kanilang mga mata. Kahit nga ikinatuwa niya ang pagpapabagsak nito kay Bazil at ang pagliligtas kay Freya, tila ba gusto lamang makita nito kung hanggang saan ang antas ng kakayahan nito. Parang ang nais lamang ni Beazt ay malaman kung hanggang saan ang kanyang lakas. Kung ano ang kanyang kapangyarihan. Kung kaya ba niyang talunin ang mga naglalakasang indibidwal sa lugar na ito sa pamamagitan ng hindi niya pa malamang abilidad. Ito’y kung mayroon ba talaga siya nito o kung ang pisikal na lakas lang talaga ang kanyang magiging sandalan sa pagdating ng hinaharap.   Nakikita rin ni Leonora na wala itong interes sa pagiging isang bayani. Ang tanging nakikita niya sa binatang ito ay ang paghahanap ng kapangyarihan at paghahanap kung hanggang saan ba ito tatagal sa mundong ito na kung saan ang lahat ay may aura na nagsisilbing lakas ng bawat isa.   Muli nga siyang nagsalita.   “Unang araw pa lamang ninyo ay may nangyari na kaagad. Ano pa bukas? O sa susunod na mga araw?” wika ni Leonora at sa gitna ng tila katahimikan ay biglang nagsalita si Beazt.   “Maglalaban kami bukas ni Enma. Gusto ko siyang matalo at maging taga-sunod,” wika ni Beazt habang nakatingin kay Enma na napangiti na lamang nang marinig iyon.   Ang mga katabi ni Beazt na sina Claude, biglang napangiti nang pilit sapagkat sumama ang tingin ni Leonora sa binata matapos marinig iyon.   Napatingin din si Leonora kay Enma. Habang si Freya, bahagyang nabigla naman nang marinig iyon.   “B-beazt! Sa oras na ituloy mo ang gusto mo ay papatalsikin kita sa paaralang ito?” matigas na sabi ni Leonora na biglang kumawala ang pulang aura.   Si Speed, napatingin naman sa kaibigan. Natatawa siyang hindi naman niya maipakita dahil baka mapagalitan siya ng matanda.   “B-beazt, p-pwede sigurong huwag mo nang ituloy iyan?” sabi ni Speed na nginingitian ang kanyang kaibigang seryosong nakatingin sa kanya na tila sinasabing wala siyang magagawa upang siya ay pigilan.   “E-enma… P-pwede bang sa sunod na buwan na lang ninyo gawin iyan? P-palamigin muna natin ang nangyari kahapon?” wika muli ni Speed habang nakatingin sa magkapatid na Enma at Mirai.   Sandaling ngumiti si Enma kay Speed at dito na ito nagsalita.   “Kung aatras ang kaibigan mo ay ganoon din naman ako. Tama si Madam Leonora, mukhang mas mabuti nga yatang huwag na nating ituloy ang laban natin bukas,” wika ni Enma at pagkatapos ay sumulyap ito kay Beazt na nakatingin sa kanya.   “Beazt, sa sunod na lang? Palagay mo?” nakangiting tanong naman ni Speed dito.   Si Beazt, tiningnan ang kaibigan at tumingin kay Enma.   “Ibig-sabihin ba niyan ay umaatras ka na sa ating laban?” wika ni Beazt at si Leonora ay napatingin sa binata at napatayo.   “Matigas ang ulo mo Beazt,” sambit ni Leonora at sa pagtayo nito ay biglang nagliwanag lalo ang aura nito. Ang mga nasa harapan ng mesa ay napatayo at napalayo kaagad mula rito. Si Freya nga ay umalis din pero malumanay lang ito, habang si Beazt… seryoso lang itong nakatingin sa matanda na papalapit na sa kanya. Nanatili pa rin siyang nakaupo at hindi man lang nasindak dito.   “Bakit ka ba Beazt pumasok sa paaralang ito? Alam kong hindi ka interesadong maging bayani…”   Ang lahat nga ay nagpakawala na rin ng kanilang mga aura sapagkat biglang kumawala ang hangin mula sa kinatatayuan ni Leonora. Iyon ay upang protektahan ang kanilang mga sarili. Tila ba nawawala na ang matanda sa pagiging taga-bantay nito ng Hell Dormitory. Ibang Leonora ang nakikita nila ngayon.   “Kung matatamaan mo ako, papahintulutan ko ang Tagisan ninyo ni Enma… Subalit kung hindi at mapabagsak kita… Obligado kang itigil ang gusto mo,” wika ng matanda na nagdidilim ang paningin at ang aura naman nito ay nagliliyab.   Si Beazt, pagkarinig pa lang noon ay agad na tumayo.   Dito na nagulat ang lahat. Si Beazt, mabilis na dumiretso kay Leonora. Ni wala man lang itong pag-aalinlangan na gawin iyon.   “Nasisiraan ka ng ulo! Pati bantay natin ay gusto mong labanan,” inis na wika ni Freya sa sarili.   Si Speed naman ay napapailing na lang, pero, ano ba ang magagawa niya? Ito talaga si Beazt, ang kanyang kaibigan!   Napangisi na lang si Leonora nang makitang aatakehin siya ng binata. Ni minsan ay wala pang estudyante ang gumawa nito sa kanya. Kawalang-respeto ito kung titingnan pero para sa matanda… Isa itong pagkakataon upang turuan ng leksyon ang isang ito.   Isang imahe ng dambuhalang ahas ang lumitaw mula sa aura ni Leonora at pagkatapos ay biglang gumalaw ang mga paa ng matanda na tila natural lamang. Si Beazt naman ay mabilis na ikinuyom ang kamao, kasabay ng paghakbang niya pauna ay ang pagdaan ng kanang kamao niya mula sa ibaba. Pisikal na lakas, normal na suntok lang itong bibitawan niya.   Si Leonora naman ay tila naglaho sa hangin at ang imahe nito ay unti-unting gumalaw pa-kaliwa at pa-kanan. Nakikitang naiiwan ang katawan nito na napupunta agad sa ibang direksyon.   Ang ilang mga estudyante, hindi maiwasang magulat sa mabilis na galaw ng matanda. Kahit nasa ganoong edad na ito ay makikitaan pa rin ito ng bilis at liksi.   “Huwag kayong humanga… Sadyang mabagal lang si Beazt dahil wala itong kapangyarihan. Magmumukhang mabilis talaga ang matanda kung isang walang aura ang papakitaan nito,” wika ni Vruce na kasalukuyang nagpapalagutok ng buto sa mga kamao nito. Hindi pa rin buo ang paniniwala nito sa kakayahan ni Beazt.   Ang matandang si Leonora, nasa likuran na agad ni Beazt. Ang mga daliri ng matanda ay itinuwid niya nang magkakatabi. Kasabay noon ay ang paglabas ng imahe ng ahas sa mga ito. Nagliwanag iyon at nabalutan ng sarili nitong aura.   “Snake Bite,” sambit ng matanda at dito’y biglang gumalaw ang mga kamay nito papunta sa likod ni Beazt.   Napakabilis ng mga nangyari, may kung anong naramdaman lang si Beazt na mahinang tumama sa kanyang likod. Pero makalipas ang limang segundo ay nagpintig agad ang katawan niya. Tila may pumaralisa sa kanya. Nanginig ang kanyang mga tuhod at kusa na lang siyang bumagsak matapos iyon.   “Talo ka na Beazt, ihinto mo na ang gusto mong Tagisan. Masyado ka pang mahina. Hindi mo matatalo si Enma.”   “Sabihin na nating natalo mo si Bazil, ngunit, balot ang emosyon nito ng inis. Sa oras na ang makalaban mo ay isang kalmadong mandirigma… Dito na lalantad ang iyong kahinaan. Ang kahinaan ng isang walang aura na katulad mo!” wika pa ng matanda habang pinagmamasdan ang binata na nakabulagta sa gilid ng mesa.   Pinagmasdan ni Leonora ang mga estudyante, pagkatapos.   “Kayo, magsibalik na kayo sa silid ninyo. Luke at Freya Manchester! Kayo ang magligpit at mag-hugas ng plato sa gabing ito,” wika ng matanda.   Si Freya napatingin sa kanyang pinsan na tila may kinikimkim na problema. Pagkatapos noon ay naisipan niyang tumutol sa gusto ni Leonora, ngunit nang tingnan niya ito ay napaatras siya. Tila may kung ano’ng enerhiya ang nagpa-atras sa kanya matapos iyon.   “Kagaya ng kay Ama… Ginagawa niya rin sa akin ito madalas,” sabi niya sa sarili at napayuko siya. Mabilis siyang pumunta sa mesa. Napatingin pa ito kay Beazt na kasalukuyang nagpupumiglas habang nakahiga. Sinusubukan pa rin nitong bumangon kahit hindi na kaya.   Si Speed, pupuntahan naman sana ang kaibigan ngunit pinigilan siya ni Leonora gamit ang titig nito.   “Hayaan mo siya,” wika ng matanda at si Speed ay napaatras na lang. Sumang-ayon agad ito. Bumalik na rin ito sa kanyang silid habang pasimpleng sinulyapan ang kaibigan.   “Okay lang iyan… Parte iyan ng pagpapalakas. Hindi ka laging mananalo…” sambit pa ni Speed na biglang napangiti nang bahagya habang naglalakad.   Dali-dali namang niligpit ni Freya ang mga pinagkainan sa mesa habang si Leonora naman ay umalis na. Dito ay naiwan silang tatlo roon. Ang kanyang pinsan na tahimik nang oras na iyon at si Beazt na nakakatayo na pero natutumba uli.   “May nangyari ba sa iyo Luke?” biglang tanong ni Freya rito na kanina pang naninibago. Naglakad si Freya sa pwesto kung nasaan si Beazt dahil may aabutin din siyang pinagkainan dito. Ngunit paglapit niya roon ay may kamay na humawak nang mahigpit sa kanyang kanang binti. Si Beazt! Mukhang hindi nito napansin na binti na pala ang nahawakan nito.   Nagdilim naman agad ang paningin ng dalaga dahil doon. Huminga siya nang malalim at pagkatapos ay sinipa niya ang binata nang medyo may kalakasan. Nakita iyon ni Luke at nagkatinginan ang mag-pinsan. Pagkatapos ay nagligpit na uli sila na tila ba walang nangyari.   Ang sipa ni Freya ay tumama sa tagiliran ni Beazt at napagulong pa ito ng ilang hakbang. Pagkatapos noon ay mabilis na bumangon ang binata sapagkat biglang nawala ang namamanhid na pakiramdam niya sa kanyang katawan.   Pagkatayo ni Beazt ay sumigaw ito. Kagaya iyon ng madalas niyang ginagawa sa gubat noon kapag naglalambitin siya sa mahahabang bagin sa may gilid ng ilog. Sa pagsigaw niyang iyon ay hindi naman inaasahan ni Freya na siya’y magugulat dahil wala siyang kaalam-alam na nakabangon na pala muli ito. Nakatalikod na ang dalaga kaya hindi niya napansin ang pagtayo ni Beazt.   Dahil nga sa pagkagulat na iyon, ang mga hawak nitong plato ay nahulog sa sahig. Lahat ng iyon ay nabasag at umalingawngaw sa lugar na iyon ang tunog na dulot noon.   Si Luke, napatingin na lang sa mga basag na plato at baso. Tiningnan niya ang kanyang pinsan at pagkatapos ay napangisi. Isang usok ang lumabas sa katawan nito at sa isang kisap ng mata, naglaho ito. Iniwanan nga niya ang kanyang pinsan.   “Ano’ng nangyari!? Nakarinig ako ng nabasag!” bulalas ni Leonora na humangos agad patungo rito nang marinig iyon mula sa pwesto nito.   Napaseryoso si Freya nang marinig iyon. Mabilis siyang lumingon sa likuran para ituro si Beazt, ngunit wala na ito rito. Siya na lamang pala ang natitira roon, at dahil nakabasag siya ay sinermonan siya ni Leonora na napakabihira niyang maranasan nang nasa bahay pa siya ng mga Manchester.   “B-beazt!” sigaw niya sa kanyang sarili nang mga oras na iyon. Wala siyang nagawa kundi ang maging isang maamong tupa habang binubungangaan ni Leonora.   “Kahit isa ka pang Manchester, may karapatan akong pagsabihan ka. Sa dormitoryong ito… pare-pareho lang kayo. Malinaw ba iyon Freya? Sa oras na makabasag ka pa ng kahit anong gamit dito, ikaw na ang araw-araw kong paglilinisin ng bahay na ito!” nakapamaywang si Leonora habang sinasabi iyon sa nakayukong dalaga.   “P-patawad po…” wika ni Freya na nagmamadaling nilinis ang mga nabasag na plato’t baso.   Inis na inis siyang pumunta sa hugasan at naabutan niya si Luke na pasipol-sipol. Tila bumalik na ito sa dati nitong ugali. Tila hindi na niya nakikita na may problema ito kumpara kanina.   “Aba, bumalik ka na sa normal Luke?” inis na wika ni Freya na mabilis na inalis ang sebo ng isang pinggan na hawak niya gamit ang mabulang pangkuskos dito.   “Nakakagaan ng pakiramdam na makita kang parang mabait na tupa. Kagaya ng ginagawa sa iyo ng iyong kuya Hellio,” ani Luke na sinundan pa ng isang maiksing pagtawa.   Si Freya, napatahimik na lang nang marinig ang pangalan ng kanyang kuya. Gusto niyang pagbabasagin ang mga hinuhugas niya ngunit hindi pwede. Mas lalo lang din siyang nainis dahil kay Luke. Gusto niya itong suntukin ngunit hindi rin pwede.   Samantala, si Beazt naman ay nasa loob na ng silid nito. Nakaupo lang ito sa may bintana habang nakatingin sa mga bituin sa langit. Naalala niya ang ginawa ni Leonora kanina, ni hindi man lang niya nalamang nasa likuran na niya agad ito. Kung muli niya itong lalabanan ay tiyak na wala pa rin siyang magagawa laban dito.   Napatingin na lang siya sa kanyang kamao at isinuntok niya iyon sa hangin.   “May kapangyarihan ba ako? Gusto kong malaman…”   Binuksan niya ang bintana ng kanyang silid. Mula roon ay tumalon siya palabas. Hindi maalis sa isip niya ang nangyari kanina. Gusto niyang malaman kung paano magagawan ng paraan ang ginawa ni Leonora sa kanya. Kung wala raw siyang magagawa kontra roon, paano niya matatalo ang mga malalakas na indibidwal sa paaralang ito?   Pinasok niya ang gubat sa norte ng dormitoryo. Tumakbo lang siya nang tumakbo. Hindi niya namamalayan na nakakalayo na siya. Mas pinabilis niya ang kanyang pagtakbo hanggang sa mapatigil siya sa isang mataas na burol. Napatingin siya sa nasa harapan niya matapos iyon.   Umihip nga ang napakalakas na hangin at ang liwanag ng buwan at mga bituin ay ang nagbigay ilaw sa mga burol ng Purif na nasa loob mismo ng eskwelahan. Napatingin siya sa isa sa mga burol na iyon, at isang maliwanag na bagay ang bigla nga niyang nakita roon. Nakaramdam si Beazt na tila may isang napakalakas na indibidwal ang naroon. Wala siyang ideya sa kung ano iyon, ngunit ang mga paa niya ay nagpadausdos paibaba. Tumakbo siya patungo roon upang makita at malaman ang pinagmumulan ng malakas na presensyang iyon.   Napakalayo pa niya sa kanyang gustong puntahan at kung tatakbuhin niya lang ito, aabutin siya ng isang oras bago marating iyon.   Napahinto nga muli siya nang makitang gumalaw ang ilaw na kanyang nakitang iyon. Patungo iyon sa direksyon niya. Sa simula ay maliit lang iyon sa kanyang mga mata, ngunit habang papalapit ito… dito na niya naaninag ang bagay na iyon.   Isang dragon iyon na ang katawan ay nababalot ng puting apoy. Napakaliwanag noon at napakalaki rin habang papalapit nang papalapit sa direksyon ni Beazt. Habang papalapit ito ay nararamdaman ng binata ang pag-init ng atmospera. Pero kahit na ganoon, ang mga puno sa dinaraanan nito ay hindi man lang nasusunog sa pagdaan ng apoy na dragong iyon.   Naalerto agad si Beazt dahil papalapit na ito nang papalapit sa kanya. Mula sa ulo ng dragong iyon ay may kung ano’ng tumalon mula roon. Isang lalaking may puting apoy na buhok ang lumapag sa harapan niya. Ni hindi lumapat ang paa nito sa lupa at nanatiling nakalutang. Napakaliwanag nito, dahilan upang hindi man lang niya magawang tingnan nang diretso ito.   “M-malakas ang isang ito…” sabi ni Beazt sa sarili na hindi magawang maaninag ang mukha ng nasa harapan niya.   “Walang puwang ang tulad mo sa paaralang ito…” sambit ng indibidwal na iyon.   “Ang pagiging walang aura mo ang tutupok sa katawan mo hanggang sa ito’y maging abo…”   “White Flame of Hell!” bulalas ng lalaking iyon at ang puting apoy ay rumagasa mula sa kamay nito. Bumulusok iyon nang diretso patungo kay Beazt.   Napakatahimik ng gabing iyon, sa kabila ng liwanag ng puting apoy na iyon sa bundok… ni isa ay walang nakakapansin noon. Tanging si Beazt lang ang nakakita sa apoy at sa dragon ng lalaking iyon.   Napapikit si Beazt dahil sa sobrang init. Nakakaramdam siya ng sobrang sakit na pakiramdam, subalit hindi man lang siya sumigaw o humiyaw. Bagkus, tinanggap niya ang pagtupok sa kanya ng apoy na iyon. Hanggang sa ang kanyang katawan nga ay hindi na nakayanan ang init at tindi noon. Unti-unti na niyang nararamdaman ang paglapnos at pagtupok nito sa kanyang katawa.   Ngumisi naman ang nagmamay-ari ng apoy na iyon nang makita ang reaksyon ni Beazt.   “Kung may aura ka ay baka naging malakas ka… ngunit nabuhay kang wala. Ang apoy ko ang maghahatol sa kapalaran mo. Ang apoy na ito ang tatapos sa buhay ng isang mahinang nilalang na kagaya mo…”   Matapos iyon ay unti-unting naglaho ang katawan ni Beazt sapagkat tinupok ito hanggang sa mangitim at maging abo. Hindi kinaya ng katawan niya ang init ng apoy na dulot ng atakeng iyon. Sa huling sandali niya, nanatili siyang walang emosyong ipinakita. Ni hindi man lang siya natakot sa kanyang kamatayan.   Ang apoy na dragon sa ere ay bigla na ring naglaho, kasabay din iyon ng apoy na pumapalibot sa lalaking nagmamay-ari nito. Nakangisi nga itong pinasok ang madilim na parte ng gubat kasabay ng pag-iiwan nito ng ilang salita sa hangin.   “Ang walang aura na binata… ay patay na.”
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม